Sa isang pamilyang Pinoy, hindi kumpleto ang isang bahay kung walang telebisyong makikita sa sala dahil likas na sa atin ang panonood. Ang kwadradong aparatong ito ang nagbibigay ng kung anong special bonding sa isang pamilya. Sa araw-araw nating pamumuhay ay kinakain ng appliance na ito ang ating mga oras. At sa bawat panonood natin ng mga lecheseryes, balitang showbis, at kung anu-ano pang mga nagbibigay ng aliw ay nasisingitan ng mga commercials ang ating buhay.
Noong mga huling taon ng Dekada Otsenta, ang hindi ko malilimutang mga patalastas ay ang "Joey Series" ng Royal Tru-Orange na mula sa Coca-Cola. Ang temang ito ang nagpalakas ng kanilang bentahe laban sa kakumpitensya nila sa industriya ng pamatid-uhaw. Kaya nga naisipan ng Pepsi-Cola noon na daanin nalang sa pakontes na "Number Fever" ang kanilang strategy (na sa kasamaang palad ay nabulilyaso) pagdating sa marketing ng kanilang mga produkto.
Bago pa man napasigaw si Toni Gonzaga ng "I love you Piolo..." sa "Magpakatotoo Ka Series" ng Sprite ay kinagiliwan na ng sambayanan ang maabilidad na si Joey. Bago pa man nakaisip ng mga ideya ang Mentos sa mga 'di-inaasahang sitwasyon, ay nagawa na ito ng RTO sa katauhang ginampanan ni RJ Ledesma. Ang tagline na "Ako at Royal, Natural" ay nakapukaw sa atensyon ng masa lalo na sa grupo ng mga kabataan. Kung sino man ang naatasang mag-isip sa konsepto para sa temang ito ay masasabi kong isang henyo dahil kuhang-kuha niya ang panlasa ng mga nakakapanood.