Showing posts with label guns n' roses. Show all posts
Showing posts with label guns n' roses. Show all posts

Friday, November 23, 2018

Welcome to the Arena




"Isa kang Batang 90's kung isa ka sa mga libu-libong Pinoy na naglakbay patungong Philippine Arena para makita ang GN'R."


Ayun nga, tinahak namin ang landas patungong paraiso. Nakarating kami sa Philippine Arena bandang 3:30 ng hapon dahil wala pa ang inaasahang matinding trapik. Pagbaba pa lang namin sa kotse ay may kakaibang saya akong naramdaman. Nagpasampal ako sa misis ko sa magkabilang pisngi para siguraduhing hindi ako nananaginip. Ang totoo, ito na ang katuparan ng matagal ko nang pangarap na akala ko noo'y sa panaginip ko lang mararanasan.

Mas tumindi pa ang feelings nang makita ko na ang mga kamukha ko sa labas ng venue. May mga grupo-grupo, may mga mag-jowa, may pamilyang kumpleto hanggang sa mga chikitings, at higit sa lahat ay maraming mga gurang na kaedaran ko o mas matanda pa sa akin. As expected, halos lahat sila ay mga nakaitim. Biglang nag-flashback ang aking kabataan, bigla kong naalala ang mga panahong dumadalo kami ng tropa ko sa mga tugtugan noong 90's. Ang pinagkaiba nga lang ngayon, katulad noong dumalo ako sa tugtugan ng Smashing Pumpkins, mas lamang na ang mga hindi mukhang mababaho at dugyot! Sa tinagal ba naman ng panahong hinintay natin, imposibleng pambili pa rin ng dalawang yosi lang ang kaya natin!

Thursday, November 15, 2018

Take Me Down to the Paradise City


"Isa kang Batang 90's kung nakadalo ka sa 'Not in This Lifetime Tour' sa Philippine Arena."

Once upon a time, may dumating na package galing sa mga kamag-anak ko galing HK at kasama rito ang isang VHS tape na may nakalagay na "GUNS N' ROSES" bilang pamagat. Galing ito sa pinsan naming si Jon-Jon na isa ring panatiko ng grupo tulad namin ng utol kong si Pot.

Tuwang-tuwa kami noon dahil hindi na namin kailangang mag-abang sa MTV para lang makita sila Axl na tumutugtog. 'Yun nga lang, nakalimutan naming wala nga pala kaming VHS player at kailangan pa naming kumbinsihin ang japayuking kapitbahay naming si Dodie na makinood sa kanyang astig na teeveeng na may built-in player. Mabuti na lamang at isa siyang gitarista ng kombo-kombo sa Japan at isa ring Gunner katulad namin kaya hindi kami nahirapang yayain siya sa kanilang sariling bahay!

Matapos ang halos tatlong oras na panonood, kasama ang ilang beses na parinig ng kanyang ermats ng "Ang tagal namang matapos niyan.", ay umuwi kaming masaya at may mas maalab na paghanga sa aming mga iniidolo. Ang kopyang iyon ng "Use Your Illusion Tour" na ginanap sa Tokyo noong February 1992 ay ang isa sa mga 'di ko malilimutang concerts na napanood ko sa teevee. Itinaga ko sa bato na kapag pumunta sila Slash sa Pinas, papanoorin ko sila at doon ako sa harap nila pupuwesto!

Tuesday, November 13, 2018

Guns in a Lifetime


"Isa kang Batang 90's kung pinangarap mong tumugtog ang GNR sa Pilipinas."

Dalawang dekada. O higit pa.

Ganito katagal naming hinintay ang pagkakataong ito, ang bisitahin ng GUNS N' ROSES ang Lupang Hinirang upang tugtugan ang mga sabik na Pinoy nilang taga-hanga!

Pero teka, sabi ng Tide, "Gulat ka?!".

Sa kasabikan ko sa isang importanteng kaganapan sa kasaysayan ng musika ay hindi ko naiwasang magsulat muli sa blog kong inamag na ng panahon. Hanggang ngayon kasi ay naririnig pa rin ng mga bingi kong tenga ang lakas ng tugtugang naganap sa Philippine Arena noong nakaraang Linggo, November 11, 2018, 7:30PM.

At oo, after 14 years, susubukan ko muling halungkatin ang mga alaala sa aking isipan upang bigyan kayo ng mga walang kuwentang kuwentong-karanasang may kinalaman sa Dekada NoBenta.

Simulan na natin ang kuwentuhan. Time space warp, ngayon din!

Monday, December 10, 2012

Ilusyon Mo Lang 'Yan

"Isa kang Batang Nineties kung alam mo ang mga 'hidden images' sa 'Use Your Illusion' album cover ng Guns N' Roses."

Isa akong Batang Nineties na diehard fan ng tropa ni AXL ROSE. Noong nasa high school ako ay ipinaglalaban ko ng patayan ang kanyang grupo laban sa paboritong Bunjubi ng klasmeyt at kaibigan kong si Mia. Magmula sa debut album na "Appetite for Destruction" hanggang sa "The Spaghetti Incident?" ay meron akong mga kopya. Hindi nga lang original copies lahat pero kahit na ni-record lang sa Maxell blank tape ay kabisado ko naman ang lyrics ng mga kanta. Hindi ako isang "chorus boy".

Sa lahat ng mga nagawang albums ng GUNS N' ROSES, ang pinakapaborito ko ay ang ikatlo at ikaapat nilang albums na sabay na inilabas noong September 17, 1991, ang "USE YOUR ILLUSION I" at "USE YOUR ILLUSION II".

Sunday, January 1, 2012

Bagong T-Shirt


Sa isang Batang Nineties, ang t-shirt ay isang napakahalagang kasuotan noong panahon ng Dugyot Fashion. Para itong magic salamin na may repleksyon ng iyong pagkatao dahil kung ano ang nakalimbag sa iyong t-shirt, ito ay kadalasang malapit sa iyong personalidad.

Mahilig ako musikang alternatibo noong Dekada NoBenta kaya naman nahilig rin ako sa mga tees na ang print ay may kinalaman sa mga banda at kombo-kombo. Sinusundan ko kung ano ang nakalagay sa mga isinusuot ng mga paborito kong banda dahil doon ko nalalaman kung anong klaseng musika o kung sinong mga banda ang kani-kanilang pinakikinggan at hinahangaan. Alam ng buong mundo na iniidolo ni pareng Kurt ang Sonic Youth dahil bukod sa pagbanggit niya sa kanyang mga interview ay ilang beses din siyang nakodakan na may suot-suot ng t-shirt nito. Natuwa naman ako nang makita ko sa isang picture ng Eheads sa songhits na nakasuot si Ely ng Smashing Pumpkins na pang-itaas. Hindi talaga kami nagkakalayo ng panlasa ni idol.

Wednesday, July 20, 2011

Nang Mauso ang Mukha sa MTV


Mukha ang nagiging basehan ng karamihan sa kanilang sapantaha o impresyong ibinibigay sa ibang tao. Kung isa ka sa mga nakasalo sa kagandanhang isinabog ni Bro mula sa kalangitan, ang madalas na impresyon sa iyo ay mabait. Kung maganda o pogi ang mukha mo katulad ko, madalas ay maganda rin ang tingin sa pagkatao mo. Pero kung saksakan ka ng panget, ikaw na ang humusga o magtanong sa sarili mo kung bakit wala ka sa mga circles ng iba sa g+.

Maraming klase ng mukha. May mukhang mayaman na dukha naman sa totoong buhay - napapanood mo ito sa mga lecheserye kung saan bida ang mistisang starlet na ang role ay basurera sa Payatas, 'di ba? May mukhang kontrabidang hindi naman makabasag-pinggan. May mukhang napakabait pero manyak. May mukhang astig pero malambot. May mukhang 'di mapakali dahil natatae. Itong huli ang madalas kong maranasan.

May mukhang tanga lang dahil walang maisip na palabok para sa entry na ito.