Showing posts with label 90's. Show all posts
Showing posts with label 90's. Show all posts

Sunday, May 18, 2014

Featured Blogger: Thë Walrus

RALVIN "Thë Walrus" DIZON
"Kung hindi abot ng utak mo ang pinagsasabi namin dito, hindi rin namin maabot ang punto ng pag-iisip mo."

Isa sa mga frustrations ko sa buhay ay ang matutong mag-drawing ng malufet. 

Noong ako ay bata pa, natatandaan kong mahilig akong magkulay ng mga coloring books na binibili ni ermats mula sa palengke. Bilib na bilib ang mga magulang at mga kamag-anak ko noon dahil sa murang edad ay nakukulayan ko ang mga nakapaloob sa libro nang maayos, walang lampas, at maganda ang kombinasyon. Sariwa pa rin sa aking mga alaala ang husay ko sa pagguhit. Ramdam ko noon ang angking talento ko dahil nasasali ako sa mga paligsahan noong ako ay nag-aaral pa sa Mababang Paaralan ng Kampo Crame kahit na kadalasan nama'y umuuwi akong luhaan.

Hindi ko alam kung anong puwersa mula sa kalangitan ang nasalo ko noong nagsisimulang tumubo na ang mga kakaibang buhok o balahibo sa mga nakakatawang parte ng aking katawan. Bigla nalang nawala ang sariling utak ng aking mga kamay sa pagguhit at umasa nalang sa tracing paper.

Ngayon, kapag nakakakita ako ng mga malulufet na obra ay lubos agad akong humahanga sa kung sino man ng gumawa nito. Ngunit huwag niyong isipin na mababa ang panlasa ko sa sining dahil marunong din naman akong kumilatis ng "work of art".

Hindi ko maalala kung paano nagkrus ang landas namin sa mundo ni Mark Zuckerberg pero ang tanging natatandaan ko ay sobra akong naglaway sa mga larawang kanyang iginuhit gamit ang bolpen! Potah, akala ko noong una ay gawa ang mga ito gamit ang kung anong pang-kulay maliban sa tinta ng bolpen. Hindi ako makapaniwala sa mga nakita ko kaya sa naging instant fan ako ni Sir Ralvin Dizon

Tuesday, April 8, 2014

Anong Paki Mo sa Long Hair Ko

"Isa kang Batang 90's kung alam mong karamihan ng mga kalalakihan noong Dekada NoBenta ay mahahaba ang buhok."


Napakalaking bagay sa ating mga tao ang istilo ng buhok. 
 
Your hair is your crowning glory. Guluhin mo na ang lahat, huwag lang ang buhok ko. Basta kulot, salot. Kalbo, masamang tao. Ang haba ng hair.

Kahit na baguhin mo lang nang kaunti ang iyong buhok ay siguradong hindi ito makakaligtas sa puna ng iyong mga kakilala. Ito ang kadalasang unang nakikita kaya naman ay ito rin ang madalas na nataandaan sa isang tao. 

Noong kasikatan ng teleseryeng "Abangan ang Susunod na Kabanata...", ang mga kakaibang hairstyles ni Barbara Tengco ang madalas na mapansin sa bawa't episode. Nang maakusahan ang dating Calauan Mayor Antonio Sanchez sa panggagahasa, mas unang napuna ang kanyang pambihirang buhok (na para sa akin ay namana ng dating drummer ng Hale). Bukod sa mga kontrobersiyang kinasangkutan noon ni Dennis Rodman, hindi rin makakalimutan ng aming henerasyon ang makulay niyang buhok sa tuwing naglalaro sa court. May lulufet pa ba sa mga buhok nina MC Hammer at Vanilla Ice na noo'y kapwa naglalaban para sa trono ng pagra-rap?

Kadalasan ring nagiging basehan ng pagkatao ang ating mga buhok. Mali man, pero ito ang katotohanang madalas mangyari.

May kakilala akong ilang beses nang sumubok na makakuha ng visa mula sa US embassy ngunit ilang beses na ring nabigo. Hindi ko lang siya masabihang subukan niyang magpatubo ng buhok o kaya naman ay magsuot ng peluka dahil baka maumbagan niya ako ng kanyang mabigat na kamao. Walang masamang tinapay pero sa tingin ko mahihirapan naman talagang maaprubahan ng consul ang mga taong kasing-kalbo ni Pipoy!

Noong panahon ko, nauso ang mga "long hair", ang mga kabataang may mahahabang buhok na sa tingin ng karamihan ay mga adik at satanista dahil na rin sa musikang kanilang kinahihiligan.

Tuesday, March 25, 2014

Errorplano


"Isa kang Batang 90's kung alam mong walang nakaligtas sa trahedya ng Cebu Pacific Flight 387."
Laman ngayon ng mga balita ang patuloy na paghahanap sa eroplanong misteryosong nawala nang maglakbay ito noong March 8, 2014 mula Malaysia papunta sanang Beijing. Hanggang sa ngayon habang isinusulat ko ito ay hindi pa rin natatagpuan ang nawawalang Boeing 777-200ER ng Malaysia Airlines, Flight MH370, na may lulang 239 katao.

Habang pinapanood ko sa teevee ang mga ulat tungkol sa MH370 ay hindi ko maiwasang maalala ang trahedyang naganap sa Pinas dalawang taon bago matapos ang Dekada NoBenta. Nang sumalpok ang eroplano ng Cebu Pacific sa Mt. Sumagaya noong February 2, 1998, itinuring ito bilang “pinakamalalang trahedyang panghimpapawid sa kasaysayan ng Pilipinas”. Walang nakaligtas sa 99 na pasahero at 5 tripulante ng Flight 387

Friday, March 21, 2014

Ang Sipon ni Pavarotti

 
 "Isa kang Batang 90's kung alam mong muntikan nang hindi matuloy ang konsyerto ni Pavarotti sa Maynila."


Ang musika ay isang wikang naiintindihan ng lahat.

Walang pinagkaiba ang "Macarena" ng Los Del Rio,na sumikat noong Dekada NoBenta, at ang "Gangnam Style" ni Psy na kinabaliwan ng buong mundo kamakailan lang. Hindi batid sa dalawang mga kanta kung ano ang ibig sabihin pero maganda raw sa pandinig at masarap sayawin kaya ito pumatok nang wagas.

Dalawang dekada na ang nakararaan, pinatunayan din ito ng sambayanang Pinoy nang dayuhin ng sikat na tenor Luciano Pavarotti ang Pinas upang magtanghal ng isang konsiyerto sa  Philippine International Convention Center noong March 21, 1994.

Wednesday, January 22, 2014

Zigazig-Ha


"Isa kang Batang 90's kung alam mo ang pangalan ng grupong nagpasikat ng kantang 'Wannabe'."

Noong Dekada NoBenta ay napakaraming mga grupong sumulpot na parang kabute sa natuyong ebak ng kalabaw matapos ang matinding ulan. Sila ang mga tinatawag na boy bands na hindi naman talaga banda dahil bihira lang sa kanila ang marunong tumugtog ng mga instrumentong pang-musika. Karamihan sa kanila ay puro porma, ka-guwapuhan, at matinding paghawak lang ng mikropono habang nakaluhod ang alam lang.

Take That, East 17, Boyzone, Westlife, Five, Another Level, Point Break, Boyz II Men, Backstreet Boys, 98 Degrees, 'N Sync, The Moffatts, at Hanson. Ang dami dami dami dami dami dami dammit nila pero ayon nga sa Eheads, puro laos ang natira.

Kung merong mga grupo ng kalalakihan, siyempre ay hindi nagpadaig ang mga grupo ng mga kababaihan. Marami rin ang mga girl bands na nabuo noong Nineties pero isa lang ang talagang sariwa pa sa aking alaala, ang Spice Girls na nagpasikat sa kantang "Wannabe".

Tuesday, January 7, 2014

Banal na Awto



"Isa kang Batang 90's kung alam mo ang tawag sa sinakyan ni Pope John Paul II sa paglilibot niya sa Maynila noong 1995 World Youth Day."

Noong 1995 ay dinalaw ng Santo Papa ang Pilipinas upang idaos ang kauna-unahang pagdiriwang ng "World Youth Day" sa Asya. Mula January 10 hanggang 15 ay nagsama-sama ang mga kabataang kinatawan ng iba't ibang bansa upang magdasal, kilalanin ang kultura ng bawa't isa, at maging "magkakapatid" sa mga mata ng Diyos.

Natatandaan kong isa sana ako sa mga delegado ng aming paaralan para sa WYD '95. Mayroon na akong orientation kit ng isa sa mga pinakamahalagang pangyayari noong Dekada NoBenta noon at hanggang ngayon ay nasa akin pa ang ID ko para rito.  Kabisado na naming magkakaklase ang anthem nitong "Tell the World of His Love" at ang theme nitong "As the Father sent me, so am I sending you.".

Ang hindi ko lang matandaan ay kung bakit hindi ako nakasama sa Luneta. Nagkasakit ba ako o mas pinili kong manatili nalang sa loob ng bahay dahil walang pasok sa eskuwelahan? Nabaon talaga ang bahaging ito ng buhay ko sa kalimot. Sayang at hindi ako naging bahagi ng "largest Papal gathering in Roman Catholic history" na ayon sa mga tala ay dinaluhan ng limang milyung katao.

Ang tanging natatandaan ko nalang ay ang pagtutok namin sa GMA7, ang official network ng makasaysayang kaganapan, upang mapanood si Pope John Paul II lulan ng kanyang banal na awtong mas kilala sa tawag na popemobile.

Monday, December 16, 2013

And Time Ghost By


 
"Isa kang Batang 90's kung nasaksihan mo ang pagiging patok sa takilya ng pelikulang 'Ghost' sa Pilipinas."

Ayon sa kasabihan ng mga matatanda, ang kaluluwa raw ng isang tao ay hindi natatahimik hangga't hindi nito naipararating ang huling mensahe sa kanyang mahal sa buhay. Ang tunay na pag-ibig daw ay hindi nawawala at napapatunayan hanggang sa kabilang anyo ng buhay.

Noong unang taon ng Dekada NoBenta ay ipinalabas ang pelikulang "Ghost" na pinagbidahan nila Patrick Swayze, Demi Moore, at Whoopi Goldberg.  Sa Tate ay una itong ipinalabas sa mga sinehan noong July 13, 1990, at narating ang bayan ni Juan Tamad noong October 31, 1990. Kumita ito ng $505.7M sa takilya na naging dahilan upang maging "top grosser" noong taong iyon. Habang isinusulat ko ito ay kinakilala ang pelikulang ito bilang "91st-highest-grossing film of all time". Tubong-lugaw ang kinita ng mga producers nito dahil ang kabuuang budget nito ay $22M lang naman!

Saturday, November 2, 2013

Bullet in the Head


"Isa kang Batang 90's kung alam mo ang pangalan ng salarin sa Hultman-Chapman Double Murder Case."

Masarap manirahan sa Pilipinas dahil malaya ang mga tao.

Ang siste nga lang, ang sobrang kalayaan nating mga Pinoy ay nagiging dahilan minsan upang matakot tayong mamuhay sa Lupang Hinirang.

Gaano ka kasiguradong hindi ka mapapahamak sa iyong paglalakad sa isang madilim na lugar sa dis-oras ng gabi? Ako, sigurado akong "Hindi ako sigurado." ang isasagot mo.

Mahal ko ang bayan ni Juan ngunit minsan ay napapaisip akong manirahan nalang sa ibang bansa kung saan wala kang pangambang iniisip sa tuwing maglalakad nang mag-isa. Hindi ko sinasabing ligtas sa ibang mga bansa pero alam nating may ilang mga bayan na mas mababa ang bilang ng mga krimeng nagaganap. 

Hindi na tayo nagugulat ngayon sa mga balitang may isang babaeng ginahasa sa isang eskinita bago ginilitan. O kaya naman ay isang binatilyong hinoldap muna tsaka pinatay. Ice pick, balisong, baril, at iba pang mga bagay na nakamamatay - name it, we have it!

Kahit na noong Dekada NoBenta, ang mga krimeng katulad ng nabanggit ko ay hindi na bago dahil simula nang mawala ang kinatatakutang kurpyo, mas dumami ang mga ganitong klase ng karahasan. Madalas silang laman ng mga pangunahing-balita sa teevee at ng mga duguang front pages ng mga pahayagan.

Pero paano kung ang sangkot sa krimen ay kapwa mayayaman at naganap sa isang eksklusibong lugar na pinamumugaran ng mga bigatin ng bayan? Mas nakakagulat, hindi ba?

Sunday, October 20, 2013

Huwag Mo Nang Itanong

"Isa kang Batang 90's kung minsan ay pinangarap mong makausap ang ilang bigating tao noong Dekada NoBenta katulad ni Ely Buendia."

Ang tambayan kong puro kuwentong wala namang kuwenta ay may isang pahina na naglalaman ng mga hebigat interviews sa mga bigating nilalang na may kinalaman sa Dekada NoBenta. Kung sakaling bago ka lang dito sa aking pook-sapot, matatagpuan mo ang kawingan ng "Sampu't Sari" doon sa bandang kanan sa itaas ng iyong panginain. Koleksyon ito ng mga panayam na ginawa ko sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng mga sulatroniko kung saan nagbibigay ako sa aking panauhin ng sampung katanungang konektado sa 90's. 

Ano kaya ang mga kuwentong-karanasan ng mga celebrities noong Nineties? Madalas natin silang makita sa teevee noon, mabasa sa dyaryo, at mapakinggan sa radyo, ngunit sigurado akong may iba pa silang mga mas interesanteng istorya sa buhay noong kapanahunan natin.

Paano kaya ilalarawan ni Senator BBM sa itsura ng ating bansa noong bumalik siya sa Pinas noong 1991 matapos ang limang taong pananatili sa Hawaii? Ano kaya ang naging epekto kay Renmin Nadela at sa Agaw Agimat ng paglipat ni Lee sa Slapshock? Alam kaya ni Glenn Jacinto ang tsismis noon na namatay na daw siya? Nasubukan na kayang kantahin sa videoke ni Bong Espiritu ang signature song nilang "Sikat na si Pedro"?

Noong pinaplano ko pa lang ang konsepto ng pakulo kong ito, tatlo sa mga iniidolo ko ang unang pumasok sa aking isipan. Una ay si Jessica Zafra na tunay na nagbigay sa akin ng inspirasyon upang magsulat ng mga sanaysay. Pangalawa ay si Lourd De Veyra na wala na yatang aastig pa sa talas ng pananalita at puna sa mga bagay-bagay. Pangatlo ay ang nag-iisang si Ely Buendia.

Thursday, October 10, 2013

Nan Ha Ta



Habang tinitingnan niya ang kanilang estanteng pinaglalagyan ng kanyang mga koleksyon ay nabaling ang kanyang atensyon sa ilang mga bagay na iniregalo ng kanyang ama at ina sa ilang mga importanteng okasyon sa kanyang buhay.

Anak, pasensya ka na kung hindi orihinal na Nintendo Family Computer ang nabili ko para sa iyong pagtatapos sa elementarya.  Sabi naman ng pinagbilihan  ko ay pareho lang ang gamit niyan. Gagagana ang mga bala ng Nintendo basta gamitin mo lang iyong adaptor na kasama sa pakete.

Dad, wala pong problema sa akin kung hindi Nintendo ang tatak. Ang masaya po ay ang pag-alala niyo sa aking pagtatapos. Alay ko po sa inyong paghihirap sa trabaho ang ikalawang karangalan na aking natanggap.

Ipinagmamalaki ko, anak, ang pagkilalang ibinigay sa iyo ng inyong paaralan para sa iyong katalinuhan. ‘Yan ang anak ko, manang-mana sa akin!

Opo naman, mana ako sa iyo pati kay Mommy. I love you, Dad!

Mahal din kita anak. Mas pagbutihan mo pa ang iyong pag-aaral dahil ang makita kang ganyan ay sapat na upang mawala ang mga pagod ko trabaho. 

Makakaasa po kayo, Dad.

Turuan mo akong maglaro niyang family computer mo  kapag hindi ako abala sa trabaho ha.

Siyempre naman, Daddy!

Thursday, September 19, 2013

Sampu't Sari: Glenn Jacinto ng Teeth

 "Without music, life is a journey through a desert.", Pat Conroy

Habang ang Seattle ni Uncle Sam ay nakikilala sa buong mundo dahil sa kanilang Grunge Movement, ang Pilipinas ay sumabay din sa pagkakaroon ng sariling "rebolusyon" sa industriya ng musika. Ang Dekada NoBenta ay ang maituturing na "Golden Age of Filipino Alternative Music" kung kailan ang underground na tugtugan ay biglang nilamon ng buhay ang mainstream radio.

Nang umere ang LA105.9, nagkaroon ng kamalayan ang mga Pinoy na hindi lamang sa mga labsungs at kung anu-anong ka-sentihan nabubuhay ang tao. Ang himpilan nila ang nagbukas ng pinto para sa mga grupong sobra sa talento ngunit hindi napapansin ng mga kapitalistang record labels. Tanging istasyon lang nila ang nagpapatugtog ng mga awitin mula sa mga hindi kilalang kombo. Tuwing Linggo ay inaabangan ng mga rockers o "metal" ang kanilang "Filipino Alternative Countdown" upang malaman kung sino ang numero uno sa mga awiting sinasabayan ng mga nagbabagong tagapakinig ng bayan. Isa sa mga naghari sa lingguhang listahan ay ang "Laklak" na tumagal ng 12 weeks.

Dalawang dekada na, September 1993 nang magsama-sama ang tatlong dating miyembro ng Riftshifta - Jerome Velasco (guitars), Peding Narvaja (bass), Mike Dizon (drums), at dating miyembro ng Loudhouse na si GLENN JACINTO (vocals) upang magtayo ng grupong tinawag nilang Teeth

Oo, mga ka-dekads, hindi sila "The Teeth".

Wednesday, September 18, 2013

Patikim ng Diyaryo (Part 2)

"Isa kang Batang 90's kung maraming naaalala sa tuwing nakakakita ng mga food chain newspaper ads mula sa Dekada NoBenta."

Kung natakam ang inyong mga alaala sa Part 1 ng mga patalastas sa dyaryo, lasapin mo pa ang Part 2 na ito upang ikaw ay ma-empatso.

 
May 4, 1991

Noong ako ay bata pa, tatlo lang ang alam kong doughnuts na naglalaban sa panlasa ko. Una ay ang mga binibenta sa panaderya, 'yung mga pinirito at pinagulong sa asukal na puti. Pangalawa ay ang Mister Donut na pinupuntahan namin nila ermats sa Farmer's Market, at pangatlo ay ang noo'y sikat na sikat na Dunkin' Donuts.

Isa silang banyagang coffeehouse chain na unang natikman sa Quincy, Massachusetts noong 1950. Nang dumating sila sa Pinas noong 1981 sa ilalim ng Golden Donuts Inc. ay wala pa ang mga pinupugaran ng mga social climbers, ang Krispy Kreme at Starbucks na kalaban nila sa Tate, kaya sila ang namumukod-tanging "pasalubong ng bayan". Ang una nilang branch sa bayan ni Juan ay sa Quad Car Park (ngayon ay Park Square) sa Makati.

Pinakapaborito ko sa lahat ng flavors sa doughnuts ay ang bavarian. Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag ang lasa nito pero isa lang ang masasabi ko, MASARAP. Hindi ito trip ni ermats dahil mukha daw uhog o luga. Kami naman ng utol kong si Pot, ang naaalala namin ay ang mukhang nanang lumalabas sa etits ng aso naming si Bitoy. Ganun pa mn, hindi kami nandiri sa kung ano mang naiisip sa itsura ng filling na ito.

Sunday, September 15, 2013

Sampu't Sari: Robert Javier ng The Youth

"Basahin motto para may philosophy ka rin."

Noong ako ay nahilig sa mga kombo-kombo at banda-banda, ang una kong pinangarap ay maging isang tambolero ngunit hindi ito nagkaroon ng katuparan dahil hindi magkasundo ang paghataw ng aking mga kamay at pagpadyak ng aking mga paa. Nagpaturo pa nga ako sa kaibigan kong drummer ngunit kahit bayaran ko ng per ora ay talagang sumuko siya sa mala-Syria kong body parts.

Nauso noong 90's ang gitara at halos lahat ng mga kabataan ay gustong magtayo ng sarili nilang banda kaya naengganyo rin akong sumali sa isang grupo bilang isang rhythm guitarist. Sa kabutihang-palad, naisama ako sa line-up ng Aneurysm ngunit bilang isang bahista.

Ayon kay idol Flea ng RHCP, "bass is the second lead guitar" kaya tinanggap ko na rin ang ten thousand five hundred pogi points na puwedeng makuha sa pagbabaho kahit na wala akong alam sa instrumentong iyon. Hindi ako magaling mag-leads kaya naman nahirapan din ako sa una kong pagkalabit ng mga kuwerdas ng baho. Ganun pa man, humugot ako ng inspirasyon sa mga iniidolo ko upang magampanan ang pagiging isang musikero. Isa sa mga itinuturing kong diyos sa industriya ng Pinoy Rock ay ang nag-iisang ROBERT JAVIER.

Thursday, August 29, 2013

Patikim ng Diyaryo (Part 1)

"Isa kang Batang 90's kung marami kang naaalala sa tuwing nakakakita ng mga food chain newspaper ads mula sa Dekada NoBenta."

Kapag nagbabasa ako ng diyaryo ay nagsisimula ako sa likod papuntang harapan. Hindi naman ako isang Hapon na baliktad ang pagbabasa pero mas inuuna ko kasing tingnan ang entertainment section, at kung anu-ano pang mga bagay na walang kinalaman sa madugong front page. Mas gugustuhin ko ring maghanap ng mga promos mula sa mga food chains kaysa ma-stress sa mga kuwentong-garapalan mula sa mga pulitiko.

Para sa akin, ang mga pahayagan ay ang tunay na mga "history books". Kapag nagbuklat ka ng mga lumang diyaryo ay makikita at mababasa mo ang mga nangyari noon nang detalyado. Biglang papasok sa iyong isipan ang mga alaala ng iyong nakaraan.

Nakahanap ako ng ilang patalastas ng mga food chains mula sa diyaryo. Subukan natin kung gaano na kinain ng "memory gap" ang ating mga isipan.

Time space warp, ngayon din!
 
August 22, 1992

Si Jollibee ay halos kasing-edad ko kaya sigurado akong isang Batang Nineties ang giant bubuyog. Naitatag noong January 28, 1978, nagsimula sila bilang isang Magnolia Ice Cream parlor sa Coronet, Cubao. Ipinakilala nila ang magiging pinakasikat na mascot ng Pinas noong 1980. 

Monday, August 19, 2013

Kasyet Tapes

 
"Isa kang Batang 90's kung naabutan mo ang mga cassette tapes at unti-unti nitong pagkawala."

Sa panahon ng makabagong teknolohiya, napakadaling gumawa, magbenta, at magnakaw ng musika. Isang pindot lang ng teklada ay mapapasaiyo na ang mga digital copies ng mga paborito mong kanta. Hindi na ako magugulat na kung isang araw ay gigising tayo na laos o tuluyuan nang naglaho ang mga compact discs dahil sa mga pirata. Sabagay, weather-weather nga lang 'yan sabi ni Kuya Kim. Internet ang papatay sa compact disc na pumatay sa CASSETTE TAPES.

Friday, August 9, 2013

Admin BORIS

"Isa kang malufet na Batang 90's kung naitago mo ang mga laruang kinalakihan mo noong Dekada NoBenta."

Nakilala ko si Ka-Dekads JHONNY CAYLAO sa "Kami ang Batang 90's" fan page sa efbee. Talagang napanganga ako at tumulo ang laway noong makita ko ang koleksyon niya ng mga 90's memorabilia partikular na ang mga laruan. Paksyet nmalagket, talagang nanghinayang akong bigla sa mga bagay na meron ako noong Nineties na nasira, napabayaan, at itinapon nalang sa basurahan! Meron akong mga naitabi ngunit wala ito sa kalingkingan ng dami ng kanyang koleksyon.

Tuesday, July 9, 2013

Buhay Kulungan

"Isa kang Batang 90's kung alam mong si Sarah Balabagan ay isang OFW na masuwerteng pinalaya ng gobyerno ng UAE sa kasong pagpatay."

Sa isang pagtitipon na aking nadaluhan noon ay biglang nagkagulo ang mga nakikisaya dahil sa pakiki-usi sa dumating na panauhin. Kaarawan ng aming ninang sa kasal, na noo'y Barangay Captain ng Brgy. Pinagkaisahan sa QC, ang okasyon na ipinagdiriwang kaya may mga programa sa barangay hall. Special guest pala si Sarah Balabagan at nandoon siya upang kantahin ang ilang mga awit mula sa kanyang self-titled debut album (1999) mula sa Sony Philippines sa produksyon ni idol Rey Valera.

Sa totoo lang, hindi ko matandaan kung ano ang mga kinanta niya noong gabing iyon ngunit sa pagkakaalala ko sa mga balita, ang awiting "Buhay Kulungan" ay ang isa sa mga kantang mula sa album na siya mismo ang sumulat ng liriko. Sumasalamin ito sa kanyang naging karansan sa loob ng bilangguan at ito ay kanyang personal na mensahe upang magsilbing inspirasyon sa mga ibang OFWs upang hindi nila sapitin ang kanyang dinanas sa mga kamay ng mga banyagang amo. Kasama rin sa kanyang unang album ang mga awiting "Jack En Poy", "Dalaga", "Salamat", at "Pilipino Ka". Kahit na maganda ang mga puna sa pagkakagawa ng mga kanta (musicianship, arrangement, etc.), hindi pinalampas ng mga kritiko ang boses ni Sarah. Hindi man ito pang-birit at pang-propesyanal na mang-aawit ay kinakitaan pa rin siya ng dedikasyon at potensyal.

Thursday, June 6, 2013

For the Man

"Isa kang Batang 90's kung alam mo kung sinu-sino ang mga kalaban ng Bioman."

Mukhang nauuso na talaga ang pagbabalik-tanaw dahil nagawaan na ng ulat ni Jessica Soho ang "Thursday Throwback" at "SentiSabado" sa kanyang mga programang SONA at KMJS. Salamat sa isang episode na napanood ko noong nakaraang Linggo, nalaman kong hindi lang pala ako gurang na hindi tumatanda sa tuwing kapiling sila Red One, Green Two, Blue Three, Yellow Four, at Pink Five!

Naikuwento ko na sa inyo ang pangarap kong palitan si Sammy dahil nabasa ko noon sa aking horoscope na ang aking lucky number ay two at ang lucky color ko ay green. Naikuwento ko na sa inyo ang kasaysayan ng bawa't miyembro ng Bioman at ang kani-kanilang mga katangian. Sa haba ng aking mga alaala ay naisip kong hati-hatiin ang mga ito para hindi naman kayo mabato sa pagbabasa. 

O sya, matapos ang halos isang taon, heto na ang Part Two.