"Basahin motto para may philosophy ka rin."
Noong ako ay nahilig sa mga kombo-kombo at banda-banda, ang una kong pinangarap ay maging isang tambolero ngunit hindi ito nagkaroon ng katuparan dahil hindi magkasundo ang paghataw ng aking mga kamay at pagpadyak ng aking mga paa. Nagpaturo pa nga ako sa kaibigan kong drummer ngunit kahit bayaran ko ng per ora ay talagang sumuko siya sa mala-Syria kong body parts.
Nauso noong 90's ang gitara at halos lahat ng mga kabataan ay gustong magtayo ng sarili nilang banda kaya naengganyo rin akong sumali sa isang grupo bilang isang rhythm guitarist. Sa kabutihang-palad, naisama ako sa line-up ng Aneurysm ngunit bilang isang bahista.
Ayon kay idol Flea ng RHCP, "bass is the second lead guitar" kaya tinanggap ko na rin ang ten thousand five hundred pogi points na puwedeng makuha sa pagbabaho kahit na wala akong alam sa instrumentong iyon. Hindi ako magaling mag-leads kaya naman nahirapan din ako sa una kong pagkalabit ng mga kuwerdas ng baho. Ganun pa man, humugot ako ng inspirasyon sa mga iniidolo ko upang magampanan ang pagiging isang musikero. Isa sa mga itinuturing kong diyos sa industriya ng Pinoy Rock ay ang nag-iisang ROBERT JAVIER.
