Heto na at nagbabalik. Sana ay hindi pa ako naibabaon sa limot ng mga ka-dekads ko matapos ang dalawang buwang pagkawala sa blogosphere.
Kung nagbabasa kayo ng mga kuwento kong walang kuwenta sa kabila kong bahay na wala ring kuwenta,
B'log Ang Mundo, malamang ay alam mong ilang araw na ako dito sa lupain ngakung saan napakaraming tao pero walang social networks sa internet.
Sa panahong hindi kayang mabuhay ng tao na walang internet at celphone, tatanungin kita....KAYA MO BANG MAG-ISA?
Kamote at mais naman kung sasabihin kong "No man is an island", 'di ba? Merong mga taong loner pero sigurado naman akong meron silang mga imaginary friend na kinakausap. Kung batang nineties ka na naabutan pa ang Sesame Street ay kilala mo si Mr. Aloysius Snuffleupagus (Oo na, naging tunay na character din siya after ilang years na 'di nakikita ng ibang characters maliban kay Big Bird).
Teka, saan nga ba papunta 'tong kuwento ko? Parang buhul-buhol na linya ng telepono.Siyempre lagi namang may clue ako sa taytol.
Noong eighties, hindi pa ganun kalufet ang PLDT para makapag-provide ng maraming linya ng mga telepono sa mga can afford na nilalang ng bansang Pilipinas kaya nauso ang isang telephone number na dalawa ang nagmamay-ari. Grade one ako nang una kong ma-experience ang ganitong uri ng linya at ang tawag dito ay PARTY LINE. Taena, puwede mong pakinggan 'yung nag-uusap sa kabilang linya basta takpan mo lang yung mouthpiece. Ang siste nga lang, hindi ka pwedeng tumawag kapag gamit ng ka-share niyo ng number ang linya. Parang extension phone ito pero magkaibang bahay o pamilya ang nagmamay-ari. Madalas itong pagsimulan ng pag-aaway ng dalawang may-ari dahil nauuso pa lang ang pagtetelebabad na madalas kapag nagliligawan. Ang malufet naman dito ay hindi mo alam kung saang lupalop ng mundo nakatira ang ka-party line mo. Ang alam ko, may isang Pinoy movie ang tungkol dito. Kung 'di ako nagkakamali ay isa siya sa mga parts ng "Dear Diary". Ewan ko, kayo nalang muna ang makipagtsismisan kay pareng Googs dahil wala pa akong time.
Nang ma-improve na ng noo'y naghaharing PLDT ang serbisyo ng telepono, unti-unting napalitan ng seven digits ang mga six digits na telephone numbers. Mga Batang Eighties ang nakadiskubre na may mga naiwang six-digit telephone numbers ang gumagana na may mali. At ang maling iyon ang nagbigay-buhay sa grupo ng mga adik sa pagtetelebabad, ang mga CROSSLINERS. Ang mga obsolete numbers na ito ay nagsilbing "trunk lines" ng mga mahihilig makipag-usap sa telepono. Ito ang sinaunang chat rooms kung saan puwedeng sabay-sabay na mag-usap ang mga nagdadayal ng numerong iyon.
Naabutan ko pa ang ganoong sistema ng "pakikipagsosyalan" at "networking" sa telepono. Take note, hindi pa nauuso ang internet ng mga panahong iyon. Kung may username sa chat, meron namang "call sign" ang crossline. Ang madalas kong gamitin na "nick" ay "John Lennon". Kanya-kanyang style ng pagsambit ng call sign para mapansin sa trunk line. "Hello ba John Lennon.....". Dapat ay may magandang style ka o tono ara maging kapansin-pansin. 'Yun nga lang, depende rin sa gamit mong telepono para marinig ka. Kapag medyo malayo kasi ang lugar niyo sa lugar ng telephone number ay medyo mahina rin ang dating mo. Sabi nila ay may mga amplier na nilalagay sa mouthpiece para lumakas ang dating pero 'di kailanman ako nakakita ng ganun.
"
Ano location mo?", "
Bigay mo telephone number mo...". Sounds familiar 'di ba? Hindi pa uso ang chat sa YM ay nakikipaglokohan na ang mga Pinoy sa virtual world ng mga crossliners. Naadik kami dito ng bespren kong si
Geline, ng utol kong si Pot, ng pinsan kong si Badds, at halos lahat ng tropa. Inaabot ng madaling-araw sa paghihintay ng mga "magaganda sa pandinig".
At oi, 'yang mga eyeball-eyeball na 'yan ay nauso noong Nineties. Akala ko nga dati ay kung ano ang Grand Eyeball. Madalas itong ganapin dati tuwing Sabado at Linggo sa second floor sa Ice Skating Rink ng
Megamall. Doon sa tapat ng Chowking. Minsan ay pumunta kami dito ng tropa pero 'di kami nagkaroon ng lakas ng loob na makipagkilala sa ibang mga crossliners. Lintek kasi ang mga jologs na hitsura! Doon namin napatunayan na talagang may napepeke ang mga babaeng biniyayaan lang ng magandang boses.
"Ikaw ba ay nalolongkot, walang makaosap.....", hindi ko na matandaan ang kumpletong ads pero isa ito sa mga pumatok Pinoy. Magdadayal ka lang ng 1-800 number at may makakausap ka na - pwedeng private o conference call. Dito rin nauso ang SOP o sex on phone. Taena, makikipag-usap ka lang ay kailangan mo pang magbayad ng ten pesos per minute!
May engot na kasambahay sila bespren
Geline noon na pinatulan ang numerong lumalabas sa TV at nakasulat sa diyaryo. Pagdating ng bill ay umabot ng libo-libo! Akala daw niya ay yun yung tinatawagan namin (tinutukoy ay trunk line).
Those were the days. FB Muna ako.....