"Isa kang Batang 90's kung minsan ay pinangarap mong makausap ang ilang bigating tao noong Dekada NoBenta katulad ni Ely Buendia."
Ang tambayan kong puro kuwentong wala namang kuwenta ay may isang pahina na naglalaman ng mga hebigat interviews sa mga bigating nilalang na may kinalaman sa Dekada NoBenta. Kung sakaling bago ka lang dito sa aking pook-sapot, matatagpuan mo ang kawingan ng "Sampu't Sari" doon sa bandang kanan sa itaas ng iyong panginain. Koleksyon ito ng mga panayam na ginawa ko sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng mga sulatroniko kung saan nagbibigay ako sa aking panauhin ng sampung katanungang konektado sa 90's.
Ano kaya ang mga kuwentong-karanasan ng mga celebrities noong Nineties? Madalas natin silang makita sa teevee noon, mabasa sa dyaryo, at mapakinggan sa radyo, ngunit sigurado akong may iba pa silang mga mas interesanteng istorya sa buhay noong kapanahunan natin.
Paano kaya ilalarawan ni Senator BBM sa itsura ng ating bansa noong bumalik siya sa Pinas noong 1991 matapos ang limang taong pananatili sa Hawaii? Ano kaya ang naging epekto kay Renmin Nadela at sa Agaw Agimat ng paglipat ni Lee sa Slapshock? Alam kaya ni Glenn Jacinto ang tsismis noon na namatay na daw siya? Nasubukan na kayang kantahin sa videoke ni Bong Espiritu ang signature song nilang "Sikat na si Pedro"?
Noong pinaplano ko pa lang ang konsepto ng pakulo kong ito, tatlo sa mga iniidolo ko ang unang pumasok sa aking isipan. Una ay si Jessica Zafra na tunay na nagbigay sa akin ng inspirasyon upang magsulat ng mga sanaysay. Pangalawa ay si Lourd De Veyra na wala na yatang aastig pa sa talas ng pananalita at puna sa mga bagay-bagay. Pangatlo ay ang nag-iisang si Ely Buendia.