Noong unang panahon ay may sumikat na juice concentrate sa Lupang
Hinirang. Patok sa panlasang-Pinoy at abot-kayang bilihin kaya ito
tinangkilik ng masa. Sa pagkakatanda ko ay halos dalawang dekada itong
namayagpag sa mga supermarkets at mga pinakamalapit na tindahan. Kung isa
kang Batang 80’s at 90’s ay sigurado akong nalalasahan mo pa hanggang
ngayon ang tamis na iniwan nito sa iyong ngala-ngala.
Sunny Orange.
Kapag
sweldo ni ermats ay namimili kami sa Uniwide Sales Cubao at hindi
nawawala sa kanyang listahan ang panimplang ito. Kung maganda ang badyet
ay ang malaking bote na nagkakahalaga ng Php45.00 ang ipapakuha niya sa
estante ngunit kapag medyo sapat lang ang dalang pera ay ang maliit
lang na boteng nakakahalaga naman ng Php23.00.
Hindi
ko alam kung ano ang meron sa bawa’t bote ng Sunny Orange at hindi ito
natalo ng kalaban nitong Ritchie’s. Siguro ay ang sikat na sikat nitong
commercial jingle ang nakatulong sa pagiging imortal nito noon.
Sunny Orange, I love you
Lemon, grape, and strawberry
Sunny Orange, tasty drink
Sunny Orange, super quality