"Isa kang Batang 90's kung naadik ka at naubos ang oras mo sa paglalaro ng Brick Game."
Sigurado akong nakakaranas na rin kayo ng “last song syndrome”, “earworm”, “aneurythm” o “humbug”. Kahit ayoko ang kanta ni Meatloaf na “I Would Do Anything for Love”, wala na akong magawa kapag ito ang aking unang maririnig sa umaga. Dahil sa pauli-ulit ko itong naiisip ay hindi ko na mamamalayang napapasabay na ako sa pagkanta.
“Tetris Effect” daw ang dahilan sa pangyayaring ganito.
Ang lahat ng mga batang lumaki noong Dekada NoBenta ay walang mintis na naadik sa Nintendo Entertainment System o Family Computer. Hindi ako magkakamali na isa sa mga paboritong laro ng mga kabataan noon ay ang “TETRIS”. Ang totoo, hanggang ngayon ay isa ito sa mga paborito ng mga gamers. Binigyan nga ito ng taytol na “Greatest Game of All Time” ng "Electronic Gaming Monthly". Napakasimpleng laro pero nakakaadik kaya dumadating sa puntong nagkaroon na ng epekto sa mga isip ng mga taong tulad ko.
Naimbento ng Russian na si Alexey Pajitnov noong June 6, 1984, ang Tetris ay galing sa pinaghalong mga salita na “Tetrominoes” o ‘yung mga iba’t ibang bricks na gawa sa apat na segments at “Tennis” na paboritong isport ng lumikha. Noong hindi pa ako nareregaluhan ng lolo at lola ko ng Famicom ay kasama ko lagi ang utol kong si Pot na tumatanaw sa computer rental sa foodcourt ng Ali Mall o kaya naman ay sa bintana ng mga kapitbahay naming anak ng mga Japayukis. Kahit hindi namin nalalaro ay nasasabik pa rin kaming makita ang mga bricks na may hugis hango sa mga letang I, J, L, O,S, T, at Z. Astig panoorin ang manlalarong gumagawa ng isang parang mataas na gusali. Tapos mawawala ang isang horizontal line kapag nabuo. Mas maganda kung apat na sabay-sabay ang mawawala dahil ‘yun ang tinatawag na “tetris”. Nakaka-hypnotize din pakinggan ang Russian na ipinapatugtog habang naglalaro.
May dalawang mode ang larong ito. Sa mode A, regular kang gagawa ng building mo paitaas. Mag-iiba ang level kada makakaubos ng sampung linya. Habang tumataas ang level, pabilis ng pabilis kaya dapat ay mabilis din ang iyong mga daliri upang tama ang mapipindot sa joystick. Sa mode B naman ay pabaligtad ang istilo depende sa level na pipiliin mo. Mas mataas na level, mas mabilis at mataas din ang irregular na building na dapat mong ubusin. Noong may Famicom na kami nila utol, ilang beses kong natapos ang mode B. Nakakaaliw panoorin ang mga Russian dancers na lalabas sa monitor bago paliparin ang rocket ship!
Noong medyo malaos na ang NES ay lumabas ang Gameboy. Siyempre meron din kami nito (salamat kina lolo at lola na naka-base sa Hong Kong). Dahil handheld ang game console, mas sumikat ang Tetris. Masarap itong gawing pampalipas-oras dahil sinusubok nito ang pag-iisip at bilis sa paggalaw ng mga bricks na nahuhulog!
Sa gitna ng kasikatan ay marami pang namamahalan at hindi makabili ng GB. Mayroong nakaisip na gumawa ng laruan na may laro tulad ng Tetris at tinawag nila itong “Brick Game”. Magaling ang mga taong nasa likod ng sindikatong gumagawa ng mga imitasyong laruan tuwing Pasko. Nakatanggap na ako ng pekeng Tamagotchi, at kailanman ay hindi ko ikinakahiya na nabilihan din ako ng pekeng Tetris. Pareho lang naman ang laro pero gray nga lang ang kulay ng mga bricks, hindi tulad ng sa orig na may iba't ibang kulay. Wala itong background music pero meron naman itong napakaingay na controllers. Iskandaloso ang tunog na parang machinegun o laser gun kung papakinggan.
Patok na patok ito sa mga chikitings, at maging sa mga lolo at lola. Mga nanay at tatay. Hindi kailangang mag-agawan dahil napakamura. Sa pagkakaalala ko, sa halagang dalawang daang piso ay meron ka nang gadget. Medyo nag-iba lang ang mga presyo nang lumabas na ang mga may “variations” sa laro – ang mga binaboy na versions. Mayroong tetris game na parang "Galaga"; mayroong Tetris na parang "Arkanoid"; at mayroon ding parang "F1 Race". At sino ba naman ang makakalimot sa "Snake" na Tetris? Hindi pa naiimbento ng Nokia ang "Snake" ay meron na sa Brick Game. Sasabihan ka ng tindera na, “Mas mahal itong Brick Game na ito kasi 4-in-1”. Parang mga cartridges dati ng NES, umabot sa 20-in-1. Tapos naging 200-in-1 hanggang sa naging 2001-in-1! Paksyet na pakulo.
Payabangan ng laruan, pagalingan sa paglaro. Pataasan ng score, pataasan ng level. Kahit ang mga guwardiya ay nananakawan dahil sa LCD screen na ng Brick Game nakatutok. Magandang mamili sa palengke kapag naglalaro ang matadero - dahil nagmamadali sila ay madali ring humingi ng tawad sa halaga ng mga paninda nilang baboy! May mga napabalita pa ngang nagsapakan dahil sa laruang itong ginagamit sa pustahan. Kahit ang Eat Bulaga! ay nakiuso sa pamamagitan ng pakontes nila para sa mga magaling maglaro ng lintik na laruan. Sayang hindi ako nakasali!
Matindi talaga ang ubos-oras na nararansan kapag naglalaro ng Brick Game kaya marami ang naadik dito. Kahit na hindi mo na nilalaro ay bigla mo nalang maiisip ang mga bricks na nahuhulog. Kung isa ka sa mga nananaginip noon ng mga tetrominoes, naranasan mo o nagkaroon ka ng “Tetris Effect”. Sinasabing maraming mga bata noon ang nakaranas ng “Repetitive Stress Syndrome” dahil sa kakaisip nila kung paano pagtatagpiin ang mga geometric shapes na nasa Brick Game.
Kahit ngayon, apektado tayo ng Tetris. Ang "earworm" ay isang halimbawa ng Tetris Effect. Kahit ang madalas na pag-iisip sa paglaro ng “Rubik’s Cube” habang ikaw ay walang ginagawa ay isang halimbawa pa nito. Ang epektong ito ay puwedeng magdulot ng pagkakaroon ng OCD o “obsessive-compulsive disorder”.
Kahit na anong sabihin ng iba ay maganda ang naidulot nito sa aking buhay. Kung hindi dahil sa Tetris, malamang sa alamang ay hindi ko kinuha ang kursong inhinyero-sibil!
Yes naman, tetris effect. Nakakaadik nga yan eh pag nabyahe kami sa probinsya yan libangan ko. Hakhak. Ngayon pa din may tetris, may mga games na pareho ng idea ng tetris, pina-evolve lang. Wala lang. XD
ReplyDeletemeron ngayon tetris competition si jonas newbower ba apelido 6x world champion tinalo ng 16 years old last year championship...
ReplyDelete