Habang tinitingnan niya ang
kanilang estanteng pinaglalagyan ng kanyang mga koleksyon ay nabaling ang
kanyang atensyon sa ilang mga bagay na iniregalo ng kanyang ama at ina sa ilang
mga importanteng okasyon sa kanyang buhay.
Anak, pasensya ka na kung hindi orihinal na Nintendo Family Computer
ang nabili ko para sa iyong pagtatapos sa elementarya. Sabi naman ng pinagbilihan ko ay pareho lang ang gamit niyan. Gagagana ang
mga bala ng Nintendo basta gamitin mo lang iyong adaptor na kasama sa pakete.
Dad, wala pong problema sa akin kung hindi Nintendo ang tatak. Ang
masaya po ay ang pag-alala niyo sa aking pagtatapos. Alay ko po sa inyong
paghihirap sa trabaho ang ikalawang karangalan na aking natanggap.
Ipinagmamalaki ko, anak, ang pagkilalang ibinigay sa iyo ng inyong
paaralan para sa iyong katalinuhan. ‘Yan ang anak ko, manang-mana sa akin!
Opo naman, mana ako sa iyo pati kay Mommy. I love you, Dad!
Mahal din kita anak. Mas pagbutihan mo pa ang iyong pag-aaral dahil ang
makita kang ganyan ay sapat na upang mawala ang mga pagod ko trabaho.
Makakaasa po kayo, Dad.
Turuan mo akong maglaro niyang family computer mo kapag hindi ako abala sa trabaho ha.
Siyempre naman, Daddy!
Konti man ang mga pagkakataong
nakapaglaro sila ng kanyang ama gamit ang Micro Genius IQ201, ang bawat isa sa
mga alaalang iyon ay may dalang kasiyahan sa kanila. Isang anak lang si Paul
Xander kaya naman natutuwa siya kapag
nakakasama niya ang kanyang ama sa pagliligtas kay Princess Toadstool laban kay
King Koopa kasama ang kanyang mga kampon na kinabibilangan ng mga Goombas at
Koopa Troopas. Siya si Mario at ang ang kanyang amain naman ay si Luigi.
Madalas na nasa trabaho ang ama kaya naman kapag may mga pagkakataon ay
naglalaan siya ng oras na makipaglaro sa anak.
Hindi gaanong marunong si Jayson
sa paglalaro ng family computer kaya mas gusto niya ang mga pang-dalawahang
laro tulad ng Battle City, Twin Bee, Contra, at Ice Climber. Kahit na
naguguluhan siya sa mga nakikita sa monitor ng TV ay malakas naman ang kanyang
loob dahil alam niyang kasama ang anak para talunin ang mga kalaban.
Dad, akin nalang po ‘yung pulang bell tapos sa’yo ‘yung kulay blue.
Anak, antayin mo ako sa pag-akyat para dalawa tayo sa bonus round.
Guwardyahan mo ako sa mga penguins.
Dad, ako na po ang lulusob sa mga kalaban, ikaw na po ang bahala sa
eagle. Bantayan niyo pong mabuti para hindi tayo ma-game over.
Naglalaro rin sila ng mga
one-on-one games tulad ng Tetris, Tennis at Urban Champion.
Anak, nilalampaso mo naman ako sa larong ito. Walang panama ang tatay
mo sa iyo eh!
Relax ka lang Dad, practice makes perfect! Galingan niyo pa po para
matalo niyo naman ako paminsan!
At sabay silang magtatawanan na
kung makikita ng iba ay parang nakakaloko.
Kapag naglalaro ang mag-ama ay
tagapanood lang si Sheila dahil hindi siya mahilig sa mga video games. Ganun pa
man ay taga-hiyaw siya at tagapalakpak sa tuwing nananalo ang kanyang magtatay
sa mga kalaban.
Oy, mga lalake, magmeryenda muna kayo at ipahinga niyo naman ang inyong
mga mata. Kanina pa kayo naglalaro diyan. Tataas nanaman ang kuryente natin
niyan.
Bubulungan lang ng tatay ang anak
ng “Ang nanay mo talaga…”, sabay
kindat.
***
Habang tinitingnan ni PX ang
kanyang lumang laruan ay napangiti ang kanyang mga labi sa masasayang araw na
dala nito sa kanilang pamilya at kanilang tahanan.
Sa bandang baba ng estante ay
naroon ang kanyang VCD player na niluma na ng panahon. May mga naitabing mga
lumang piratang bala na nabili niya noon sa kanyang mga suki sa Greenhills. Regalo
ito sa kanya noong siya ay magtapos ng hayskul.
Paul, hindi ka ba magpapasalamat sa regalo ng daddy mo?
Hindi kumikibo ang anak na
nagmamaktol.
Anak, hindi ka ba masaya sa bigay namin ng tatay mo?
Maya-maya ay lumapit si Paul at
nakinig sa paliwanag ng kanyang tatay.
Pasensya na anak, medyo may kamahalan ang Sony kaya Sunny lang ang
nakayanan namin. Magkatunog naman sila kaya huwag ka na magtampo.
Pilit na pinapangiti ang anak
ngunit bakas pa rin sa mukha nito ang pagtatampo.
Alam mo ba anak, kahit na made in China ‘yan, mas maganda ang features
niyan dahil puwede ‘yan sa videoke. Alam kong mahilig kang kumata kaya naisip
ko ring ‘yan ang bilihin. Ang Sony, wala pang modelong may ganyang features. At
saka hindi ‘yan namimili ng mga balang ipapasak mo. Kahit pirated gagana dyan
hindi katulad sa Sony na pang-original lang na mga bala.
Salamat po Dad, iingatan ko po ito. Huwag niyo pong isipin na hindi ko
ito nagustuhan.
Para sa kuwarto ng kanyang anak ang
player na binili ni Jay. Madalas itong gamiting mag-isa ng kanyang unico hijo
tuwing gabi sa panonood ng mga pelikula kapag walang mga gawaing-bahay. Minsan
ay inilalabas ni Paul ang player sa kanilang sala sa tuwing may mga okasyon at
mga kaibigang dumadalaw.
Nasasabik si PX sa tuwing
kumpleto silang pamilya dahil siguradong may movie marathon sa hapon o kaya
naman ay sa gabi. Bukod kasi sa panonood ay nasisisyahan siya sa mga munting
usapan sa tuwing sila ay nagkakasama-sama.
Dad, ito po ang panoorin natin, “Forrest Gump”. Nakakatawa raw ‘yan
sabi ni Marco.
Sino ang bida dyan anak?
Si Tom Hanks po.
Ah, maganda nga ‘yan. Magaling ‘yang artistang ‘yan, ‘di ba ma?
Oo Dad, naaalala mo pa ba ‘yung pelikula niyang “Splash”?
Ah oo, ‘yung may kasama siyang sirena? Alam mo ba anak, kinikilig ‘yang
mommy sa pelikulang iyon.
Naku Dad, pasensya na pero hindi pa yata ako ipinapanganak noong
ipalabas ‘yun.
Grabe ka naman anak, hindi pa kami ganun katanda ng daddy mo.
Oo nga anak, seksing-seksi pa ang nanay mo at may asim pa!
Tumigil ka nga dyan Dad, nasa harap tayo ng anak mo.
Ang paborito ko pong pelikula niya ay ‘yung “Sleepless in Seattle”.
Sino naman ang ka-date mo sa pelikulang iyon anak? Sabi ng mommy mo,
may nililigawan ka na raw? Kailan ko ba makikilala ang mamanugangin kong si Ria?
Sino naman po ang nagsabi sa inyo niyan?
May maitatago ka ba naman sa nanay mo, anak? Eh daig pa niyan ang FBI
sa pagsubaybay sa’yo.
Easy ka lang Dad, hindi ko pa napapasagot ang magiging misis ko.
Paul Xander, tumigil-tigil ka nga dyan. Pag-aaral mo muna ang
asikasuhin mo bago ‘yang mga babae.
Si Mommy naman, bini-baby pa ako.
Eh baby ka pa rin naman. Hindi mo pa nga kayang labahang mag-isa ang
mga briefs mo! Hahaha!
O sya, sya, sya, tumigil na kayong mag-ina at panoorin na natin ‘yang
pelikula.
***
Naputol ang kanyang
pagbabalik-tanaw nang biglang tumunog ang kanyang telepono. Nakatanggap siya ng
isang text message galing sa kanyang kaibigan – “P’re, dun k nmin antayin s dting tmbayan. Andun n kmi in 15 mins”.
Dahil dito ay dali-dali niyang
kinuha ang kanyang varsity bag at isinilid ang family computer, VCD player at
mga pekeng bala nito, pekeng Tamagotchi, Brick Game, at Nokia 3210. Napansin
naman ng kanyang ina ang kanyang pagmamadali na kung titingnan ay daig pa ang
isang lumilimas na kawatan.
Anak, saan mo dadalhin ‘yang mga ‘yan?
Hindi umiimik ang anak.
Anak, saan ka ba pupunta ngayon at hindi ka papasok sa trabaho?
Parang walang naririnig si Paul
habang inaayos ang sarili at mga gamit na dala.
Paul, sagutin mo naman ako. Saan ang lakad mo ngayon?
Mommy, may importanteng bagay lang akong gagawin. May lakad po kami ni Marco.
Sa narinig na sagot ni Sheila ay
bigla siyang nakaramdam ng galit at kaba.
Sinong Marco, ‘yung walang kuwenta mong kaibigan?! Sasama ka nanaman sa
gagong ‘yun? Wala naman siyang naidulot sa’yong mabuti, anak!
Mom, hindi niyo kami naiintindihan.
Anak, noong nasa college ka, ilang beses ka nang muntik mapahamak dahil
sa pagsama-sama niyo sa mga rallies. Nakulong ka na. Na-bombahan ng tubig ng
mga bumbero. Nahataw na ng mga pulis. Nabato ng pillbox. May nangyari ba sa mga
ipinaglaban niyo?! Akala ko ba tumigil ka na dyan?!
Mom, magtiwala ka sa akin. Tapos na ako sa ganito.
Oo anak, alam ko ‘yun. Bakit ka pa babalik sa dati mong gawi? Alam mo
namang ayaw ng Daddy mo na sumasama ka kay Marco!
Last na ito Mommy, promise. Kailangan kong gawin ito.
Anak, please!
Pilit na niyayakap ni Sheila ang
anak upang ito ay mapigilan sa pag-alis ngunit ito nagpumiglas. Hinalikan
nalang ni Paul sa noo ang umiiyak na ina at niyapos ng bahagya bago ito lumabas
ng bahay.
***
Pagdating niya sa kanilang
tambayan ay nadoon na si Marco at ang inarkilang jeep lulan ang iba pang
mga raliyista.
Pare, bilis! Dito na tayo sa harap!
Kumusta p’re? Medyo matagal na rin tayong hindi nagkita ha!
Heto, patuloy pa rin ang pakikipaglaban. Ang daya mo eh, iniwan mo ako
sa ere!
Hindi naman sa ganun, p’re. Gusto ko lang ding hindi kinakabahan si Ria
at ang mga magulang ko sa tuwing nagkikilos-protesta tayo.
Ayos lang ‘yan PX, basta’t masaya ka, masaya na rin ako. Welcome back!
It’s nice to be back! Hahahaha!
Alam kong hindi mo ito tatanggihan kaya ipinaalam ko kaagad sa iyo ang
rally na ito. Ano ba ‘yang mga dala mo, mukhang marami-rami ha?
Ah, konti lang ito. Family computer, VCD player, tsaka iba pang mga
gadgets.
Puta p’re, old school ‘yang mga dala mo ha. Naaalala ko pa ‘yang bala
mo ng Mario 3 ha. Patingin nga ng laman niyang bag mo!
Ayos ba?
Parekoy, pati ba ‘tong 3210 eh susunugin mo? Astig ito, kahit na hindi
made in Finland. Made in China pero naka-acetate naman! Akin nalang ito,
mukhang gumagana pa! Hahaha!
Oo, lahat ‘yan susunugin ko na.
Eh galing yata lahat ng ito sa erpats mo.
Oo nga. Kaya nga susunugin ko na.
Mukhang may sentimental value pa naman ang mga ito sa’yo.
Galing lahat ‘yan kay erpats. Mga regalo niya sa akin sa mga espesyal
na okasyong wala siya. Birthday, graduation, at kung anu-ano pa.
Eh bakit mo susunugin?
Dahil ang mga bagay na ito ang nagpapaalala ng mga panahong wala siya.
Hindi kailanman mapapalitan ng mga bagay na ito ang kaligayahang nararamdaman
ko kapag nandito siya sa Pilipinas at wala sa China upang magtrabaho. Palagi
nalang kaming sa telepono nag-uusap kapag nakakatanggap ako ng mga regalo mula
kay erpats. Okay lang naman kahit wala ‘yan, mas hinahanap ko ang presensya
niya. Gusto ko nang kalimutan ang mga panahong wala siya sa amin ni Mommy.
***
Kinagabihan ay nasa ulo ng mga
balita ang kilos-protestang sinamahan nila Paul at Marco. Inabangan ni Sheila
ang balita habang nananalanging wala sanang masamang nangyari sa pagitan ng mga
pulis at mga raliyista.
Katatapos lang po ng isang mapayapang protesta dito sa harap ng
embahada ng Tsina at kasama ko ngayon ang isa sa mga nakiisa sa tagpong ito.
Kapatid, ano ang nais niyong ipahiwatig sa ginawa niyong pagsusunog sa harap ng
embassy?
Laking-gulat ni Sheila nang makita
niyang ang anak na si Paul ang kasama ng mamamahayag.
Nais po naming ipaalam sa China, sa buong Pilipinas, at sa buong mundo
na ang Spratlys at Scarborough Shoal ay pagmamay-ari nating mga Pilipino!
Magkaisa tayong lahat na huwag suportahan ang kanilang bansa sa pamamagitan ng
hindi pagtangkilik sa kanilang mga produkto.
Hindi ba kayo nangangamba sa babala ng gobyerno ng Tsina na pauuwiin
nila ang mga kababayan nating OFWs sa oras na magsunog tayo ng kanilang mga
produkto sa harap ng kanilang embahada?
Kung mangyayari man iyon, ang lahat po ng bagay ay may dahilan.
Maraming salamat, kapatid!
Pagkatapos ng panayam ay naibulong
ni Paul sa kanyang sarili ang “Dad, sana
ay magkasama na tayo nang lubusan para mabuo na ang ating tahanan.”.
Unti-unti namang tumulo ang luha
ni Sheila sa kanyang napanood at tunay na nais ipahiwatig ng anak.
ANG AKDANG ITO AY ANG AKING LAHOK SA 2013 SARANGGOLA BLOG AWARDS PARA SA KATEGORYANG MAIKLING-KUWENTO.
ANG AKDANG ITO AY ANG AKING LAHOK SA 2013 SARANGGOLA BLOG AWARDS PARA SA KATEGORYANG MAIKLING-KUWENTO.
Hindi ko gaano sir inasahan na sasali ka sa SBA, akala ko kasi wala kang hilig sa mga pakontes pero nasurprise ako, una swak sa temang tahanan at may relevance pangalawa nandun pa rin yung 90's theme ng blog.
ReplyDeleteGood luck sir sana makapwesto ito! :)
maraming salamat nga pala at good luck din \m/
Deletesir, akala mo lang yun :)
ReplyDeleteang totoo, last year pa akong sumali sa SBA. hindi sa dahil gusto kong manalo kundi para maibahagi sa iba ang aking mga akda. \m/