Sa isang pamilyang Pinoy, hindi kumpleto ang isang bahay kung walang telebisyong makikita sa sala dahil likas na sa atin ang panonood. Ang kwadradong aparatong ito ang nagbibigay ng kung anong special bonding sa isang pamilya. Sa araw-araw nating pamumuhay ay kinakain ng appliance na ito ang ating mga oras. At sa bawat panonood natin ng mga lecheseryes, balitang showbis, at kung anu-ano pang mga nagbibigay ng aliw ay nasisingitan ng mga commercials ang ating buhay.
Noong mga huling taon ng Dekada Otsenta, ang hindi ko malilimutang mga patalastas ay ang "Joey Series" ng Royal Tru-Orange na mula sa Coca-Cola. Ang temang ito ang nagpalakas ng kanilang bentahe laban sa kakumpitensya nila sa industriya ng pamatid-uhaw. Kaya nga naisipan ng Pepsi-Cola noon na daanin nalang sa pakontes na "Number Fever" ang kanilang strategy (na sa kasamaang palad ay nabulilyaso) pagdating sa marketing ng kanilang mga produkto.
Bago pa man napasigaw si Toni Gonzaga ng "I love you Piolo..." sa "Magpakatotoo Ka Series" ng Sprite ay kinagiliwan na ng sambayanan ang maabilidad na si Joey. Bago pa man nakaisip ng mga ideya ang Mentos sa mga 'di-inaasahang sitwasyon, ay nagawa na ito ng RTO sa katauhang ginampanan ni RJ Ledesma. Ang tagline na "Ako at Royal, Natural" ay nakapukaw sa atensyon ng masa lalo na sa grupo ng mga kabataan. Kung sino man ang naatasang mag-isip sa konsepto para sa temang ito ay masasabi kong isang henyo dahil kuhang-kuha niya ang panlasa ng mga nakakapanood.
Ang bawat serye ay tumatakbo sa buhay ng isang kabataan. Sisimulan ng "Ganito talaga ang buhay...", ipapakita ang isang common scenario ng isang nagbibinata, at tatapusin ng kadalasan ay maabilidad na palusot. Ganun kasimple pero C-O-O-L.
Kapag pinapanood ko sa ang mga videos ni Joey ay naaalala ko ang lahat ng mga nauso noong kapanahunan ko - mula sa style ng buhok, sa pagsuot ng polo, hanggang sa pagsabi ng "tsong" sa isang kabarkada.
Hindi ko alam kung ilan ang eksaktong bilang at pagkakasunud-sunod ng mga nagawang patalastas ng seryeng ito pero heto ang ilan sa mga paboritong nahanap ko sa YT:
KUYA
Sa direksyon ng yumaong Lino Brocka, ito ang pinakauna sa lahat. Sigurado akong dumaan ang lahat ng binatilyo sa ganitong pagkakataon - ang asarin ng buong barkada kapag nakita niyong may kasamang lalaki ang iyong crush. Bakit ka magseselos eh hindi naman kayo? Ganun naman talaga, girlfriend mo siya kahit hindi ka naman niya boyfriend.
MANTIKA
Naalala mo pa ba ang BMX bikes? Si Pink Panther? Ang short shorts with matching medyas na hanggang tuhod, at jersey na "23" ng mga basketbolista? Kitang-kita mo ang buhay ng noong 80's at 90's. Isa sa mga pinakaayaw ng isang nagbibinata ay ang makita ng kapwa-binatilyo na inuutusang bumili sa tindahan ni ermats. Lalo na kung ang pinapabili ay bagoong o mantika. Diyahe. Noong lumabas ang commercial na ito, nauso rin sa amin ang "Aling Flor, mantika ho.".
TRUTH OR CONSEQUENCE
Ito ang pinakapaborito ko sa lahat. Noong kapanahunan ko, isa sa mga pampalipas-oras naming mga kabataan ay ang larong "Truth or Consequence" kung saan nakasalalay ang taya sa paghinto ng pinaikot na bote. Madalas ay "consequence" ang pinipili ko kapag sa akin tumatapat ang bote dahil ayaw kong mabisto sa mga tanong kadalasan ay tungkol sa pag-ibig. Bawal dito ang KJ dahil kapag sumali ka sa larong ito, dapat ay handa kang magsabi ng totoo o kaya naman ay gawin ang ipapagawa ng grupo. Memorable sa akin ang commercial na ito dahil ginaya namin siya para sa isang presentation sa eskwelahan. Ako ang gumanap na Joey at ang crush ko naman ang gumanap na Jenny sa request ng buong klase. Eh 'di nakalibre ng kiss!
Noong ako ay bata pa, idol ko si Joey ng Royal Tru Orange. Hanggang ngayon ay nadala ko sa pagtanda ang mga simpleng palusot na nagamit ko upang masabing ako ay maabilidad.
This entry is brough to you by the letters R, T, and O. Bow!
Super like!!! Aliw!
ReplyDeletekkmiss...like na like...
ReplyDeleteIt was nice to read about old Filipino commercials talaga. Alam ko ang RTO but not this commercials. Was too young (or not yet around) during this period I guess. I wonder though, who is Jenny? She looks like Empress.
ReplyDeleteBangis mo talaga bossing..huling-huli ang kiliti naming mga followers...-jep
ReplyDeleteahaha ito ang commercial na madami ding saga na naganap..
ReplyDeleteYAN ANG GUSTO KO SA ROYAL TRU ORANGE!!!
ReplyDelete