Wednesday, December 2, 2009

Massacred Movies: God Saved the Industry

Photobucket
"Isa kang Batang 90's kung nakapanood ka ng kahit isa sa mga milyung-milyong massacre films ni Carlo J. Caparas."

Salamat sa mga walang-kaluluwang nilalang na utak sa karumal-dumal na pagpatay sa Maguindanao, ang Lupang Hinirang ngayon ay mas nakakatakot nang puntahan kaysa sa Iraq. Hindi na ako magtataka kung ang mga pasaporte ng mga ibang bansa ay tatatakan ng "Not Valid for Travel to the Philippines". Kahit naman sinong dayuhan ay matatakot sa pangyayaring kumitil ng buhay ng mga inosenteng mamamayan. Kung tayo ngang mga tumanda na sa Pilipinas ay nanlumo sa naganap na krimen, paano pa kaya silang nagbabalak dumalaw sa bayan ni Juan?

Tinaob ng "Ampatuan Massacre" ang lahat ng mga patayang naganap noong Dekada NoBenta. Kahit na sobrang dami ng kahindik-hindik na pagpaslang ang naganap noon, natabunan ang lahat ng mga iyon sa isang iglap ng 58 kataong nasawi sa Maguindanao.

Ganun pa man hindi pa rin natin dapat kalimutan ang nakaraan. Lalo na ang mga kasong wala pa ring linaw at hanggang ngayon ay sumisigaw pa rin sa paghingi ng hustisya.

Sa dami ng mga patayan noon, naisip ng manunulat sa komiks na naging direktor na si Carlo J. Caparas na pagkakitaan ang sitwasyon. Gumawa siya ng mga pelikulang hango sa tunay na buhay o masasabi kong hango sa tunay na patayan. Pumatok ito sa takilya dahil likas na usisero tayong mga Pinoy. Sinuportahan naman ito ng mga grupong laban sa krimen at sinabi nilang nakakatulong daw ito sa kamalayan ng mga mamamayan.

Maraming nagtatanong ngayon kung paanong nasali sa hanay ng mga "Nationa Artists" si direk dahil bukod sa mga tsismis na hindi naman daw talaga siya marunong gumuhit, karamihan ng mga nagawa niyang pelikula noon ay puro "B movies" (na may sobrang habang pamagat). Ang masasabi ko lang, kung hindi dahil sa kanya, malamang sa alamang ay walang mga "massacre movies" tayong napanood sa pinilakang tabing. Hindi mauuso ang mga "pito-pito" o ang mga pelikulang ginawa lamang sa loob ng isang linggo kung hindi dahil sa kanya.

Ang isang nakakaaliw na estratehiyang ginamit ni direk sa karamihan ng kanyang mga pelikula ay ang pag-cast kay Kris Aquino. Sino ba namang Pinoy ang hindi mananabik na makitang pinahihirapan, pinapatay, at ginagahasa ang anak ng dating presidente? Noong mga panahong iyon, sawa na ang mga tao sa kakatiis sa mga comedy films niyang hindi naman siya nakakatawa kaya mas nagkaroon ng interes ang madla sa mga massacre movies na pinagbibidahan niya. Malay ba nila, baka mas nakakatawa na ang kanyang pagganap sa mga ito.

"The Myrna Diones Story: Lord, Have Mercy!" - Si Kris ang gumanap kay Myrna, isa sa mga apat na ginahasa ng limang pulis-patola sa Benguet. Siya ang tanging nakaligtas at nakapagsalaysay sa kababuyang ginawa ng ng mga pulis.

"Vizconde Massacre: God Help Us" - Ito ang krimen ng dekada, ginulat nito nang malufet ang bawa't Pilipino. Noong Dekada NoBenta, ang apelyidong Vizconde ay naging halos kasing-kahulugan na ng salitang masaker. Kakatuntong ko lang ng hayskul nang maganap ito noong June 30, 1991 kaya para sa isang totoy na katulad ko, nakakatakot ang mabalitaang may pinatay na mag-iina sa loob ng kanilang bahay habang wala ang ama ng tahanan. Sangkot ang mga anak ng mayayamang sila Hubert Webb at Antonio Lejano sa pagpaslang kila Estrellita, Carmela, at Ana Marie Jennifer. Natural lang pilahan ito sa mga sinehan dahil nakatutok sa balitang ito ang masa. Dito na nakilala si Kris bilang "Massacre Queen" at si Caparas naman bilang "Massacre King".

"The Untold Story: Vizconde Massacre 2 - God Have Mercy on Us" - Sequel ng masaker? May namatay pa ba ulit?! Paksyet na malufet ang taenang pamagat na iyan. Kahit na si Vina Morales na ang gumanap sa katauhan ni Carmela, tae pa rin ang gawaan ito ng part two.

"Humanda Ka, Mayor! (Bahala na ang Diyos)" -  Ginampanan dito ni Kris ang karakter na isang mamamahayag. Hindi ito totoong nangyari ngunit hango panggagahasa kay Eileen Sarmenta kung saan si Antonio Sanchez, ang noo'y alkalde ng Calauan, Laguna, ang pangunahing suspek. Sino ba naman ang makakalimot sa taong na parang naging inspirasyon ng tambolero ng Hale pagdating sa hairstyle? Si Sanchez din yata ang pinaghugutan ni Dong Abay para sa kanta nilang "Banal na Aso, Santong Kabayo". Mahilig siya sa imahe ng Birheng Mariya kaya sa tingin ko ay siya rin ang pinaggayahan ng isang tauhan sa pelikula nina Goma at Carmina Villaroel na pinamagatang "Wating". Naaalala niyo pa ba ang mga kotse niyang may plakang "7" na ayon sa kanya ay suwerte?

"The Elsa Castillo Story: Ang Katotohanan" - Sikat na sikat si Kris sa mga pelikulang masaker kaya tumanggap din siya ng mga proyektong hindi ang kanyang hari ang direktor. Isa na dito ang pelikulang ito na tungkol sa "chop-chop lady" sa direksyon ni Laurice Guillen. Ito ang mga panahong iniiwasang umuwi nang gabi ng mga kababahihan sa takot na sila ay madukot at hati-hatiin ang parte ng katawan bago itapon sa kung saan.

"Lipa Arandia Massacre: Lord, Deliver Us From Evil / God Save the Babies!" - Sa pamagat pa lang, alam mo nang Caparas ito. Sinasadya niya yata talagang gawing mahaba ang taytol at gamitin ang pangalan ng Diyos. Sa pelikulang ito, hindi niya ibinida si Kris kundi si Ate Vi bilang nanay at si Joel Torre bilang asawa. Kasama rin ang isa sa mga iniidolong kontrabidang si John Regala. Nakakaiyak ang pagganap ni Joel sa katauhan ni Ronald Arandia, isang OFW na nagtatrabaho sa Saudi. Nalaman niya ang katotohanan loob mismo ng eroplanong sinasakyan pauwi ng Pinas nang mabasa sa diyaryo ang balita tungkol sa kanyang pinaslang na may-bahay at mga anak na babaeng may edad na anim at walo.

"The Cecilia Masagca Story: Antipolo Massacre (Jesus Save Us!)" - Bida dito si Dawn Zulueta at kontrabida naman Cesar Montano na gumanap bilang asawa niya sa pelikula. Natakot kaming mag-uutol at magpipinsan habang pinapanood namin sa original pirated VCD from Quiapo ang pelikulang ito. Ang lufet ng pag-arte dito ni Cesar, mukha talaga siyang mamamatay-tao. Ayon sa kuwento at mga balita, sinaniban daw ang jungle bolong na ipinampatay sa mga biktima.

"Victim No. 1: Delia Maga (Jesus Pray For Us)" - Siya ang sinasabing pinatay ng kababayan nating si Flor Contemplacion na nahatulan ng bitay sa Singapore. Ipinapakita sa pelikula ang tunay na ganap sa pagitan ng dalawang OFWs.

Dumating ang panahon na wala nang mga nagaganap na masaker na puwedeng gawing pelikula si direk kaya mga krimen naman noong mga naunang dekada ang ginawan niya. Kasama dito ang "The Maggie dela Riva Story: God, Why Me?", "The Anabelle Huggins - Ruben Ablaza Tragedy (Mea Culpa)", at "The Lilian Velez Story (Till Death Do Us Part)". Akala ko noon ay tapos na ang pito-pito era ngunit humabol pa ang "Wilson Forronda: Leader, Kuratong Baleleng Solid Group".

Huwag niyong paghaluin ang mga naganap sa pelikula at sa mga pangyayaring nakasulat sa kasysayan dahil sigurado akong malilito ka. Sa sobrang dami nila ay hindi ko na matandaan kung ano ang nauna. Sa sobrang dami ng pelikulang kasama si Kris, mas naaalala ko pa siya kaysa sa mga tunay na namatay. Sa sobrang dami nila ay napaisip ako noon na baka kaya dumami ang patayan ay dahil nauso ang mga massacre films.





12 comments:

  1. galing ng blog mo kuya..:)galing mo..:)

    ReplyDelete
  2. Pen and Paper,

    Salamat sa comment mo...Ang Dekada Nobenta ang magaling. Isinusulat ko lang yung mga nagyari. Enjoy reading my blogs. New posts weekly.

    ReplyDelete
  3. Wow.. may listahan ka nito? :D

    ReplyDelete
  4. sikret lang natin ito....napanood ko talaga lahat 'yan dahil idol ko si direk caparas. sa panaginip!

    ReplyDelete
  5. may mga link pa kaya ng mga to, na pwedeng mapanood.. gusto ko kasing ulitin hehe..

    ReplyDelete
  6. i'm not sure kung meron pero everything is possible on the net naman. try mo itong forum na ito: CLICK HERE

    hanap ako ng links ng mga massacre movies tapos balitaan kita :)

    ReplyDelete
  7. pahelp nman po link sa vizconde masscre ung kay kris 7yrs old yata ako nung npanood ko un gusto ko panoorin ulet.

    ReplyDelete
  8. You've made some good points there. I looked on the net for more information about the issue and found most people will go along with your views on this web site.
    my page - best payday loan sites

    ReplyDelete
  9. Very inaccurate ang Antipolo Massacre na movie, ang layo ng story sa totoong nangyari sa Antipolo that's why madaming nagreact at pinitition ito ng mga taga antipolo para i pull out sa sinehan.

    ReplyDelete
  10. Hindi dapat isinapilikula ang Vizconde Massacre habang on going pa ang trial at wala pang napapatunayan kung sino ang gumawa, bawal at napaka imoral na nag assume sila sa pelikula na ang suspect ay ang manliligaw ni Carmela Vizconde, that's why kung napanood nyo ang Vizconde Masscre hindi pa si Hubert Webb ang suspect sa pelikula dahil naunang ginawa ang pelikula kaysa sa pag aresto kay Hubert Webb at sa iba pang tinuturo na kasangkot sa pagpatay tinuro ni Jessica Alfaro na paiba-iba ng statement. Halatang fake si Jessica Alfaro. For me, the movie is quite to blame dahil na brainwash nito ang mga manonood at ang court. Nakagulo ang pelikula sa desisyon at imbestigasyon.

    ReplyDelete
  11. Kay caparas din yung si sunshine cruz diba,true story kya yun, ? Marita gonzaga rape slay

    ReplyDelete
  12. Now ko lang to napanuod ..sobrang nakakaiyak ung Lipa Arandia Massacre ...ramdam mo talaga ung nagyari sa kanila sa totoong buhay ...galing din ng mga gumanap na mga Artista... Vilma Santos At Joel Torre at sa iba pa ...

    ReplyDelete