Thursday, March 22, 2012

Pekeng Duck



"Isa kang Batang Nineties kung nasaksihan mo ang unang pagsulpot ng mga pirated CD's."

Kapag ako ay may nakakausap at nalalamang dito sa lupain ng mga singkit ako kumakayod para kumita ng pera, ang unang itinatanong kaagad sa akin ay "Uy, doon ka pala nagtatrabaho, eh 'di nakita mo na ang Great Wall of China?".

Isang tangang katanungan na kailangang sagutin ng isang katangahan para hindi masaktan ang tangang nagtatanong.

"Ah eh (with matching kamot sa ulo para mukhang tanga talaga), hindi pa ako nakakapunta doon kasi malaki ang China. Malayo sa lugar namin 'yun."

Okay, next question please.

"Maraming peke ang nanggagaling mula sa China, 'di ba?"

Bago ko pa maisip kung isang tangang katanungan ulit ito at kung paano sasagutin ay may follow-up question na kaagad tungkol sa mga pekeng puwedeng mabili rito - iPad, iPod, iPhone, Hermes, Samsung Galaxy Note, Louis Vuitton, BB, DVD player, sapatos, shampoo, chocolate, relo, at CD's. Maraming hindi orig sa mundo, kahit ang tao ay may peke at napepeke, pero mag-focus tayo sa huli. PIRATED CD's.

Noong ako ay bata pa, naabutan ko sa aking mga tito at mga tita ang mga pekeng cassette tapes ng mga paborito nilang banda at mang-aawit. Malaki ang kaibahan ng mga ito sa original dahil bukod sa pangit nitong itsura ay pangit din ang tunog nito. "Maalon" ang pagkakakopya. Karamihan ng mga Pinoy noon ay mas pipiliing bumili ng peke dahil ang presyo nito ay nasa kalahati kumpara sa tunay. Ang iba naman, mas pipilling bumili ng mga blank tapes at mag-record nalang ng mga paboritong kanta mula sa radyo gamit ang kanilang mga hi-tech karaoke machines.

Noong ako naman ay nagbibinatang "metal", ang isa sa mga libangan ko ay ang pagpunta sa mga nagbebenta ng mga bootlegs tapes o mga iligal na musical recordings na kadalasan ay kuha sa mga konsiyerto. Hindi pa uso ang salitang "pirated" sa mga parokyanong mahilig sa musika.

Cassette tapes ang aking kinokolekta noong kasikatan ng Grunge dahil mahal ang mga compact discs, nasa four hundred fifty pesotas na hindi kayang pag-ipunan mula sa maliit kong baon sa eskuwela. Ang halaga ng mga orig na cassette ay nasa nobenta lang. Wala rin kaming CD player dahil mga "can afford" pa lang ang may kakayahang bumili ng mga ito. Habang alam ko ang gamit ng lapis o ballpen sa pag-rewind, ang iba naman ay nagpapakasasa sa pagpindot ng button para sa next song.

Ano nga ba ang piracy? Ayon kay pareng Oxford, ito ay "the unauthorized use or reproduction of another's work".

Malaki ang ambag ng teknolohiya sa paglaganap ng pamimirata.

Dekada NoBenta nang lumabas ang mga computers na may CD-ROM drives na puwedeng gamitin sa pagkopya ng mga CDs. Nakita ito ng mga oportunista bilang isang "money-making machine" dahil bukod pagiging makabago, alam nilang mas magugustuhan ng mga music lovers ang magandang quality ng mga kinopyang kanta. Hindi sila nagkamali.

Nag-aaral pa ako sa uste noong una akong makakita ng pirated CD. Akala ko ay kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga potang rich kids isang umaga. Naki-uzi ako at nalamang may klasmeyt pala kaming nagbebenta ng patok na "Cruisin' Love Songs" CD. Hindi ka "in" na konyo kung wala kang kopya nito sa CD changer ng kotseng pinahiram ng iyong daddy. Kung hindi mga RnB song na pampabayo ng speakers ang naririnig mo sa mga naka-set-up na sasakyan, mga love songs naman tulad ng "Simply Jessie", "All My Life", at "Longer" galing sa compilation ang naghahalinhinan. May ten thousand pogi points ka nga dahil sa auto mo, pero hindi naman pang-TNL ang pinapakinggan, aguy!

Sa unang tingin ay hindi mo aakalaing pirated ang ibinibenta. Maganda ang packaging. Maganda rin ang artwork sa mismong CD. Walang orig na pinagkopyahan ang compilation pero masasabing ito ay "pirated" dahil walang pahintulot ang paggamit ng mga kanta mula sa mga singers. Murang-mura, katumbas lang ng isang mukha ni Manuel Roxas kaya abot-kaya.

Ang bilis ng pangyayari. Nagulat nalang ako nang may madatnan akong CD player na kami sa bahay. Hindi ko na namalayang parokyano na rin ako ng mga pirated CD's sa Recto at Greenhills. Dumami ang mga nagbebenta kaya nagmura ang presyo ng mga peke. Mula isandaang piso ay naging singkwenta hanggang sa naging tatlo-isandaan. 'Yun nga lang, pumangit na rin ang packaging.

Ang ilan sa mga paborito kong nabiling ay ang "Jungle Bolo" na "The Best ng Eraserheads".Wala kang itatapong kanta mula sa compilation na ito dahil lahat ng hits nila pareng Ely ay naisama. Ang "Contagion" na isang compilation ng mga foreign alternative bands ay maraming volumes pero ang pinakauna ang nagustuhan ko dahil maganda ang pagkakasama-sama ng mga kanta tulad ng "Smells Like Teen Spirit" nila pareng Kurt, "Cannonball" ng The Breeders, at "Runaway Train" na madalas kong kantahin sa videoke. Hindi nagpadaig ang Pinoy alternatib sa compilation na "Bandemonium". Tulad ng "Contagion", ito ay maraming volumes na umabot yata ng isang dosena.

Hindi pinansin ang "Stop Piracy" campaign ng OPM artists. Parang isang natural na gawain lang ang pagbili ng peke. Parang condom lang na puwedeng bilihin sa pinakamalapit na 7-11. Kahit ako, aaminin kong updated ako sa mga bagong albums dahil sa mga nabibiling kopya nito sa bangketa.

Humina ang kita ng mga musikero at mang-aawit na Pinoy dahil sa pangyayaring ito. Napilitan tuloy ang mga record companies na ibaba ang presyo ng mga lokal na CDs mula sa 450 papuntang 250 para mahikayat lang ang masa na bumili ng tunay. May mga tsismis naman ang nagsabing ang mga utak sa likod ng operasyon na ito ay mismong mga record companies. Siyempre nga naman, walang royalties na dapat ibigay sa gumawa ng kanta kaya mas malaki ang kita. Hindi natin alam ang totoo pero ang katotohanan, hanggang ngayon ay hindi pa rin nalulutas ang problema ng pamimirata.

Ngayon, balik tayo sa katanungang "Maraming peke ang nanggagaling mula sa China, 'di ba?".

Oo, maraming peke mula sa China dahil maraming bansa tulad ng Pilipinas ang tumatangkilik nito. 






3 comments:

  1. May artist na nagsabi, the only reason para matakot ang mga artists sa piracy eh kapag panget ang gawa nila... LOL..

    ReplyDelete
  2. meron din kami nyng contagion collection binili ni erpat 90's kasi hilig. Pirate hehe

    ReplyDelete
  3. Hindi lang yan, pati yung mga VCD players noon na kakaiba yung brand name, which is mostly made in china, nag-sulputan na din. Naalala ko pa nga, nagkalat yung mga nagbebenta ng pirated CDs/VCDs sa mga bangkenta sa Edsa. From song albums of different local and foreign artists, local and international movies, at syempre, pati porn.

    ReplyDelete