Thursday, March 21, 2013

Sapatos Pangkalangitan

 
"Isa kang Batang Nineties kung alam mong Nike sneakers ang suot ng mga nagpakamatay na miyembro ng kultong Heaven's Gate."


Saan ang langit kaibigan? Saan ang pangakong kaligayahan?

Kung naitanong ito ni kapatid na Karl Roy kay MARSHALL APPLEWHITE noong sila ay pareho pang nabubuhay, malamang sa alamang ay napraning ang ating rakista sa isasagot ng lider ng UFO religion doomsday cult na HEAVEN’S GATE.

March 26, 1997 ay natagpuan sa isang mansyon sa San Diego, California ang 39 bangkay na nagpatiwakal sa paniniwalang makakasakay ang kanilang mga kaluluwa sa alien spacecraft na nakabuntot daw sa Comet Hale-Bopp.

Naitatag ang kanilang grupo bandang early 1970’s, matapos makaligtas ni Marshall sa isang heart attack na ayon sa kanya ay isang “NDE o near-death experience”. May kung anong pumasok sa kanyang kukote upang isipin na siya at ang kanyang nurse na si BONNIE NETTLES ay ang dalawang saksi na tinutukoy sa Book of Revelations 11:3. Simula noon ay tinawag na nila ang kanilang tandem na “The (Mysterious) Two” at ginamit ang mga alyas na “Bo and Peep” at “Do and Ti”. Sila ang mga ninuno nila “Guy and Pip” at “DO and TA”. Itinuring ni Applewhite ang kanyang sarili na “Evolutionary Kingdom Level Above Human” dahil may kaugnayan daw siya kay Papa Jesus.

Sa simula ay tinawag nilang “Human Individual Metamorphosis (HIM)” ang kanilang grupo. Naglakbay sila sa iba’t ibang lugar sa bansa ni Uncle Sam upang ibahagi ang kanilang kalokohan at manghikayat ng mga mga miyembrong magpapauto. Tunog science laboratory experiment ang pangalan kaya siguro sila nagpapalit-palit sila hanggang sa maging Heaven’s Gate.

Pinaghalo nila ang Christian doctrine, New Age beliefs, at Star Trek upang mapaniwala ang mga kasapi sa kanilang mga sinasabi. Ayon sa grupo, ang mundo ay malapit nang dumaan sa proseso ng “recycle” at ang paraan upang makaligtas ay umalis mula rito. Ang ating mga katawan daw ay mga “vehicle” lang ng ating kaluluwa at ang mundo ay ang lugar kung saan inihahanda ang ating mga kaluluwa bago makarating sa kalangitan.

Upang makamit ang “Next Level” ay kailangang mamuhay ayon sa kanilang paniniwalang “…humans would have to shed every attachment to the planet.”. Ikaw, kaya mo bang bumitiw sa iyong pamilya, mga kaibigan, personal na pagmamay-ari, at trabaho? Kaya mo bang magpatanggal ng betlog katulad ng ginawa ni Applewhite kasama ang anim pang miyembro? Huwag na uy, hindi naman ako aso para kapunin!

Noong madiskubre ang Comet Hale-Bopp noong July 23, 1995, naisip ng Hanson Brothers na gumawa ng kantang tatawagin nilang “MMMBop” na ilalabas at magiging hit single pagdating ng April 1997. Walang halong biro, noong November 1996 lumabas sa isang CCD image ang isang malabong kuha ng isang pahabang bagay malapit sa kometa. Nagkaroon ng mga haka-hakang may nakasunod daw na alien space craft.

Tingnan mo nga naman at natupad ang hula - Teleport na! Ito na ang hinihintay na senyales ng grupo nila Marshall. Ayon sa kalkulasyon, March 22, 1997 ang araw kung kailan dadaan ang kometa nang pinakamalapit sa mundo.

Kaiba sa ibang mga grupo, mayaman ang Heaven’s Gate. Isa pang pinagkakakitaan nila bukod sa mga pera galing sa mga trust funds at pledges ng mga miyembro ay mayroon silang web site design services sa pangalang Higher Source. Nagsisimula pa lang ang internet noon kaya malaking raket ang paggawa ng mga datkom.

Sino ang mag-aakalang kaya nilang bumili ng “alien abduction insurance” para sa 50 katao na nagkakahalaga ng $10,000? Magtataka ka rin kung saan nila kinukuha ang pambayad na $7,000 na upa kada buwan para sa 9,200 sq.-ft. mansion. At mukhang mahaba talaga ang kanilang pisi dahil hanggang ngayon ay buhay pa rin ang kanilang official website – www.heavensgate.com.

Hinati sa tatlo ang grupo at tatlong araw na sunod silang nagpatiwakal. Ginawang ganito upang matulungan ng mga nahuli ang mga nauna. Labing-limang katao noong March 24, Labing-lima ulit noong March 25, at siyam noong March 26. Si Marshall ang ikatlo sa pinakahuling nagpakamatay sa tulong ng kanyang dalawang angels. 
Bago maganap ang mass suicide ay nakuha pa ni Applewhite na i-video ang kanyang sarili at ang mga miyembro nito noong March 19-20, 1997. Ipinaliwanag niya na ito lang ang tanging paraan upang makaalis ng daigdig. Panoorin mo sa YT upang Makita mo kung gaano sila kasaya.

Masarap ang kanilang ininom na lason para hindi na magising – pinaghalong pineapple juice at phenobarbital na isang klase ng depressant. May class talaga sila dahil ginawa nilang chaser ang vodka. Para mas madaling mamatay ay binalutan nila ang kanilang mga ulo ng plastic bag.

Nang matagpuan ang mga bangkay ay pare-pareho ang kanilang mga posisyon sa kamang hinihigaan na may nakatakip na kulay purple na tela sa mga mukha at itaas na bahagi ng katawan. Lahat sila ay nakasuot ng itim na shirt, itim na sweat pants, at may armband patches na nakalgay na “Heaven’s Gate Away Team”. Nakuha rin sa kanilang mga kamay ang halagang “five dollars and three quarters” na gagamitin bilang toll fee sa pagsakay sa spaceship.

Si Rio DiAngelo / Richard Ford, ang tanging miyembro na nakaligtas dahil noong December 1996 ay nagkasundo sila ni Marshall na umalis sa grupo. Siya ang naatasang magsisiwalat ng mga videos at iba pang may kinalaman sa grupo.


Hindi ko ito malilimutan dahil talagang naging laman siya ng balita. Halos lahat ng medya ay tinutukan ang pangyayaring ito. Sa iba, ito ay itinuturing the “cult mass suicide” ngunit sa mga naiwanan ng mga miyembro, ito ay itinuturing na “one suicide and thirty-eight murders”.


Ang hindi ko malilimutan sa lahat ay ang sapatos nilang suot noong magpakamatay. Ang trahedyang ito malamang ang pinakamalufet na instant endorsement ng Nike na may logo na mukhang kometa.

Just Do It. Pakamatay ka kung gusto mong makasakay ng spaceship at maging isang alien.



1 comment:

  1. hi po admin...may article po ba tungkol sa mga top 40 shirts or ung RACK or the RACK po ata na shortsna may mga logo ng NBA teams I think mga early or mid-90's po ung era nito
    +++

    ReplyDelete