Monday, April 29, 2013

Bad Boys From Boston


"Isa kang Batang 90's kung alam mo ang grupong nagpasikat kay Alicia Silverstone."

Kaninang umaga ay gumising akong may ngiti sa aking mga labi dahil napanaginipan ko kagabi ang konsyertong magaganap ngayong darating na May 8, 2013 sa Mall of Asia Arena. Matagal ko nang nakikita sa internet ang mga petisyong dalhin sa ating bansa ang tinaguriang "The Bad Boys From Boston" upang magtanghal. Salamat sa Pulp Live World, ang pangarap na mapanood sa Pinas ang AEROSMITH ay mabibigyan na ng katuparan!

Hindi katulad noong pinanood namin ni misis ang muntik nang hindi matuloy na konsyerto ng Smashing Pumpkins kung saan ay nasa upper box kami, sa harapan ako nakapwesto sa aking panaginip upang makipagrakrakan kila Steven Tyler. Kahit na sobrang mahal ng halaga upang makabili ng ticket para sa "Ultimate Aerosmith Experience VIP" ay hindi ko na ito inangal dahil ang grupong ito ay tinagurian ding "America's Greatest Rock and Roll Band" at "The Best-selling American Rock Band of All Time" na nakapagbenta ng 150 milyong pinagsasama-samang dami ng kopya ng kanilang mga albums. Oo, mahal ang kanilang talent fee para sa "The Global Warming World Tour"- Php2600, Php5700, Php12500, Php15500, at Php20000 lang naman.

Pagkatapos tumugtog ng Rivermaya bilang front act, ay umangat ang mga platforms ng bawat miyembro. Kitang-kita sa malaking screen ang kamay ng lidista nilang si Joe Perry na kakaskas na sa gitara. Bumilang sa pamamagitan ng drumsticks si Joey Kramer kasabay ng pagsambit ng  "1...2...3..." at bigla nilang tinugtog ang alarm tone kong "In Bloom" ng Nirvana.

Epekto ito ng kasabikan.

Nabuo noong 70's, ang kanilang grupo ay buhay na buhay pa rin hanggang ngayon dahil sa kanilang kakakayahang sumabay sa tugtugan ng panahon. Naririnig ko na sila noon sa mga tito kong mahilig din sa banda noong ako ay bata pero hindi ko pa sila masyadong masakyan. Napanood ko na rin silang nag-guest sa isa sa mga paborito kong episode ng "The Simpsons", ang "Flaming Moe's" na ipinalabas noong November 1991. Mga unang taon ng Dekada NoBenta ay napanood ko sa MTV ang music video ng first single nila mula sa kanilang 11th studio album na "Get a Grip (1993)", ang  "Livin' on the Edge" kung saan bida si Edward Furlong na nakilala sa pelikulang "Terminator 2: Judgment Day".


Nagpapakita ito ng reyalidad na bumabalot sa lipunan tulad ng vandalism, teenage sex, cross-dressing, pagnanakaw, at school violence. Ang pinakagusto ko dito ay ang parteng nagli-leads si Joe Perry sa riles - sakto lang ang pag-alis niya sa pagdating ng tren! Asar na asar si ermats sa bunganga ni Tyler na makikita sa bandang huli ng video kaya naman lalo naming nagustuhan ni utol Pot ang video.  

Sobrang astig talaga ng pagkakagawa nito kaya tinipid ko ang aking bente pesos na baon sa eskwelahan upang makabili kaagad ng cassette tape ng malufet na album na may litrato ng suso ng baka na kinabitan ng hikaw. Maraming mga animal rights groups ang nagprotesta sa cool na album cover. Huminto lang sila nang mapatunayang computer-generated lang ang imahe.

Wala kang itatapon sa mga kantang nakapaloob dmula Side A hanggang Side B. Natumbasan nito ang pagiging matagumpay ng kanilang ika-sampung studio album na "Pump" at marami ang nagsabing naging "sell-out" ang kanilang grupo dahil dito.

Mas nagustuhan ko ang kanilang grupo nang lumabas ang mga music videos para sa mga awiting "Cryin'", "Amazing", at "Crazy" kung saan bumida ang ex-girlfriend kong si Alicia Silverstone. Nakatulong sa career ng dati kong nobya ang mga ito, at nakatulong din naman sa kasikatan ng grupo ang alindog ng tinaguriang "Aerosmith Chick". Pinakapanalo ang ikatlong music vid dahil kasama dito ni Alicia si Liv Tyler na anak ni Steven. Matindi ang naging airplays nito sa radyo at sa MTV.

Naging abala ang grupo sa mga panahong ito dahil sa kasikatan. Nagkaroon sila ng cameo sa pelikulang "Wayne's World 2" kung saan nagkaroon sila ng live performance ng "Dude (Looks Like a Lady)" at "Shut Up and Dance". Naisama ang kanilang kantang "Deuces are Wild" sa compilation na "The Beavis and Butt-Head Experience". Isa sila sa mga tumugtog sa "Woodstock '94" at naisama rin ang kanilang grupo sa video games na "Revouliton X" at "Quest for Fame".

Matapos ang halos apat na taon mula nang na-release ang "Get a Grip" ay lumabas ang follow-up album na "Nine Lives (1997)". Hindi ito kasing-tagumpay ng sinundang album ngunit dito nanggaling ang mga singles na nagustuhan naman ng bagong henerasyon ng mga tagapakinig - "Falling in Love (Is Hard on the Knees)", ang ballad na  "Hole in My Soul", at ang crossover-pop na "Pink". Sa panahon ding ito ay nagkaroon sila ng awitin para sa pelikulang "Armageddon" kung saan isa sa mga tauhan si Liv Tyler, ang "I Don't Want to Miss a Thing". Matatandaang ginawaan ito ng rendition ni Jessica Sanchez noong nakaraang taon sa American Idol kung saan isa sa mga judges si Steven Tyler. Para sa akin, mas magaling ang bersyon ni Regine Veleasquez kumpara sa half Pinay. Sana ay maging surrprise guest ang may-bahay ni Ogie. Panalo 'yun kapag nagkataon!

Hindi natapos ang karera ng grupo sa pagpasok ng milenyo. Sa katunayan ay nakapaglabas pa sila ng tatlo pang albums - "Just Push Play (2001)", "Honkin' on Bobo (2004)", at ang pinakabagong "Music From Another Dimension! (2012)". 

Ilang tulog nalang at rakrakan na. Tatawagan ko na si misis bukas para makabili na siya ang pinakamahal na ticket ng gig para sa aming dalawa. Barya lang ang Php40k sa mga ganitong klase ng pagkakataon.

Tang-ina, hindi pala sa May 8 ang uwi ko sa Pinas. June 8 pala ang nakalagay sa e-ticket ko!

Mananaginip nalang ako ulit.



1 comment:

  1. isa nga sa legends ng rock and roll ang aerosmith!

    wow, grabehan ang presyo ng tix.....

    saka kahit na tumanda sila, yung graarrrr ng boses ay ganun padin! :D

    ReplyDelete