Thursday, November 15, 2018

Take Me Down to the Paradise City


"Isa kang Batang 90's kung nakadalo ka sa 'Not in This Lifetime Tour' sa Philippine Arena."

Once upon a time, may dumating na package galing sa mga kamag-anak ko galing HK at kasama rito ang isang VHS tape na may nakalagay na "GUNS N' ROSES" bilang pamagat. Galing ito sa pinsan naming si Jon-Jon na isa ring panatiko ng grupo tulad namin ng utol kong si Pot.

Tuwang-tuwa kami noon dahil hindi na namin kailangang mag-abang sa MTV para lang makita sila Axl na tumutugtog. 'Yun nga lang, nakalimutan naming wala nga pala kaming VHS player at kailangan pa naming kumbinsihin ang japayuking kapitbahay naming si Dodie na makinood sa kanyang astig na teeveeng na may built-in player. Mabuti na lamang at isa siyang gitarista ng kombo-kombo sa Japan at isa ring Gunner katulad namin kaya hindi kami nahirapang yayain siya sa kanilang sariling bahay!

Matapos ang halos tatlong oras na panonood, kasama ang ilang beses na parinig ng kanyang ermats ng "Ang tagal namang matapos niyan.", ay umuwi kaming masaya at may mas maalab na paghanga sa aming mga iniidolo. Ang kopyang iyon ng "Use Your Illusion Tour" na ginanap sa Tokyo noong February 1992 ay ang isa sa mga 'di ko malilimutang concerts na napanood ko sa teevee. Itinaga ko sa bato na kapag pumunta sila Slash sa Pinas, papanoorin ko sila at doon ako sa harap nila pupuwesto!

Makalipas ang humigit dalawang dekada, makapag-asawa, at magkaroon ng tatlong anak ay nagulat ako nang mabalitaang magla-landing ang GNR sa Pinas. Naikuwento ko na noong nakaraan kung gaano ako kasabik na sumugal sa pagbili ng mga tickets para sa amin ni misis, kaya ikukuwento ko naman sa inyo ang nangyari bago at sa mismong araw ng konsyerto.

Hindi naman ako naging masyadong excited sa pagdating nila kaya nga panay ang isip ko kung kailan at saan lalapag ang kanilang pribadong eroplano. Saan din kayang hotel sila magche-checkin? Pangarap ko lang naman noon na salubungin sila sa paliparan na may dalang placard na "Welcome to Manila, motherfuckers!". Aabangan ko rin ang bawat miyembro sa kani-kanilang mga hotel rooms. Well, expected niyong hindi nangyari ang mga ito, kaya nga sobrang inggit ko kay Patricia Javier at asawa niyang si Dr. Rob Walcher na nakasalimuha ang grupo backstage dahil sa kanilang chiropractic services bago magtanghal sa harap ng libu-libong mga Pinoy!

Alam niyo, hindi ako talaga naging excited sa pagdating nila kaya nga matapos naming makabili ng tickets online ay gumawa pa ako ng playlist na sinaliksik ko pa sa mga past concert setlists sa mga bansang kabilang sa tour. Ang totoo, ibinahagi ko pa sa Mga Batang Dekada NoBenta fan page ang nagawa kong Spotify play list. Araw-araw na ginawa ng Diyos, ito lang naman ang pinapakinggan ko habang nagtatrabaho, naliligo, kumakain, naglalakbay, at habang tumatae. O ha, kung isa ka sa mga nakadalao, mapapansin mong halos tumpak ang nagawa kong listahan!


Noong nasa China pa ako, ang dami kong hinanap na mga t-shirts na puwedeng suotin namin ni misis sa araw ng gig. Sa mura ba naman ng mga bilihin sa Taobao (isang online site sa kaharian ng mga Intsik), ang dami kong nailagay sa aking shopping cart. Nagbalak pa nga akong magdala ng mga keychains na ibebenta ko sana sa murang halaga. Bibilihin ko sana ang mga iyon sa muling pagbalik ko galing bakasyon ngunit sa kabutihang palad ay nanatili ako sa Pinas para "mag-work from home" hanggang sa araw ng konsyerto. Sa huli, ang t-shirt nalang na aking idinisenyo para sa blog na ito ang isinuot ko. Sa mga gustong umorder, PM niyo lang ako. Hahaha!




Araw ng Linggo, November 11, 2018. Ang nakatakdang oras ng konsyerto ay 7:30 ng gabi. Hindi ako nagmamadali sa kasabikan kaya't 1:30 pa lang ng hapon ay umalis na kami ng Taguig upang lakbayin ang daan patungong Philippine Arena, ang sinasabing pinakamalaking covered arena sa buong mundo (?) at may kapasidad daw ito para 55,000 na katao! Nadala na ako sa nangyari sa amin ng mga katropa ko noong nanood kami ng "MTV Alternative Nation Tour" sa Araneta kaya naging prinsipyo ko na ang "Always be on time." kapag sasabak sa mga tugtugan. Hangga't maaari nga, be ahead of time! Sa dami ng manonood at layo ng venue mula sa Maynila, malaki ang posibilidad na mapako sa napakatinding sama ng trapik kaya hindi kami sumugal na umalis ng alanganing oras!



Taena, noong palabas na kami sa "Philippine Arena Exit" ng NLEX at natanaw ko na ang gusaling pagtatanghalan ay kumabog nang matindi ang puso ko. Para akong magpa-palpitate na aatakihin pero pinakiusapan ko muna ang heart ko na huwag dahil kailangan ko pang mapanood sila pareng Axl. Paikot sa rotonda ay nakita ko na ang dambuhalang billboard ng "Not in This Lifetime Tour". Sa labas ng arena ay natanaw ko naman ang mga kamukha kong panay nakaitim na kasuotan.

Heto na, narating na namin ang Paradise City!


Maraming salamat kay Sir JASPER LUCENA sa pagpapahiram ng malufet na litrato. Sir, marami pa akong hihiramin mula sa efbee mo!


2 comments: