Monday, December 10, 2012

Ilusyon Mo Lang 'Yan

"Isa kang Batang Nineties kung alam mo ang mga 'hidden images' sa 'Use Your Illusion' album cover ng Guns N' Roses."

Isa akong Batang Nineties na diehard fan ng tropa ni AXL ROSE. Noong nasa high school ako ay ipinaglalaban ko ng patayan ang kanyang grupo laban sa paboritong Bunjubi ng klasmeyt at kaibigan kong si Mia. Magmula sa debut album na "Appetite for Destruction" hanggang sa "The Spaghetti Incident?" ay meron akong mga kopya. Hindi nga lang original copies lahat pero kahit na ni-record lang sa Maxell blank tape ay kabisado ko naman ang lyrics ng mga kanta. Hindi ako isang "chorus boy".

Sa lahat ng mga nagawang albums ng GUNS N' ROSES, ang pinakapaborito ko ay ang ikatlo at ikaapat nilang albums na sabay na inilabas noong September 17, 1991, ang "USE YOUR ILLUSION I" at "USE YOUR ILLUSION II".

Madalas na tawaging "double album" noong mga panahong iyon, dito nagmula ang mga paborito kong kantang "November Rain", "Don't Cry", at "Estranged", na kasama sa trilogy videos na ipinalabas sa MTV. Kasama rin dito ang mga cover songs na "Live and Let Die" ni Sir Paul McCartney at "Knockin' on Heaven's Door" ni Master Bob Dylan na unang kantang natutunan kong tipahin sa gitara. Nasa music playlist ko rin mula sa mga albums na ito ang soundtrack song na "You Could Be Mine" ng "Terminator 2", at ang pinakaayaw ni ermats na "Garden of Eden" dahil sa video nito.

Kung isa kang Batang Nineties, bukod sa alam mong sulit ang mga kantang nakapaloob sa cassette tape, ay alam mo ring may kumalat na mga haka-haka at kuwentong-barbero na may mga "hidden images" daw ang artwork at sleeve ng UYI albums. Patunay daw ito na ang album ay gawa ng demonyo kaya sumikat ang mga ito nang husto.

Bago natin bulatlatin ang usapin ay alamin muna natin ang pinagbasehan ng kontrobersyal na artwork ng Estonian-American artist na si Mark Kostabi. Ang totoo, ito ay hango sa sikat na fresco ni Raphael, ang "The School of Athens" kung saan makikita ang mga historical icons tulad nila Pythagoras, Alexander the Great, Zoroaster, Archimedes, Socrates, at iba pa. Kinuha ni pareng Mark ang dalawang pigurang ito na hindi kilala o walang kinalaman sa kasaysayan. Salamat sa kanya, ang dalawang extra's ay naging parte ang isa sa mga pinakakilalang album covers sa kasaysayan ng musika.

O s'ya, s'ya, Padilla, simulan na natin ang kalokohan. Para makita ang mga "subliminal images" na kumurakot daw sa isipan ng mga Batang 90's, kailangan mo ng salamin. Hindi 'yung katulad ng ginagamit ni Tito Boy kundi isang kuwadradong salaming mabibitbit ng iyong isang kamay. Pero huwag ka nang mag-aksaya ng panahon tulad ng ginawa namin noon sa loob ng classroom habang wala pa si titser dahil nagawaan ko na ng paraan sa MS Paint. Tingnan mo nalang para mamangha.
Kapag binaligtad ng album cover at inilapat ang salamin sa kalahati ng extrang nagsusulat sa kanyang diary ay makikita mo ang.....DEMONYO!! Hala ka, hindi ka na niyan makakatulog. Nang malaman ko ito noon ay mas lalo ko silang nagustuhan dahil may pagkasatanista kuno ako noong kabataan ko. Kapag tinititigan ko siya ngayon, parang tanga lang. Hindi naman siya mukhang demonyo. Mukha siyang ulo ng insektong nakasuot ng shades.
Baligtad pa rin, ilapat naman ang salamin sa kasama niyang extra na mukhang nag-iisip kung paano makakatulog at tatalunin si Ninoy sa pagkalumbaba. Iyan daw ang itsura ng disipulo ng demonyo. Sa totoo lang, mukha siyang nakasutana tulad ng ginagamit ng mga kasapi ng KKK pero ang tingin ko talaga dito dati ay isang kalapati. Kayo, ano ang nakikita niyo?
Patagilid namang style at ilapat ulit kay Boy Diary sa bandang naka-dekwatrong paa niya. Paksyet na malagket, bastos ang makikita mo. Nagkakangkangang mga nilalang! Teka, ang labo naman. Aliens yata ang mga nagtatalik na ito dahil baligtad ang mga paa! Mas kapani-paniwala pa ang trivia na ang anagram ng pangalang Axl Rose ay "oral sex".
Punta naman tayo sa album sleeve. Sa loob ng album ay makikita ang pamosong "DEAD!" group pic ng GN'R. May Easter egg din ba dito? Meron daw.
Ang una ay nasa likuran ng taong nasa garote. Gamitin ang magic salamin para makita ang pagbabalik ng kuwago. Taena naman, ano ngayon kung makakita ka ng kamag-anak ni Sterling?
Hetong pangalawa lang ang nakalulon ng sense. Ilapat ulit ang mirror, mirror for your face sa braso ng lalaking nasa poster. Wow, may berdugo! Pansinin ang binti ng lalaki at mukhang si Jesus na naka-side view. Tumayo ba balahibo mo sa kuyukot?

Kalat na kalat sa mga "metal" ang urban legend na ito noong panhon ko. Habang ginagawa ko ang entry na ito ay kakwentuhan ko si pareng Googs kung may ganitong klaseng kontrobesya ang kumalat sa ibang panig ng mundo.

Wala akong natagpuan.

Ang tanging naisagot lang sa akin ni pareng Wiki ay ang hidden message (na hindi naman daw talaga hidden)  sa "thank you section" ng liners notes - "Fuck you, St. Louis!".

Katotohanan o kalokohan? Kayo na ang humusga.

Use your illusion.


8 comments:

  1. para sa akin, nasa isipan ng tao ang mga ganung bagay. Yung lahat na lang ihahalintulad sa disipulo ng demonyo and stuff. Parang yan yung gawa ng mga sinasabing mga illuminati ekek

    ReplyDelete
    Replies
    1. parekoy! tama ka sa punto mong 'yan. sang-ayon ako na nasa isipan lang ng tao ang mga kalokohan. wala itong pinagkaiba sa backmasking at kung anu-ano pang paksyet \m/

      Delete
  2. kapatid nilink ko yung blogsite mo sa blogsite ko ha thanks... http://thenewbook-artoflife.blogspot.com/

    ReplyDelete
  3. die hard metal fan ako per ngayon ko lng to napansin :D

    ReplyDelete
  4. kaya siguro ang title ng album ay "Use Your Illusion"

    ReplyDelete
  5. sinadya ito at pinagisipan ng husto bago ilabas. patunay ang katagang use your illusion..


    madaming gumawa ng ganito kahit ang the beatles noon. kumalat ang balitang patay na si Paul dahil sa car crash at peke na ang tumatayong frontman ng banda.. nakakita naman ng mga patunay ang mga fans sa album cover ng abbey road kung saan isang sapatos lang ang suot ni paul.. sinundan pa ng may hawak na laruang kotse si paul sa isa pang cover..


    misteryosong mga bagay na nalilikha rin dahil sa malikot na isip ng mga fans..


    salamat sa magandang entry sir nobenta!

    ReplyDelete
  6. nice entry sir. ano ang kinalaman ng kwago sa kademonyohan eh. ang nabasa ko ay ang kwago ang simbolo ng karunungan.

    ReplyDelete
  7. Hehe. All made up, the image came from Raph’s (Raphael’s, I know TMNT’s names are based on legend artists 😄) painting “The School of Athens”.

    ReplyDelete