Saturday, January 30, 2010

Screw You


"Isa kang Batang 90's kung nahilig ka sa World Wrestling Federation at napanood ang 'Montreal Screw Job' na nangyari sa pagitan nina Bret Hart at Shawn Michaels."
 
Tuwing Huwebes, isa sa mga inaabangan ko sa TV ay ang “WWE’s Raw” sa MBC Action Channel. Buti nalang at may "dekaledad na palabas" pang nasasagap ang satellite dish namin dito sa Saudi -  hindi puro punyetang lecheseryes tulad ng “Tinik sa Dibdib” at “Kaya Kong Abutin ang Langit” ang kinakain ng utak ko!

Lunes talaga ang time slot ng “Raw” sa Tate pero puwede na rin dahil mga kalahating buwan lang ang antala dito. Noong nakaraang linggo, astig ang pagiging guest host ng idolo kong si Bret “The Hitman” Hart. Labing-dalawang taon matapos ang “Montreal Screwjob”, nagkaayos na rin sa wakas sila ni Shawn Michaels. Nakakaiyak ‘yung nagkamayan na sila para kalimutan na ang nakaraan. Tapos nagyakapan pa kaya nagsigawan lalo ang mga nanonood. Aaaww!!

Okay na sana ang lahat pero napakapangit ng ending ng episode. Nagkaroon din kasi sina Bret at Mr. McMahon ng pag-uusap sa ring. Nagkabati rin sila. Nagkamayan. Tapos natraydor lang si idol dahil pakulo lang ng kups na may-ari ang pakikipagbati kay Hitman. Natapos  ang palabas matapos mabayagan ang dating kampyon. Paksyet.

Late eighties pa lang ay tagahanga na kami ng utol kong si Pot ng WWF – World Wrestling Federation (naging WWE o World Wrestling Entertainment matapos matalo sa pag-apela ng World Wide Fund for Nature). Ito nga ang sinisisi naming dahilan kung bakit ako nagkaranas ng appendicitis noong ako ay nasa ika-limang baytang ng elementarya. Naglalaro kasi kami ng utol ko ng wrestling sa kama nila erpats kahit na kakatapos pa lang kumain. Akala ko kasi ay ang pagkain lang ng gulay na mabuto ang dahilan para pumutok ang appendix kaya hindi ako naniwala!

Noong nasa Pampanga pa ang mga Kano, nakakabasa ako ng TV sked ng cable TV network sa Clark. Inggit na inggit ako dahil may daily timeslot ng WWF Superstars na napapanood lang namin sa IBC Channel 13 isang beses sa isang linggo. Mahilig din ang tatay namin sa wrestling kaya siya pa nga ang nagbibigay sa amin ng pera para makaarkila ng bala ng Betamax copy ng laban ng mga “oldies” tulad nila Hulk Hogan, Andre the Giant, Randy “Macho Man” Savage, Ultimate Warrior, Jake “The Snake” Roberts, Brutus “The Barber Beefcake”, Ricky “The Dragon” Steamboat, Jesse Ventura, at Roddy Piper. Ito ang panahon na uso ang mga managers tulad nila Jimmy Hart, Mr. Fuji at Sensational Sherri.

Pagpasok ng Dekada NoBenta, nag-iba ang kuwento at tema ng WWF. Dito na pumasok ang mga tinawag na “The New WWF Generation” – featuring Shawn Michaels, Diesel, Razor Ramon, Bret Hart, at The Undertaker. Ang mga medyo tumatanda na sa industrya, nagsilipat sa WCW o World Championship Wrestling na kalaban ng WWF sa ratings. Mas gusto kasi ni Vince McMahon na maging "young and fresh" ang kanyang mga wrestlers.

Dito na nagkaroon ng kumpetisyon ang WWF at WCW ala ABS-CBN versus GMA7. Mas tumataas talaga ang rating ng WCW kaya lumilipat ang ibang taga-WWF sa kabila. Mas malaki raw ang talent fee doon. Aung iba naman sa WCW na hindi masyadong sikat, bumaligtad naman papuntang WWF. Ang nakakatuwa, ang mga underdogs sa WCW tulad nila Steve “Stone Cold” Austin at Mick “Mankind” Foley (Cactus Jack, Dude Love) ang magpapasikat sa WWF sa mga susunod na taon.

Paborito ko sa era na ito si Undertaker. Astig ang pangalan, nakakatakot (huwag mo nga lang tatagalugin kasi walang dating ang “sepulturero”)! Parang sa kanya ginawa ang kantang “For Whom the Bell Tolls” ng Metallica. Kahit na muntikan na niyang mapatay si Ultimate Warrior dati, naging paborito ko siya.

Siyempre, si Shawn “The Heartbreak Kid” Michaels ay isa rin sa mga personal na paborito ko. Kahit noong nasa “Rockers” (na hindi naman talaga rakista ) pa sila ni Marty Jannetty, paborito ko na ang tag team nila sunod sa “Demolition”.

Asar na asar ako dati sa Hart Foundation dahil kay Jimmy Hart, ang manager na may megaphone. Hindi sila bida pero noong nagsolo na si Bret Hart ay naging crowd favorite siya. Pangarap ko dati na magkaroon ng shades na ibinibigay niya sa matitipuhan niyang batang manonood kapag siya ay may laban. Atsaka, "pink has never been so mach"o simula nang sumikat siya as a WWF Champion. Bukod sa bansag na “Hitman” at “Pink and Black Attack”, sa kanya rin ang tagline na “The Excellence of Execution”.


Bukod sa pagsikat ng “WWF and WCW Monday Night Ratings War”, “Raw”, “King of the Ring”, at “Wrestlemania” series, isa sa mga ‘di malilimutan sa dekadang ito ay ang “Survivor Series” noong November 9, 1997 kung kailan naganap ang “Montreal Screwjob” .

Teka, ngayong matatanda na tayong lahat ay alam na natin siyempre na hindi totoo ang mga nakikita natin sa palabas na ito. Napanood ko na sa Studio23 kung paano ginagawa ang mga stunts para hindi sila mabalian, masaktan, at pumutok ang mga ulo. Pero ang laban nina Shawn Michaels at Bret Hart para sa kampyonato ay naging totoong trayduran. Ito ang "real-life doublecross" ni Vince McMahon kay Hitman.

Ang laban nila ni Shawn Michael ay ang huli na dapat ni Bret sa WWF. Lilipat na dapat siya sa WCW ngunit ayaw pumayag ni McMahon na umalis si Bret na reigning champion dahil baka maulit ang ginawa ni Alundra Blayze (WWF Women’s Champion) na tinapon ang belt sa basurahan bago siya mag-debut sa WCW Monday Nitro.

Pinalabas nalang sa script na mananalo si Bret lalo na at nasa homecourt siya sa Survivor Series na iyon. Sa huli, natalo si Hitman dahil pinatunog ang bell nang  gamitin ang "sharpshooter" (signature finishing move ni Bret) ni Shawn laban sa kampyon. Kahit na ‘di pa sumusuko ang puso ng idol ko ay inutusan na ang referee ni Vince na ipahinto ang laban.

Nagulat nalang si Bret sa nangyari. Wala nalang siyang nagawa kundi duraan ang mukha ni Mr. McMahon. Kahit na natalo siya ay alam ng buong mundo na siya ay nadaya. Graceful at honorable exit pa rin ang nakuha niya mula sa mga fans.

Para sa akin, “Bret is still the best there is, the best there was, and the best there ever will be.”.




9 comments:

  1. wow! wrestling, fan na fan din kami ng wrestling ng erpat ko. as in. bata pa lang ako naexpose na ako sa bayolenteng mundo ng wrestling. nice post! idol na kita.

    ReplyDelete
  2. taympers, salamat sa pagtangkilik! Astig talaga ang wrestling! Ito ang violent version ng mga telenovelang inaabangan ng lahat. Malamang sinubukan mo rin sa mga utol mo ang clothes line, sleeper hold at power slam! Enjoy reading my posts.

    ReplyDelete
  3. AY. Wrestling. UFC nanonood ka? O_O hahaha. Actually di ako makarelate. Hakhak. Ibang post na lang ang babasahin ko XP

    ReplyDelete
  4. nakakanood din ako ng UFC pero mas die-hard ako ng WWE. Di bale, magkakasundo naman tayo sa eheads!

    ReplyDelete
  5. Napanood ko nga yang "screwjob" na yan. Pero akala ko scripted pa din. Yun pala totoo na...

    Salamat sa pagturo mo sa akin dito...

    and that's the bottomline... because Stone-Cold said so.... (praktis lang)

    ReplyDelete
  6. magkakasundo tayo parekoy pagdating sa wrestling!

    nakakalungkot dahil nag-retire na si shawn michaels. pero astig yung nagpasalamat siya kay bret hart sa farewell speech niya sa raw. (hikbi)

    ReplyDelete
  7. nice! nagbalik muli ang mga alaala ng nakaraan.. hehehehe.. meron pa rin pa lang mga passionate sa wrestling.. kala ko kasi ako na lang nanonood ng wrestling.. marami pa pala.. ehehehe pero alam mo ba.. kung papanoorin mo yung laban ni shawn at bret hart.. may mapapansin kang parang sinadya ni bret hart.. napakahusay ng iyong story telling.. at gusto ko yung lay-out ng blog mo.. tip naman jan.. salamat sa pagbisita! mas idol kita! ehehehehe

    ReplyDelete
  8. idol, salamat sa pagdaan!!

    marami pa ang katulad nating mahilig sa wrestling. checkk mo si stone-cold angel: http://9mmdotnet.blogspot.com/2010/04/wrestlemania.html

    'di ko alam 'yung tinutukoy mong part sa laban nila. try ko ulit panoorin sa youtube.

    salamat sa pag-appreciate mo sa layout ng blog. kaka-makeover lang nito actually. 'di ko na kabisado ang wordpress kaya 'di ko alam kung parehas tayo ng process sa pag-edit ng layout. dati rin akong wordpres user pero dahil medyo bago pa ako sa blogging, lumipat ako sa blogspot kasi mas madaling ayusin.

    \m/

    ReplyDelete
  9. wow!

    read ur blog sa definitely filipino in fb! galing... nun bata din kasi ako super hilig ko din sa wrestling and bret hart was my favorite back then (well... he is naman up to now). na-ban pa nga akong manood ng wrestling nun kasi napamura ko one time habang nanood ako and narinig ng nanay ko :D

    ReplyDelete