Saturday, February 6, 2010

We Want the Airwaves

Photobucket


Astig talaga kapag maraming channels na pagpipilian. Hindi tulad noong mga unang taon ng Dekada No Benta – Channels 2, 4, 5, 7, 9, at 13 lang ang mayroong palabas. Ito ang mga nakagisnan natin dahil ang mga lipatan ng TV noon ay di-pihit at VHF o very high frequency lang ang signal ang nasasagap. Hindi pa uso ang mga push button at remote controlled  na teevee. Mga japayukis pa rin ang mga unang nakabili ng ganitong uri ng appliances.

Pero mayroon naman nang UHF o ultra high frequency channel sa bansa natin noon. Sa Clark US Air Base, namamayagpag ang FEN Channel 17 para sa mga Kano at mga kababayan nating Kapampangan. Suwerte nila dahil bukod sa mga PX goods, may libre silang signal ng mga foreign programs. Ito nga ‘yung channel na kinaiinggitan ko dahil mayroong “WWF Superstars” daily. Nawala nalang ito sa ere nang maghasik ng lahar, abo, at lava ang Mt. Pinatubo.

May 1992, isinilang ang “World TV 21: Your Kind of Life” sa managament ng SBN o Southern Broadcasting Network ng Davao. Ito ang pinakaunang UHF channel sa Metro Manila. Naalala ko pa kung gaano ako na-excite nang mabasa ko sa Manila Bulletin ang advertisement nila. Sa wakas, makakapanood na ako ng ibang palabas na sa isip ko ay mga “imported shows” na kahanay ng wrestling! Kasama naming na-excite ng utol kong si Pot ang tatay namin na fan din ni Hulk Hogan (Hanggang ngayon, ‘di pa rin niya matanggap na nag-away sila ni Andre the Giant). Tumawag kaagad ako gamit ang pay phone ng tindahan ng kapitbahay namin para malaman ang details mula sa network na naglabas ng ads. Ang siste, kailangan naming bumili ng mabangis na antennang binibenta ng SBN21. Kung ‘di ako nagkakamali, five hundred pesoses ang halaga ng aparato nila. Kahit na mahal, tumakbo pa rin ang tatay ko sa Summit One sa Mandaluyong para makabili ng sinaunang “(Ernie) Baron Antenna”. Na-brainwash namin kasi ni utol na ipapalabas doon ang “Wrestlemania” at “Summerslam”.

Nang makabili kami ng antenna, nakalimutan namin na black and white nga pala ang tv namin – ‘yung Sony na kulay pula. Pero maniwala kayo o hindi, tumagal sa amin ng ten years ang tube na iyon kahit na hanggang channel 13 lang ang kayang i-receive.

Mabigat man sa bulsa, sumugod pa kami papuntang Pier ng Maynila para maghanap ng second-hand na surplus tv galing Japan at ibang bansa. Ang lufet pala doon sa Pier. Napakaraming lumang gamit ng mga dayuhan – Frigidaire, Whirlpool, Sharp, Kenwood, Pioneer, Toshiba, Sony, Sanyo, at iba pang brand ng appliances na  ‘di mo mabibili ng mura sa Pilipinas kapag brand new! Inabot din kami ng takip-silim para makapili ng bibilhin. Ilang tindahan kasi ang sinubukang baratin ni erpats para push-button type ang mabili kaso hindi kami umubra. In the end, ‘yung may dalawang pihitan – isa para sa VHF, at isa para sa UHF ang napunta sa amin! Old iskul! Hindi ko lang maalala ang brand ng one thousand five hundred pesos na nabili namin.

Pagdating sa bahay, excited ang lahat para ma-testing ang bagong lumang teevee. Isinaksak sa outlet ang plug ng dambuhalang transformer na nagko-convert ng kuryente from 220 to 110 volts. Kabilin-bilinan ng tindero na huwag isasaksak ng direkta ang ang teevee sa mga outlet natin kung ayaw mong sumabog at masunog ang bahay niyo. Ikinabit ang in-door antenna. Teka, bakit hindi match yung channel sa palabas?! Lintek, ‘di ko narinig sa usapan nila erpats at manong na kailangan pa palang ipare-channel ‘yun para sumakto ang papanoorin mo doon sa pihitan. Two hundred fifty rin yata ang nagastos ni pader para mabutingting at maayos iyon.

Kinabukasan, saktong Linggo ang araw, sobrang busy kami para ikabit ang malufet na antenna. Nagputol si tatay ng tubo bago ikinabit ‘yung “arrow type” na antenna. Sabi ng SBN, kailangan nakaturo daw iyon papuntang tower nila sa Mandaluyong. Isinalpak, itinayo, ikinabit, at ipinihit. Sigawan kami ng sigawan – nasa bubong si erpats habang tinitingnan ko sa sala kung lumilinaw na ang channel 21.
“Meron na!”, sigaw namin nila ermats at mga utol ko.

At dito na nagsimula ang panonood namin ng ibang palabas sa aming colour television. Hindi ko na maalala kung ano ang una naming napanood sa World TV 21. Ang alam ko lang, mas sumikat ito sa mga Home TV Shopping segments nila. Nakakapaglaway at nakakapanlaki ng mata ang mga cool na ibinibenta doon.

After ilang weeks, mas natuwa ako sa nabasa kong balita at narinig sa mga usap-usapan na may bago nanamang channel sa UHF. Dito sumikat ang MTV Asia. Awa ng Diyos, nasagap rin ng surplus tv namin ang Channel 23. Nakakanood na ako ng “Headbanger’s Ball” tuwing madaling-araw!

Lumipas pa ang ilang buwan, napansin ni papa na wala palang wrestling sa UHF kundi mga music videos at pagbebenta lang. Pinagalitan kami ng erpat namin dahil bukod sa tumaas ang electric bills, sa IBC13 pa rin siya nanonood ng laban ni Hulkster!!




10 comments:

  1. yun pala ang ibig sabihin ng vhf at uhf! at oo nga, sbn 21 ang unang uhf channel nun. kaso ang labo ng signal samin e, dahil ba straight from davao pa siya?

    - tenco

    ReplyDelete
  2. hahaha! hindi ko ata napapansin ang mga bagay bagay na yan... 1992, eh musmos pa lang talaga ako nun eh... hakhak! pero aylab90s!

    ReplyDelete
  3. @ alasais: tenco, nabuhay ka! na-miss ko na ang peyborit kong blogsite mo. hindi naman straight from davao dahil nasa ortigas sila nang magbukas sa manila

    @ eloiski: astig talaga ang 90s. punta ka lagi dito para magkaroon ka ng experience

    ReplyDelete
  4. panalo ang mga post mo pare! informative! iinom na yan!

    - tenco

    ReplyDelete
  5. sarap sanang uminom ng alak kaso nandito ako sa Saudi. Langis lang ang puwedeng malagok!

    ReplyDelete
  6. Perry The PlatypusMay 26, 2010 at 1:05 AM

    I wasn't born yet in 1992.
    Pero may cable at satellite TV na daw noon sabi ng erpats ko.
    Cable TV started daw in 1969 at yung satellite started noong 80s.
    1992 din nag start ang Skycable, ang unang cable company na mag-service nationwide.

    Sayang, hindi ko naranasan manood ng FEN 17 pero I saw their Station ID sa YouTube.

    ReplyDelete
  7. parekoy, kung kasama ka pa lang sa sperm bank ng erpats mo noong 1992, ilang taon ka lang ngayon?

    tantsa ko sa'yo, ang tali-talino mo. parang ako lang na mahilig sa trivia. nice info. check ko sa youtube yung FEN. 'Di ko pa nakita 'yun eh.

    ReplyDelete
  8. Perry The PlatypusMay 26, 2010 at 1:42 AM

    16 palang pero marami kasi akong naalala about the 90s dahil madali kong marecognize ang aking days in Cebu City. Parang ang sarap maging sa pre-school ulit.

    Puntahan mo yung channel ni quickbrownfox sa YT. Yung Miriam Santiago in Sharon (Dec 1998) at Miriam at Today w/ Kris Aquino(Jun 1999), may kasamang commercials yun ng mga produkto noon.

    ReplyDelete
  9. sige parekoy, i'll check the links! salamat ulit!

    ReplyDelete
  10. ...naalala ko gumawa pa ako ng antenna (homebrew arrowhead type UHF), i even tried to seek antenna books a during my sophomore days in High School para lang mapanood ang mga yan. masyadong malayo ang Laguna sa Clark to gain good reception kaya nilagay ko yung antenna sa 40 footer tube-mast, and in order to watch good reception nilagyan ko ng antenna booster. maganda din natutunan ko from these experiences. masarap din sariwain muli kung papano ako nagsimulang matutunan ang mga di-pangkaraniwang bagay sa murang eded ko noon.

    thanks! \m/

    ReplyDelete