Showing posts with label events. Show all posts
Showing posts with label events. Show all posts

Friday, November 23, 2018

Welcome to the Arena




"Isa kang Batang 90's kung isa ka sa mga libu-libong Pinoy na naglakbay patungong Philippine Arena para makita ang GN'R."


Ayun nga, tinahak namin ang landas patungong paraiso. Nakarating kami sa Philippine Arena bandang 3:30 ng hapon dahil wala pa ang inaasahang matinding trapik. Pagbaba pa lang namin sa kotse ay may kakaibang saya akong naramdaman. Nagpasampal ako sa misis ko sa magkabilang pisngi para siguraduhing hindi ako nananaginip. Ang totoo, ito na ang katuparan ng matagal ko nang pangarap na akala ko noo'y sa panaginip ko lang mararanasan.

Mas tumindi pa ang feelings nang makita ko na ang mga kamukha ko sa labas ng venue. May mga grupo-grupo, may mga mag-jowa, may pamilyang kumpleto hanggang sa mga chikitings, at higit sa lahat ay maraming mga gurang na kaedaran ko o mas matanda pa sa akin. As expected, halos lahat sila ay mga nakaitim. Biglang nag-flashback ang aking kabataan, bigla kong naalala ang mga panahong dumadalo kami ng tropa ko sa mga tugtugan noong 90's. Ang pinagkaiba nga lang ngayon, katulad noong dumalo ako sa tugtugan ng Smashing Pumpkins, mas lamang na ang mga hindi mukhang mababaho at dugyot! Sa tinagal ba naman ng panahong hinintay natin, imposibleng pambili pa rin ng dalawang yosi lang ang kaya natin!

Thursday, November 15, 2018

Take Me Down to the Paradise City


"Isa kang Batang 90's kung nakadalo ka sa 'Not in This Lifetime Tour' sa Philippine Arena."

Once upon a time, may dumating na package galing sa mga kamag-anak ko galing HK at kasama rito ang isang VHS tape na may nakalagay na "GUNS N' ROSES" bilang pamagat. Galing ito sa pinsan naming si Jon-Jon na isa ring panatiko ng grupo tulad namin ng utol kong si Pot.

Tuwang-tuwa kami noon dahil hindi na namin kailangang mag-abang sa MTV para lang makita sila Axl na tumutugtog. 'Yun nga lang, nakalimutan naming wala nga pala kaming VHS player at kailangan pa naming kumbinsihin ang japayuking kapitbahay naming si Dodie na makinood sa kanyang astig na teeveeng na may built-in player. Mabuti na lamang at isa siyang gitarista ng kombo-kombo sa Japan at isa ring Gunner katulad namin kaya hindi kami nahirapang yayain siya sa kanilang sariling bahay!

Matapos ang halos tatlong oras na panonood, kasama ang ilang beses na parinig ng kanyang ermats ng "Ang tagal namang matapos niyan.", ay umuwi kaming masaya at may mas maalab na paghanga sa aming mga iniidolo. Ang kopyang iyon ng "Use Your Illusion Tour" na ginanap sa Tokyo noong February 1992 ay ang isa sa mga 'di ko malilimutang concerts na napanood ko sa teevee. Itinaga ko sa bato na kapag pumunta sila Slash sa Pinas, papanoorin ko sila at doon ako sa harap nila pupuwesto!

Tuesday, November 13, 2018

Guns in a Lifetime


"Isa kang Batang 90's kung pinangarap mong tumugtog ang GNR sa Pilipinas."

Dalawang dekada. O higit pa.

Ganito katagal naming hinintay ang pagkakataong ito, ang bisitahin ng GUNS N' ROSES ang Lupang Hinirang upang tugtugan ang mga sabik na Pinoy nilang taga-hanga!

Pero teka, sabi ng Tide, "Gulat ka?!".

Sa kasabikan ko sa isang importanteng kaganapan sa kasaysayan ng musika ay hindi ko naiwasang magsulat muli sa blog kong inamag na ng panahon. Hanggang ngayon kasi ay naririnig pa rin ng mga bingi kong tenga ang lakas ng tugtugang naganap sa Philippine Arena noong nakaraang Linggo, November 11, 2018, 7:30PM.

At oo, after 14 years, susubukan ko muling halungkatin ang mga alaala sa aking isipan upang bigyan kayo ng mga walang kuwentang kuwentong-karanasang may kinalaman sa Dekada NoBenta.

Simulan na natin ang kuwentuhan. Time space warp, ngayon din!

Tuesday, April 8, 2014

Anong Paki Mo sa Long Hair Ko

"Isa kang Batang 90's kung alam mong karamihan ng mga kalalakihan noong Dekada NoBenta ay mahahaba ang buhok."


Napakalaking bagay sa ating mga tao ang istilo ng buhok. 
 
Your hair is your crowning glory. Guluhin mo na ang lahat, huwag lang ang buhok ko. Basta kulot, salot. Kalbo, masamang tao. Ang haba ng hair.

Kahit na baguhin mo lang nang kaunti ang iyong buhok ay siguradong hindi ito makakaligtas sa puna ng iyong mga kakilala. Ito ang kadalasang unang nakikita kaya naman ay ito rin ang madalas na nataandaan sa isang tao. 

Noong kasikatan ng teleseryeng "Abangan ang Susunod na Kabanata...", ang mga kakaibang hairstyles ni Barbara Tengco ang madalas na mapansin sa bawa't episode. Nang maakusahan ang dating Calauan Mayor Antonio Sanchez sa panggagahasa, mas unang napuna ang kanyang pambihirang buhok (na para sa akin ay namana ng dating drummer ng Hale). Bukod sa mga kontrobersiyang kinasangkutan noon ni Dennis Rodman, hindi rin makakalimutan ng aming henerasyon ang makulay niyang buhok sa tuwing naglalaro sa court. May lulufet pa ba sa mga buhok nina MC Hammer at Vanilla Ice na noo'y kapwa naglalaban para sa trono ng pagra-rap?

Kadalasan ring nagiging basehan ng pagkatao ang ating mga buhok. Mali man, pero ito ang katotohanang madalas mangyari.

May kakilala akong ilang beses nang sumubok na makakuha ng visa mula sa US embassy ngunit ilang beses na ring nabigo. Hindi ko lang siya masabihang subukan niyang magpatubo ng buhok o kaya naman ay magsuot ng peluka dahil baka maumbagan niya ako ng kanyang mabigat na kamao. Walang masamang tinapay pero sa tingin ko mahihirapan naman talagang maaprubahan ng consul ang mga taong kasing-kalbo ni Pipoy!

Noong panahon ko, nauso ang mga "long hair", ang mga kabataang may mahahabang buhok na sa tingin ng karamihan ay mga adik at satanista dahil na rin sa musikang kanilang kinahihiligan.

Friday, March 21, 2014

Ang Sipon ni Pavarotti

 
 "Isa kang Batang 90's kung alam mong muntikan nang hindi matuloy ang konsyerto ni Pavarotti sa Maynila."


Ang musika ay isang wikang naiintindihan ng lahat.

Walang pinagkaiba ang "Macarena" ng Los Del Rio,na sumikat noong Dekada NoBenta, at ang "Gangnam Style" ni Psy na kinabaliwan ng buong mundo kamakailan lang. Hindi batid sa dalawang mga kanta kung ano ang ibig sabihin pero maganda raw sa pandinig at masarap sayawin kaya ito pumatok nang wagas.

Dalawang dekada na ang nakararaan, pinatunayan din ito ng sambayanang Pinoy nang dayuhin ng sikat na tenor Luciano Pavarotti ang Pinas upang magtanghal ng isang konsiyerto sa  Philippine International Convention Center noong March 21, 1994.

Tuesday, January 7, 2014

Banal na Awto



"Isa kang Batang 90's kung alam mo ang tawag sa sinakyan ni Pope John Paul II sa paglilibot niya sa Maynila noong 1995 World Youth Day."

Noong 1995 ay dinalaw ng Santo Papa ang Pilipinas upang idaos ang kauna-unahang pagdiriwang ng "World Youth Day" sa Asya. Mula January 10 hanggang 15 ay nagsama-sama ang mga kabataang kinatawan ng iba't ibang bansa upang magdasal, kilalanin ang kultura ng bawa't isa, at maging "magkakapatid" sa mga mata ng Diyos.

Natatandaan kong isa sana ako sa mga delegado ng aming paaralan para sa WYD '95. Mayroon na akong orientation kit ng isa sa mga pinakamahalagang pangyayari noong Dekada NoBenta noon at hanggang ngayon ay nasa akin pa ang ID ko para rito.  Kabisado na naming magkakaklase ang anthem nitong "Tell the World of His Love" at ang theme nitong "As the Father sent me, so am I sending you.".

Ang hindi ko lang matandaan ay kung bakit hindi ako nakasama sa Luneta. Nagkasakit ba ako o mas pinili kong manatili nalang sa loob ng bahay dahil walang pasok sa eskuwelahan? Nabaon talaga ang bahaging ito ng buhay ko sa kalimot. Sayang at hindi ako naging bahagi ng "largest Papal gathering in Roman Catholic history" na ayon sa mga tala ay dinaluhan ng limang milyung katao.

Ang tanging natatandaan ko nalang ay ang pagtutok namin sa GMA7, ang official network ng makasaysayang kaganapan, upang mapanood si Pope John Paul II lulan ng kanyang banal na awtong mas kilala sa tawag na popemobile.

Saturday, November 2, 2013

Bullet in the Head


"Isa kang Batang 90's kung alam mo ang pangalan ng salarin sa Hultman-Chapman Double Murder Case."

Masarap manirahan sa Pilipinas dahil malaya ang mga tao.

Ang siste nga lang, ang sobrang kalayaan nating mga Pinoy ay nagiging dahilan minsan upang matakot tayong mamuhay sa Lupang Hinirang.

Gaano ka kasiguradong hindi ka mapapahamak sa iyong paglalakad sa isang madilim na lugar sa dis-oras ng gabi? Ako, sigurado akong "Hindi ako sigurado." ang isasagot mo.

Mahal ko ang bayan ni Juan ngunit minsan ay napapaisip akong manirahan nalang sa ibang bansa kung saan wala kang pangambang iniisip sa tuwing maglalakad nang mag-isa. Hindi ko sinasabing ligtas sa ibang mga bansa pero alam nating may ilang mga bayan na mas mababa ang bilang ng mga krimeng nagaganap. 

Hindi na tayo nagugulat ngayon sa mga balitang may isang babaeng ginahasa sa isang eskinita bago ginilitan. O kaya naman ay isang binatilyong hinoldap muna tsaka pinatay. Ice pick, balisong, baril, at iba pang mga bagay na nakamamatay - name it, we have it!

Kahit na noong Dekada NoBenta, ang mga krimeng katulad ng nabanggit ko ay hindi na bago dahil simula nang mawala ang kinatatakutang kurpyo, mas dumami ang mga ganitong klase ng karahasan. Madalas silang laman ng mga pangunahing-balita sa teevee at ng mga duguang front pages ng mga pahayagan.

Pero paano kung ang sangkot sa krimen ay kapwa mayayaman at naganap sa isang eksklusibong lugar na pinamumugaran ng mga bigatin ng bayan? Mas nakakagulat, hindi ba?

Tuesday, July 9, 2013

Buhay Kulungan

"Isa kang Batang 90's kung alam mong si Sarah Balabagan ay isang OFW na masuwerteng pinalaya ng gobyerno ng UAE sa kasong pagpatay."

Sa isang pagtitipon na aking nadaluhan noon ay biglang nagkagulo ang mga nakikisaya dahil sa pakiki-usi sa dumating na panauhin. Kaarawan ng aming ninang sa kasal, na noo'y Barangay Captain ng Brgy. Pinagkaisahan sa QC, ang okasyon na ipinagdiriwang kaya may mga programa sa barangay hall. Special guest pala si Sarah Balabagan at nandoon siya upang kantahin ang ilang mga awit mula sa kanyang self-titled debut album (1999) mula sa Sony Philippines sa produksyon ni idol Rey Valera.

Sa totoo lang, hindi ko matandaan kung ano ang mga kinanta niya noong gabing iyon ngunit sa pagkakaalala ko sa mga balita, ang awiting "Buhay Kulungan" ay ang isa sa mga kantang mula sa album na siya mismo ang sumulat ng liriko. Sumasalamin ito sa kanyang naging karansan sa loob ng bilangguan at ito ay kanyang personal na mensahe upang magsilbing inspirasyon sa mga ibang OFWs upang hindi nila sapitin ang kanyang dinanas sa mga kamay ng mga banyagang amo. Kasama rin sa kanyang unang album ang mga awiting "Jack En Poy", "Dalaga", "Salamat", at "Pilipino Ka". Kahit na maganda ang mga puna sa pagkakagawa ng mga kanta (musicianship, arrangement, etc.), hindi pinalampas ng mga kritiko ang boses ni Sarah. Hindi man ito pang-birit at pang-propesyanal na mang-aawit ay kinakitaan pa rin siya ng dedikasyon at potensyal.

Sunday, June 2, 2013

KM 19 EDSA

"Isa kang Batang 90's kung alam mong ang Club Dredd ay ang mecca ng mga banda noong Dekada NoBenta."

Ang tunay na Pinoy sa isip, sa salita, at sa gawa ay alam na ang Kilometer Zero ay nakatirik sa tapat ng bantayog ni Pepe sa Rizal Park. Bata pa lang tayo ay naituro na ito ng ating mga guro sa HeKaSi. Ito ang palatandaan sa mapa kung saan sinusukat ang distansya ng mga lalawigan at iba pang mga lugar sa Pilipinas. Kung hindi mo ito alam, Pinoy ka pa rin naman dahil nababasa mo pa ang palabok kong walang kwenta; malamang ay absent ka lang sa klase noong itinuro ito sa eskwelahan.

Sa hindi kalayuang lugar mula sa Luneta ay matatagpuan ang kahabaan ng EDSA kung saan matatagpuan naman ang pinakasikat na marker noong Dekada NoBenta, ang KM 19. Dito nakatayo noon ang bar na nagpatibay ng pundasyon ng Pinoy Underground Scene noong Nineties, ang CLUB DREDD.

Hindi ko na naabutan ang unang Dredd na nasa Timog Avenue. Hindi pa kasi sanay ang tenga ko noon sa ingay dahil si Andrew E. pa lang ang pinapakinggan ko noong mga panahong iyon. Una silang nagbukas noong December 8, 1990 sa ilalim ng pamamahala nina Skavengers' drummer  Patrick Reidenbach at Scavengers' manager Robbie Sunico. Ipinangalan nila ito sa kanilang paboritong comic book character na si Judge Dredd. Pinalitan nila ang Red Rocks matapos itong magsara. Ito ang naging tambayan ng mga nilalang na hayok sa rakrakang bato at ilan sa mga  regular na tumutugtog dito ay ang Eraserheads, The Youth, Afterimage, Ethnic Faces, Anno Domini (Mutiny),Athena’s Curse (Alamid), Grace Nono, Joey Ayala, Bazurak (na pinagmulan ng Rivermaya), Color It Red, The Wuds, Razorback, Wolfgang at Advent Call. Maganda na sana ang lahat ngunit nagkaproblema ito sa pananalapi na naging dahilan upang sila ay magsara noong February 1993.

Monday, May 27, 2013

1994 MMFF Gabi ng Walang Parangal

 
"Isa kang Batang 90's kung isa ka sa mga nagulat sa anunsyong walang napiling 'Best Picture' noong 1994 MMFF."

Bago natin simulan ang kuwentuhan ay linawin muna natin ang pagkakaiba ng MMFF at MFF dahil marami ang nalilito sa dalawang kapistahan.

Ang Manila Film Festival o MFF ay taunang pista ng mga pelikula na ginaganap tuwing sasapit ang "Araw ng Maynila", Hunyo 24. Nabalot ito ng kontrobersiya noong 1994 nang magkaroon ng dayaan sa mga parangal na "Best Actor" at Best Actress" kung saan nasangkot ang mga personalidad na sila Ruffa Gutierrez, Gabby Concepcion, Lolit Solis, Nanette Medved at ang yumaong Miss Mauritius Viveka Babajee. Naitala ito sa kasaysayan bilang "MFF Fiasco" at naging pamoso sa linyang "Take it, take it!".

Rewind tayo back to the year 1975, ang taon kung kailan unang ginanap ang Metro Manila Film Festival. Dito nagsimula nag tradisyon ng mga Pinoy na kapag Christmas Season ay puro Tagalog na pelikula ang ipinapalabas sa mga sinehan. Tumatagal ang pagtatampok ng sariling atin mula Disyembre 25 hanggang sa unang linggo ng Enero ng susunod na taon. Wala kang magagawa kundi gastusin nalang ang aguinaldo galing mula kila ninong at ninang sa mga "quality films" na pinagbibidahan ng mga tinitingala nating mga artista sa industriya. Tampok din sa kasiyahan ang parada ng mga artista na nakasakay sa float sa opening ng festival. Sa awards night ay binibigyan ng parangal ang mga artista, producers, direktor, at maging ang mga floats na ginamit sa parada. 

Sunday, May 12, 2013

1992 Unggoy Elections

"Isa kang Batang 90's kung natatandaan mo pa ang circus elections ng 1992."

Bukas na pala ang eleksyon sa Lupang Hinirang.

Sayang, wala ako sa Pinas upang maranasang muli ang mga kapana-panabik na nagaganap sa tuwing sumasapit ang panahon kung kailan tayo ay pumipili ng mga mamumuno sa ating bayan. Parang pang-lecheserye ang mga eksenang napapanood sa teevee, nababasa sa dyaryo, at naririnig sa radyo - may patayan, may iyakan, may iringan, may pickup lines, may yabangan, at kung-anu-ano pang mga pakulong wala namang kwenta. Mabuti nalang ay may mga online streamings ng mga Pinoy channels sa internet; mapapanood ko pa rin ang laban nina Asiong Salonga at Dirty Harry sa kung sino ang dapat maghari sa Maynila!

Dalawampu't isang taon na ang nakakaraan nang una akong mamulat sa kung ano ba talaga ang eleksyon sa bansa ni Juan Dela Cruz. 

Monday, April 29, 2013

Bad Boys From Boston


"Isa kang Batang 90's kung alam mo ang grupong nagpasikat kay Alicia Silverstone."

Kaninang umaga ay gumising akong may ngiti sa aking mga labi dahil napanaginipan ko kagabi ang konsyertong magaganap ngayong darating na May 8, 2013 sa Mall of Asia Arena. Matagal ko nang nakikita sa internet ang mga petisyong dalhin sa ating bansa ang tinaguriang "The Bad Boys From Boston" upang magtanghal. Salamat sa Pulp Live World, ang pangarap na mapanood sa Pinas ang AEROSMITH ay mabibigyan na ng katuparan!

Hindi katulad noong pinanood namin ni misis ang muntik nang hindi matuloy na konsyerto ng Smashing Pumpkins kung saan ay nasa upper box kami, sa harapan ako nakapwesto sa aking panaginip upang makipagrakrakan kila Steven Tyler. Kahit na sobrang mahal ng halaga upang makabili ng ticket para sa "Ultimate Aerosmith Experience VIP" ay hindi ko na ito inangal dahil ang grupong ito ay tinagurian ding "America's Greatest Rock and Roll Band" at "The Best-selling American Rock Band of All Time" na nakapagbenta ng 150 milyong pinagsasama-samang dami ng kopya ng kanilang mga albums. Oo, mahal ang kanilang talent fee para sa "The Global Warming World Tour"- Php2600, Php5700, Php12500, Php15500, at Php20000 lang naman.

Pagkatapos tumugtog ng Rivermaya bilang front act, ay umangat ang mga platforms ng bawat miyembro. Kitang-kita sa malaking screen ang kamay ng lidista nilang si Joe Perry na kakaskas na sa gitara. Bumilang sa pamamagitan ng drumsticks si Joey Kramer kasabay ng pagsambit ng  "1...2...3..." at bigla nilang tinugtog ang alarm tone kong "In Bloom" ng Nirvana.

Epekto ito ng kasabikan.

Monday, March 25, 2013

Kinalawang na Mayor

"Isa kang Batang Nineties kung natatandaan mo pa ang convicted rapist Mayor Sanchez na may pamatay na hairstyle"

Noong una kong mapanood ang music video ng "The Day You Said Goodnight" ay bigla kong naalala ang dating alkalde ng Calauan, Laguna na si ANTONIO SANCHEZ. Sobrang angat kasi sa video ang makulit na buhok ng tambolero ng Hale na gusto yatang tapatan ang hairstyle ng convicted rapist at mastermind sa SARMENTA-GOMEZ CASE na naganap noong Dekada NoBenta.

May kanya-kanya tayong pauso sa buhok kaya walang basagan ng trip. Hindi lang kilala si Slash bilang malufet gitarista ng Gangsengroses ngunit kilala rin siya sa trademark niyang mahabang kulot na long-hair. Nang lumabas ang pelikulang "Ghost", ginaya ng mga Pinay ang "boy cut" ni Demi Moore. Malay mo, ang buhok ni Mayor Sanchez ang naging dahilan upang siya ay mahalal sa puwesto at manungkulan ng halos dalawang dekada. Aminin mo, noong una mo siyang makita sa teevee ay mas nauna mong pang napansin ang kanyang "crown and glory" kaysa napagtanto ang balitang isa siya sa mga pangunahing suspek.

Thursday, March 21, 2013

Sapatos Pangkalangitan

 
"Isa kang Batang Nineties kung alam mong Nike sneakers ang suot ng mga nagpakamatay na miyembro ng kultong Heaven's Gate."


Saan ang langit kaibigan? Saan ang pangakong kaligayahan?

Kung naitanong ito ni kapatid na Karl Roy kay MARSHALL APPLEWHITE noong sila ay pareho pang nabubuhay, malamang sa alamang ay napraning ang ating rakista sa isasagot ng lider ng UFO religion doomsday cult na HEAVEN’S GATE.

March 26, 1997 ay natagpuan sa isang mansyon sa San Diego, California ang 39 bangkay na nagpatiwakal sa paniniwalang makakasakay ang kanilang mga kaluluwa sa alien spacecraft na nakabuntot daw sa Comet Hale-Bopp.

Friday, November 23, 2012

Instaefbeewayemitter

"Isa kang Batang Nineties kung isa ka sa mga unang nakagamit ng mga kung anu-anong social media sa internet."

Kapag nagbukas ka ng efbee ay tatambak sa harapan mo ang 'di-mabilang na mga litrato ng iyong mga kaibigan at kaaway. Kahit na naaalibadbaran ka nang makita ang sangkatutak na mga larawang kinunan nila bago kumain o pagpapakuha sa isang magarang kotse na hindi naman sa kanila ay wala kang magagawa. Wala ka mang pakialam sa mga balita tungkol sa iba ay patuloy mo itong malalaman.

Ganyan katindi ang teknolohiya. 

Isang pindot lang sa "enter" ng teklada ay naka-broadcast na sa buong mundo ang gusto mong iparating. Hihintayin mo na lang kung sino ang magbibigay ng komento at makikipindot sa "like" o "share".

Saturday, September 8, 2012

Nasa Bayabasan

"Isa kang Batang Nineties kung alam mong may milagro daw na naganap sa Agoo."

Kapag sumasapit ang kaarawan ni Mama Mary ay may naaalala akong isang pangyayari noong Dekada NoBenta na pinaniwalaan ng maraming Pinoy. Hindi ito naganap sa mismong birthday ng ina ni Bro pero ito ay may kaugnayan sa pagpapakita ng Mahal na Birhen sa isang lugar sa La Union.

March 6, 1993 ay dumagsa ang halos nasa isang milyong deboto sa AGOO matapos ipahayag ni JUDIEL NIEVA na magkakaroon ng aparisyon ang Birheng Mariya.

Friday, August 24, 2012

The Impossible is Possible Tonight

PHOTO 21 (Large)

"Isa kang Batang 90's na diehard fan kung nakipagrakrakan ka sa konsiyerto ng Smashing Pumpkins sa Araneta."

Pagpasok namin sa loob ng Big Dome ay nag-flashback sa akin ang mga alaala noong nawasak ang Araneta sa pagpunta ng Beastie Boys, Foo Fighters, at Sonic Youth sa Pinas. Malamang, halos lahat ng mga nandoon para mapanood ang THE SMASHING PUMPKINS ay ang mga kaedaran ko ring nakapanood ng 1996 "MTV Alternative Nation Tour".

Maraming mga pamilyar na mukha akong nakita. Karamihan sa kanila ay mga miyembro ng mga kombo-kombo noong panahon namin. Hindi ko lang maalala kung saang gig namin sila nakasabay. Naghahanap ako ng mga kakilala kaso ay wala akong natanaw; siguro ay mga big time na sila at may pambili na ng mga VIP tickets 'di tulad noon na pang "general admission" lang.

Kung dati ay mga dugyot kami kapag may konsiyerto, ibahin mo ang mga nakita ko noong gabi. Lamang pa rin ang naka-kulay itim na t-shirt pero hindi na kami mukhang mababaho. May mga nakita pa nga akong mga naka-barong na malamang ay galing pa ng opisina.

Wednesday, August 22, 2012

Today is the Greatest



"Isa kang Batang 90's na diehard fan kung sinagupa mo ang bagsik ng Habagat para lang mapanood ang konsiyerto ng The Smashing Pumpkins sa Araneta."

Habang hinihintay ang aking maleta sa baggage carousel ng unti-unting nabubulok na NAIA 1 ay may nakita akong dalawang long-haired na puti. May dala silang mga kahong lalagyan ng kung anong instrumentong pangmusika kaya sa tingin ko ay mga rakista silang miyembro ng isang kombo-kombo. August 5 ako dumating mula China kaya bigla akong napaisip na baka kako nakasabay ko sa paliparan ang grupong yayanig sa Araneta, ang THE SMASHING PUMPKINS.

Wednesday, April 25, 2012

I Smell Sex and Candy

"Isa kang Batang Nineties kung kilala mo ang mga bida sa 'Cebu Boarding House Scandal'"

Habang nakikinig ng kung anu-anong kaingayan mula sa uugud-ugod kong laptop ay biglang tumugtog ang awiting "Sex and Candy", ang breakthrough single mula sa 1997 self-titled debut album ng grupong Marcy Playground. Bigla kong naalala ang sagot ni TNL Liz Z sa tanong ko sa pagkakaiba ng mga Tunay Na Lalake ngayon at mga TNL ng 90's: "Kapag nagbukas ng radyo ang TNL ng 90s, hindi siya mahihirapang maghanap ng makalalakeng kanta. Hindi niya rin problema ang paghahanap ng makalalakeng pelikula pag nagpunta siya sa cinema. Sa VHS siya nanonood ng porn, at magaling siyang makipagphone sex sa landline. Nagkakandado siya ng kuwarto dahil kina Ina Raymundo at Carmina Villaroel.".

Parang kendi lang na nabibili sa pinakamalapit na suking tindahan noon ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa pakikipagtalik - naging kilala ang pahayagang Abante dahil kay Xerex; pinutakti ng mga manyakis ang mga sinehan dahil sa mga titi-llating at "ST" films; nagkalat sa mga bangketa ng pirated VCD's sa Recto ang mga detalyadong "educational film" (kumpleto sa ungol at mga sex toys)  sa paggawa ng bata; at umusbong ang mga SEX SCANDALS.

Sunday, April 1, 2012

TR3SPASSING: 3-in-1 Reunion Concert Featuring The Eraserheads, Rivermaya, and Yano



Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala.

Nagsimula sa isang sulatroniko na hindi ko kaagad pinansin sa pangambang isa lamang itong spammer na tulad ng mga gagong susulat sa iyo para ibahagi daw ang milyun-milyong pesotas bilang balato sa isang manang ayaw nilang tanggapin. Sa patuloy na pagpapadala nito sa aking imbakan ay pinatulan ko na rin at binasa ang nilalaman.

Paksyet na malagket, gusto kong himatayin sa aking kinauupuan nang malaman kong lubos ang pakay ng concert producer na itatago ko nalang sa tunay na pangalan niyang April Fullier.

TR3SPASSING: 3-in-1 Reunion Concert Featuring The Eraserheads, Rivermaya, and Yano