Thursday, September 19, 2013

Sampu't Sari: Glenn Jacinto ng Teeth

 "Without music, life is a journey through a desert.", Pat Conroy

Habang ang Seattle ni Uncle Sam ay nakikilala sa buong mundo dahil sa kanilang Grunge Movement, ang Pilipinas ay sumabay din sa pagkakaroon ng sariling "rebolusyon" sa industriya ng musika. Ang Dekada NoBenta ay ang maituturing na "Golden Age of Filipino Alternative Music" kung kailan ang underground na tugtugan ay biglang nilamon ng buhay ang mainstream radio.

Nang umere ang LA105.9, nagkaroon ng kamalayan ang mga Pinoy na hindi lamang sa mga labsungs at kung anu-anong ka-sentihan nabubuhay ang tao. Ang himpilan nila ang nagbukas ng pinto para sa mga grupong sobra sa talento ngunit hindi napapansin ng mga kapitalistang record labels. Tanging istasyon lang nila ang nagpapatugtog ng mga awitin mula sa mga hindi kilalang kombo. Tuwing Linggo ay inaabangan ng mga rockers o "metal" ang kanilang "Filipino Alternative Countdown" upang malaman kung sino ang numero uno sa mga awiting sinasabayan ng mga nagbabagong tagapakinig ng bayan. Isa sa mga naghari sa lingguhang listahan ay ang "Laklak" na tumagal ng 12 weeks.

Dalawang dekada na, September 1993 nang magsama-sama ang tatlong dating miyembro ng Riftshifta - Jerome Velasco (guitars), Peding Narvaja (bass), Mike Dizon (drums), at dating miyembro ng Loudhouse na si GLENN JACINTO (vocals) upang magtayo ng grupong tinawag nilang Teeth

Oo, mga ka-dekads, hindi sila "The Teeth".

 

Tandang-tanda ko pa kung gaano katindi ang naging epekto ng kanilang signature song sa mga kabataan noong kapanahunan ko. Kapag Linggo ay inilalabas ko ang aming mini-karaoke at inaabangan naming magbabarkada kung anong kanta ang "number one". Kapag binanggit na ni The Doctor ang "Laklak" bilang top 1 at kumaskas na ang gitara ay sabay-sabay na kaming napapa-headbang at napapa-slam.

Panahon ng gitara noon kaya naman nang pumutok ang kantang ito ay isa siya sa mga naging paboritong tugtugin ng mga kabataan. Nag-uumpisa pa lang kaming tumoma noon kaya ito ang pambansang awitin sa tuwing may tumitipa ng gitara sa mga palihim na inuman sessions ng tropa. Marami kaming bandang nabuo sa lugar namin sa Crame at halos lahat ay kasama sa listahan ang "Laklak" sa mga awiting kino-cover. Malakas ang hatak ng kantang ito kaya madalas itong tugtugin sa mga Battle of the Bands. Minsan nga, maaari mo na itong tawaging "Battle of the Laklak" dahil halos lahat ng kalahok ay iyon ang piyesa.

Nakita ng Warner Music Philipiines ang potensyal ng Teeth kaya sila kinupkop nito. 1995 ay inilabas ang self-titled debut nila kung saan galing din ang paborito kong "Me" at ang hit na hit na "Prinsesa" na video na nakapasok sa playlist ng MTV Asia. Naaalala ko 'yung kaklase kong si Joel noon na kinagalitan ng prof namin sa uste dahil lyrics ng "Chicharon" ang ginamit niya sa isa sa mga templates namin sa Drawing 101. Maganda ang naging puna ng mga kritiko sa musical arrangement ng grupo at enerhiya ng boses ni Sir Glenn kaya hindi na ako nagulat nang maging "double platinum" ang kanilang LP. Nasungkit nila ang "Song of the Year" award sa 1995 NU107 Rock Awards para sa "Laklak".

Madalas ko silang mapanood sa mga gigs noon dahil sa kanilang kasikatan. Ang isang hindi ko malilimutang tagpo sa kanila ay nang makatabi ko ang kanilang grupo sa loob ng Dredd habang pinapanood ang nakasalang na (Electric) Sky Church. Sa sobrang pagka-starstruck ay hindi ko man lang nabati ang mga iniidolo ko mundo ng rakrakan. Taena talaga, sayang.

Sumabay sa kanilang kasakitan ang pagkaka-diagnose kay Glenn ng sakit ng cancer na naging dahilan upang sila ay huminto ng ilang buwan sa eksena. Sa awa ni Bro, siya ay gumaling at pagsapit ng 1997 ay nakapag-record sila ng kanilang pangalawang album na "Time Machine". Hindi man ito masyadong napansin katulad ng kanilang debut, ito ang pinakapaborito ko sa lahat ng kanilang mga nagawa. Kung hindi nasakyan ng mga kritiko ang kanilang tema sa obrang ito, ako naman ay digs na digs ang kalaliman ng kanilang "maturity". Hindi naman kailangang pareho ang pangalawang album sa nauna. Kung ganun ang gusto ng iba, dapat maghanap sila ng part two ng una. Wala akong itatapon na kanta mula rito.

Nang kumalas si Narvaja sa grupo upang mangibang-bayan ay pinalitan siya ni Dok Sergio. Inilabas nila noong 1999 ang kanilang ikatlo at huling studio album na "I Was a Teenage Tree" kung saan kabilang ang mga paborito kong "Unleaded", "Darating", at ang 2000 NU107 Rock Awards "Song of the Year" na "Shooting Star".

Sa paghina ng banda-banda at kombo-kombo, naisipan ni Glenn na pumunta nalang sa California upang magtrabaho habang si Mike Dizon ay binuo ang Sandwich at Pedicab. Nakasama naman ni Ely Buendia sina Jerome Velasco at Dok Sergio sa pagbuo ng The Mongols.


Nasa Tate man ngayon si Sir Glenn ay hindi pa rin nawawala sa kanyang dugo ang pagiging musikero. Aktibo pa rin siya sa bandemonium, 'yun nga lang ay sa bakuran ng mga puti. Aantayin ko ang muli niyang pagbabalik sa Pinas upang magkaroon ng reunion ang isa sa mga alamat ng musikang Pinoy, ang nag-iisang Teeth!

O sya, heto na ang kanyang kuwentong-karanasan noong kapanahunan natin.

1. Nagkaroon ba kayo ng pagkakataong inaway ng mga pulis dahil sa huling binitawan mong mga salita sa kanta niyong “Laklak”? Natuwa ba ang lola mo nang marinig niya ang awiting nagpasikat sa inyo? Ano ang naging inspirasyon niyo sa komposiyong ito?

Sa awa ng diyos, wala namang pulis na umaway samin, siguro di naman nila kilala talaga kung sino ang kumanta ng Laklak, kung meron mang nakahalata di naman sila galit, siguro aminado narin ng ibang parak na malaki talaga mga tiyan nila. Yung riff ng Laklak ako ang sumulat at yung lyrics naman ay sinulat ni Mike Dizon (Pedicab & Sandwich) true story ito tungkol sa Lola nya, si "Lola Cervesa" yung riff naman ay na-insipre ng "Born to be Wild" at "Anak Ka ng Ina Mo" ng The Youth. Nung una kong narinig yung kanta ng The Youth sa LA105.9 nung pagkatapos kong pakinggan yung kanta ay ginanahan agad akong maggitara at doon ko naisip yung "riff" ng Laklak. 



2. Ano ang masasabi mo sa rendition nina Gloc 9 at Dong Abay sa “Laklak”? Kung magkakaroon ng isang tribute album para sa Teeth, magbigay ng tatlong grupong gusto mong tumugtog at kanilang mga kakantahin.

Isang napakalaking karangalan para sa akin ang pag cover ng mga sikat na musikero tulad nila Gloc 9 at Dong Abay ng kantang Laklak, nakasama ko na rin silang dalawa sa mga pinoy concerts dito sa America. Maganda rin yung version ng 6cyclemind sa kantang "Prinsesa" at least gumawa sila ng conscious effort na ibahin yung kanta at di lang basta ginaya diba? Maring salamat din kay Daniel Padilla, may natanggap akong royalties sa kanya kelan lang, dahil kinanta din nya yung prinsesa. Kung sa tribute album ng Teeth naman usapan, gusto kong marinig kantahin ni Ely Buendia yung "Shooting Star", si Rico Blanco naman "Laklak" pero electronic dance version, at si Ebe Dancel "Darating". 


3. Noong pumutok ang “Alapaap” controversy dahil kay Tito Sotto, sa pagkakatanda ko ay naapektuhan din kayo dahil sa awitin niyong sumusuporta daw sa pagtoma. Ano ang masasabi mo sa pangyayaring ito noong Nineties?

Naapektuhan kami ng controversy sa magandang paraan, naging national headline ito nung 90's parang naging libreng publicity na rin tapos kasama pa namin ang Eheads at Yano sa issue. Kung pakikinggan nilang mabuti yung lyrics ng "Lakak" ay anti-alcoholism yung messege ng kanta namin. Naalala ko may gig ang Eheads sa San Beda College sa Mendiola tapos sabi ni Ely sa audience na "bumili na kayo ng album namin, baka i-ban na yung album namin sa mga record stores.." so, yung mga fans, siguro ay napabili na rin ng albums namin. Naging double platinum yung unang album namin, so sa tingin ko nakatulong si Sen. Tito Sotto.

4. Kung meron kang isang time machine na katulad ng sinasabi mo sa inyong pangalawang album, ano ang babalikan mo sa Dekada NoBenta at bakit? May babaguhin ka ba sa nakaraan? Wala naman akong babaguhin sa mga nakaraan, lahat naman ng pangyayari ay may dahilan, masarap lang balikan yung mga masasayang araw o pangyayari sa buhay natin diba? Naisulat din yung time machine na kanta para sa "1896 ang pagsilang" album pero hindi umabot sa deadline ng album yung kanta.

Wala naman akong babaguhin sa mga nakaraan, lahat naman ng pangyayari ay may dahilan, masarap lang balikan yung mga masasayang araw o pangyayari sa buhay natin 'di ba? Naisulat din yung Time Machine na kanta para sa "1896 Ang Pagsilang" album pero hindi umabot sa deadline ng album yung kanta.

5. Kumusta si Sir Robert Javier bilang producer ng “Time Machine”? Ano ang mga hindi mo malilimutang karanasan noong ito ay nasa proseso ng recording? 

Maraming masasayang memories kasama si Robert Javier ng The Youth, isa sila sa mga pinakahinangaan naming banda nung 90's, bukod sa napakabait at napaka down to earth na tao, magaling rin syang comedian, record producer at bass player. Araw-araw kaming sabog sa doobie kaya naman hirap na hirap akong mag lay in ng vocals. Medyo malungkot nga lang ang thema ng "Time Machine" album kasi nagkasakit ako noon, sabay meron pa kaming barkada na pumanaw, maraming ring mga break ups sa mga girlfriend na ngayari nung mga panahon na yon.

6. Ano ang masasabi mo sa nabasa akong isang blog na nagsasabing katunog daw ng “Dive” ng Nirvana ang “Laklak. Nabasa ko noon ang isang interview kay Billy Corgan at sinabi niyang may mga rip offs daw silang kanta ng Pantera at Judas Priest na nilagay nila sa “Mellon Collie”. Mayroon ba kayong mga piyesang masasabi mong rip offs?

Di naman natin pwedeng sabihin rip off na lang pag may mga magkatunog na mga kanta, posibleng na impluwensyahan lang 'di ba? May mga ilang tao na nagsabi sa'kin na ang Teeth ay parang Nirvana ng pinas, opinion nila yun. Malaking impluwensya sa'min ang grunge music lalo na ang Smashing Pumpkins at Alice in Chains, shempre Nirvana rin. Minsan naman nagkakapareho lang ang mga chord patterns or tono ang mga kanta, kung sino rin ang idolo mo sa pagkanta or paggitara possibleng magagaya mo rin ang istilo o kaya ang tunog nila.


7. Isa ako sa mga taong hindi nakakaalam ng katotohanan sa kung bakit ka kumalas sa Teeth. Ang nakalap kong balita noon ay namatay ka na daw kaya nabuwag ang inyong grupo. Maari mo ba kaming kuwentuhan ng tunay mong naging karamdaman at kung paano mo ito nalampasan, at ang tunay na dahilan ng inyong pag-disband.

Noong 1995 nagkaroon ako ng sakit na Cancer at napilitan kaming huminto ng 6 na buwan, dahil kelangan kong mag chemotherapy at magpagaling muna. Nasa peak ng kasikatan ang Teeth at ng kantang Laklak sa radio nung nangyari ito. Meron mga news media na pumunta sa ospital para ma-interview ako at dahil gusto ng pamilya ko maging private ang pangyayari, sinabi namin sa lobby na wag sabihin sa media kung saang room ako at huwag silang paakyatin kaya siguro kumalat ang balita sa media na namatay na nga raw ako. Nalampasahan ko ang sakit na cancer dahil sa mga dasal ng tao at supporta ng pamilya ko lalo na ang nanay ko, salamat rin sa Diyos at binigyan nya ako ng pangalawang pagkakataon sa buhay, magaling din ang mga doktor at nurses na nag-alaga sa akin. Mahigit 20 years na akong magaling sa cancer ngayon. Noong year 2000 naman, hindi magandang panahon ito para sa mga pinoy rock bands, maraming mga pirated CD's na kumakalat sa mga tiangge. Nauso rin yun acoustic style ng music, kaya lahat ng record labels ay acoustic style na ang mga artist na hinahanap. So maraming mga bandang ni-lay off ng mga record labels, humina rin ang mga tugtugan, nung kasikatan ng pinoy alternative bands pag weekends nakaka 5 gig kami sa isang araw, noong 2000, naging once a week na lang, kaya naisipan ko na rin pumunta sa America at magtrabaho na lang.
8. Ano ang ‘di mo makakalimutang ‘90s gig sa Club Dredd EDSA at bakit? Sa NU Rock Awards? Bukod sa mga ito, ano ang pinakamalaki niyong gig na nadaluhan noong Dekada NoBenta?

Noong 1995 NU Rock Awards naala ko nasa ospital ako nun, sa Makati medical, pina-discharge lang ako ng isang gabi para lang maka-attend at makatugtog kami sa gig na iyon after nung concert na admit agad ako sa ospital. Masaya ang mga Rock Awards nung 90's, di man ako na-nominate bilang "vocalist of the year" pero kami lang ng Teeth ang may dalawang "song of the year" (1995 Laklak, 2000 Shooting Star) Masaya rin ang eksena sa Club Dredd noong araw. Ang daming magagaling na banda na mga kakontemporaryo namin, di pa mainstream ang pinoy rock bands nung panahon na iyon, kung sino lang ang may hilig sa rock music at pagbabanda or mga kaibigan at posse ng mga banda, yung lang ang mga tao sa mga venue. Sila rin yung unang venue na nagbigay ng break samin, maraming salamat owner ng Club Dredd na si Patrick Reidenbach. Naalala ko nag gig din kami sa Araneta Coliseum at Folk Arts theater.


9. Nakatanggap ka na ba ng mga “indecent proposals” noong inyong kasikatan at hanggang sa ngayon? Ano ang pinakana-enjoy mo noong 90’s bilang si Glenn Jacinto ng bandang Teeth?

Wala naman akong natanggap na “indecent proposals”, di lang ikaw ang unang nagtanong nyan sakin, bakit kaya pag "rockstar" ka iniisip ng tao madali ang "sex"? at bakit ang mga musikero, kahit di naman guwapo o maganda ay ang lakas ng appeal? siguro humahanga lang sila sa talent nila sa instrumento at pagkanta, ang na enjoy ko naman bilang "Glenn Jacinto ng bandang Teeth" ay sobrang bait sa akin ng mga pinoy kahit saang parte ng mundo. Gusto nilang makipagkwentuhan sa'kin or mag pa-photo op, parati kang welcome sa mga party, pag merong pinoy concert or gig parati akong libre sa entrance, minsan may libreng CD's ako sa mga banda, libreng beer o alcohol sa mga tao sa bar, binibigyan rin nila ako ng "420" pag may concert lalo na pag out of town, marami na rin akong napuntahan at nalibot na mga lugar at ciudad dahil sa mga tugtugan.

10. Mamili sa dalawa at sabihin kung ano ang unang pumapasok sa isipan kapag ito ay naririnig o nababasa:

         A. Bamboo o Rico Blanco pwede bang both? kaibigan ko sila pareho eh
         B. United Colors of Benetton o Swatch (wrist watches) Swatch
         C. WWF o WCW WWF favorite ko nun si Jake "the snake" Roberts
         D. Sega Saturn o Sony Playstation Playstation
         E. Madonna o Courtney Love Madonna
         F. mIRC o YM YM
        G. Chucks o DM’s DM's 16 holes
        H. GN’R o Metallica GNR
         I. Islacom o Mobiline Globe gamit ko noon
         J. “Deep Impact” o “Armageddon” (films) Armageddon dahil kay Ben Affleck lol

Message to all the 90’s kids:

Kamusta na kayong lahat? sana ay nasa mabuti kayong kalagayan, magkikita-kita rin tayo.. malapit na.. 

SIR GLENN, MARAMING SALAMAT AT RAKENROL! \m/  



7 comments:

  1. shemay! naalala ko ang field trip ko sa tagaytay habang tinutugtog sa bus ang kantang prinsesa at alapaap... Nostalgic ang post na ito... \m/

    ReplyDelete
  2. Wow!!! kinikilabutan ako habang nagbabasa. maraming salamat sir sa blogpost mo na to! sana nasa mabuting lagay ngayon si sir Glenn. ang sarap talagang balikbalikan ang 90s. mukhang mapapadalas ako sa blog na to. Apir!

    ReplyDelete
  3. Nanood ako ng reunion concert nila kagabi (may15'14) sa metrotent! Rakenrol!

    ReplyDelete
  4. Thanks for sharing, nice post! Post really provice useful information!

    Giaonhan247 chuyên dịch vụ mua hàng mỹ từ dịch vụ order hàng mỹ hay nhận mua nước hoa pháp từ website nổi tiếng hàng đầu nước Mỹ mua hàng ebay ship về VN uy tín, giá rẻ.

    ReplyDelete
  5. Nice one... 90's d best... mga idol 🤘🤘🤘

    ReplyDelete