Tuesday, April 16, 2013

Bata, Bata, Nasaan Ka Na (Part 1)

"Isa kang Batang 90's kung natatandaan mo pa ang ilang mga batang naging cover ng mga music albums noong Dekada NoBenta."

Sa dami ng mga social networks na lumalamon sa ating araw-araw na pamumuhay, hindi na bago sa paningin ang mga nilalang na gumagawa ng kung anu-anong gimik para lang magpapansin at sumikat sa internet.

Habang ang karamihan sa kanila ay ginagamit si pareng YT upang maipakita sa buong mundo ang videos ng kanilang mga talento dala ang pangarap na maging susunod na Arnel Pineda at Charice Pempengco, ang iba namang mga rich kid photographers (daw) ay dinadaan sa mga litratong kinuhaan nila gamit ang mamahaling DSLR upang kumuha ng atensyon.

Kung minsan (o sa tingin ko ay madalas na), kahit na walang kwenta ay pinapatulan din ng mga netizens - kahit na mukhang tanga, basta nakakatawa; at kahit na hindi nakakatawa basta mukhang nakakatanga!

Pero ano kaya ang pakiramdam ng isang taong ginamit ang kanyang litratong kuha noong siya ay bata pa upang maging pabalat ng isang sisikat na music album? Nasaan na kaya ang mga bulilit na tumatak sa ating isipan dahil sa mga album covers na kanilang pinagbidahan?


 FREEMAN (Francis Magalona; April 1995)

Ang album na ito ay ang ika-lima ng yumaong Master Rapper. Isa ito sa mga pinakamahalaga niyang nagawa dahil dito galing ang mga awiting naging kanyang "signature songs" at nakatulong sa kanya upang maging bahagi ng Pinoy Rock scene - "Three Stars and a Sun" at "Kaleidoscope World".

Tampok sa album cover ang kuha ng kanyang pang-anim na anak na si Elmo Moses Magalona noong ito ay anim na buwan pa lamang. Siya rin ang naging album cover ng "Freeman 2" na inilabas naman noong 2001. Nakasama siya ni Pareng Ely B. sa collaboration album na "In Love and War". Binigyan siya ng titulong "Heir of Rap" sa variety show "Party Pilipinas" kung saan siya ay regular host at performer. Isa sa mga teen heart-robs na tinitilian ng mga dalaginding, siya ay nakasama rin sa mga teevee series tulad ng "Bantatay" at "Pilyang Kerubin".

Ang bilis ng panahon, ngayong darating na April 27 ay 19 years old na siya.

 BORN ON A PIRATE SHIP  (Barenaked Ladies; April 19, 1996)

Ito ang ikatlong full-length album ng Canadian rockers BNL kung saan galing ang mga singles na "The Old Apartment", "If I Had $1,000,000", at "Shoe Box" na kasama sa unang OST ang teevee series na "FRIENDS".

Ang unang kuha para sa album cover ay tampok si Marcus Priest at ang kanyang kapatid ngunit mas pinili ng grupo ang kanyang mas makulit na solo shot. May mga kumalat na tsismis noon na ang pektyur ay kuha ng BNL bassist na si Jim Creeggan noong siya ay bata pa.
Salaysay ni Marcus sa NME: "My brother and I simply turned up. I think the photo shoot was in a local park, we wore some crazy clothes and messed around in pirate hats. My brother and I were more excited about the $50 we received for the photo shoot.
Sa ngayon ay nakatira na siya sa UK kasama ang kanyang asawa at dalawang anak. Undergraduate siya ng kursong Psychology at graduate naman ng kursong Human Resource Management.

Ngapala, kapag binigkas mo ang taytol ng album habang ginagaya ang posing ni Marcus, ang masasabi mo ay "born on a pile of shit".

A BOY NAMED GOO (Goo Goo Dolls; March 14, 1995)

Ang ika-limang album ng American rock band Goo Goo Dolls kung saan galing ang kanilang pinakaunang hit single na pinamagatang "Name". Nagkaroon ako ng CD copy nito na napanalunan ko sa isang pa-contest ng NU107.5 kaso wala pa kaming CD player noon kaya pina-arbor ko nalang sa kaklase kong si Cathy Young.

Galing sa librong "Carlvision" ang larawan ng noo'y dalawang taong gulang na si Carl Gellert. Binili ito sa kanyang professional photographer na tatay na si Vance Gellert sa halagang $6,000 upang magamit ng grupo. Dose anyos na siya nang lumabas ang album at papasok na sa seventh grade kaya ang naging bansag sa kanya habang nagbibinata ay "Goo".

Ngayon ay nasa edad na 29, hindi siya naging fan ng Goo Goo Dolls pero malaki ang pasasalamat niya sa grupo sa kasikatang nakamit dala ng kanyang hubad na litrato. Nagkaroon siya ng doctorate degree sa Art History na naka-focus sa Archeological Research. Madalas magkamali ang iba at napagkakamalan siyang "Nirvana Baby".

KoЯn (KoЯn; October 11, 1994)

Mula sa self-titled debut album ng American band KoЯn ang mga singles na "Blind", "Need To", "Clown", at "Shoots and Ladders". Sinasabing isa ang obrang ito sa mga nagpasikat ng nu metal genre. One of my favorites dahil mahilig ako sa rap, sigaw, at ingay ng gitara.

Anim na taong gulang si Justine Ferrara nang kuhaan siya ng litratong gagamiting imahe ng iconic  album. Makikita sa cover ang isang blonde girl na nakasakay sa swing habang may tinatanaw na tao sa kanyang harapan. Ang anino ng lalaking may hawak na horse shoe ang nakapagbigay ng "disturbing effect" sa kung sino mang makakakita sa larawan. Ang tito niyang si Paul Pontius, na siya ring nakadiskubre sa grupo, ang nag-recruit sa kanya para sa photo shoot. $400 ang naging bayad para sa kanyang memorable pose.

Noong una ay hindi inisip ng kanyang magulang na "big deal" ang maging cover ng isang album ng isang hindi pa sikat na banda pero nang unti-unting matanggap ng masa ang tugtugan ng KoЯn ay nag-alala sila sa mga fans na makakakilala sa kanilang anak. Naisip din nilang baka magkaproblema si Justine sa kanyang eskwelahang pinapasukan dahil sa school uniform na ginamit sa kodakan. Awa ng Diyos ay wala namang ganung mga isyung natanggap ang pamilya. 

Nagtapos si Justine sa New York University noong 2009 sa kursong Communications.

Tulad ni Goo, hindi siya naging fan ng grupong nagbigay sa kanya ng konting kasikatan!


O sya, hanggang dito nalang muna. May part two ang kwentong ito. Abangan ang Bee Girl, Siamese Twins ng Smashing Pumpkins, at ang Nirvana Baby.



2 comments:

  1. I'm pretty sure ako yung baby sa nirvana album. haha.

    ReplyDelete
  2. This is awesome! :D Pa-link ha. Excited na ako sa Part 2.

    ReplyDelete