Showing posts with label noong ako ay bata pa. Show all posts
Showing posts with label noong ako ay bata pa. Show all posts

Sunday, June 1, 2014

FREE E-BOOK DOWNLOAD: Noong Ako ay Bata Pa... Vol. 1



Bilang pasasalamat sa mga ka-dekads na walang-sawang tumatambay sa NoBenta, iniaalay ko sa inyo ang PDF file ng unang volume ng mga sanaysay ng mga karanasan ko Noong Ako ay Bata Pa. Maaari niyo nang balik-balikan ang mga alaala ng inyong kabataan gamit ang inyong mga gadgets kahit na walang internet.

Heto ang listahan ng mga unang kuwento kong nailimbag.

Noong Ako ay Bata Pa...

...natae ako sa eskwelahan 
...nagbaba-bye ako kapag nakakakita ng eroplano
...naranasan kong pumirma sa slambook 
...gusto ko na'ng tumanda
...namamasyal kami sa Fiesta Carnival 
...superhero ko si peksman. 
...kumakain ako ng kaning binudburan ng asukal
...'di ko pa alam ang sun dance ni Sarah
...naglalaro kami ng styrosnow
...gusto kong tumalino 
...tropa ko si Giripit at si Giripat
...masayang-masaya ako kapag may field trip
...namimitas at kumakain kami ng alatiris 
...kabisado ko ang "All Things Bright and Beautiful"
...kinakarir ko ang mga school projects sa Hekasi  
...naglalaro kami ng teks 
...naglalaro kami ng sumpitan 
...mas gusto ko ang mga classic kung-fu films
...idol ko si Joey ng Royal Tru Orange
...ang pagkakaintindi ko ay taun-taong namamatay at muling nabubuhay si Papa Jesus
...paborito namin ang Sunny Orange
...inaabangan namin ang hallowen special ng "Magandang Gabi, Bayan"



Maraming salamat sa inyong lahat!

Kung naaliw kayo sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan gamit ang librong ito, hinihiling ko lang na inyong ibahagi ang kopya nito sa inyong mga kakilalang kabilang sa ating henerasyon. Mas marami tayo, mas masaya! 

Himihingi nga po pala ako ng paumanhin sa mga tunay na may-ari ng ilang mga larawang ginamit ko dito sa pagbabalik-tanaw. Pasensya na kung ginamit ko ang inyong mga litrato nang lingid sa inyong kaalaman o wala niyong pahintulot. Ang totoo, kayo ang mga mas nakapagbigay ng mga masasayang alaala ng ating kabataan. Mas maraming salamat sa inyo!

Also available for free download: "Dekada NoBenta - Mga Kuwentong Karanasan ng Isang Batang 90's Volume 1






Sunday, May 25, 2014

...Kinakarir Ko ang mga School Projects sa Hekasi


Sibika at Kultura. Heograpiya, Kasaysayan, at Sibika. Araling Panlipunan. History.

Iba't iba ang tawag ngunit magkakabituka ang mga paksang pinag-aaralan.

Noong ako ay bata pa, nahilig ako kaagad sa mga aralin na ito dahil interesante para sa akin ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa ating kultura at kasaysayan nating mga Pinoy.

One plus one? Magellan.

Two plus two? Lapu-Lapu.


Kahit na mathematics ang tanong, history ang isinasagot ko.

Sino ang pumatay kay Magellan? Si Lapu-Lapu.

Sino ang pumatay kay Lapu-Lapu? Hindi ako.

Sino nga?! Baka 'yung kusinero.

Ang mga school subjects na ito ay may kanya-kanyang school projects na dapat magawa para makakuha ng mataas na grado mula kay titser na mas mataas magbigay ng grade sa mga estudyanteng bumibili ng kanyang mga panindang yema.

Class, meron akong ipapagawang project sa inyo at ang deadline ng pasahan nito ay next week. Gamitan niyo ng short kokomban, ilagay niyo sa short na polder, at lagyan niyo ng fastener (potah, tumama rin sa pronounciation pronunciation!). 

Friday, May 23, 2014

...Masayang-Masaya Ako Kapag May Field Trip

 


"Class, magkakaroon tayo ng field trip. Papirmahan niyo sa mga peyrents niyo ang form na ibibigay ko at ipasa niyo sa akin hanggang next Monday kasama ang bayad."

Kapag ganito ang anunsiyo ni titser sa klase, biglang nababalot ng saya ang buong silid-aralan. Naglalakihan ang mata sa pagka-excite, biglang napapangiti at napapakuwento sa mga katabi ang bawat estudyante. Unti-unting umiingay ang loob ng classroom.

"Wow, pupunta tayo sa Disneyland (as if)!"

"Yehey, makakapunta na tayo sa pagawaan ng tocino at longganisa sa talipapa!"

"Yipee, walang pasok!". Ito ang pinakamasaraap sabihin kapag may mga ganitong pagkakataon.

Siyempre, hindi padadaig si Ma'am at sisigaw ito ng "Class, kung gusto niyong matuloy ang field trip, huwag kayong maingay!!!". Moment of silence sa pagiging KJ ng guro. Sabay babanatan kami ng "Okay, bumili nalang kayo ng yema. Ubusin niyo na itong paninda ko para hindi masira. Sa Lunes niyo nalang din bayaran.".

Thursday, May 22, 2014

...Nagbaba-bye Ako Kapag Nakakakita ng Eroplano

 


Ang aking lolo at lola sa side ni ermats ay naninirahan sa Hong Kong kasama ang pamilya ng mga tita kong nanirahan doon noong mga unang taon ng dekada otsenta. Tuwing sila ay dumarating galing sa ibang bansa ay sumasama ako sa pagsundo sa kanila sa paliparan. Sa totoo lang, marami kaming magpipinsan kaya paunahan sa kung sino ang makakasama. Iyak at hagulgol nalang ang maririnig mo sa kung sino ang papalaring maiwan nalang sa bahay. Masasabi kong ibang-iba ang kultura nating mga Pinoy kapag may dumarating na kamag-anak galing ibang bansa dahil mismong pamilya ko ay naranasan ito. Aaminin kong dumaan din ang aming angkan sa puntong isang batalyon ang nagsusundo sa NAIA. Hapon pa ang lapag ng eroplano pero umaga pa lang ay nandoon na kaming punung-puno ng pananabik. Nakakita na ba kayo ng isang jeep na animo'y may outing dahil sa mga kaldero ng ulam at kanin na dala? Ganun kami kapag nagsusundo.

Tuesday, May 20, 2014

...Kumakain Ako ng Kaning Binudburan ng Asukal



Hindi mapaghihiwalay ang Pinoy at ang kanin. 

Kahit saan mang lupalop ng daigdig o saan mang sulok ng mundo ay gagawa at gagawa ng paraan ang anak ni Juan Dela Cruz upang makahanap ng isasaing na bigas. Napakaimportante nito sa buhay nating mga Pilipino. Kahit nga ang pag-aasawa ay ikinukumpara sa kanin -  hindi mo puwedeng iluwa kung mapapaso ang iyong bibig sa pagkakasubo. Bahala ka nang magkonek sa ibig kong sabihin.

Hindi kumpleto ang hapag-kainan kung walang white rice, bahaw, o sinangag. Aanhin mo ang masarap na ulam kung walang kanin? Napakasarap ng tinolang manok with matching patis na sawsawan. Afritada, menudo, mechado, at kaldereta. Sinigang na bangus. Nilagang baka na nlulunod sa taba. Adobong pusit, manok, o baboy. Kapag ganito kasarap ang mga ulam ay siguradong ang rice cooker ang una mong hahanapin. Mapapamura ka malamang sa alamang kung walang special sinandomeng o kahit NFA man lang.

Sa bawa't tahanan, maging ng mayaman o mahirap na pamilya man, isang mortal sin ang maubusan ng bigas. Sabi ng mga matatanda, maubusan ka na ng ulam, huwag lang ng kanin.

Noong ako ay bata, may mga panahong wala kaming ulam sa bahay pero meron naman kaming kanin. At dahil wala kaming masarap na putahe ng ina ko, may mga bagay kaming ginagawa sa kanin upang maitawid lang sa gutom ang mga kumukulong sikmura.

Saturday, May 17, 2014

...Namimitas at Kumakain Kami ng Alatiris

 

Ano ba ang tama, ALATIRIS o ARATILIS?

Mas nakasanayan kong tawagin itong alatiris dahil noong ako ay bata pa, naiisip kong magkapareho ang ibig sabihin ng pisil at tiris. Alin man sa dalawa, ang tanging totoo ay masarap itong kainin. Kung isa kang nilalang na hindi napagkaitan ng kabataan ay alam na alam mong parte ng paglaki ang pamimitas ng mga bungang ito.

Kahit saan yatang lugar sa Pinas ay may matatagpuan kang mga puno nito. Ang natatandaan kong kuwento tungkol sa pagkalat ng punong alatiris ay kinakain daw ng mga paniki ang mga bunga at itinatae nila ang mga buto nito sa kung saan man sila maabutan. Kaya nga minsang naglinis kami ng bubungan ay nagulat ako nang makita kong may tumutubong alatiris sa aming alulod! Kahit na inuunahan kami ng mga alaga ni Batman sa pamimitas ay may silbi naman ang kanilang mga ebak kaya walang personalan, trabaho lang. Ingat-ingat lang sa mga bungang kinagatan na nila dahil baka magka-rabies.

Sunday, April 13, 2014

...Ang Pagkakaintindi Ko ay Taun-Taong Namamatay at Muling Nabubuhay Si Papa Jesus



Noong ako ay bata pa, maraming mga bagay tungkol sa Semana Santa ang aking pinaniniwalaan.

Simulan natin sa "Linggo ng Palaspas". Bago sumapit ang Holy Week, ang buong Pilipinas ay nagiging abala sa pagdalo sa misang magbebendisyon sa mga palaspas. Tinanong ko dati ang mga nakakatanda sa akin kung bakit kailangan nito at ang sagot na nakuha ko ay "...para sa proteksyon ng bahay natin sa mga masasamang elemento.". Ang mga ito ay isinasabit sa bintana, sa itaas na bahagi ng pinto, o kaya naman ay sa altar. Hindi ko maintindihan ang ibig sabihin, buti nalang ay napanood ko ang "Shake, Rattle, and Roll" starring Herbert Bautista. Hanggang ngayon ay naniniwala akong mabisang panlaban sa mga manananggal ang nabensiyunang palaspas!

Hindi ko alam kung ano ang mayroon mula "Lunes Santo" hanggang "Miyerkules Santo" - wala nga sila sa kalendaryo nating mga Pinoy eh. Basta ang alam ko, ito na ang simula ng hindi pagkain ng mga karne. Bawal daw ito ihain kaya ang madalas na ulam sa bahay ay isda at gulay. Gulay at isda. Ito ang mga panahong mas mura ang kilo ng baboy sa kilo ng mga gulay kaya ang ibang mga misis ng tahanan, nagpa-panic buying ng mga pork and beef. Naaalala ko ang kaibigan kong satanista na sinabihan akong bawal daw tumanggap ng Komunyon kapag Semana Santa dahil ito daw ay "Body of Christ". Tsk, tsk.

Thursday, April 10, 2014

...Kabisado Ko ang "All Things Bright and Beautiful"



May kanya-kanya tayong paboritong tula. Mga tulang ibinibida kapag dumarating ang mga pagkakataong kailangang magyabangan. Noong tayo ay mga munting bata-batuta pa lang, nagsimula tayo sa pagkakabisado sa mga nursery rhymes. Madaling sabayan, madaling sauluhin.

Twinkle, twinkle little star, how I wonder why Jack and Jill went up the hill while London Bridge is falling down. Kailangang alam mo ito sa iskul kung gusto mong umuwi na may tatak na bituin ang iyong mga kamay.

Sa ating mga Pinoy, hindi mawawala ang aso mong alagang sobrang obese. May buntot pang mahaba na mukhang napapakinabangan rin ng mga tomador na mahilig gawing pulutan ang mga kawawang aw-aw. Kailan naging makinis ang mukha kung puno ito ng balahibo? O sige na, mahal mo na si Whitey at si Blackie. Kaya nga may gagong Kanong nagpakasal sa kanyang alagang bitch.

Ako'y tutula, mahabang-mahaba, ako'y uupo, tapos na po. Bow!

Wednesday, April 2, 2014

...Mas Gusto Ko ang mga Classic Kung-Fu Films


Kahit na tumatanda na ako sa pagtatrabaho dito sa China ay hindi pa rin nawawala sa aking  isipan ang paniniwalang ang lahat ng mga Intsik ay marunong mag-Kung-Fu . Akala ko noon ay makakakita ako dito ng mga duwelong katulad ng napapanood sa "Crouching Tiger, Hidden Dragon" kapag may nag-aaway. Wala naman palang ganun.

Naaalala ko tuloy 'yung interpreter naming tsekwa sa dati kong pinapasukan na nagkuwento sa akin ng kanyang makulit na karanasan sa isang makulit na Pinoy na tulad ko.

"'Di ba Intsik ka?"

"Oo, bakit?"

"Eh 'di marunong ka ng kung-fu?"

"'Di ba Pinoy ka?"

"Oo, bakit?"

"Eh 'di marunong kang mag-tinikling?"

Hindi pala ako nag-iisa.

Sunday, March 23, 2014

...Gusto Kong Tumalino

 
ako 'yung bulinggit sa kanan

Noong ako ay bata pang nag-aaral sa Mababang Paaralan ng Kampo Crame, madalas akong matanong ng mga guro ko tungkol sa isang kamag-anak kapag nababasa o nalalaman nila ang apelyido ko.

"Kaano-ano mo si Veronica Quitiquit?", tanong ni Mrs. Rabago na maestra namin sa Arithmetic.

"Are you related to Ms. Veronica Quitiquit?", tanong ni Mrs. Albarracin na teacher namin sa English.

"Mr. Quitiquit, kaano-ano mo si Veronica?", tanong naman ni Gng. Nailes na guro namin sa Pilipino.

"Kapatid mo ba si Veronica?", tanong ni Mrs. Omictin na teacher namin sa Science.

"Quitiquit, ano ang kaugnayan mo kay Veronica?", tanong ni Ms. Gisala na matandang-dalagang teacher namin sa Hekasi.

'Langya, parang lahat ng teachers ko ay pet siya. Expected ko na palagi ang ganitong scenario sa first day of classes kapag nagro-roll call. Sa totoo lang, 'di naman na kailangang itanong pa kung magkamag-anak kaming dalawa dahil sa unique naming apelyido, walang kaduda-dudang magkadugo kami! Sa mga ganitong sitwasyon, siyempre ay proud naman akong sumasagot ng "Tita ko po siya.". Sabay sasabihan naman nila ako ng "Sana ay kasing-talino at kasing-sipag mo rin ang tita mo, Mr. Quitiquit.".

Thursday, March 20, 2014

...Idol Ko Si Joey ng Royal Tru Orange

 


Sa isang pamilyang Pinoy, hindi kumpleto ang isang bahay kung walang telebisyong makikita sa sala dahil likas na sa atin ang panonood. Ang kwadradong aparatong ito ang nagbibigay ng kung anong special bonding sa isang pamilya. Sa araw-araw nating pamumuhay ay kinakain ng appliance na ito ang ating mga oras. At sa bawat panonood natin ng mga lecheseryes, balitang showbis, at  kung anu-ano pang mga nagbibigay ng aliw ay nasisingitan ng mga commercials ang ating buhay.

Noong mga huling taon ng Dekada Otsenta, ang hindi ko malilimutang mga patalastas ay ang "Joey Series" ng Royal Tru-Orange na mula sa Coca-Cola. Ang temang ito ang nagpalakas ng kanilang bentahe laban sa kakumpitensya nila sa industriya ng pamatid-uhaw. Kaya nga naisipan ng Pepsi-Cola noon na daanin nalang sa pakontes na "Number Fever" ang kanilang strategy (na sa kasamaang palad ay nabulilyaso) pagdating sa marketing ng kanilang mga produkto.

Bago pa man napasigaw si Toni Gonzaga ng "I love you Piolo..." sa "Magpakatotoo Ka Series" ng Sprite ay kinagiliwan na ng sambayanan ang maabilidad na si Joey. Bago pa man nakaisip ng mga ideya ang Mentos sa mga 'di-inaasahang sitwasyon, ay nagawa na ito ng RTO sa katauhang ginampanan ni RJ Ledesma. Ang tagline na "Ako at Royal, Natural" ay nakapukaw sa atensyon ng masa lalo na sa grupo ng mga kabataan. Kung sino man ang naatasang mag-isip sa konsepto para sa temang ito ay masasabi kong isang henyo dahil kuhang-kuha niya ang panlasa ng mga nakakapanood.

Tuesday, January 14, 2014

...Naranasan Kong Pumirma sa Slam Book

 

Noong tayo ay mga bata pa, napakasarap ng pakiramdam kapag inlababo. Kaya nga naniwala tayo sa kapangyarihan ng F.L.A.M.E.S. dahil gusto nating malaman ang kapalaran natin sa ating mga crushes (take note, in plural form). May isa pa akong bagay na alam para malaman kung may pag-asa ka sa taong napupusuan mo. Sikat na sikat ang paraang ito - ang makiusyoso sa mga nilalaman ng slam book.

Ano nga ba ito?

Para sa mga kabataang namumuhay ngayon sa mundo ng internet, ito ay hindi kilala dahil natabunan na ito ng mga social networking sites katulad ng Facebook at Google Plus. Pero para sa aming mga gurang o oldies, isa itong sikat na sikat at pinagkakaabalahang bagay noong kami ay nasa elementary at highschool.

Isa itong "autograph book" na ipinapahiram sa isang tao para sagutin ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa kanyang pagkatao. Karaniwang mga kababaihan ang meron nito at sila ang nagpapapirma sa mga kaibigan nila sa loob ng klase. Maganda ang layunin nitong malaman mo ang mga bagay tungkol sa iyong kaibigan pero ang mas malalim na dahilan dito ay ang malaman mo ang sagot sa tanong na "WHO IS YOUR CRUSH?". Pansin na pansin mo ang kilig sa mga grupo ng gerls kapag binabasa na nila ang bahaging ito.

Thursday, January 9, 2014

...Natae Ako sa Eskwelahan

 

Sabi ng mga matatanda, masuwerte raw ang makatapak ng tae. Iniiwasan daw ito kaya suwerte mo kung matapakan mo ang shit nang hindi sinasadya. Magkakapera ka raw sa araw na iyon.

Pero paano kung sa'yo nanggaling ang mabahong etchas? Ibig sabihin ba nito ay ikaw ang pinanggalingan ng suwerte? At suwerte rin bang matatawag kung ang buris na lumabas sa'yo ay hindi mo lang napigilan sa hindi inaasahang pagkakataon? Of all places, sa eskuwelahan pa.

Simulan na ang mabahong usapan. Paabot ng tissue please. Time space warp, ngayon din!

Noong ako ay nag-aaral pa sa Mababang Paaralan ng Kampo Krame, naranasan kong pumirma sa slambook at isa sa mga iniiwasan kong tanong sa potang autograph book na iyon ay ang malufet na "What is your most embarrassing moment?". Nasa grade five at six na kami noong mauso ang slambook kaya kung sasagutin ko ang question na ito ng katotohanan, medyo fresh pa ang mga alaala. Nakakahiya talaga ang aking experience kaya ang isinasagot ko nalang dito ay "secret". Kapag may makulit namang ayaw ng "secret" na sagot, ang inilalagay ko nalang ay "'yung time na nahuli akong nangungulangot" para naman "konting nakakahiya lang".

Sunday, January 5, 2014

...Namamasyal Kami sa Fiesta Carnival




Bakit kapag naririnig o nababasa natin ang salitang "karnabal", may kakaibang saya tayong biglang nararamdaman o naaalala? 

Bakit kahit na mangiyak-ngiyak na tayo sa mga nakakatakot o nakakalulang mga carnival rides na ating sinasakyan ay masaya pa rin tayo pagkatapos? 

Bakit kahit gaano na tayo katanda, ang feeling natin ay bumabalik tayo sa pagkabata kapag tayo ay nagpupunta sa karnabal?

Ang lugar na aking kinalakihan ay nasa gilid lang ng Kampo Crame kaya naman grade four pa lang ako ay natuto na kaagad akong sumakay sa mga jeepney na may biyaheng "Murphy-Cubao-Farmers" para makarating sa Araneta Center. Isa sa mga paborito kong pinupuntahan namin noon ay ang nabaon na sa limot na FIESTA CARNIVAL.

Maraming masasayang alaala ang lugar na ito ng Cubao. Para sa akin at sa milyung-milyong batang naabutan ang FC, ito ang "Disney ng Pilipinas", ang pinakamasayang lugar sa buong mundo. Hindi ito katulad ng ibang mga theme parks ngayon sa Pinas (na bukas lang tuwing Pasko at bakasyon) dahil all-year-round ang kasiyahan dito. Anytime na may extra na pera sila ermats at nagyayang mamasyal sa Cubao, imposibleng hindi kami mapapadpad sa noo'y pinakasikat na amusement center ng mga bata.

Ano nga ba ang mga naaalala mo sa Fiesta Carnival?

Friday, December 27, 2013

...Naglalaro Kami ng Styrosnow


Styrosnow, styrosnow
We believe in styrosnow
Styrosnow, styrosnow
We love to play in styrosnow
Pa-pom-pa-pum-pum-pum-pum-pum

It isn't very pretty
And it's not even cold
But when it falls from the factory
It's a wonder to behold

We just use our imagination
Because we have a lot
We know we shouldn't be so picky
Oh not when all we got is

"Styrosnow", from The Eraserheads' Fruitcake album

Noong ako ay bata pa, nasasabik ako sa mga bagong appliances na binibili nina ermats at erpats. Hindi lang dahil sa may bago kaming sisirain kundi dahil na rin sa packaging ng kung ano mang gamit na binili para magmukhang bahay ang aming bahay.

Kapag ikaw ay munting bata-batuta pa, hindi ka basta-basta puwedeng lumapit sa mga potang abubot na binili ng iyong mga magulang. Taglay mo pa kasi ang kakulitan kaya ang tingin nila sa'yo ay isang "siramiko" o taga-sira ng mga gamit!

"Wow, ang ganda ng teevee! Ang daming channels!"

"O anak, huwag ka munang lumapit diyan, manood ka nalang. O kung gusto mo anak, maglaro ka nalang muna sa labas kasama mga kapatid mo."

Monday, December 16, 2013

...Naglalaro Kami ng Sumpitan



Sa panahon ngayon, hindi na kailangang pumunta ng lansangan upang maglaro ng mga “war games”.

Basta’t meron kang perang pang-arkila ng kompyuter sa internet shop sa inyong kanto ay pwede ka nang makipagbakbakan sa mga kalaban kasama ang iyong grupo. Hindi kailangang tumakbo ng totoo at pagpawisan; nasa bilis lang ng pagpindot sa teklada at sa mouse ang ikapapanalo ng iyong mga kakampi sa DOTA.

Noong panahon namin ay nasisikatan pa ng araw ang mga bata. Naranasan naming tubuan ng bungang-araw at mag-alaga ng mga kuto sa ulo. Kapag umuuwi kami ng bahay ay tiyak ang sermon ni ermats dahil sa baon naming libag na kuwintas at marusing na damit.

Tuwing hapon kasi at mga araw na walang pasok ay nagkikita-kita ang mga totoy at nene sa labas ng bahay upang magsaya sa pamamagitan ng mga larong-pambata. May mga larong isa lang ang taya at mayroon namang isang grupo laban sa iba. Mas gusto ko ang kampihan dahil ayokong maging balagoong mag-isa.

Sumpitan.

Sunday, December 15, 2013

...Paborito Namin ang Sunny Orange


Noong unang panahon ay may sumikat na juice concentrate sa Lupang Hinirang. Patok sa panlasang-Pinoy at abot-kayang bilihin kaya ito tinangkilik ng masa. Sa pagkakatanda ko ay halos dalawang dekada itong namayagpag sa mga supermarkets at mga pinakamalapit na tindahan. Kung isa kang Batang 80’s at 90’s ay sigurado akong nalalasahan mo pa hanggang ngayon ang tamis na iniwan nito sa iyong ngala-ngala.

Sunny Orange.
Kapag sweldo ni ermats ay namimili kami sa Uniwide Sales Cubao at hindi nawawala sa kanyang listahan ang panimplang ito. Kung maganda ang badyet ay ang malaking bote na nagkakahalaga ng Php45.00 ang ipapakuha niya sa estante ngunit kapag medyo sapat lang ang dalang pera ay ang maliit lang na boteng nakakahalaga naman ng Php23.00.

Hindi ko alam kung ano ang meron sa bawa’t bote ng Sunny Orange at hindi ito natalo ng kalaban nitong Ritchie’s. Siguro ay ang sikat na sikat nitong commercial jingle ang nakatulong sa pagiging imortal nito noon.
Sunny Orange, I love you
Lemon, grape, and strawberry
Sunny Orange, tasty drink
Sunny Orange, super quality

Saturday, October 26, 2013

...Inaabangan Namin ang Hallowen Special ng "Magandang Gabi, Bayan"

 


Noong tayo ay mga bata pa, napakadali nating disiplinahin. Isang sabi lang ni ermats ng "...may mamaw diyan!", ay matatakot na tayo at susunod na sa kung ano mang gusto niyang mangyari. Ngayong tayo ay matatanda na, pinipilit nating maniwala sa sinabi ni pareng Ely B. na "...wala namang multo ngunit takot sa asawa ko!" Tama, nakakalimutan nating may multo dahil sa busy-busy-han na tayo sa buhay na parang life; pero kapag malapit na ang undas ay bigla tayong binabalikan ng ating pagkabata upang takutin sa mga aswang, kapre, masasamang ispiritu, at kung anu-ano pang mga bagay na hindi natin mabigyan ng paliwanag.

Ano bang mayroon sa Halloween, All Saint's Day, at All Soul's Day? Bakit sa tuwing sumasapit ang okasyon na ito ay kailangan nating takutin ang ating mga sarili sa mga bagay na pinaniniwalaan nating nakakatakot? 

Sa teevee, halos lahat ng palabas kapag huling linggo ng Oktubre ay nakakatakot. Biglang ipinapalabas ang "Shake, Rattle, and Roll" na mayroon na yatang isandaang sequels. Halos lahat ng channels ay pare-pareho ang tema - ang walang-kamatayang nakakatakot na mga kuwento ng mga namatay na nagbalik sa mundo upang patayin sa takot ang mga taong 'di pa namamatay!

Monday, April 30, 2012

...Nagkaroon Ako ng mga Kuto sa Ulo


Tayong mga Pinoy ay may kaugaliang magkamot ng ulo kapag nasisita ng ibang tao. Kahit huling-huli na sa akto ay magpapalusot pa rin kasabay ang pagkamot sa parte ng ulo na hindi naman talaga makati. Teka, baka nga naman talagang biglang nagre-react ang mga balakubak natin sa mga ganitong pagkakataon. O kaya naman ay nagiging parte lang talaga ng utak natin ang mga kuto kapag gustong magsinungaling.

Lahat tayo ay ipinanganak na kalbo. Walang buhok, wala ring kuto. Ayon sa kanta ng grupong Weedd.

Hindi ko alam kung paano nagkakaroon ng mga kuto ang isang tao. Isa itong malaking palaisipan para sa akin tulad sa tanong kong "paano kaya nagkaroon ng isdang-kanal doon sa maruming estero at paano sila nabubuhay sa tubig na puno ng tae?". Sabi ng mga matatanda, nakukuha raw ang mga kulisap na ito kapag madalas kang nakabilad sa arawan. Kaya nga madalas kaming sabihan ni ermats na tigilan ang paglalaro sa mga lansangan lalo na kapag hapon kung kailan tirik ang araw. Kapag totoy at nene ka pa, walang kutong makati ang makapipigil sa sayang naidudulot ng teks, patintero, taguan, jolen, syato, agawan-base, at iba pang larong-pambata. Pero teka, kung ang araw ang nanay ng mga kuto, ibig sabihin ba nito ay kapatid sila ng mga bungang-araw?

Monday, February 27, 2012

...Nanonood Kami ng "Superbook" at "The Flying House"


Sabi ng matatanda, puro kalokohan lang daw ang mapupulot sa mga cartoons na napapanood sa teevee.

Nang ipalabas sa GMA 7 ang dalawa sa mga pinakapaborito kong animated shows noong ako ay bata pa, nag-iba ang ihip ng hangin. Sino ba namang magulang ang hindi matutuwa kapag nalaman mong mga kuwento mula sa Banal na Biblia ang tinututukan ng mga anak mo sa telebisyon?

Unang ipinalabas ang "Superbook" sa Japan noong October 1, 1981 at nagtapos noong March 29, 1982 na may 26 episodes. Ito ay bumalik sa ere bilang "Superbook II" mula April 4, 1983 hanggang September 26, 1983 na may 26 episodes. Sa pagitan ng dalawang seasons ay ipinalabas naman ang "The Flying House" mula April 5, 1982 hanggang March 28, 1983 na may 52 episodes. Ang mga ito ay ginawa ng Tatsunoko Productions para sa distributor na Christian Broadcasting Network na nakabase sa Tate.