"Isa kang Batang 90's kung alam mong muntikan nang hindi matuloy ang konsyerto ni Pavarotti sa Maynila."
Ang musika ay isang wikang naiintindihan ng lahat.
Walang pinagkaiba ang "Macarena" ng Los Del Rio,na sumikat noong Dekada NoBenta, at ang "Gangnam Style" ni Psy na kinabaliwan ng buong mundo kamakailan lang. Hindi batid sa dalawang mga kanta kung ano ang ibig sabihin pero maganda raw sa pandinig at masarap sayawin kaya ito pumatok nang wagas.
Dalawang dekada na ang nakararaan, pinatunayan din ito ng sambayanang Pinoy nang dayuhin ng sikat na tenor Luciano Pavarotti ang Pinas upang magtanghal ng isang konsiyerto sa Philippine International Convention Center noong March 21, 1994.
Noong unang pumutok ang balitang ito ay umani kaagad ito ng napakaraming kritisismo. Bakit kailangang magdaos ng isang mamahaling gig sa isang naghihirap na bansa katulad ng Pilipinas? Paano maiintindihan ng mga dadalo ang mga kanta ni Pavarotti gayung halos lahat ng mag ito ay naisulat sa wikang Italyano? Saan kukuha ng pera ang mga simpleng taong nakakaintindi ng orkestra upang makapunta sa PICC?
Kung buhay na ang Tangina This! noon, malamang sa alamang ay sasabihin nilang 'tangina lang ang mura. Ang palitan ng pera noong mga panahong iyon ay nasa beinte-singko pesos kada isang dolyar ni Uncle Sam kaya naging mataas ang halaga ng mga tikets nito sa piso. Kung nahirapan kang umiskor ng tiket ng 7,107IMF na ginanap sa Clark noong nakaraang buwan dahil namahalan ka sa anim na libong presyo, ano kaya ang masasabi mo sa halaga ng palabas ng tenor na nagkakahalaga ng 3k (2k para sa mga estudyante), 5k, 10k, at 25k pesotas? May mga balita pa ngang ang mga choice seats ay umabot sa isandaang libong piso kada isa! World class performer si Luciano kaya naman hindi biro ang perang ibabayad sa kanya. Ayon sa mga kuwento, ang kabuuang halaga ng nasabing pagtatanghal ay nasa 20M pesos.
Mas binalot ng kontrobersya ang gig nang sumawsaw sa isyu ang yumaong Blas Ople. Sinabi niyang hinihikayat niya ang noo'y pangulong FVR na arestuhin ang mga opisyal ng gobyernong manonood. Ayon sa kanya, nakasaad sa batas na ipinagbabawal ang "thoughtless extravagance" ng mga naninilbihan sa pamahalaan. Ang kasong ipapataw sa mga mahuhuli ay "conspicuous consumption" at "ostentatious display of wealth". Nagpahayag naman ang yumaong Arturo Tolentino na isinauli niya ang kanyang libreng 20k tiket (na wala namang ganitong halaga kundi 25k lang) sa mga organizers. Ngunit sa huli ay humingi siya ng despensa mula sa mga organizers dahil hindi naman ito totoo.
Bilang tugon sa isyu ng presyo, ipinahayag ng mga organizers na magkakaroon ng "libreng live concert" sa labas ng PICC. Maglalagay sila ng wide screen monitors at sound system sa tapat ng bakanteng lote ng upang mapanood ng mga kababayan nating kapos sa budget. Hindi nga lang libre ang mga plastik na upuang gagamitin dahil kailangan mo itong arkilahin nang 10 pesotas.
Bukod sa libreng concert ay nagkaroon ito ng "airing" sa Channel 9 nang sumunod na buwan.
Ilang linggo bago ang konsyerto ay tinanong si Ople kung siya ay manonood. Umamin siyang mayroon na siyang 3k na tiket na galing sa kanyang sariling bulsa. Sinabi rin niyang wala naman siyang masamang tinapay sa proyekto ni Baby.
March 18 ang orig na petsa ng pagtatanghal ni Pavarotti ngunit ito ay hindi natuloy nang umayaw siya ilang oras bago ang gig. Umatake ang pesteng sipon na hinihinalang nakuha niya sa pagbabago ng klima mula Zurich papuntang Pinas. Ayaw niyang kumantang wala sa ayos kaya naman pinili niyang mamahinga upang gumaling.
Naatasan ang doktor na si Roberto Tan upang gamutin ang "King of High C's". Ginamitan niya ng acupuncture at conventional medicine ang mang-aawit.
Marami ang nag-alala kung matutuloy pa ang gig. Nawala lang ang kanilang pangamba nang sabihin ng mga organizers na nasa Westin Philippine Plaza pa si Pavarotti at nagpapahinga lamang upang mawala ang sipon. Noong mapanood ko ito sa balita naisip ko kaagad ang abono ng mga nasa likod nito sa extra stay sa hotel ni Pavarotti. Sa imperial suite nakalagak ang tenor habang ang kanyang grupo ay nakatigil sa 22 iba pang kuwarto. Ilang Perrier mineral water kaya ang naubos niya? Tiyak na butas ang bulsa ng mga may pakulo nito.
Laman ng balita ang pangyayaring ito. Natatandaan kong pinagawa pa kami ng music report sa MAPE ng titser ko tungkol sa orkestra, opera, at lalo na ng tungkol kay Pavarotti.
Sa ikatlong araw ay handa na tenor upang bumirit. Sinasabing mas marami ang dumalo sa konsyerto - mga sosyalero, sosyalera, mayayaman, pulitiko, at kung sino pang maraming pera. Ganun pa man, napansing wala si FVR sa okasyon. Kaarawan pa naman niya ang orig na petsa ng gig. Mas umugong tuloy ang tsismis sa kanila ni Baby na may mayroon silang relasyon nang hindi siya pumunta. Si Erap na nagsilbing escort ni Arenas ang pinakamataas na opisyal ng bansa ang naroon.
Kung maraming tao sa loob ng PICC, mas marami ang dumagsa sa labas. Tinatayang nasa 20k to 50k ang mga simpleng Juan Dela Cruz ang nagpunta doon upang makiusyoso at makibagay.
Ang bawa't kanta ay sinalubong ng masigabong palakpakan at hiyawan. Kahit na hindi naiintindihan ay malufet ang emosyong naramdaman sa bawa't piyesa.
Kahit na medyo masama pa ang pakiramdam ay sinasabing bakas sa mukha ni Pavarotti ang pagbibigay ng kanyang isandaang porsyento upang masuklian ang ipinamalas na pagtanggap ng mga Pinoy sa kanya.
Malaki rin ang naiambag ng Padre Pio Symphony Orchestra (na nakilala bilang Philippine Symphonic Orchestra), na pinamumunuan ni Billy Manalo, sa tagumpay ng pagtatanghal. Kahit na ang grupong ito nabuo lang ilang buwan bago ang gig at isang buwan lang ang naging ensayo, ay hindi sila nagmintis sa kumpas ni Leone Magiera, na galing sa grupo ni Pavarotti.
Sumatutal, natapos ang gabi sa 13 kanta o sampung arias at tatlong encores.
Ang huling kantang pinamagatang "Granada" ay inialay ni Pavarotti kay Dr. Tan. Bago nito ay nagbiro pa siyang nagsabii raw si Roberto na kapag hindi naging maayos ang kanyang pagkanta ay mawawalan ng trabaho ang doktor.
Marami ang nagbansag sa kanya bilang "miracle doctor" dahil sa mabilis na paggaling ng tenor. Kung nabago man ang buhay niya dahil sa pagkakataong iyon, sigurado akong mas marami siyang buhay na binago sa pamamagitan ng pagtanggal ng sipon ni Pavarotti.
No comments:
Post a Comment