Kahit na tumatanda na ako sa pagtatrabaho dito sa China ay hindi pa rin nawawala sa aking isipan ang paniniwalang ang lahat ng mga Intsik ay marunong mag-Kung-Fu . Akala ko noon ay makakakita ako dito ng mga duwelong katulad ng napapanood sa "Crouching Tiger, Hidden Dragon" kapag may nag-aaway. Wala naman palang ganun.
Naaalala ko tuloy 'yung interpreter naming tsekwa sa dati kong pinapasukan na nagkuwento sa akin ng kanyang makulit na karanasan sa isang makulit na Pinoy na tulad ko.
"'Di ba Intsik ka?"
"Oo, bakit?"
"Eh 'di marunong ka ng kung-fu?"
"'Di ba Pinoy ka?"
"Oo, bakit?"
"Eh 'di marunong kang mag-tinikling?"
Hindi pala ako nag-iisa.