Showing posts with label foods. Show all posts
Showing posts with label foods. Show all posts

Wednesday, September 18, 2013

Patikim ng Diyaryo (Part 2)

"Isa kang Batang 90's kung maraming naaalala sa tuwing nakakakita ng mga food chain newspaper ads mula sa Dekada NoBenta."

Kung natakam ang inyong mga alaala sa Part 1 ng mga patalastas sa dyaryo, lasapin mo pa ang Part 2 na ito upang ikaw ay ma-empatso.

 
May 4, 1991

Noong ako ay bata pa, tatlo lang ang alam kong doughnuts na naglalaban sa panlasa ko. Una ay ang mga binibenta sa panaderya, 'yung mga pinirito at pinagulong sa asukal na puti. Pangalawa ay ang Mister Donut na pinupuntahan namin nila ermats sa Farmer's Market, at pangatlo ay ang noo'y sikat na sikat na Dunkin' Donuts.

Isa silang banyagang coffeehouse chain na unang natikman sa Quincy, Massachusetts noong 1950. Nang dumating sila sa Pinas noong 1981 sa ilalim ng Golden Donuts Inc. ay wala pa ang mga pinupugaran ng mga social climbers, ang Krispy Kreme at Starbucks na kalaban nila sa Tate, kaya sila ang namumukod-tanging "pasalubong ng bayan". Ang una nilang branch sa bayan ni Juan ay sa Quad Car Park (ngayon ay Park Square) sa Makati.

Pinakapaborito ko sa lahat ng flavors sa doughnuts ay ang bavarian. Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag ang lasa nito pero isa lang ang masasabi ko, MASARAP. Hindi ito trip ni ermats dahil mukha daw uhog o luga. Kami naman ng utol kong si Pot, ang naaalala namin ay ang mukhang nanang lumalabas sa etits ng aso naming si Bitoy. Ganun pa mn, hindi kami nandiri sa kung ano mang naiisip sa itsura ng filling na ito.

Thursday, August 29, 2013

Patikim ng Diyaryo (Part 1)

"Isa kang Batang 90's kung marami kang naaalala sa tuwing nakakakita ng mga food chain newspaper ads mula sa Dekada NoBenta."

Kapag nagbabasa ako ng diyaryo ay nagsisimula ako sa likod papuntang harapan. Hindi naman ako isang Hapon na baliktad ang pagbabasa pero mas inuuna ko kasing tingnan ang entertainment section, at kung anu-ano pang mga bagay na walang kinalaman sa madugong front page. Mas gugustuhin ko ring maghanap ng mga promos mula sa mga food chains kaysa ma-stress sa mga kuwentong-garapalan mula sa mga pulitiko.

Para sa akin, ang mga pahayagan ay ang tunay na mga "history books". Kapag nagbuklat ka ng mga lumang diyaryo ay makikita at mababasa mo ang mga nangyari noon nang detalyado. Biglang papasok sa iyong isipan ang mga alaala ng iyong nakaraan.

Nakahanap ako ng ilang patalastas ng mga food chains mula sa diyaryo. Subukan natin kung gaano na kinain ng "memory gap" ang ating mga isipan.

Time space warp, ngayon din!
 
August 22, 1992

Si Jollibee ay halos kasing-edad ko kaya sigurado akong isang Batang Nineties ang giant bubuyog. Naitatag noong January 28, 1978, nagsimula sila bilang isang Magnolia Ice Cream parlor sa Coronet, Cubao. Ipinakilala nila ang magiging pinakasikat na mascot ng Pinas noong 1980. 

Thursday, June 17, 2010

Nalasing sa Cali-tuhan


"Isa kang Batang 90's kung isa ka sa mga nag-akalang nakakalasing ang Cali."



Sino ang nagsasabing walang beer dito sa Saudi?

Noong isang gabi lang ay nayaya ako ng mga kasama ko na uminom ng Budweiser. Yup, ang famous beer na iniindorso ng mga palaka ay nandito rin sa Middle East. Oo maniwala ka, may serbesa dito sa disyerto. Napakaraming pagpipilian sa mga grocery stores - bukod sa Bud ay mayroon ding Heineken at San Miguel. Malayang nakakabili ng case-case na beer dito sa lupain ng mga kamelyo dahil NAB o non-alcoholic beer naman ang mga ito. Paksyet, malalasing ka ba naman sa ganito? Sabi nila ay may "tama" rin daw ito kapag nakarami ka (mga isang drum siguro). Pero sa halip na "tama" ay "mali" lang ang nakuha ko. Panay lang ang ihi ko sa huli at inantok sa kabusugan hanggang sa makatulog.

Naalala ko tuloy bigla ang kuwento ng taga sa'min na isang ex-Saudi. Ibinibida niya kasi na ang ng wine daw ay gawa sa grapes kaya puwede kang malasing kapag kumain ka nito nang marami. Nakipagdebate ang barkada ko at tinanong siya kung nakakalasing daw ang pagpapak ng isang dosenang kahon ng Sun-Maid Raisins! Ginatungan naman ng isa pang borokoy ng tanong na "Nakakalasing din ba'ng kumain ng maraming kanin? 'Di ba doon galing ang rice wine?". Natapos ang debate after twenty years nang pataubin sila ni San Miguel.

Wednesday, June 9, 2010

Pakanton Ka


"Isa kang Batang 90's kung isa ka sa mga unang nakatikim ng instant pancit canton."


Kapag beerday natin ay madalas na nating marinig sa ating mga dabarkads ang “Happy birthday! Pa-kanton ka naman!”. Parte na kasi ng kulturang Pinoy ang pansit sa tuwing may mga okasyon tulad ng kaarawan. Sinisimbulo raw kasi nito ang “long life” kaya dapat tayong maghanda nito sa ating special day. Kung hindi man pansit ay puwede rin namang spaghetti o kahit na anong putaheng noodles ang pangunahing sangkap.

Alam lahat nating mga Pinoy na hindi sa atin nagmula ang pansit. Inangkin lang natin ang pagkaing ito mula sa mga singkit. Ang salitang pansit ay galing sa Hokkien na “pian i sit” meaning “something conveniently cooked fast”. Kung ikukumpara mo ang luto natin sa luto nila, malaki ang pagkakaiba.

Monday, May 24, 2010

Shawerma: The 90’s Persian Experience


"Isa kang Batang 90's kung alam mong hindi shawerma ang tawag sa shawarma."

Noong bumalik ang kaibigan kong si Nikki sa Pinas galing Tate noong mid-90’s para ipagpatuloy ang pag-aaral ng kolehiyo sa UP Diliman, ang isa sa mga una niyang naitanong sa amin ay “Ano ang usong pagkain dito ngayon?”. Bumida kaagad sa usapan ang pinsan niya at sinabing “Shawarma! You should try that.”.

Bago sa pandinig ko ang sinabi ni Francis at mukhang masarap kahit na medyo pangit ang pangalan ng pagkaing kanyang binaggit. Sabi niya ay parang burrito raw ito - ipinapalaman ang ginayat na karne ng baka sa pita bread at saka nilalagyan ng garlic sauce. Mukhang magugustuhan ko ito dahil paborito ko ang Mexican food na ito.

Nasa Baguio kami noong mga panahong iyon at sa kasamaang palad ay wala kaming natagpuang shawarma sa Summer Capital ng Pinas. Hindi nawala sa isip ko ang pangalan ng pagkaing ito at itinaga ko sa ulo ng dambuhalang leon na matitikman ko ang ipinagmamalaking sandwich ng Gitnang Silangan.

Saturday, February 27, 2010

Ang Alamat ng ZAGU




Nagamit ko na dati ang salitang “alamat” sa isa sa mga titles ng mga urban legends sa “Manananggal ng Lakas”. Gagamitin ko ulit ito dahil may “K” naman ang nagpauso ng sosyal na shake sa Pilipinas noong Dekada No Benta.



Noong nasa grade school pa ako, paborito ko ang uwian dahil kapag nakalabas ka na ng gate ay sandamakmak na hepatitis vendors ang makikita mo at eengganyuhin kang ubusin ang baon mong pera. Nandiyan si Manong Fishballs, Si Mamang Sorbetero, Si Mamang Linupak, at ang pinakasuki kong si Manong Iskrambol. Oo na, matanda na siguro ako at clueless kayo sa sinaunang dirty shakes. Ito yung kinadkad na yelo na may food coloring na pink. Hahaluan ng asukal para tumamis. At ang pinaka-topping nito ay ang cocoa na nanggagaling sa lalagyan ng peyborit kong Hershey’s Brown Cow (walang hiya ka manong, niloko mo ako!) Mura lang ito, parang piso lang per cup ang tinda. Talagang pinipilahan ng mga batang estudyante ng Camp Crame Elementary School.

After elementary, medyo nakakahiya na ang bumili ng pamosong scramble. Hindi na kasi pang-teenager ang dating ng binibenta ni Manong. Sa MANGO BRUTUS na ako bumibili ng shakes – doon sa second floor ng Ali Mall at sa dating Rustan’s sa Cubao. ‘Di ako sure pero parang kasama lagi ito ng Bread Connection. Ang  sarap ng shakes dito, lalo na ‘yung Mango Verde. Sa kanila ko lang natutunan na puwede palang gawing shake ang manggang hilaw! Sikat na sikat sila dati lalo na sa mga kabataan. Naabutan ko pa nga ‘yung branch nila sa tapat ng USTe (malapit sa Mayric’s). Oorder lang kami ng tig-iisang shake at doon na kami gagawa ng mga plates namin para sa Drawing 101. Eskuwalado kasi ang mga lamesa doon kaya ginawa naming tambayan. Sayang at nawala na sila ngayon (tama ba?!).

At dito na pumasok ang ZAGU. Medyo late nineties, April 1999, na nang bigyang lamig nito ang mainit na bansa natin. Sorry pero mukhang ayaw magpakilala ng nakaisip ng concoction na ito. ‘Di sila kilala ni pareng Wiki. Ang nakalagay lang sa website nila ay “... was pioneered by a young enterprising lady with a degree in Food Science from University of British Columbia in Vancouver, Canada”. May mga rumors ako dating narinig na nagsimula lang ang Zagu as a thesis / project. Hindi ko alam kung gaano katotoo pero isang genius ang nag-improve ng maruming scramble.

Nang una kong marinig ang salitang “Zagu” sa mga tropa ko, naisip ko lang na gusto nitong magpaka-sosi. Gawin ba namang “z” ang “s” ng sago at tawagin itong pearl. Walang pinagkaiba sa pangalan ng kaibigan kong si Benjamin (a.k.a. Bentot)  na ginawang “Venz” ang nickname para mag-tunog mayaman. Isama mo pa ang mga pinoy na nilalagyan ng letter “h” ang pangalan nila tulad ng Jhay (oy, hindi ko ginawa ito sa pangalan ko ha!).

Nang una akong makatikim ng tinitinda nila, medyo napilitan lang ako sa anyaya ng barkada ko. Hindi naman kasi ako matiyaga pumila sa linya ng “box-office hits”. Letsugas ang haba – parang pila ng Lotto na may two hundred million na jackpot prize. Tapos tatlo lang yung crew doon sa kiosk na nagsasalitan sa apat na blender. Umabot din kami ng kalahating oras para makatikim ng usong-usong shake na para sa iba ay fad lang. Imbes na pangkadkad ang ginagamit, blender ang pinampalit para mas mabilis at madaling haluiin ang ingredients na  yelo, konting tubig at ‘yung misteryosong powder na nagbibigay ng flavor at creaminess. Tsaka ililipat sa plastic cup na may lamang black sago. Sipsipsipin mo ito ng jumbo straw na nung una ay hirap na hirap akong sipsipin.

Masarap pala!”, sabay takbo sa kubeta dahil lactose intolerant ako.

Sakto ang dating ng Zagu dahil summer sila unang lumabas. Natapatan nila ang halo-halo na uso kapag bakasyon. Prediction ng iba, lilipas din ito na parang shawarma – seasonal lang para sa karamihan. Pero isang dekada na ang lumipas, buhay pa rin sila. Pinataob na nito ang ORBITZ na ang endorser dati ay ang peyborit ng nanay kong si Rico Yan (R.I.P.). Wala na rin ang GUMMI BEARS na may franchise pa ang kaibigan kong si Michelle Zamudio. Ang natitirang kalaban nalang nito ngayon ay ang QUICKLY na nata naman ang sahog imbes na sago. Ang daming pilit na nanggagaya sa kanila – parang ‘yung episode ng “The Simpsons” na “Flaming Homer” ang nangyari sa Pinas noon.

Parang Starbucks ang dating dati ng Zagu. Feeling mo ay “in na in” kapag may hawak ka ng cup nila. Ika nga ng dati kong kasamahan na si Glen tungkol sa pagtambay sa Starbucks, “it’s not about the coffee but the experience itself”. Nagbabayad tayo ng mahal dahil may experience kang nadarama everytime na pinipilit mong huwag bumara yung sago sa dambuhalang straw habang inggit na inggit sa’yo yung mga nakakakita sa pagsipsip mo. Tingin mo sa sarili mo ay sosi ka. Paksyet, nakasakay ka lang naman sa jeepney!

Sobrang sumikat ito kaya maraming gustong sumira sa kanila. Napanood ko dati sa “Imbestigador” ni Mike Enriquez kung na-raid ng pagawaan ng sago na hinahaluaan ng borax. Malamang dito nagsimula yung email hoax na nagsasabing hindi safe uminom ng pearl shakes na obviously ay Zagu ang tinitira. Yung powder daw na hinahalo sa shake ay galing Taiwan at may formula ito na nagdudulot ng diarrhea, hyperacidity, eczema, birth defects, high blood, rashes, headache, cancer, nausea, vomiting, at abdominal pain. Kakaiba pero maraming naniwala. Buti nalang at sumaklolo ang DOH at BFAD na hindi naman ito totoo. Maniniwala na sana ako kasi lagi akong natatae kapag umiinom ako ng pearl shakes.

Sa ngayon, more than two hundred stores na ang meron sila sa iba’t ibang panig ng Pinas – sa malls, sa supermarkets, at sa mga lansangan. Napakamahal na mag-franchise nito dahil mabilis naman daw ang ROI.

Brain Freeze...slurpee muna.