Showing posts with label 90s. Show all posts
Showing posts with label 90s. Show all posts

Thursday, June 6, 2013

For the Man

"Isa kang Batang 90's kung alam mo kung sinu-sino ang mga kalaban ng Bioman."

Mukhang nauuso na talaga ang pagbabalik-tanaw dahil nagawaan na ng ulat ni Jessica Soho ang "Thursday Throwback" at "SentiSabado" sa kanyang mga programang SONA at KMJS. Salamat sa isang episode na napanood ko noong nakaraang Linggo, nalaman kong hindi lang pala ako gurang na hindi tumatanda sa tuwing kapiling sila Red One, Green Two, Blue Three, Yellow Four, at Pink Five!

Naikuwento ko na sa inyo ang pangarap kong palitan si Sammy dahil nabasa ko noon sa aking horoscope na ang aking lucky number ay two at ang lucky color ko ay green. Naikuwento ko na sa inyo ang kasaysayan ng bawa't miyembro ng Bioman at ang kani-kanilang mga katangian. Sa haba ng aking mga alaala ay naisip kong hati-hatiin ang mga ito para hindi naman kayo mabato sa pagbabasa. 

O sya, matapos ang halos isang taon, heto na ang Part Two.

Sunday, June 2, 2013

KM 19 EDSA

"Isa kang Batang 90's kung alam mong ang Club Dredd ay ang mecca ng mga banda noong Dekada NoBenta."

Ang tunay na Pinoy sa isip, sa salita, at sa gawa ay alam na ang Kilometer Zero ay nakatirik sa tapat ng bantayog ni Pepe sa Rizal Park. Bata pa lang tayo ay naituro na ito ng ating mga guro sa HeKaSi. Ito ang palatandaan sa mapa kung saan sinusukat ang distansya ng mga lalawigan at iba pang mga lugar sa Pilipinas. Kung hindi mo ito alam, Pinoy ka pa rin naman dahil nababasa mo pa ang palabok kong walang kwenta; malamang ay absent ka lang sa klase noong itinuro ito sa eskwelahan.

Sa hindi kalayuang lugar mula sa Luneta ay matatagpuan ang kahabaan ng EDSA kung saan matatagpuan naman ang pinakasikat na marker noong Dekada NoBenta, ang KM 19. Dito nakatayo noon ang bar na nagpatibay ng pundasyon ng Pinoy Underground Scene noong Nineties, ang CLUB DREDD.

Hindi ko na naabutan ang unang Dredd na nasa Timog Avenue. Hindi pa kasi sanay ang tenga ko noon sa ingay dahil si Andrew E. pa lang ang pinapakinggan ko noong mga panahong iyon. Una silang nagbukas noong December 8, 1990 sa ilalim ng pamamahala nina Skavengers' drummer  Patrick Reidenbach at Scavengers' manager Robbie Sunico. Ipinangalan nila ito sa kanilang paboritong comic book character na si Judge Dredd. Pinalitan nila ang Red Rocks matapos itong magsara. Ito ang naging tambayan ng mga nilalang na hayok sa rakrakang bato at ilan sa mga  regular na tumutugtog dito ay ang Eraserheads, The Youth, Afterimage, Ethnic Faces, Anno Domini (Mutiny),Athena’s Curse (Alamid), Grace Nono, Joey Ayala, Bazurak (na pinagmulan ng Rivermaya), Color It Red, The Wuds, Razorback, Wolfgang at Advent Call. Maganda na sana ang lahat ngunit nagkaproblema ito sa pananalapi na naging dahilan upang sila ay magsara noong February 1993.

Friday, April 5, 2013

Grunge is Dead: The End of Music


KURT DONALD COBAIN
(February 20, 1967 - April 5, 1994)

"Isa kang Batang Nineties kung naki-headbang ka sa tugtugan ng Nirvana."

Kung magbibigay ako ng isang salita para tukuyin Dekada NoBenta, ang maiisip ko ay ang “Generation X”. Tinatawag ding “13th Generation”, ito ay ang mga taong ipinanganak mula 1961 to 1981 na iniuugnay sa administrasyon nina Ronald Reagan at George H.W. Bush ni Uncle Sam. Ang paniniwalang-politikal ng ating dekada ay apektado ng mga pangyayari tulad ng Vietnam War, Cold War , Pagbagsak ng Berlin Wall, at People Power Revolution ng EDSA. Tayo rin ang unang nakatikim ng video games, MTV, at ng Internet. Sa musika naman ay sikat ang heavy metal, punk rock , gangsta rap, at hip-hop. Pero ang lumamon sa airwaves noong nineties ay ang GRUNGE music na ang naging pinaka-icon ay si KURT DONALD COBAIN.

Hindi ko na ikukuwento kung paano sumikat at pinatay ng kasikatan ang itinuring na “spokesperson” ng Gen X. Nandiyan naman si pareng Wiki at si pareng Google. Isa pa, ayokong magkamali sa mga impormasyon tungkol sa aking idolong itinuring na "demi-god". Sigurado naman ako na walang Batang Nineties ang hindi nakakakilala sa “flagship band of Gen X” na NIRVANA. Susugurin ko na papuntang Cebu ang bandang Cueshe(t) kung sasabihin pa rin nilang hindi nila kilala ang trio na tinutukoy ng Weezer sa “Heart Song” (‘Di raw kasi nila kilala ang Silverchair na paborito ng lola ko). Paksyet sila kung ide-deny nila ang pinakamalufet na Grunge band na yumanig sa buong mundo noong panahon namin.

Monday, January 14, 2013

Telebobos

"Isa kang Batang Nineties kung natakyut ka sa mga Teletubbies."

Hindi ko alam kung paano ako napadpad sa lugar na iyon - luntian ang kapaligiran, dinig na dinig ko ang mga huni ng ibon, at ang daming mga bulaklak na humahalimuyak.

Pahiga na sana ako sa damuhan nang makita kong may mga papalapit sa akin na mga nilalang na mukhang aliens na kasama sa United Colors of Benetton. Habang patungo sila sa akin ay napansin ko ang mukhang engot nilang pagtakbo at unti-unti kong narinig ang mala-abnoy na pagsambit nila ng "EH-OH! EH-OH! EH OH!".

Tumakbo ako papalayo sa kanila. Sobrang bilis na halos sasabog na ang aking dibdib sa paghinga. Malas ko lang at ako ay natalisod sa pesteng batuhan. Nang maabutan nila ako ay bigla silang pumalibot sa akin at sabay-sabay na nagsabi ng "UH-OH!".

Biglang may humampas nang mahina sa aking mukha. Isa, dalawa, tatlo, apat.

"Kuya, gising ka na. Nood tayo ng teevee.", narinig kong lambing ng tatlong-taong gulang kong utol na si Carlo.

Salamat at panaginip lang pala. Epekto lang siguro ng gin pomelong ininom namin kagabi.

Nang mabuo na ang aking diwa habang nakahiga pa rin sa aming sofa ay naaninag ko ang palabas sa telebisyon. Napasigaw ako ng malakas na "Waaahhhhhh......".

Taena, nagkatotoo 'yung bangungot ko!

Friday, July 13, 2012

Ang Bahay ni Golay

RODOLFO "DOLPHY" VERA QUIZON, SR.
July 25, 1928 – July 10, 2012

"Isa kang Batang Nineties kung kilala mo si Kevin Kosme."

Anim na dekada ang itinagal ng nag-iisang "Hari ng Komedya" sa industriya ng Pinoy showbis. Labing-tatlong presidente sa loob ng humigit animnapung taon - magmula kay Jose P. Laurel hanggang kay Noynoy Aquino. Sa ganito kahabang itinakbo ng karera sa pagiging artista, sari-saring mga karakter na naisadula ni DOLPHY. Mga tauhang nagpakilala sa masa ng iba't ibang katauhan at mukha ng mundo.

Sa henerasyon nina erpats at ermats, mas nakilala si Pidol sa "John En Marsha" na unang ipinalabas noong 1973. Ayon kay pareng Wiki, ang programang ito ay "the longest-running and most watched primetime sitcom in the Philippines during the 1970s and 1980s". Ang totoo, sa sobrang tagal nito sa teevee ay naabutan ko pa siya sa RPN 9. Kahit na medyo wala pa ako sa kamunduhan noon ay aliw na aliw na akong nanonood sa masayang pamilya ni John Puruntong. Sino ba naman ang makakalimot sa pamatay na "Kayâ ikaw, John, magsumikap ka!" ng biyenan niyang si Doña Delilah? Sesegundahan pa ng ninang kong si Matutina ng "Etcetera, etcetera, etcetera!" ang bawat sermon ng amo. Panalo!

Para naman sa mga Batang Nineties na tulad ko, mas nakilala si Golay bilang si KEVIN KOSME ng "HOME ALONG DA RILES".

Saturday, May 26, 2012

Ang Kastilyo ni Takeshi


"Isa kang Batang Nineties kung pinangarap mong talunin si Takeshi para masakop ang kanyang kaharian."

Sisimulan ko ang aking entry sa pamamagitan ng isang malufet na pagbati sa wedding anniversary ng utol kong si Pot at ng kanyang butihing maybahay na si Eds. Sana ay maging tito na ako para makapagbuo na ng banda ang mga pamangkin niyo sa amin ng aking labs! Medyo late nga lang ang pagbati dahil noong May 7 sila nagdiwang ng ikatlong taon. Okay lang dahil sabi nga nila, huli man daw ang matsing, basta magaling, ay naihahabol din!

Kapag ang lablayp na nilang dalawa ang napag-uusapan ay naaalala ko ang kantang "Takeshi" na kanta naman ni utol noong nililigawan niya pa lang si Eds. Tandang-tanda ko pa kung gaano niya kabilis itong natipa sa gitara, ilang beses na inensayo, pilit na kinanta, at ginawaan ng record sa celfone para maipagmalaki sa kanyang sinisinta.

Kung isa kang Batang Dekada NoBenta, siguradong alam mo ang tinutukoy ng kantang nagpasikat sa bandang Kiko Machine.

Saturday, February 25, 2012

I, Zombie



Sa record bar ng SM Cubao, nagtanong ako sa magandang sales lady na mukhang pisara ang mukha dahil sa kapal ng foundation.

Miss, meron na ba kayong bagong album ng White Zombie?

Ah meron na. Ang dami naming stock nito kasi ang daming bumibili. Teka kukunin ko.

Napaisip ako ng 2.5 milliseconds dahil hindi naman pangmasa ang mga kanta ng satanistang grupong pinakikinggan ko.

Pagbalik niya ay kitang-kita ko sa kanyang mukha ang excitement na maipakita sa akin ang kanyang bitbit na cassette tape - isang kopya ng "No Need to Argue (1994)", ang pangalawang album ng THE CRANBERRIES.

Ano ito?!

Sabi mo "Zombie". Diyan galing 'yung "In your he-head, in your he-he-he-head, sombe, sombe..."

Ngeee!! Ate, 4:30 na ba? Ang TV na ba?!

Monday, February 13, 2012

Houston, We Have a Whitney

WHITNEY ELIZABETH HOUSTON
August 9, 1963 - February 11, 2012

Ako ay isang Batang Nineties na may malaking respeto sa isa pang dekadang aking kinalakihan, ang Eighties. Kahit na wala pa ako sa "kamunduhan" noong mga panahong iyon ay may muwang naman na ako sa kung anu-anong pakulo ng mga "Regal Babies", sa "That's Entertainment", at sa iba pang "coolness" na napanood niyo sa pelikulang "Bagets". Kahit na hindi masyadong maintindihan ng uhugin kong kukote ang mga pinaggagawa ng sangkatauhan noon ay ramdam kong napakasaya ng Dekada Otsenta dahil isa ako sa mga napapasawsaw-sayaw sa dance-pop song na "How Will I Know", ang third single mula sa 1985 album ni Whitney Houston na nagpakilala sa kanya sa MTV audience.

Thursday, February 2, 2012

Sampu't Sari: Cabring Cabrera ng Datu's Tribe

Rakistang Aktibista


Nasa third year high school ako nang marinig ko sa noo'y sikat na sikat na LA105.9 ang kantang "Praning". Sa totoo lang, talaga namang nakakapraning ang chorus nitong "O hindi, hindi ako, hindi ako, baka sila, baka sila ang hinahanap niyo, hinahanap niyo ay nawawala!" kaya ang sarap pakinggan at ulit-ulitin. Maingay. Matindi ang liriko. Hindi na ako nagtaka nang masungkit nito ang number one spot  ng  "Alternative Filipino Countdown" na tumagal ng anim na Linggo. Ayaw itong naririnig ni ermats kaya alam kong papatok ito sa mga Batang Nineties na tulad ko.

Wednesday, January 11, 2012

Sampu't Sari: Renmin Nadela ng Agaw Agimat


Noong Dekada NoBenta, ang musikang Pinoy ay siksik sa iba't ibang tema at ang isang klase ng tugtugang nagustuhan ko ay mula sa mga grupong masasabi kong may paninindigan pagdating sa mga usaping may kinalaman sa iba't ibang kaganapan sa ating pamumuhay. Ang pagpapahayag ng mga ideolohiya ay idinadaan sa pamamagitan ng paglikha ng mga orihinal na awit. Mga seryosong kantang kadalasan ay mga puna sa maling sistemang bumabalot sa ating lipunan. Mayroong mga piyesang nakakatawa na sa huli ay katotohanan pa rin ang gustong iparating sa mga nakikinig. Ang iba naman ay pinaghahalo ang pagiging seryoso at pagpapatawa upang ilarawan ang mundong ating ginagalawan.

Walang halong pagpapakyut. Masarap pakinggan dahil nagmumula sa puso. Tumatagos sa buto dahil walang halong pagkukunwari. Hindi mo puwedeng sabihing basura dahil hindi bulok ang nilalaman.

Thursday, January 5, 2012

Sampu't Sari: Abe Olandres ng Yugatech

ABE OLANDRES
Founder and Editor of Yugatech.com

Ang mundo ng blogosperyo ay nahahati sa iba't ibang mga kategorya at mga "kwentista". May mga patawang hindi na kailangan ng "A for ey-fort". May mga OA at pilit na nagpapaka-clown. May mga seryosong mahirap sakyan. May mga sobrang babaw kaya sobrang non-sense. May mga sobrang lalim kaya hindi mo na ma-gets ang ibig sabihin. May mga cool na para sa iba ay "misunderstood" ang dating. Sari-saring putahe para sa iba't ibang panlasa.

Sa bawat teritoryo, may mga blogistang mas sumisikat pa kay Jack Sikat (ng bandang Ethnic Faces). Meron namang 'di pa kilala ay mas nalalaos pa sa bansang Laos. Semi-kalbo ako kay tumawa ka ng kahit kalahati. Nagpapakyut lang 'di tulad ng nabanggit ko sa itaas.

Friday, December 16, 2011

Sampu't Sari: Wolf Gemora ng Wolfgang

"You can hit things and not get arrested." 

Kung tatanungin ako sa kung sinu-sinong mga banda noong Dekada NoBenta ang nakaapekto sa panlasa ko pagdating sa musika, hindi-hinding mawawala sa listahan ang WOLFGANG

Sino ba namang Batang Nineties ang hindi nakakikilala sa quartet nila Basti Artadi (vocals), Mon Legaspi (bass), Manuel Legarda (guitars), at Wolf Gemora (drums)? 

Sa sobrang kasikatan nila noong kapanahunan ko, kahit na isang kolokoy na pasayaw-sayaw lang ng "Macarena" o isang nakiki-mmmbop sa Hanson noon, imposibleng hindi narinig ng mga binging tenga nila ang mga kanta ng tropang lobo. Tae lang ang hindi nakakaalam.

Thursday, December 8, 2011

Sampu't Sari: DJ Cool Carla ng Mariya's Mistress

DJ. Chef. Photographer. Singer. Musician. Songwriter.

Isa akong trying hard na blogger kaya naman natutuwa ako kapag may nagsasabing naaaliw daw sila sa aking mga isinusulat. Ang totoo, nakakatsamba lang naman ako kaya pumapatok sa panlasa ang mga kung anu-anong kuwentong walang kuwenta dito sa aking munting tambayan. Sa loob ng humigit sa dalawang taon sa mundo ng blogosperyo, marami ang patuloy na naliligaw dito at nagsasabing nakakasabay sila sa mga istoryang karanasan ko tungkol sa Dekada NoBenta.

Bigla ko tuloy naalala ang isa sa mga pangarap ko bilang isang OA na blogista - ang makapagpanayam ng mga bigating personalidad mula sa nineties. Ano kaya ang mga kuwento nila noong kapanahunan namin?

Magaling talaga si Bro dahil hindi niya ako pinapabayaan sa mga adhikain kong makapagbigay ng panandaliang aliw (o puwede rin namang pansamantagal)  sa mga taong nangangailangan. Walang halong kalaswaan. Patuloy Siyang nagpapadala ng mga anghel upang bigyang katuparan ang next level ng NoBenta. May bagong pakulo ako at tatawagin itong "SAMPU'T SARI". Sampung katanungang may kinalaman sa nineties ang pagmamakaawa at sapilitan kong ipasasagot sa mga kilalang tao (na ang karamihan sa kanila ay nagbigay-kulay sa pamumuhay natin noong beeper pa lang ang uso).

Thursday, November 24, 2011

K1n5e Kalibre

Nakatikim ka na ba ng kinse anyos? 

Taena, hindi ito tungkol sa kontrobesyal na billboard na pumukaw noon sa atensyon ng mga usiserong motorista sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Avenue, Coastal Road at kung saan-saang lansangan ng masikip na Metro Manila. Paksyet lang ang mala-henyong ad ng isang inuming nakakalasing kung ikukumpara ang ingay na ginawa nito sa mga nagmamalinis kumpara sa ingay na ipinamalas ng isang grupong tumagal na ng labinlimang taon sa industriya ng musika. Ingay na para sa mga inosenteng nagtataka ay nakakabingi, habang sa mga batang nineties na tulad ko ay ingay ng tunay na musika. Hindi lahat ng maingay ay maingay dahil mas masakit sa tenga ang tahimik. Subukan mong makinig ng kanta ni Barry Manilow sa loob ng 24 oras, ewan ko lang kung hindi tumulo ang luga mo.

Tuesday, October 25, 2011

Napagod na Pagoda

 kuha ng pagoda isang araw bago ito lumubog sa ilog ng Wawa

Noong ako ay bata pa, mga ilang beses ko ring narinig sa mga matatanda at mga bagets ang pang-Miss Universe na katanungang "Kung ang bangkang sinasakyan ninyo ay lulubog at isa lang ang puwede mong sagipin, sino ang pipiliin mo, ang iyong kasintahan o ang iyong nanay?". Madalas itong pinagtatalunan na napupunta sa maboteng usapan dahil walang gustong magpatalo sa kung sino ang may tama o ang may maling sagot. Buti pa ang manok, napatunayan na nating huling dumating kaysa mga itlog ni Adan.

Ang tanong, paano ka sasagip ng buhay kung hindi ka naman marunong lumangoy?! Paano mo rin magagawang sagipin ang mahal mo sa buhay kung daan-daang tao rin ang nakikita mong unti-unting nalulunod ng sabay-sabay? Hindi ka ba matataranta at matatakot?

Ang eksenang ganito ay ang isa sa mga kinakatakutan ko dahil hindi ako marunong lumangoy. Kaya hindi ako nag-seaman ay dahil may pangamba akong malunod kaagad kapag nag-ala-Titanic ang barkong sinasakyan. Marunong ako ng langoy-aso pero mga isang minuto lang ay hindi na ako lumulutang dahil ngalay na. Marunong din akong mag-floating dahil madali lang naman magpatay-patayan. Mukhang tanga lang sa tubig kaya minsan ay pinapangarap kong sana ay katulad nalang ng Dead Sea ang lahat ng dagat para tiyak na 'di ako lulubog!

Kapag trahedya sa anyong-tubig ang pinag-uusapan, dalawang malagim na pangyayari sa Pinas ang naaalala ko - ang paglubog ng MV Doña Paz noong 1987 at ang BOCAUE PAGODA TRAGEDY.

Saturday, September 24, 2011

Dugyot Fashion

 Pearl Jam, circa 1991

Kapag ako ay umaalis ng Pilipinas papuntang China, kailangang magsuot ako ng pang-malufet na damit. Kailangang magmukha akong disente dahil ang dala-dala kong pasaporte ay may tatak na "business visa". Hindi bagay sa get-up kung naka-rubbershoes, jeans, at t-shirt lang ako. Malapit sa mga mata ng matanong na  immigration officers ang mga mukhang galing sa kangkangan, este kangkungan pala.

Sabi ng iba, nakikita raw ang pagkatao sa damit na isinusuot. Ang sabi naman ng iba, kahit bihisan mo ang unggoy, mananatili itong kamag-anak ni Kiko Matsing ng Batibot. Hindi naman ako tsonggo at hindi rin ako nagmumukhang baboon sa mga get-up ko kaya ang sabi ko nalang ay "whatever"!

Friday, August 26, 2011

Featured Blogger: Mar Castillo of "TAYMPERS"


Taympers, isang naimbentong salita na may kapangyarihang pahintuin ang lahat.

Isang simpleng solusyon na madalas sambitin ng mga bata sa kalagitnaan ng isang nakakahingal na laro kapag medyo napapagod na. Kumbaga sa basketball at iba pang mga sports, ito ang "time-out" na kailangan natin upang maiayos ang ating grupo o ang ating sarili.

Sa tuwing gusto kong kumawala pansamantagal sa hamon ng lecheserye ng totoong buhay, may isang tambayan sa mundo ng mga blogista akong pinupuntahan. Isang bahay kung saan pwede kong bumalik sa nakaraan at muling maranasan ang saya ng kabataan - ito ay ang mundo ni MAR CASTILLO ng TAYMPERS.

Sunday, August 21, 2011

Featured Blogger: Alden of "SULYAP SA NAKARAAN"


Masarap balikan ang nakaraan. Kaya nga nag-aaksaya ka ng oras sa pagtambay sa walang kakwenta-kwentang blog na ito.

Kung mangangailangan lang ng isang volunteer para i-test ang isang time machine, isa ako sa mga mangunguna at magpupumilit na gawing human guinea pig. Eh paano ba naman, ang sarap kasi ng buhay noong ako ay bata pa. Simple lang noon, manalo lang sa laro ng teks at holen ay tuwang-tuwa na tayo. Manood ka lang ng paborito mong Batibot araw-araw o ng lingguhang Shaider sa teevee, masaya ka na.

Nagagalak ako kapag may nadidiskubre akong mga bagong tambayan sa internetz na kapareho ng temang ginagamit ko dito sa NoBenta. Napapatunayan ko kasi na hindi lang ako ang bitin sa masasayang karanasan na naibahagi ng nakalipas (potah, may ganitong banat talaga?). Isa sa mga bago kong kalaro sa blogosphere ay ang  featured blogger ko ngayong linggo, si pareng ALDEN ng SULYAP SA NAKARAAN.

Sunday, August 14, 2011

Featured Blogger: Glentot of "WICKEDMOUTH"


Ang aking ipakikilalang blogger ay hindi na kailangan ng pagpapakilala dahil kilalang-kilala na siya blogosperyo. Halos lahat ng puntahan kong mga tambayan kapag may panahon akong makapag-bloghopping ay nandoon ang link ng kanyang datkom. Sa madaling salita, sikat na sikat ang featured blogista ko ngayong linggo.

Mga Ka-Dekads, ikinakarangal kong ipakilala sa inyo si MASTER GLENTOT ng WICKEDMOUTH.

Noong ako ay bata pa, kapag naririnig ko ang salitang "wicked", ang naaalala ko ay ang Wicked / Evil Queen na nagpakain ng mansanas na may lason kay Snow White para makatulog at manakawan ng halik ni Prince Charming. Naaalala ko rin kung paano gawing mala-Mara Clara ng Wicked Stepmudrax (Lady Tremaine) ang buhay ng inaaping si Cinderella. Isama mo pa sa eksena ang panget na magkapatid na sina Anastasia at Drizella, potah siguradong impiyerno! Epekto ng Disney, tumatak sa tuyot kong isipan na dapat maging mabait tayong mga bata para magpakita sa atin si Fairy Godmother at gawin tayong tunay na tao tulad ni Pinocchio.

Habang tayo ay tumatanda, unti-unti nating nauunawaan na kailangan natin maging mabait para makasama sa heaven si Papa Jesus kapag nadedo tayo. At kasabay ng pagtanda, natutunan din natin na meron palang mga kalokohang minsan ay kailangan din upang tayo ay mamuhay ng masaya.