Showing posts with label music. Show all posts
Showing posts with label music. Show all posts

Friday, November 23, 2018

Welcome to the Arena




"Isa kang Batang 90's kung isa ka sa mga libu-libong Pinoy na naglakbay patungong Philippine Arena para makita ang GN'R."


Ayun nga, tinahak namin ang landas patungong paraiso. Nakarating kami sa Philippine Arena bandang 3:30 ng hapon dahil wala pa ang inaasahang matinding trapik. Pagbaba pa lang namin sa kotse ay may kakaibang saya akong naramdaman. Nagpasampal ako sa misis ko sa magkabilang pisngi para siguraduhing hindi ako nananaginip. Ang totoo, ito na ang katuparan ng matagal ko nang pangarap na akala ko noo'y sa panaginip ko lang mararanasan.

Mas tumindi pa ang feelings nang makita ko na ang mga kamukha ko sa labas ng venue. May mga grupo-grupo, may mga mag-jowa, may pamilyang kumpleto hanggang sa mga chikitings, at higit sa lahat ay maraming mga gurang na kaedaran ko o mas matanda pa sa akin. As expected, halos lahat sila ay mga nakaitim. Biglang nag-flashback ang aking kabataan, bigla kong naalala ang mga panahong dumadalo kami ng tropa ko sa mga tugtugan noong 90's. Ang pinagkaiba nga lang ngayon, katulad noong dumalo ako sa tugtugan ng Smashing Pumpkins, mas lamang na ang mga hindi mukhang mababaho at dugyot! Sa tinagal ba naman ng panahong hinintay natin, imposibleng pambili pa rin ng dalawang yosi lang ang kaya natin!

Thursday, November 15, 2018

Take Me Down to the Paradise City


"Isa kang Batang 90's kung nakadalo ka sa 'Not in This Lifetime Tour' sa Philippine Arena."

Once upon a time, may dumating na package galing sa mga kamag-anak ko galing HK at kasama rito ang isang VHS tape na may nakalagay na "GUNS N' ROSES" bilang pamagat. Galing ito sa pinsan naming si Jon-Jon na isa ring panatiko ng grupo tulad namin ng utol kong si Pot.

Tuwang-tuwa kami noon dahil hindi na namin kailangang mag-abang sa MTV para lang makita sila Axl na tumutugtog. 'Yun nga lang, nakalimutan naming wala nga pala kaming VHS player at kailangan pa naming kumbinsihin ang japayuking kapitbahay naming si Dodie na makinood sa kanyang astig na teeveeng na may built-in player. Mabuti na lamang at isa siyang gitarista ng kombo-kombo sa Japan at isa ring Gunner katulad namin kaya hindi kami nahirapang yayain siya sa kanilang sariling bahay!

Matapos ang halos tatlong oras na panonood, kasama ang ilang beses na parinig ng kanyang ermats ng "Ang tagal namang matapos niyan.", ay umuwi kaming masaya at may mas maalab na paghanga sa aming mga iniidolo. Ang kopyang iyon ng "Use Your Illusion Tour" na ginanap sa Tokyo noong February 1992 ay ang isa sa mga 'di ko malilimutang concerts na napanood ko sa teevee. Itinaga ko sa bato na kapag pumunta sila Slash sa Pinas, papanoorin ko sila at doon ako sa harap nila pupuwesto!

Tuesday, November 13, 2018

Guns in a Lifetime


"Isa kang Batang 90's kung pinangarap mong tumugtog ang GNR sa Pilipinas."

Dalawang dekada. O higit pa.

Ganito katagal naming hinintay ang pagkakataong ito, ang bisitahin ng GUNS N' ROSES ang Lupang Hinirang upang tugtugan ang mga sabik na Pinoy nilang taga-hanga!

Pero teka, sabi ng Tide, "Gulat ka?!".

Sa kasabikan ko sa isang importanteng kaganapan sa kasaysayan ng musika ay hindi ko naiwasang magsulat muli sa blog kong inamag na ng panahon. Hanggang ngayon kasi ay naririnig pa rin ng mga bingi kong tenga ang lakas ng tugtugang naganap sa Philippine Arena noong nakaraang Linggo, November 11, 2018, 7:30PM.

At oo, after 14 years, susubukan ko muling halungkatin ang mga alaala sa aking isipan upang bigyan kayo ng mga walang kuwentang kuwentong-karanasang may kinalaman sa Dekada NoBenta.

Simulan na natin ang kuwentuhan. Time space warp, ngayon din!

Friday, March 21, 2014

Ang Sipon ni Pavarotti

 
 "Isa kang Batang 90's kung alam mong muntikan nang hindi matuloy ang konsyerto ni Pavarotti sa Maynila."


Ang musika ay isang wikang naiintindihan ng lahat.

Walang pinagkaiba ang "Macarena" ng Los Del Rio,na sumikat noong Dekada NoBenta, at ang "Gangnam Style" ni Psy na kinabaliwan ng buong mundo kamakailan lang. Hindi batid sa dalawang mga kanta kung ano ang ibig sabihin pero maganda raw sa pandinig at masarap sayawin kaya ito pumatok nang wagas.

Dalawang dekada na ang nakararaan, pinatunayan din ito ng sambayanang Pinoy nang dayuhin ng sikat na tenor Luciano Pavarotti ang Pinas upang magtanghal ng isang konsiyerto sa  Philippine International Convention Center noong March 21, 1994.

Wednesday, January 22, 2014

Zigazig-Ha


"Isa kang Batang 90's kung alam mo ang pangalan ng grupong nagpasikat ng kantang 'Wannabe'."

Noong Dekada NoBenta ay napakaraming mga grupong sumulpot na parang kabute sa natuyong ebak ng kalabaw matapos ang matinding ulan. Sila ang mga tinatawag na boy bands na hindi naman talaga banda dahil bihira lang sa kanila ang marunong tumugtog ng mga instrumentong pang-musika. Karamihan sa kanila ay puro porma, ka-guwapuhan, at matinding paghawak lang ng mikropono habang nakaluhod ang alam lang.

Take That, East 17, Boyzone, Westlife, Five, Another Level, Point Break, Boyz II Men, Backstreet Boys, 98 Degrees, 'N Sync, The Moffatts, at Hanson. Ang dami dami dami dami dami dami dammit nila pero ayon nga sa Eheads, puro laos ang natira.

Kung merong mga grupo ng kalalakihan, siyempre ay hindi nagpadaig ang mga grupo ng mga kababaihan. Marami rin ang mga girl bands na nabuo noong Nineties pero isa lang ang talagang sariwa pa sa aking alaala, ang Spice Girls na nagpasikat sa kantang "Wannabe".

Sunday, October 20, 2013

Huwag Mo Nang Itanong

"Isa kang Batang 90's kung minsan ay pinangarap mong makausap ang ilang bigating tao noong Dekada NoBenta katulad ni Ely Buendia."

Ang tambayan kong puro kuwentong wala namang kuwenta ay may isang pahina na naglalaman ng mga hebigat interviews sa mga bigating nilalang na may kinalaman sa Dekada NoBenta. Kung sakaling bago ka lang dito sa aking pook-sapot, matatagpuan mo ang kawingan ng "Sampu't Sari" doon sa bandang kanan sa itaas ng iyong panginain. Koleksyon ito ng mga panayam na ginawa ko sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng mga sulatroniko kung saan nagbibigay ako sa aking panauhin ng sampung katanungang konektado sa 90's. 

Ano kaya ang mga kuwentong-karanasan ng mga celebrities noong Nineties? Madalas natin silang makita sa teevee noon, mabasa sa dyaryo, at mapakinggan sa radyo, ngunit sigurado akong may iba pa silang mga mas interesanteng istorya sa buhay noong kapanahunan natin.

Paano kaya ilalarawan ni Senator BBM sa itsura ng ating bansa noong bumalik siya sa Pinas noong 1991 matapos ang limang taong pananatili sa Hawaii? Ano kaya ang naging epekto kay Renmin Nadela at sa Agaw Agimat ng paglipat ni Lee sa Slapshock? Alam kaya ni Glenn Jacinto ang tsismis noon na namatay na daw siya? Nasubukan na kayang kantahin sa videoke ni Bong Espiritu ang signature song nilang "Sikat na si Pedro"?

Noong pinaplano ko pa lang ang konsepto ng pakulo kong ito, tatlo sa mga iniidolo ko ang unang pumasok sa aking isipan. Una ay si Jessica Zafra na tunay na nagbigay sa akin ng inspirasyon upang magsulat ng mga sanaysay. Pangalawa ay si Lourd De Veyra na wala na yatang aastig pa sa talas ng pananalita at puna sa mga bagay-bagay. Pangatlo ay ang nag-iisang si Ely Buendia.

Thursday, September 19, 2013

Sampu't Sari: Glenn Jacinto ng Teeth

 "Without music, life is a journey through a desert.", Pat Conroy

Habang ang Seattle ni Uncle Sam ay nakikilala sa buong mundo dahil sa kanilang Grunge Movement, ang Pilipinas ay sumabay din sa pagkakaroon ng sariling "rebolusyon" sa industriya ng musika. Ang Dekada NoBenta ay ang maituturing na "Golden Age of Filipino Alternative Music" kung kailan ang underground na tugtugan ay biglang nilamon ng buhay ang mainstream radio.

Nang umere ang LA105.9, nagkaroon ng kamalayan ang mga Pinoy na hindi lamang sa mga labsungs at kung anu-anong ka-sentihan nabubuhay ang tao. Ang himpilan nila ang nagbukas ng pinto para sa mga grupong sobra sa talento ngunit hindi napapansin ng mga kapitalistang record labels. Tanging istasyon lang nila ang nagpapatugtog ng mga awitin mula sa mga hindi kilalang kombo. Tuwing Linggo ay inaabangan ng mga rockers o "metal" ang kanilang "Filipino Alternative Countdown" upang malaman kung sino ang numero uno sa mga awiting sinasabayan ng mga nagbabagong tagapakinig ng bayan. Isa sa mga naghari sa lingguhang listahan ay ang "Laklak" na tumagal ng 12 weeks.

Dalawang dekada na, September 1993 nang magsama-sama ang tatlong dating miyembro ng Riftshifta - Jerome Velasco (guitars), Peding Narvaja (bass), Mike Dizon (drums), at dating miyembro ng Loudhouse na si GLENN JACINTO (vocals) upang magtayo ng grupong tinawag nilang Teeth

Oo, mga ka-dekads, hindi sila "The Teeth".

Sunday, September 15, 2013

Sampu't Sari: Robert Javier ng The Youth

"Basahin motto para may philosophy ka rin."

Noong ako ay nahilig sa mga kombo-kombo at banda-banda, ang una kong pinangarap ay maging isang tambolero ngunit hindi ito nagkaroon ng katuparan dahil hindi magkasundo ang paghataw ng aking mga kamay at pagpadyak ng aking mga paa. Nagpaturo pa nga ako sa kaibigan kong drummer ngunit kahit bayaran ko ng per ora ay talagang sumuko siya sa mala-Syria kong body parts.

Nauso noong 90's ang gitara at halos lahat ng mga kabataan ay gustong magtayo ng sarili nilang banda kaya naengganyo rin akong sumali sa isang grupo bilang isang rhythm guitarist. Sa kabutihang-palad, naisama ako sa line-up ng Aneurysm ngunit bilang isang bahista.

Ayon kay idol Flea ng RHCP, "bass is the second lead guitar" kaya tinanggap ko na rin ang ten thousand five hundred pogi points na puwedeng makuha sa pagbabaho kahit na wala akong alam sa instrumentong iyon. Hindi ako magaling mag-leads kaya naman nahirapan din ako sa una kong pagkalabit ng mga kuwerdas ng baho. Ganun pa man, humugot ako ng inspirasyon sa mga iniidolo ko upang magampanan ang pagiging isang musikero. Isa sa mga itinuturing kong diyos sa industriya ng Pinoy Rock ay ang nag-iisang ROBERT JAVIER.

Monday, August 19, 2013

Kasyet Tapes

 
"Isa kang Batang 90's kung naabutan mo ang mga cassette tapes at unti-unti nitong pagkawala."

Sa panahon ng makabagong teknolohiya, napakadaling gumawa, magbenta, at magnakaw ng musika. Isang pindot lang ng teklada ay mapapasaiyo na ang mga digital copies ng mga paborito mong kanta. Hindi na ako magugulat na kung isang araw ay gigising tayo na laos o tuluyuan nang naglaho ang mga compact discs dahil sa mga pirata. Sabagay, weather-weather nga lang 'yan sabi ni Kuya Kim. Internet ang papatay sa compact disc na pumatay sa CASSETTE TAPES.

Sunday, June 2, 2013

KM 19 EDSA

"Isa kang Batang 90's kung alam mong ang Club Dredd ay ang mecca ng mga banda noong Dekada NoBenta."

Ang tunay na Pinoy sa isip, sa salita, at sa gawa ay alam na ang Kilometer Zero ay nakatirik sa tapat ng bantayog ni Pepe sa Rizal Park. Bata pa lang tayo ay naituro na ito ng ating mga guro sa HeKaSi. Ito ang palatandaan sa mapa kung saan sinusukat ang distansya ng mga lalawigan at iba pang mga lugar sa Pilipinas. Kung hindi mo ito alam, Pinoy ka pa rin naman dahil nababasa mo pa ang palabok kong walang kwenta; malamang ay absent ka lang sa klase noong itinuro ito sa eskwelahan.

Sa hindi kalayuang lugar mula sa Luneta ay matatagpuan ang kahabaan ng EDSA kung saan matatagpuan naman ang pinakasikat na marker noong Dekada NoBenta, ang KM 19. Dito nakatayo noon ang bar na nagpatibay ng pundasyon ng Pinoy Underground Scene noong Nineties, ang CLUB DREDD.

Hindi ko na naabutan ang unang Dredd na nasa Timog Avenue. Hindi pa kasi sanay ang tenga ko noon sa ingay dahil si Andrew E. pa lang ang pinapakinggan ko noong mga panahong iyon. Una silang nagbukas noong December 8, 1990 sa ilalim ng pamamahala nina Skavengers' drummer  Patrick Reidenbach at Scavengers' manager Robbie Sunico. Ipinangalan nila ito sa kanilang paboritong comic book character na si Judge Dredd. Pinalitan nila ang Red Rocks matapos itong magsara. Ito ang naging tambayan ng mga nilalang na hayok sa rakrakang bato at ilan sa mga  regular na tumutugtog dito ay ang Eraserheads, The Youth, Afterimage, Ethnic Faces, Anno Domini (Mutiny),Athena’s Curse (Alamid), Grace Nono, Joey Ayala, Bazurak (na pinagmulan ng Rivermaya), Color It Red, The Wuds, Razorback, Wolfgang at Advent Call. Maganda na sana ang lahat ngunit nagkaproblema ito sa pananalapi na naging dahilan upang sila ay magsara noong February 1993.

Thursday, May 9, 2013

Itong Kantang Ito


"Isa kang Batang 90's kung narinig mong lahat ang mga versions ng 'Ikaw Pa Rin' na unang pinasikat ni Ted Ito."

Itong kantang ito ay hindi kay tsong at kay tsang. 

Ito ay tungkol sa isang awiting unang pinasikat ni TED ITO noong mga unang taon ng ng Dekada NoBenta. Maganda ang pagkakagawa kaya naman naibigan ito ng masang Pinoy. Hindi lang 'yung tipong nagustuhan lang ng ilang linggo kundi tumagal ito sa radyo ng ilang buwan o taon pa yata katulad ng mid-90's dance craze na "Macarena".

Ang malufet nito, sa tindi ng kasikatan ay naisipan ng ilang mga songers at grupo na gawaan ito ng kani-kanilang bersyon.

Ihanda na ang iyong mga tenga dahil babasagin natin ang mga tutule niyan sa pamamagitan ng pakikinig habang nagbabalik-tanaw sa panahon kung kailan mukhang kinapos sa kakayahang makapagsulat ng mga bagong kanta ang mga mang-aawit kaya wala silang nagawa kundi ang makiuso sa "revival". Marami silang nakisakay kaya hindi ko na maalala ang pagkakasunud-sunod ng kanilang pagkakalabas.

Monday, April 29, 2013

Bad Boys From Boston


"Isa kang Batang 90's kung alam mo ang grupong nagpasikat kay Alicia Silverstone."

Kaninang umaga ay gumising akong may ngiti sa aking mga labi dahil napanaginipan ko kagabi ang konsyertong magaganap ngayong darating na May 8, 2013 sa Mall of Asia Arena. Matagal ko nang nakikita sa internet ang mga petisyong dalhin sa ating bansa ang tinaguriang "The Bad Boys From Boston" upang magtanghal. Salamat sa Pulp Live World, ang pangarap na mapanood sa Pinas ang AEROSMITH ay mabibigyan na ng katuparan!

Hindi katulad noong pinanood namin ni misis ang muntik nang hindi matuloy na konsyerto ng Smashing Pumpkins kung saan ay nasa upper box kami, sa harapan ako nakapwesto sa aking panaginip upang makipagrakrakan kila Steven Tyler. Kahit na sobrang mahal ng halaga upang makabili ng ticket para sa "Ultimate Aerosmith Experience VIP" ay hindi ko na ito inangal dahil ang grupong ito ay tinagurian ding "America's Greatest Rock and Roll Band" at "The Best-selling American Rock Band of All Time" na nakapagbenta ng 150 milyong pinagsasama-samang dami ng kopya ng kanilang mga albums. Oo, mahal ang kanilang talent fee para sa "The Global Warming World Tour"- Php2600, Php5700, Php12500, Php15500, at Php20000 lang naman.

Pagkatapos tumugtog ng Rivermaya bilang front act, ay umangat ang mga platforms ng bawat miyembro. Kitang-kita sa malaking screen ang kamay ng lidista nilang si Joe Perry na kakaskas na sa gitara. Bumilang sa pamamagitan ng drumsticks si Joey Kramer kasabay ng pagsambit ng  "1...2...3..." at bigla nilang tinugtog ang alarm tone kong "In Bloom" ng Nirvana.

Epekto ito ng kasabikan.

Friday, April 19, 2013

Bata, Bata, Nasaan Ka Na (Part 2)

"Isa kang Batang 90's kung napapaisip ka minsan kung nasaan na ang Nirvana Baby."

Tapos na ang Part 1 kaya heto na ang Part 2 ng mga batang naging pabalat ng mga iconic albums na inilabas noong Dekada NoBenta.

Malaki ang naitutulong ng packaging sa pagbebenta ng kung ano mang bagay na iyong itinitinda kaya kahit na ang mga musikero ay naglalaan ng mga kakaibang konsepto para kapag dinampot ang kanilang CD sa estante ng mga music bars ay makapukaw ng atensyon. Ang ibang album covers ay idinadaan sa cartoons. Ang iba ay naglalagay ng mga seksing babae. Meron ding gumagamit ng mga brutal na imahe.

Pero ang iba, gumagamit ng larawan ng mga bulilit.

Natatandaan mo pa ba ang kerubin sa "1984" album ng Van Halen? Eh 'yung mga bata sa debut albums ng Violent Femmes at Lemonheads? Hindi rin papatalo ang mga totoy sa "War" ng U2 at self-titled album ng Placebo.

May kung anong karisma ang mga bata kaya nagkakaroon tayo ng interes kapag sila ang bumibida. Subukan mong palitan ng mga gurang ang mga bida sa "Goin' Bulilit" at panoorin ang mga mais na patawa, sigurado akong matatae ka sa bad trip. Ang corny, nakakatawa lang kapag bata ang nagsasabi.

Tuesday, April 16, 2013

Bata, Bata, Nasaan Ka Na (Part 1)

"Isa kang Batang 90's kung natatandaan mo pa ang ilang mga batang naging cover ng mga music albums noong Dekada NoBenta."

Sa dami ng mga social networks na lumalamon sa ating araw-araw na pamumuhay, hindi na bago sa paningin ang mga nilalang na gumagawa ng kung anu-anong gimik para lang magpapansin at sumikat sa internet.

Habang ang karamihan sa kanila ay ginagamit si pareng YT upang maipakita sa buong mundo ang videos ng kanilang mga talento dala ang pangarap na maging susunod na Arnel Pineda at Charice Pempengco, ang iba namang mga rich kid photographers (daw) ay dinadaan sa mga litratong kinuhaan nila gamit ang mamahaling DSLR upang kumuha ng atensyon.

Kung minsan (o sa tingin ko ay madalas na), kahit na walang kwenta ay pinapatulan din ng mga netizens - kahit na mukhang tanga, basta nakakatawa; at kahit na hindi nakakatawa basta mukhang nakakatanga!

Pero ano kaya ang pakiramdam ng isang taong ginamit ang kanyang litratong kuha noong siya ay bata pa upang maging pabalat ng isang sisikat na music album? Nasaan na kaya ang mga bulilit na tumatak sa ating isipan dahil sa mga album covers na kanilang pinagbidahan?

Friday, April 5, 2013

Grunge is Dead: The End of Music


KURT DONALD COBAIN
(February 20, 1967 - April 5, 1994)

"Isa kang Batang Nineties kung naki-headbang ka sa tugtugan ng Nirvana."

Kung magbibigay ako ng isang salita para tukuyin Dekada NoBenta, ang maiisip ko ay ang “Generation X”. Tinatawag ding “13th Generation”, ito ay ang mga taong ipinanganak mula 1961 to 1981 na iniuugnay sa administrasyon nina Ronald Reagan at George H.W. Bush ni Uncle Sam. Ang paniniwalang-politikal ng ating dekada ay apektado ng mga pangyayari tulad ng Vietnam War, Cold War , Pagbagsak ng Berlin Wall, at People Power Revolution ng EDSA. Tayo rin ang unang nakatikim ng video games, MTV, at ng Internet. Sa musika naman ay sikat ang heavy metal, punk rock , gangsta rap, at hip-hop. Pero ang lumamon sa airwaves noong nineties ay ang GRUNGE music na ang naging pinaka-icon ay si KURT DONALD COBAIN.

Hindi ko na ikukuwento kung paano sumikat at pinatay ng kasikatan ang itinuring na “spokesperson” ng Gen X. Nandiyan naman si pareng Wiki at si pareng Google. Isa pa, ayokong magkamali sa mga impormasyon tungkol sa aking idolong itinuring na "demi-god". Sigurado naman ako na walang Batang Nineties ang hindi nakakakilala sa “flagship band of Gen X” na NIRVANA. Susugurin ko na papuntang Cebu ang bandang Cueshe(t) kung sasabihin pa rin nilang hindi nila kilala ang trio na tinutukoy ng Weezer sa “Heart Song” (‘Di raw kasi nila kilala ang Silverchair na paborito ng lola ko). Paksyet sila kung ide-deny nila ang pinakamalufet na Grunge band na yumanig sa buong mundo noong panahon namin.

Wednesday, January 16, 2013

Sampu't Sari: Bong Espiritu ng Philippine Violators


Itinuturing na isa sa mga haligi ng Pinoy punk / hardcore scene, ang PHILIPPINE VIOLATORS ay nabuo noong Marso 1984 sa pamumuno ng magkapatid na BONG ESPIRITU (vocals) at Jesus "Senor Rotten" Espiritu (guitars). Kasama nila sa orihinal na grupo sina Seymour Estavillo (bass) at Noel Banares (drums).

Sa ilalim ng indie punk label na Twisted Red Cross o mas kilala sa tawag na TRC ay lumabas ang kanilang debut album na "Philippine Violators At Large". Dahil sa angas ng kanilang tugtugan ay nabigyan sila ng pagkilala at nagkaroon ng mga tagahanga hindi lamang sa Pinas kundi na rin sa labas ng bansa tulad ng Europe, ilang bahagi ng Asya, at America.

Isang patunay dito ay ang grupong Abalienation. Laking-gulat at mas lalong tumaas ang paghanga ko sa PhilVio nang mapansin ko sa cover ng aking biniling cassette tape mula sa Musikland sa Ali Mall Cubao ay nakasuot ng t-shirt na may print ng "At Large" ang bokalista nila. Biruin mo, tagahanga ng grupong Pinoy ang hinahangaan kong stateside na punks!
Nang mawala ang TRC ay binuo ng magkapatid na Espiritu ang Rare Music Distributor (RMD) Records. Noong una ay para lamang sana ito sa mga musikang ilalabas ng PhilVio tulad ng "State of Confusion" album ngunit nang lumaon ay naging "breeding ground" ito ng mga grupo sa underground scene. Nakatulong ang RMD sa pag-produce ng mga compilation albums tulad ng "Screams From the Underground" na sumuporta sa mga independent artists.

Sunday, January 13, 2013

Pinoy Bato: Pinoy Rock 90s

"Isa kang Batang Nineties kung alam mo ang compilation album na 'Pinoy Bato'."

Released in 1991 and produced by Heber Bartolome, ang independent compilation album na ito ay ang isa sa mga pinakapaborito ko noong Dekada NoBenta. Kabilang sa obrang ito ang apat na grupong mula sa Pinoy Underground scene - Wuds, Philippine Violators, Mga Anak ng Tupa, at The Next.

Monday, December 10, 2012

Ilusyon Mo Lang 'Yan

"Isa kang Batang Nineties kung alam mo ang mga 'hidden images' sa 'Use Your Illusion' album cover ng Guns N' Roses."

Isa akong Batang Nineties na diehard fan ng tropa ni AXL ROSE. Noong nasa high school ako ay ipinaglalaban ko ng patayan ang kanyang grupo laban sa paboritong Bunjubi ng klasmeyt at kaibigan kong si Mia. Magmula sa debut album na "Appetite for Destruction" hanggang sa "The Spaghetti Incident?" ay meron akong mga kopya. Hindi nga lang original copies lahat pero kahit na ni-record lang sa Maxell blank tape ay kabisado ko naman ang lyrics ng mga kanta. Hindi ako isang "chorus boy".

Sa lahat ng mga nagawang albums ng GUNS N' ROSES, ang pinakapaborito ko ay ang ikatlo at ikaapat nilang albums na sabay na inilabas noong September 17, 1991, ang "USE YOUR ILLUSION I" at "USE YOUR ILLUSION II".

Thursday, November 22, 2012

Fuck You, I Won't Do What You Tell Me

"Isa kang Batang Nineties kung alam mo ang signature song ng RATM."

Noong aking kabataan, pinangarap kong maging isang aktibista dahil gusto kong iparating sa mga kinauukulan ang mga hinaing ko sa gobyerno bilang isang mamamayan ng bansang Pinas. Sa loob-loob ko, handa akong sumama sa mga kilos-protesta sa labas ng Palasyo ng MalacaƱan. Isisigaw ko ng todo ang boses ng pakikibaka. Itataas ko ang mga karatulang naglalaman ng mga mensahe ng sambayanan. Kakayanin ko ang pagbomba ng mga bombero. Kahit pa mga nalusaw na tae mula sa septic tank ang ibuga ng kanilang mga hose ay sasagupain ko ito ng walang pag-aalinlangan.

Karaniwan sa mga agresibong Juan Dela Cruz, na sabihin nating mga bespren ng administrasyon, ay ganito ang pamamaraan upang mapansin ng mga nakapuwesto.

Ang iba naman, idinadaan sa rakrakan. Gumagamit ng mikropono. Mga instrumentong pang-musika.

Dito nakilala ang grupong RAGE AGAINST THE MACHINE na kinabibilangan nila  Zack de la Rocha (vocalist), Tim Commerford (bassist and backing vocalist), Tom Morello (guitarist), at  Brad Wilk (drummer).

Monday, October 15, 2012

Weird Al Cobain

"Isa kang Batang 90's kung alam mong ginawaan ni Weird Al ng parodya ang Teen Spirit nila Cobain."

Sa mundo ng musika, mayroong mga nilalang na ipinanganak na may talento sa paggawa ng mga awitin. Ang iba naman ay biniyayaan ng kakayanang manggaya ng mga kanta sa pamamarang "OA" upang maging nakakatawa. Parody. Dito nakilala ang Kanong si ALFRED MATTHEW "WEIRD AL" YANKOVIC.

Ang totoo, Dekada Otsenta siya unang narinig ng madla sa kanyang hit single na "Eat It", isang parodya ng "Beat It" ni Michael Jackson. Simula noon ay naging kakambal na ng kanyang pangalan ang pagpapatawa sa pamamagitan ng pagbabago ng mga lyrics at panggagaya ng mga music videos ng mga sumikat na kanta. Sa ngayon, nakagawa na siya ng labing-tatlong albums na naglalaman ng humigit sa 150 pinagsamang parodies at orihinal na mga kanta.