Sunday, December 15, 2013

...Paborito Namin ang Sunny Orange


Noong unang panahon ay may sumikat na juice concentrate sa Lupang Hinirang. Patok sa panlasang-Pinoy at abot-kayang bilihin kaya ito tinangkilik ng masa. Sa pagkakatanda ko ay halos dalawang dekada itong namayagpag sa mga supermarkets at mga pinakamalapit na tindahan. Kung isa kang Batang 80’s at 90’s ay sigurado akong nalalasahan mo pa hanggang ngayon ang tamis na iniwan nito sa iyong ngala-ngala.

Sunny Orange.
Kapag sweldo ni ermats ay namimili kami sa Uniwide Sales Cubao at hindi nawawala sa kanyang listahan ang panimplang ito. Kung maganda ang badyet ay ang malaking bote na nagkakahalaga ng Php45.00 ang ipapakuha niya sa estante ngunit kapag medyo sapat lang ang dalang pera ay ang maliit lang na boteng nakakahalaga naman ng Php23.00.

Hindi ko alam kung ano ang meron sa bawa’t bote ng Sunny Orange at hindi ito natalo ng kalaban nitong Ritchie’s. Siguro ay ang sikat na sikat nitong commercial jingle ang nakatulong sa pagiging imortal nito noon.
Sunny Orange, I love you
Lemon, grape, and strawberry
Sunny Orange, tasty drink
Sunny Orange, super quality
Parang jingle ng “Seiko Wallet” ang pagkakagawa kaya ang himig nito ay kinagiliwan at sinabayan ni Juan Dela Cruz. Madalas nga noon ay hindi ko na namamalayang paulit-ulit ko na itong kinakanta sa aking isipan! Isa lang naman ito sa listahan ng mga hindi malilimutang commercial jingle ng Pinas.

Ayon sa awit ay may iba’t iba itong lasa pero sa totoo lang ay hindi ko maalala ang lemon at strawberry; isama mo na rin ang ice cola na lumabas bandang 90’s. Orange flavor ang paborito ko sa lahat kahit na kapag iniinom ko ito ay may namumuong latak sa aking lalamunan na kapag idinura mo ay parang plemang kulay kahel.

‘Yung grapes ay hindi ko gusto dahil lasang gamot. Hindi ko makakalimutan ang flavor na ito dahil minsang nakikipagtsismisan si ermats sa kapitbahay namin sa San Juan ay nanghingi ako ng tubig sa kanyang kausap. Sabi ko ay gusto ko ‘yung galing gripo dahil may ubo ako. Nagulat nalang kami nang makitang may dala siyang basong kitang-kita ang inuming kulay-ubas sa loob. Malaki yata ang tutule ni Ate kaya “…grapes po.” ang kanyang narinig!

Sa aming tahanan, kasama namin ito sa meryenda bilang panulak sa mainit na pandesal na pinalamanan ng nabibiling tingi-tinging Dari Crème. Pwede ring ka-partner ng Sky Flakes, Hi-Ro, Rebisco, o Sunflower. Hindi ko matandaan kung gaano karaming kutsara bawa’t baso ang kailangan upang hindi ganun katabang at hindi rin ganun katamis ang bawa’t timpla. Wala kaming sinusunod na panuntunan – tantyahan lang. Mas trip namin ang timplang parang gustong magka-diabetes.

Madalas itong itimpla ni ermats tuwing umaga upang ipabaon sa amin sa eskwela. Noong una ay walang problema ngunit habang lumalaki kami ay nararamdaman naming nagiging dyahe na ang pagbitbit ng juice na nakalagay sa malaking bote ng naubos na Chiz Whiz. Nakakabawas ng pogi-points sa mga klasmeyts na chikababes. Atska hindi masarap inumin ang Sunny Orange kapag hindi ito malamig kaya mas pinipili kong bumili nalang Royal Tru Orange sa school canteen. Idol ko yata si Joey ng RTO.

Tuwing tag-init at bakasyon ay rumaraket ako sa pamamagitan ng pagbebenta ng ice candy. May flavors akong Milo, mangga, abokado, suha, atis, bayabas, duhat, at chico. Syempre patawa lang ‘yung huling anim. Sunny Orange ice candy, meron akong tinda. Dahil nga mura ang puhunan, tubong-lugaw ang flavor na ito. May naiipon akong pambili ng tokens sa Paco Amusement sa SM Cubao salamat sa init ng summer.

Kapag may bisitang dumarating sa bahay ay ako ang palaging nauutusan ni ermats. Palibhasa ay panganay, ako ang natotokahang magtimpla ng juice na ihahain sa mga dumadalaw. Okay lang sa loob-loob ko dahil ganito rin naman ang madalas kong naiinom sa bahay ng mga kaibigan at kamag-anak kapag kami ang naliligaw sa kanila. ‘Yun nga lang, nakakasawa kapag ganun. Mas hinahanap ko ang Coke kapag ako ang bwisita!

Ewan ko kung tama ang aking obserbasyon – ang Sunny Orange ay isang inuming panakip-butas sa mga sabihin na nating mas mahal na pamatid-uhaw.

Natatandaan kong kapag may mga trabahador na nag-aayos ng bahay namin ay ito ang pinapainom imbes na softdrinks. Ang lalakas kayang tumungga ng juice nila Manong kaya hindi na nagdadalawang-isip si ermats na ito ang ipalagok sa kanila. Basta’t maraming yelo, panalo.

Sa mga handaan tulad ng kaarawan, binyagan, graduation, anibersaryo, at kasalan ay hindi mawawala ang punch bowl na may nakasabit na isang dosenang tasa sa gilid o kaya naman ay ang malaking plastik na lalagyan ng palamig. Magulat ka kung hindi Sunny Orange ang sasalukin mo mula rito. Kapag minalas-malas ka, pati ang Noche Buena at Medya Noche niyo ay babahain ng manamis-namis na super quality tasty drink. Bakit ka nga naman bibili ng sago’t gulaman na gagastos ng malaki sa asukal na pula o bibili Del Monte Pineapple Juice na doble ang presyo?

Tuwing may mga lamay ay merong mainit na kape para sa mga nagsusugal upang hindi makatulog; at siyempre ay mayroon ding mga nakatimplang juice sa mga disposable cups (na hindi itinatapon upang hugasan at gamitin ulit). Hindi kumpleto ang line-up ng butong–pakwan, green peas, cornik, at biskwit ng M.Y. San kapag wala nito. Mula burol, hanggang matapos ang libing, at hanggang sa pagdalaw sa puntod tuwing Todos Los Santos ay kasama ang Sunny Orange. Ilove you talaga.

Malaking tulong ang Coleman jug namin sa tuwing nangpi-picnic kami sa Wild Life sa Quezon City, sa Luneta, o sa Manila Zoo. Samahan mo lang ito ng egg sandwich, chippy, at kung anu-ano pang tsitsirya ay kumpletos-rekados na ang family bonding.

Ang mga basyo ng sikat na sikat na juice concentrate ay may gamit. Hindi ipinapatapon ni ermats ang mga bote nito. Ibinababad niya sa balde upang matanggal ang selyong nakadikit sa katawan nito, lilinisin, at sasabunan. Presto, may lalagyan na kami ng tubig. Malaki ang refrigerator namin noon. Nauubusan man ito ng mga lamang pagkain, hindi naman ito nawawalan ng malamig na tubig na nakalagay sa mga bote ng Sunny Orange. Minsan nga, akala ko ay bibigay na ang patungan sa loob sa dami ng mga malalaking boteng puno ng NAWASA juice. Tapos meron pang tubig na nakalagay sa mga maliliit na bote (na madalas kong i-lips-to-lips kapag uhaw na uhaw ako galing sa galaan) sa gilid na lagayan ng ref.

Kapag hindi na mapagkasya ni ermats sa kanyang malamig na tukador ang sandamakmak na botelya ay nag-aagawan na kaming magkakapatid sa basurang pwedeng pagkakitaan ng pera. Sa pagkakataong ito ay inaabangan na namin si Manong Bote Garapa. Barya o krispap na nakabalot sa yellow pages ang kapalit.

Nang mauso at naging mas mura ang mga powdered instant juice ay biglang humina ang benta ng Sunny Orange hanggang sa tuluyan na itong nawala na parang bula. Hindi ko alam kung meron pa nito sa mga probinsya pero sigurado akong wala na nito sa Maynila.

Sa bawa’t dampi nito sa iyong lalamunan noon, ang tanging nadarama mo lang ay ang sarap na idinudulot sa tuwing napapatid ang uhaw. Ngayong wala na ang juice ng iyong nakaraan, ang tanging naaalala mo nalang ay ang tamis ng inyong pinagsamahan.

This entry is brought to you by the number 8, in cooperation with the letters S and O.

(Originally posted on January 9, 2013)



4 comments:

  1. anung company po ba ung gumawa nto?

    ReplyDelete
  2. Masarap ang Sunny orange. Tita ko ang kumanta ng jingle nyan..yung matinis ataliit na boses..sya yun..senior na sya ngayon. 😁

    ReplyDelete
  3. Memories of my childhood... Missed the taste of that juice. Sana mabalik❤️❤️

    ReplyDelete