Monday, March 25, 2013

Kinalawang na Mayor

"Isa kang Batang Nineties kung natatandaan mo pa ang convicted rapist Mayor Sanchez na may pamatay na hairstyle"

Noong una kong mapanood ang music video ng "The Day You Said Goodnight" ay bigla kong naalala ang dating alkalde ng Calauan, Laguna na si ANTONIO SANCHEZ. Sobrang angat kasi sa video ang makulit na buhok ng tambolero ng Hale na gusto yatang tapatan ang hairstyle ng convicted rapist at mastermind sa SARMENTA-GOMEZ CASE na naganap noong Dekada NoBenta.

May kanya-kanya tayong pauso sa buhok kaya walang basagan ng trip. Hindi lang kilala si Slash bilang malufet gitarista ng Gangsengroses ngunit kilala rin siya sa trademark niyang mahabang kulot na long-hair. Nang lumabas ang pelikulang "Ghost", ginaya ng mga Pinay ang "boy cut" ni Demi Moore. Malay mo, ang buhok ni Mayor Sanchez ang naging dahilan upang siya ay mahalal sa puwesto at manungkulan ng halos dalawang dekada. Aminin mo, noong una mo siyang makita sa teevee ay mas nauna mong pang napansin ang kanyang "crown and glory" kaysa napagtanto ang balitang isa siya sa mga pangunahing suspek.

June 29, 1993, natagpuan sa magkaibang lugar malapit sa Calauan ang mga kaawa-awang bangkay ng magkasintahang sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez, mga mag-aaral ng UP Los BaƱos. Ayon sa mga naunang imbestigasyon ng Presidential Anti-Crime Commission o PACC na pinamumunuan ni Joseph Estrada, ang motibo sa krimen ay "love triangle" at si Kit Alqueza ang itinuturong utak sa pagpatay kay Gomez na kanyang kaibigan. Hindi ito pinaniwalaan ng karamihan at maging ang mga magulang ng nasawi ay sumuporta sa pagiging inosente ni Alqueza. May mga nagsasabing muntik na itong maging katulad ng kaso ni Pepsi Paloma na ayon sa iba ay pinagtakpan ng mga magkukumpareng makapangyarihan.

Pumutok at nadawit ang pangalan ng alkalde nang lumantad ang star witnesses na sina Aurelio Centeno at Vicencio Malabanan na parehong mga bodyguards ni Sanchez. Ayon sa kanila ay sila ang naatasang magmaneho ng ambulansyang ginamit sa pagdukot kina Eileen at Allan, pero mariin nilang ipinahayag na hindi sila kasali sa panggagahasa at pagpatay na naganap. Noong una ay sinabihan silang may dadamputin lang na gun runner at tulak  ng droga ngunit sa huli ay nalaman nilang nandoon sila sa loob ng UP upang "mag-grocery" ng babaeng ireregalo kay mayor. Kasama sa line-up ng mga goons ay sila Luis Corcolon, Rogelio Corcolon, Baldwin Brion, Zoilo Ama, Pepito Kawit, at George Medialdea (noo'y Deputy Chief ng PNP Calauan). Ayon sa mga testigo, dinukot na rin nila si Allan upang walang bulilyaso dahil kasama nito si Eileen noong matagpuan sila sa Agrix complex.
Dinala ang dalawa sa Erais Farm na pagmamay-ari ng kanilang mayor. Habang nagpapakasasa ang alkalde sa regalong natanggap sa loob ng kanyang silid ay binubugbog naman sa labas ng mga galamay niya si Gomez. Matapos maisagawa ang kamanyakan ay ipinaubaya na niya sa kanyang mga "anak" ang dalaga at ang binata.

Habang nagbabiyahe patungong Calauan ay binaril si Allan sa loob ng sasakyan at itinapon ang kanyang katawan sa daan. Sa isang tubuhan sa Sitio Paputok  naman dinala si Eileen upang halinhingang gahasain ng anim na kalalakihan. Matapos noon ay binaril din siya. 

Ang testimonya nina Centeno at Malabanan ang naging dahilan upang arestuhin si Sanchez noong August 13, 1993. Tinutukan siya ng sambayanan. Sa dami ng mga balita tungkol kay mayor ay nabunyag ang kanyang pagiging isang rehiliyosong tao. Marami siyang koleksyon ng imahe at rebulto ng Birheng Mariya, at may palakad-lakad pa siya ng nakaluhod habang nagdarasal. Sino ba naman ang mag-aakalang suspek siya sa isang karumal-dumal na krimen? Siya siguro ang naging inspirasyon ni Dong Abay sa pagsulat ng awiting "Banal na Aso, Santong Kabayo". Sa tuwing naririnig ko ang single ng Eheads na "Wating" mula sa pelikulang pinagbidahan nina Carmina Villaroel at Richard Gomez, naaalala ko ang isang karakter doon na animo'y si Sanchez na may kolesyon ng mga estatwang relihiyoso. Sa totoo lang, nagkaroon ng pito-pito film si national artist (daw) Direk Carlo J. Caparas na pinamagatang "Humanda Ka Mayor! (Bahala na ang Diyos)" na base naman sa testimonya ni Sanchez.

Nalaman din ng madla na ang kanyang lucky number ay pito, seven, siete, 7. Bilangin mo ang titik ng kanyang buong pangalan, 7-7. Napanood ko sa teevee ang pito niyang kotse na may mga numerong nagtatapos sa siyete. Paksyet, tingnan natin kunga gaano nga kasuwerte sa kanya ang numerong ito. Matapos ang labing-anim na buwan na paglilitis sa korte ay lumabas ang desisyon sa sala ni Judge Harriet Demetriou noong March 11, 1995 - "guilty beyond reasonable doubt of the crime of rape with homicide on seven counts". Unang kinasuhan ang anim niyang bodyguards, pang-pito siya. Kasama ang iba pang kaso, ang kanyang binubuno sa Bilibid ay pitong-beses na habambuhay na pagkabilanggo o katumbas ng 360 taon. Matindi ang mga ebidensyang nakuha tulad ng sintureras ng shorts ni Eileen na natagpuan sa kanyang lugar, at ang mga basyo ng balang ginamit sa pagpatay na nakahistro kay Luis Corcolon.

Noong siya ay pumasok sa bilangguan, ang una kong inabangan ay ang paggupit sa kanyang buhok. Sabik akong makita ang itsura ng alkalde ng Calauan na kakalawangin sa likod ng rehas.
Fast forward to 2010, matapos ang humigit isang dekada ay nahulihan si mayor ng isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng 1.5 million pesoses sa loob ng estatwa ng kanyang Birheng Mariya.

Napanood ko siya sa YT ang dokyu ni Martin Andanar at nakitang mahaba na pala ulit ang kanyang buhok. 'Yun nga lang, hindi siya katulad ni Samson na matapos gupitan ni Delilah at muling makapagpatubo ng buhok ay nakabawi.





5 comments:

  1. Isa ito sa mga episode ng Krime Klasik na nasubaybayan ko (ilang beses ba naman itong ineere muli eh). Ang kasong ito ay patunay lamang kung gaano karahas at mapalinlang ang ating bansa. Marahas dahilsa gandi ng katawan, hahamakin mo ang lahat. (naks, parang pag-ibig lang e no?), at mapalinlang dahil kung sino pa ang halos Diyusin na ang istatwa ng isang supremo ay siya pa ang nuknukan ng kasamaan.

    At nahatulan na siya. Kahit sa dokyumenatryong yun ay tahasan niyang sinabi na siya ay inosente. Batas na ng tao ang humatol, at batas na rin siguro ng Dakilang Maylikha dahil nagawa mo ba naman gamitin ang paniniwala mo para sa sariling gutom at katakawan sa kapangyarihan at kayamanan, eh.

    ReplyDelete
  2. 2016 and still worrying about our town. Another Murder case nanaman alam mo ba yon blogger? ngayong taon lang

    ReplyDelete
  3. tapos papalayin ngayon? No!!!

    ReplyDelete
  4. #NoToSanchezrelease

    ReplyDelete
  5. Wag palayain ang mga ganyan kitang kita ang kasamaan.Dinamay pa ang relihiyon para matakpan ang kabalastugan

    ReplyDelete