Friday, April 29, 2011

Anak ng Tupa (Hello Dolly)

 ang pinakasikat na tupa sa buong mundo

Nang minsang naglilipat ako ng channel sa teevee namin dito sa China ay nakita ko sa commercial ng nag-iisang English network na ipapalabas ang "The 6th Day" ni Arnold Shwarzeneger Swarzenirger Schwartseneger. Napanood ko na ito pero 'di ko pa natatapos ng buo dahil sa mga bus biyaheng EDSA ko lang ito natityempuhan noong sa Pinas pa ako nagtatrabaho. Basta ang kuwento nito ay tungkol sa CLONING (human cloning, to be specific) kaya nga ganun ang taytol niya. Magbasa ka nalang muna ng Bibliya kung 'di mo ako ma-gets.

Sa totoo lang, interesanteng paksa ang cloning kaya ito ay madalas maisama sa mga science fictions. Isa sa mga pinakapaborito kong pelikula mula sa isa sa mga pinakapaborito kong direktor sa pinilakang-tabing ay ang "Jurassic Park" na ipinalabas noong 1993. Pangarap ko noong bata pa ako na maging isang paleontologist o 'di kaya ay maging isang archeologist kaya manghang-mangha ako sa obra ni idol na Steven Spielberg na hango naman sa obra ni Michael Crichton. Halos tumulo na ang laway ko sa pagkakanganga ko habang pinapanood ang mga nabuhay na dinosaurs sa big screen. Magaling ang kuwento dahil kung iisipin mo, posible ngang maibalik ang mga higanteng nilalang sa pamamagitan ng pag-clone sa mga DNA na galing sa dugong nasipsip ng mga sinaunang lamok na na-fossilize at na-preserve sa amber!

Sino ba ang mag-aakala na ang cloning ay hindi lang sa mga libro, palabas sa teevee at sa sinehan mangyayari?

FEBRUARY 22, 1997, nang ipakilala ng Roslin Institute (Edinburgh, Scotland)  sa buong mundo ang kauna-unahang mammal na na-clone sa pamamagitan ng somatic cell nuclear transfer. Sa katunayan, si DOLLY the sheep ay ipinanganak noong JULY 5, 1996 at ang nangasiwa sa larong "playing god" ay sina IAN WILMUTH at KEITH CAMPBELL. Tatlo ang nanay ng anak ng tupang ito - ang una ay ang nagbigay ng egg cell na gagamitin, ang pangalawa naman ay ang nagbigay ng DNA, at ang pangatlo ay ang nagdala sa sinapupunan. 

Kung tatanungin niyo kung bakit sa dinami-dami na pangalang puwedeng ibigay ay 'yun pa ang napili, matatawa ka sa kasagutan. Ang cell na pinagkunan ng DNA ay galing sa suso ng isa sa mga ina ng tupa. Ang country singer na si Dolly Parton ang naisip ng team nila Wilmut dahil sa malufet nitong hinaharap na click na click sa mga TNL.

Sa Roslin Institute tumira si Dolly buong buhay niya dahil isa siyang living experiment na pinag-aaralan ng mga siyentista. Ang sarap siguro ng buhay ng celebrity animal na ito. Hayup ang dating! Noong April 1998 ay isinilang ni Dolly si Bonnie na anak niya sa isang kalandiang Welsh Mountain ram. Nang sumunod na taon, isinilang naman niya ang kambal na sina Sally at Rosie. Nang sumunod pang taon ay ipinanganak naman ang triplets na sila Darcy, Cotton, at Lucy. Taena lang, ano bang pakialam natin sa mga pangalan ng mga lamb chops na 'toh?!

Nang pumasok ang 2001, nagkaroon ng matinding rayuma ang sikat na hayop kaya nahirapan na itong maglakad. Unti-unti rin itong nanghina dahil sa sakit sa baga. Hindi na siya magamot kaya noong balentaympers ng (February 14) 2003, ginawa na siyang pulutan ng mga manginginom sa kanto napilitan ang mga eksperto na bigyan na siya ng "mercy killing" o "euthanasia".  Sabi ng karamihan, ang life expectancy ng lahi ni Dolly ay nasa twelve kaya nagtataka sila kung bakit hanggang anim na taon lang siya umabot. Ang teorya ng iba ay dahil sa nasa six years old ang nanay na kinunan ng cell sa suso nang maganap ang cloning. Sa ngayon, isa ng stuffed toy si Dolly at makikita ang kanyang labi sa Museum of Scotland.

Ayon sa mga siyentipiko, ang cloning ay isang mainam na paraan upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga "endangered species" at "ma-revive" ang mga matagal nang extinct na mga hayop. Napanood ko pa dati sa Discovery Channel 'yung dokyu tungkol sa pag-clone sa DNA ng mammoth na nahukay sa Siberia. 'Yun nga lang, wala akong nabalitaan na naging matagumpay ito. Kung nagkataon, malamang ay na-clone na sana 'yung kawawang elepante sa Manila Zoo!

Sa pag-clone ng mga hayop, pwede nating isipin na magiging benefitial ito sa mga kumpanyang tulad ng McDo, KFC, at Jabee dahil kung meron kang isang dambuhalang genetically-engineered na manok, pwede mo itong paramihin sa pamamagitan ng cloning para sa mga fried chicken na ibebenta. Sa mga sugarol naman, puwede rin itong makapagpadami ng mga panalong pansabong na manok at pangarereng kabayo.

Sa iskul (bukol) namin, madalas na maging topic sa thesis at debate ang human cloning. Marami kasi ang naniniwala na kapag ito ay naging matagumpay sa tao, puwedeng ma-clone ang mga tulad ng mga idol kong sina Ferdinand Marcos at Adolf Hitler. The world will be a better place. Ang sakin lang, maaaring mangyari na maibalik o magkaroon sila ng kamukha pero 'yung talino nila at kung paano sila namuhay, malamang ay 'di puwedeng magaya dahil ang lahat ng iyon ay natututunan. Isa pang naging malufet na tanong sa human cloning ay "kung sakaling ito ay magiging matagumpay, ibig bang sabihin ay puwedeng magkaroon ng ilang katawan ang isang kaluluwa?". Hmmm, napaisip ako nang marinig ko ito.

Marami ang mga tumutol sa prosesong ito kaya noong mga panahong iyon ay napakadami ng kilos-protesta laban dito. Kahit sa sermon ng misa ay lantarang ipinamumukha ng simbahan na imoral ang ganitong gawain.Tayong mga nilalang ng Diyos ay 'di puwedeng maging mga diyos sa pamamagitan ng paglaro sa mga natural na bagay ng kalikasan.

Wala tayong pagkakuntento sa lahat. Hindi na tayo magugulat kung isang araw ay magigising nalang tayo sa panahon na kung kailan puwede na tayong mamili ng kulay, itsura, at magiging ugali ng ating mga magiging anak. Paksyet lang, wala na ang thrill at excitement!




6 comments:

  1. masaya sana kung magagamit sa mabuting paraan ang cloning. Sa puno at sa hayop para di lang ang hayop ang dumami, pati yung habitat nila ay pede ding dumami para may matirahan sila sa wild life.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Anak ng Tupa Tagalog/Pilipino term means son of a sheep/son of a whore/son of a bitch etc.

      Delete
  2. ang hava naman ng mga kwen2 cguro kapag binasa i2 ng mga uhindi mrunong magbasa sa 3015 p matatapos whaha

    ReplyDelete
    Replies
    1. Tagalog/Pilipino term means sheep/lamb named after the wooly animal resemblace to goats used for farming & animal industry.

      Delete
  3. Replies
    1. Son of a Whore the famous minced oath/bad syllable word used by former president of the Philippines Atty. Rudy R. Duterte during his 6 year term from 2016-22.

      Delete