Saturday, May 18, 2013

Sampu't Sari: Pinoy MasterChef JR Royol


"An ye harm none, do as ye will."

Naitala na sa kasaysayan bilang kauna-unahang Pinoy MasterChef, nakilala si JR Royol sa reality cooking show ng Dos bilang "Rakistang Kusinero ng Benguet".

Siya ang nag-iisang lalaking nakapasok sa Final Four ng MasterChef Pinoy Edition at tumalo sa mga katunggaling sila Carla Mercaida (ikalawang karangalan), Ivory Yat (ikatlong karangalan), at Myra Santos (ikaapat karangalan). Sa "The Live Cook-Off" na ginanap noong nakaraang Pebrero 9, 2013 sa SM Noth EDSA SkyDome, inihain niya ang kanyang magiging signature dish na tinawag niyang "Bigorot" na portmanteau ng mga salitang "Bikolano" at "Igorot" na mga pinaggalingang lahi ng kanyang ama at ina.

 

Walang "special task" sa huling pagtatanghal kundi ang ang gumawa lang ng "winning dish". Ang kanyang niluto ay ang tumakam at pumatok sa panlasa ng mga huradong sila Judy Ann Santos-Agoncillo, Chef Ferns, Chef Lau at Chef Jayps, kasama ang mga panauhing hurado na sina Kris Aquino at Richard Gomez. Gumamit siya ng pato, mga sangkap na mula sa Cordillera, at gata na kilala bilang pangunahing sangkap ng mga lutuing-Bikolano.

Ayon kay JR, "Ito po 'yung fusion ng origin ko, ng heritage ko. Bicolano po ang father, and ang mom ko is proud Igorota. 'Yung chicken, poached po siya with salted etag, and to put a twist of Bicol in it, gumamit po ako ng gata.".

Nakakuha siya ng average na 98 mula kay Kristeta at Goma (99 at 97), at average 96.1 kasama ang mga puntos mula kay Juday at mga resident chefs na naging dahilan upang masungkit niya ang unang gantimpala na may premyong isang milyong pesotas, culinary scholarship mula sa Center of Asian Culinary Studies, at kitchen showcase mula sa Fujidenzo.

Sa sarap ng kanyang luto ay nakapagbigay ng komento ang reyna ng media kay JR ng "Hindi ako fan ng goose but I love yours, yung rice, yung layering ng flavors na ginawa mo at yung crunch (ng goose). Nakaka-in love ka magluto. Yung smokiness...perfection.".


Noong nakaraang bakasyon ko sa Pinas ay napanood ko sa teevee ang panayam kay JR sa "The Bottomline with Boy Abunda"  at masasabi kong tumaas ang pagkilala ko sa Pinoy MasterChef dahil doon. Mahilig din akong magluto at miyembro rin ng isang banda kaya bigla kong nakita ang aking sarili sa kanya. Nakita kong puso ang kanyang ginagamit upang pagsabayin ang dalawang hilig sa buhay - ang pagluluto at musika.

Nakita kong mapagpakumbaba siyang tao nang sabihin niyang hindi siya tunay na chef kundi nanalo lang sa isang pakontes. Aminado siya sa mga kapalpakan sa buhay na sa ibang tao ay napakahirap tanggapin. Astig din ang kanyang paninindigan bilang isang Igorot.

Ayon naman kay Tito Boy,  "He has spunk. A work in progress. Let's watch him fly.".

Ang lubos na nakapukaw ng aking atensyon ay nang sabihin niyang "grunge" at "90's" ang tema ng tugtugan ng bandang kanyang kinabibilangan, ang Israfel. Heto ang sampol ng kanilang malufet na rakrakan kasama si Chef Lau


Tama na ang palabok, heto na at patitikimin ko na kayo ng luto ng buhay ni Pinoy MasterChef JR Royol noong Dekada NoBenta.

1. Paano mo ilalarawan at ikukumpara ang iyong pamumuhay noong Dekada Nobenta sa pamumuhay mo ngayon bilang kauna-unahang Pinoy MasterChef?
Gaya ng paglipas ng panahon, marami ng nagbago sa buhay ko pagkatapos ng competition. Hanggang ngaun, masasabi kong nag-aadjust parin ako. Nung 90's, bukod sa musmos pa ako, simple at relaks lang ang mga bagay bagay. But definitely, masaya ang parehong panahon!

2. Mahilig ka bang manood ng mga cooking shows tulad ng “Del Monte Kitchenomics” sa Eat Bulaga noong Nineties? Kung oo, anu-ano ang mga pinapanood mo noon at ano ang pinakapaborito mo?

Since namention mo, ngaun ko lang narealize - OO nga no, mahilig nga ako manood ng mga cooking shows. Ang paborito ko ung tuwing linggo sa channel 2, di ko na tanda ung pangalan ng show na un. Pero ung Chinese na cooking show. Amazed ako kung gano nya ginagamit ung malaki nyang kutsilyo.

3. Noong niyanig ang Luzon ng isang matinding lindol noong July 16, 1990, ano ang hindi mo malilimutang karanasan?

Sa kabutihang palad, naka-alis na kami nun sa Baguio at kakalipat lang sa Mansalay, Mindoro. Tanda ko nung lindol e ung pag aalala namin sa mga kababayan at sa pamilya ng kuya na naiwan sa Benguet. Sa murang edad, narealize ko kung gano tlga kalakas si Inang Kalikasan.

4. Bilang isang tubong-Benguet, nakaimpluwensya ba sa iyo ang “Bag'iw”, isang ethnic rock group na sumikat sa LA105.9 noong 90’s, sa pagtatayo ng sarili mong banda? Hindi ba sumagi sa isip mong ipagpatuloy ang kanilang nasimulan na iparinig ang katutubong tunog sa pamamagitan ng musikang bato?

Unfortunately, di ko ata tanda ang Bag'iw. Pero salamat sa pagbanggit - iche-check ko yan. Masyadong malawak ang sakop ng musika at para sa isang tao na magnanais, isang malaking impluwensya ang kinalakihang tunog. Sa kaso ng banda namin, masasabi kong iba ang direksyon na aming tinatahak. Ibang genre kumbaga. Pero syempre, kung mabibigyan ng pagkakataon para ipalaganap ang katutubong tunog - maasahan nyong todo ang aming suporta. 

 ISRAFEL

5. Paano nakaapekto ang musikang Grunge sa iyong istilo ng pagsusulat ng mga kanta, pananamit, at prinsipyo sa buhay? Isa ka bang “angst-driven” na indibidwal noong iyong kabataan?

Grunge talaga ang kinalakihan kong genre ng musika. Nirvana, Pearl Jam, Alice in Chains - na hanggang ngaun eh sya paring pinakikinggan ko. Di ko siguro masasabing "Angst-driven-individual" ako. Siguro, ang pinamalaking impluwensya sa akin eh ung hindi pakeme-keme at lakas ng loob para magsalita sa mga bagay na napupuna ko sa mundong ginagalawan ko. Masasabi ko kasing "opinionated" ako.

6. Nang mawala ang LA105.9 at NU107.5 sa ere, namatay na rin ba ang Pinoy Rock Scene?

Sa mga nakaka alam, talga namang malaki ang naging parte ng LA at NU sa paglingap ng musikang Pinoy at sobrang sapul ang mga nagbabandang kagaya namin nung nawala ang mga estasyon na yan. Although, meron parin namang isang RJ Jacinto na patuloy na sumosuporta sa underground scene (sa pagkaka alam ko), parang nawala kasi ang link natin sa golden years ng Pinoy Rock Scene. Kahit may social media, iba parin kasi ang dating pag napatugtog ung kompo nyo sa "In the Raw" eh. Un ung accomplishment siguro na di na mararanasan ng mga bagong banda.

7. Kung isa ka sa mga tauhan ng pelikulang “Fight Club”, sino ka at bakit? If you could fight anyone (living or dead from the 90’s), who would you pick and why?

Syempre si Tyler para Brad Pitt!!! Pero seriously, at one point - masasabi kong ako si narrator. Ung utang uta lang sa mundo which I'm sure marami ang nakakarelate ngaun. 

Fight anyone? Hhhmmm, medjo naka-quota naman ata ako ng suntukan nung kabataan ko, pero siguro gugustuhin kong maka-square si Axl Rose - sa pang aaway kay Kurt Cobain (medjo lame, pero kahit isang round cguro, masaya na ako)

8. Ano ang masasabi mo tungkol sa mga bampira ng bagong milenyo (tulad ng sa “Twilight”) kumpara sa mga bampira noong Dekada NoBenta (tulad ng sa “From Dusk Till Dawn”, “Interview with a Vampire”, etc.)?

Hands down, mas astig parin ang bampira nuon kesa ngaun! Ung mga old school na bampira, di kumikinang sa sikat ng araw at talaga namang hard core! Titigil na ako at baka maraming magalit sa akin. (ANNE RICE FOREVER!!!!)

9. Kung may isang pangyayari noong 90’s ang maari mong balikan, ano iyon at bakit? 

Para sa akin, 90s ang pinakamasayang dekada ng buhay ko. Sobrang namimiss ko lang ung mga telebabad / phone pal / prank call days. Sineskwela, Bayani at Hirayamanawari. At lalong lalo na, ung pagputok ng musika. Razorback, Wolfgang, The Youth, Yano, Agaw Agimat, Introvoys , Alamid, Rivermaya, E-heads at marami pang iba. NAMIMISS KO ANG TUNOG KALYE!!!

10. Sabihin kung ano ang unang pumapasok sa isipan kapag ito ay naririnig o nababasa:

      A. Kurt Cobain - sayang ka man! sayang ka!
      B. Pearl Jam - INSTITUSYON
      C. Soundgarden Reunion - ASTIG! Pero, okay na ako siguro 
              Superunknown album
      D. Beakman’s World - alam to ng nanay ko, sobrang fan ako 
            ni Beakman. Kakamiss
      E. Kuya Bodjie (Batibot) - bakit di kayo nagkatuluyan ni Ate Shena?!
      F. Chibugan Na (TV program) - sorry, di ata to pinapanood smen.
      G. Renton (Trainspotting) - Adik lang! Hehehe. Pero di ko pren 
             makalimutan ung baby!
      H. Forrest Gump - idol!
      I. Ginebra (PBA Team) - ay syempre, taga Barangay kaya ako! 
               JAWO FOR LIFE!
      J. ex-mayor Antonio Sanchez (Laguna) - "inaantay ka daw po ata sir 
               ng mga namayapang taga UP"

Message to all the 90’s kids:

Tayo ang pinaka astig sa lahat ng henerasyon! meron tayong sarilng linggwahe na hinding hindi maiintindihan ng ibang panahon - lalo ng mga kabataan ngaun. Hiling ko na mag effort tayo para ipa-unawa sa mga nakababata ang mundo natin nuong NoBenta, alam ko marami silang matutunan. MABUHAY ANG 90s!!!!!!!!!!!

SIR, MARAMING SALAMAT SA PAGKAKATAON \m/




2 comments:

  1. one of the most fun and interesting interviews na nabasa ko rito sa no benta.....

    ReplyDelete