"Isa kang Batang 90's kung maraming naaalala sa tuwing nakakakita ng mga food chain newspaper ads mula sa Dekada NoBenta."
Kung natakam ang inyong mga alaala sa Part 1 ng mga patalastas sa dyaryo, lasapin mo pa ang Part 2 na ito upang ikaw ay ma-empatso.
May 4, 1991
Noong ako ay bata pa, tatlo lang ang alam kong doughnuts na naglalaban sa panlasa ko. Una ay ang mga binibenta sa panaderya, 'yung mga pinirito at pinagulong sa asukal na puti. Pangalawa ay ang Mister Donut na pinupuntahan namin nila ermats sa Farmer's Market, at pangatlo ay ang noo'y sikat na sikat na Dunkin' Donuts.
Isa silang banyagang coffeehouse chain na unang natikman sa Quincy, Massachusetts noong 1950. Nang dumating sila sa Pinas noong 1981 sa ilalim ng Golden Donuts Inc. ay wala pa ang mga pinupugaran ng mga social climbers, ang Krispy Kreme at Starbucks na kalaban nila sa Tate, kaya sila ang namumukod-tanging "pasalubong ng bayan". Ang una nilang branch sa bayan ni Juan ay sa Quad Car Park (ngayon ay Park Square) sa Makati.
Pinakapaborito ko sa lahat ng flavors sa doughnuts ay ang bavarian. Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag ang lasa nito pero isa lang ang masasabi ko, MASARAP. Hindi ito trip ni ermats dahil mukha daw uhog o luga. Kami naman ng utol kong si Pot, ang naaalala namin ay ang mukhang nanang lumalabas sa etits ng aso naming si Bitoy. Ganun pa mn, hindi kami nandiri sa kung ano mang naiisip sa itsura ng filling na ito.
Nagtrabaho ang aking Tita Veruth bilang isang working student sa kanilang branch sa Anonas kaya naman inaabangan ko ang dala niyang pasalubong tuwing araw ng suweldo. Sabi ko sa aking sarili, balang-araw ay magtatrabaho din ako sa DD upang makalibre ng mga doughnuts. Awa ni Bro, bumagsak ako sa giant bubuyog noong ako ay nasa kolehiyo na.
Noong maoperahan ako sa appendix noong ako ay nasa ikalimang baytang ng elementarya ay maraming dumalaw sa ospital. Karamihan sa kanila ay may bitbit na isana box ng isang dosenang doughnuts ng DD. Imbes na matuwa ako ay naiyak nalang ako dahil hindi ako puwdeng kumain hangga't hindi umuutot matapos maoperahan. Ayun, si erpats ang nabondat sa mga pasalubong sa akin!
Isa sa mga hindi ko rin makakalimutang karanasan sa DD ay noong manlibre ang barkada naming si Nezelle para sa kanyang kaarawan. Paborito naming magto-tropa ang Bunwich ng DD kaya ito ang inorder niya para sa amin. Hindi isa, kundi dalawang piraso kada tao. Paksyet na malagket, big time! Oo, simple lang at mababaw ang kaligayahan namin noong Dekada NoBenta. Dunkin' Donuts lang sa Megamall ay masaya na kami.
February 14, 1991
Isa pang banyagang resto na kinagiliwan nating mga Pinoy. Pero kung ako ang papipiliin, mas gugustuhin ko pa rin ang crispylicious Chicken Joy kaysa sa piniritong manok ng Kentucky Fired Chicken. Una silang nakarating sa Lupang Hinirang noong 1967 sa pangangasiwa ng iba't ibang prangkisa ngunit noong June 1994, nabili ni Manuel U. Agustines ang sole franchise sa Pinas sa ilalim ng Quick Service Restaurants (QSR) Corporation.
Noong ako ay bata pa, madalas mag-uwi ng kilalang "bucket" si erpats sa tuwing galing siya sa overtime. Hindi man ito puno ng fried chicken (dahil tira lang galing sa mga seminars) ay tig-iisa pa rin kami sa salu-salo. Natatandaan kong ang bucket noon ay hindi pa plastik katulad ng sa ngayon kundi yari sa sa styropor. Hindi pa rin kanin ang ka-partner ng mga manok kundi tinapay lang. Mas masarap lasapin ang "11 herbs and spices" original recipe ni Colonel Sanders kapag ang mga ito ay pasalubong!
Binago nila ang kanilang pangalan at pinalitan ng acronyms na KFC noong 1991. Marami ang tsismis na kumalat tungkol dito. Una, kaya daw naging KFC dahil hindi naman daw "chicken" ang kanilang mga binibenta kundi mga genetically mutated na hayop lang. Narinig ko naman sa NU107 noon na nagkuwento raw si Thurston Moore (noong magpunta sila sa Pinas para sa "Alternative Nation Tour" sa Araneta) na kaya daw naging acronyms nalang ay dahil may nagdemanda sa resto sa kadahilanang hindi naman daw puro fried chicken lang ang ibinebenta nila; meron daw ibang varieties.
Ang totoo, kaya sila nagpalit ng pangalan unang-una ay upang makaiwas sa babayaran sa Commonwealth of Kentucky na nagpa-trademark ng kanilang pangalan noong 1990. Pangalawa, gusto nilang alisin ang salitang "fried" upang maiwasan ang masamang imahe sa mga health conscious na mga parokyano. Pangatlo, upang makapagbenta sila ng ibang putahe bukod sa manok. At panghuli, upang maki-uso sa "The Sharon Cuneta Show" na kilala rin bilang TSCS.
Nasa kolehiyo na ako nang ilabas nila ang Zinger. Nauso sa mga engineering students ng uste ang special order ng sandwich na ito. Ipapahiwalay namin ang fried breast fillet upang gawing ulam sa extra rice at hindi pa unlimited na gravy. Ang sandwich naman ay maglalaman lang ng mga gulay at special spread!
Busog sarap.
Walastik sa nakaisip!
August 9, 1995
Mahilig ako sa Chinese cuisine kaya hindi nakaligtas sa panlasa ko ang orig na Chowking. Una ko silang namataan sa Aurora Boulevard, Cubao, malapit sa isang hindi ko na maalalang sinehang pinamumugaran ng mga manyakis dahil sa pagpapalabas ng mga titillating films o TF. Nang matikman ko ang kanilang mga dimsum at mami ay bumulong ang aking Safeguard conscience ng "Balik-balikan natin ito.".
Isa silang fast food Chinese resto na naitatag ni Robert Kuan noong 1985 o ang panahong kalakasan ng pagsikat ng mga burger chains sa Pinas. Naging masarap sa panlasa ng mga Pinoy ang kanilang mga putahe kaya naman dumami ang kanilang mga branches sa iba't ibang panig ng Pilipinas. Nakita ng dambulang bubuyog ang kanilang potensyal kaya naman binili sila ng Jollibee Foods Corporation noong June 1, 2000. Dito na nawala ang orig na lasang-intsik ng kanilang mga bentahe. Sa totoo lang, mas gusto ko ang lasa ng dating Chowking kaysa sa mga pagkain nila ngayon na speacially-formulated by the giant bee. Dati ay may panama sila sa Ma Mon Luk, pero ngayon ay wala na.
Mayroon akong isang hindi malilimutang karanasan sa CK. Inaya kami ng kaklase naming Tsinoy na si Kelvin Chioa (s.l.n.) upang doon mananghalian at ipinagyabang niya ang libreng jasmine tea sa Chowking. Hindi ako mahilig sa tsaa pero dahil libre ay napilit akong sumama kasama pa ang kaklase naming si Raymond De Vera. Matapos umorder ay naupo na kami, at dinala na ng dining crew ang house tea. Isinalin sa tea cups. Mabango ang amoy. Lagok. Masarap pala. Sa dami ng kuwentuhan at bilis ng lagok ay hindi namin namalayang ubos na pala. Nakapagpa-refill pa kami ulit ng libre. Sabi ni Kelvin, maganda raw sa tiyan ang jasmine tea. Pampalinis daw ito ng kung anu-anong toxins. Sa sinabi niyang iyon ay biglang nag-message ang mga brain cells ko sa aking digestive system ng "alert, alert!".
Hindi pa dumarating ang pagkain namin ay nakaramdam na ako ng kakaibang kirot sa ilalim ng aking six-pack abs. Hindi ko nalang ito pinansin at kumain nalang ako ng masarap na siomai with extra rice. Maya-maya ay lalong nagwala ang aking tiyan. Sabi ko ay hindi ko na kayang pigilan ang aking wetpaks, kailangan kong magpakawala ng kung ano mang masama sa loob ng aking tiyan. Natatae na talaga ako.
Taena ang kubeta ng CK sa Dapitan St., communal at pang-box office hits ang pila. Pinagpapawisan na ako ng malamig kaya nagawa kong lakarin ang CK papuntang simbahan ng uste sa loob ng isang minuto na kung lalakarain mo ng normal ay nasa lima hanggang sampung minuto. Sa simbahan ko naisipang tumae dahil alam kong bihira itong dayuhin ng mga estudyanteng makasalanan.
Pag-upo ko sa trono ay ramdam na ramdam ko ang pagbulwak ng mamasa-masang buris na yari sa jasmine tea!
Simula noon ay naniwala na akong hindi lahat ng libre ay masarap.
Pag-upo ko sa trono ay ramdam na ramdam ko ang pagbulwak ng mamasa-masang buris na yari sa jasmine tea!
Simula noon ay naniwala na akong hindi lahat ng libre ay masarap.
Gusto ko ang donut ng DD nyahaha. ang pinaka gusto ko naman dun eh choco butternut at boston cream ehehe.
ReplyDeleteSince may lahing instik ako gusto ko din ang chowking. sabi nga nila dito kumakain ang masarap kumain lolz. Naalala ko yung jingle nila na "nanay, nanay dont you cry sa alllowance ko pwede pang mabuhay dahil sa chowking meals tig 29" ganyan lolz
Sa KFC naman well parang may goto ka na gravy flavor ahaha.