"Isa kang Batang 90's kung naadik ka at naubos ang oras mo sa paglalaro ng Brick Game."
Sigurado akong nakakaranas na rin kayo ng “last song syndrome”, “earworm”, “aneurythm” o “humbug”. Kahit ayoko ang kanta ni Meatloaf na “I Would Do Anything for Love”, wala na akong magawa kapag ito ang aking unang maririnig sa umaga. Dahil sa pauli-ulit ko itong naiisip ay hindi ko na mamamalayang napapasabay na ako sa pagkanta.
“Tetris Effect” daw ang dahilan sa pangyayaring ganito.
Ang lahat ng mga batang lumaki noong Dekada NoBenta ay walang mintis na naadik sa Nintendo Entertainment System o Family Computer. Hindi ako magkakamali na isa sa mga paboritong laro ng mga kabataan noon ay ang “TETRIS”. Ang totoo, hanggang ngayon ay isa ito sa mga paborito ng mga gamers. Binigyan nga ito ng taytol na “Greatest Game of All Time” ng "Electronic Gaming Monthly". Napakasimpleng laro pero nakakaadik kaya dumadating sa puntong nagkaroon na ng epekto sa mga isip ng mga taong tulad ko.
Naimbento ng Russian na si Alexey Pajitnov noong June 6, 1984, ang Tetris ay galing sa pinaghalong mga salita na “Tetrominoes” o ‘yung mga iba’t ibang bricks na gawa sa apat na segments at “Tennis” na paboritong isport ng lumikha. Noong hindi pa ako nareregaluhan ng lolo at lola ko ng Famicom ay kasama ko lagi ang utol kong si Pot na tumatanaw sa computer rental sa foodcourt ng Ali Mall o kaya naman ay sa bintana ng mga kapitbahay naming anak ng mga Japayukis. Kahit hindi namin nalalaro ay nasasabik pa rin kaming makita ang mga bricks na may hugis hango sa mga letang I, J, L, O,S, T, at Z. Astig panoorin ang manlalarong gumagawa ng isang parang mataas na gusali. Tapos mawawala ang isang horizontal line kapag nabuo. Mas maganda kung apat na sabay-sabay ang mawawala dahil ‘yun ang tinatawag na “tetris”. Nakaka-hypnotize din pakinggan ang Russian na ipinapatugtog habang naglalaro.