Showing posts with label underground scene. Show all posts
Showing posts with label underground scene. Show all posts

Sunday, June 2, 2013

KM 19 EDSA

"Isa kang Batang 90's kung alam mong ang Club Dredd ay ang mecca ng mga banda noong Dekada NoBenta."

Ang tunay na Pinoy sa isip, sa salita, at sa gawa ay alam na ang Kilometer Zero ay nakatirik sa tapat ng bantayog ni Pepe sa Rizal Park. Bata pa lang tayo ay naituro na ito ng ating mga guro sa HeKaSi. Ito ang palatandaan sa mapa kung saan sinusukat ang distansya ng mga lalawigan at iba pang mga lugar sa Pilipinas. Kung hindi mo ito alam, Pinoy ka pa rin naman dahil nababasa mo pa ang palabok kong walang kwenta; malamang ay absent ka lang sa klase noong itinuro ito sa eskwelahan.

Sa hindi kalayuang lugar mula sa Luneta ay matatagpuan ang kahabaan ng EDSA kung saan matatagpuan naman ang pinakasikat na marker noong Dekada NoBenta, ang KM 19. Dito nakatayo noon ang bar na nagpatibay ng pundasyon ng Pinoy Underground Scene noong Nineties, ang CLUB DREDD.

Hindi ko na naabutan ang unang Dredd na nasa Timog Avenue. Hindi pa kasi sanay ang tenga ko noon sa ingay dahil si Andrew E. pa lang ang pinapakinggan ko noong mga panahong iyon. Una silang nagbukas noong December 8, 1990 sa ilalim ng pamamahala nina Skavengers' drummer  Patrick Reidenbach at Scavengers' manager Robbie Sunico. Ipinangalan nila ito sa kanilang paboritong comic book character na si Judge Dredd. Pinalitan nila ang Red Rocks matapos itong magsara. Ito ang naging tambayan ng mga nilalang na hayok sa rakrakang bato at ilan sa mga  regular na tumutugtog dito ay ang Eraserheads, The Youth, Afterimage, Ethnic Faces, Anno Domini (Mutiny),Athena’s Curse (Alamid), Grace Nono, Joey Ayala, Bazurak (na pinagmulan ng Rivermaya), Color It Red, The Wuds, Razorback, Wolfgang at Advent Call. Maganda na sana ang lahat ngunit nagkaproblema ito sa pananalapi na naging dahilan upang sila ay magsara noong February 1993.

Wednesday, January 16, 2013

Sampu't Sari: Bong Espiritu ng Philippine Violators


Itinuturing na isa sa mga haligi ng Pinoy punk / hardcore scene, ang PHILIPPINE VIOLATORS ay nabuo noong Marso 1984 sa pamumuno ng magkapatid na BONG ESPIRITU (vocals) at Jesus "Senor Rotten" Espiritu (guitars). Kasama nila sa orihinal na grupo sina Seymour Estavillo (bass) at Noel Banares (drums).

Sa ilalim ng indie punk label na Twisted Red Cross o mas kilala sa tawag na TRC ay lumabas ang kanilang debut album na "Philippine Violators At Large". Dahil sa angas ng kanilang tugtugan ay nabigyan sila ng pagkilala at nagkaroon ng mga tagahanga hindi lamang sa Pinas kundi na rin sa labas ng bansa tulad ng Europe, ilang bahagi ng Asya, at America.

Isang patunay dito ay ang grupong Abalienation. Laking-gulat at mas lalong tumaas ang paghanga ko sa PhilVio nang mapansin ko sa cover ng aking biniling cassette tape mula sa Musikland sa Ali Mall Cubao ay nakasuot ng t-shirt na may print ng "At Large" ang bokalista nila. Biruin mo, tagahanga ng grupong Pinoy ang hinahangaan kong stateside na punks!
Nang mawala ang TRC ay binuo ng magkapatid na Espiritu ang Rare Music Distributor (RMD) Records. Noong una ay para lamang sana ito sa mga musikang ilalabas ng PhilVio tulad ng "State of Confusion" album ngunit nang lumaon ay naging "breeding ground" ito ng mga grupo sa underground scene. Nakatulong ang RMD sa pag-produce ng mga compilation albums tulad ng "Screams From the Underground" na sumuporta sa mga independent artists.

Saturday, August 8, 2009

Pag-Ibig Ko'y Metal

"Isa kang Batang Nineties kung nasaksihan mo ang hidwaan sa pagitan ng mga metal at mga hip-hoppers."

Noong ako ay magtapos ng haiskul, binansagan akong “Most Rock Fanatic” sa aming yearbook. Sa totoo lang, para akong si Ka Ernie Baron dahil itinuturing akong isang "walking rock music encyclopedia" na nakakaalam ng mga kasagutan sa kung ano ang bago at kung ano ang meron sa rock music scene.


Ang hindi nila alam ay nahilig din ako dati kina Vanilla Ice at MC Hammer. Oo, ako ay naging isang hip-hopper na gustong matutunan ang lahat ng lyrics ng bagong rap song at umindayog sa latest dance groove. 'Yun nga lang, 'di ako natuto kahit isa. Frustrated pa rin hanggang ngayon.

Noong ako ay nasa grade six, sila Francis M., Andrew E., at Michael V. (rapper pa siya noon) ang mga iniidolo ko sa larangan ng musika. Inaabangan ko palagi sa 89.1 DMZ (Dance Music Zone) 'yung remix ng mga hit songs nila para i-record sa blank tape. Noong Christmas party nga namin, may ginawa akong remix / sagutan version ng “Humanap Ka ng Panget” at “Maganda ang Piliin” tapos nakipag-showdown (lip synch) ako sa barkada ko. Tuwang-tuwa yung mga klasmeyts at adviser namin.
Sino ba namang ‘di matutuwa sa mga rappers noong mga panahong 'yun? Ang sagot, MARAMI rin pala!

Noong ako ay nagbibinata, napapadaan ako sa tambayan ng mga kababata ko kapag papasok sa eskuwelahan at uuwi ng bahay. Parang mga adik ang tingin ko sa kanila kaya ‘di ako nakikihalubilo sa tropa. Eh medyo nerd pa ako noon kaya hindi rin nila ako pinapansin.

Hanggang sa isang araw, sa pangungulit ng pinsan kong si Badds, pinakilala ako sa grupo. Si Melvin agad ang bumulaga sa akin ng “Ah, siya pala 'yung pinsan mong PA-PEE-YO”. Letse, 'di ko naintindihan 'yung sinabi niya pero parang nainsulto ako kaagad. Lalo na nung sinabi niya na disco lang daw ang alam ko at sa DMZ ako nakikinig. Na-challenge ako sa mokong na ‘yun. Pero salamat sa kanya dahil ang pagtatagpong iyon ang gumabay sa akin papunta sa tamang landas!

Pag-uwi ko sa bahay, sinabihan ko si Badds na pahiramin niya nga ako ng cassette ng mga pinapakinggan nila. Parang ready naman siya at nilabas yung “Greatest Hits” ng Queen. Sabi pa niya, “Pakinggan mo yung ‘Under Pressure’, doon kinuha ni Vanilla Ice yung 'Ice Ice Baby'". Parang naging interesado ako dahil idol ko ang kanyang binaggit. Matapos ang ilang ulit pang pakikinig sa mini-karaoke machine namin, nagustuhan ko na ang pang-birit na boses ni Freddie Mercury at killer guitar riffs ni Brian May. Napapagalitan na ako ni ermats dahil ang ingay daw ng pinapatugtog ko. Natanggap na ako ni Melvin sa grupo nila at napatambay na rin ako sa kanila kung saan madalas kaming nakikinig ng mga glam rock idols niya tulad ng Extreme, Aerosmith, Warrant, Poison, at Guns N’ Roses. Inalam ko rin lahat ng detalye sa mga bandang kinahihiligan ko.

Ang hindi ko talaga makakalimutan sa lahat ay ang panahong pinarinig sa akin 'yung “Nevermind” album ng Nirvana. Kahit na “Aling Nena...” ang pagkakarinig ko sa last lines ng “Smells Like Teen Spirit”, sila Kurt Cobain, Krist Novoselic at Dave Grohl ay bigla kong inidolo na parang mga diyos ng rakrakan. Ang lufet ng tugtugan ng trio na ito sa loob-loob ko. Tatlo lang sila pero ang ingay. Nakakapagod. Nakakatanggal ng stress at galit sa mundo. Umaalingawngaw sa buong mundo ang tunog ng Seattle noon kaya nakilala ko rin sila pareng Chris Cornell, Eddie Vedder at Layne Staley.


Certified METAL na ako noong mga panahong iyon kahit na grunge naman talaga ang aking hilig. Oo, "metal" ang tawag dati sa mga taong mahilig sa rock. Hindi pa uso ang salitang "rakista" noon;  "rockista" baka puwede pa, pero mas sikat ang pantawag na "metal". Isa na ako sa mga galit sa hip-hoppers kahit na dati rin naman akong mahilig sa maluwg na pantalon.

Hindi ko alam kung kalian nagsimula ang hip-hop bashing noong Dekada NoBenta. Basta ang alam ko, bigla nalang kaming nahilig makinig sa LA105.9 para antayin yung mga beeper messages laban sa mga paksyet. “If you have messages for the hip-hoppers, you may send them through Easycall 246142”. Pagkatapos ng ilang kanta ay babasahin ni The Doctor 'yung mga uncensored messages. Ang LA105.9 ay isa sa mga pinakamaimpluwensyang istasyon sa radyo noong panahon ng gitara. Mantakin mo, napag-away nila ang mga hip-hoppers at metal.

Mga hip-hop, magtanim nalang kayo ng kamote…Mga hip-hop, mag-ingat kayo kasi aabangan namin kayo sa Megamall… Mga hip-hop, magtago nalng kayo sa saya ng nanay  niyo.” Suwerte mo kung mabasa pa ang message mo sa dami ng mga nagpapadala.

Ang malufet sa station na ‘yun, may mga pagkakataong may mga nagbi-beep (daw) na hip-hoppers. Babasahin nila ito kaya lalong magagalit ang mga metal at tatawag sa operator para makipagsagutan.

Isa pa sa natatandaan kong ginawa ng LA105.9 ay pinag-guest nila si Robert Javier ng The Youth. Kinanta nila yung “Multong Bakla” pero iba ang lyrics tapos ginawang “Multong Hip-Hop” ang title. Parang naging mortal sin ang pagiging hip-hopper dati.

Sa mga malls, mahirap makapasok kapag grupo kayong pupunta. Haharangin lang kayo ng guard kapag nakita kayong lahat na nakaitim na rock shirts. Ang tingin sa inyo ay mga basagulero, adik, satanista at kung anu-ano pang wala nang mas sasama pa. Ganun din ang sa mga hip-hoppers na sumasayad ang mga crotches sa sahig, hirap silang makapasok sa malls kapag sama-sama. Away o gulo lang ang tanging nakikita ng mga jaguars sa dalawang grupo.

Marami akong karanasan na nakitang naghahabulan ang mga hip-hoppers at metal sa Robinson’s Galeria at SM Megamall. Talagang nag-susuntukan dahil lang sa simpleng asaran. Kaya madalas may mga headlines sa tabloids dati tungkol dito.

Tumindi lalo ang tensyon sa pagitan ng dalawang tropahan nang gumawa ang isang hip-hop group g kantang pinamagatang “Bolanchaw”. Hindi ko alam ang taang pagkakabaybay pero ang ibig daw sabihin nito sa salitang Intsik ay "walang bayag". Nakakaasar naman talaga yung chorus na ”Bolanchaw, bolanchaw, ang mga punks ay bolanchaw...”.

Kapag nagpupunta kami sa mga konsyerto, kawawa ang mga nakakasalubong na hip-hoppers ng mga punks. Bugbog-sarado. Pero wala naman akong nabalitaang may kinatay talaga, bugbugan lang.

The "hidwaan" ay nagtapos nang ang mga tulad ng Rage Against the Machine ay sumulpot. Biglang naisip ng mga metal na puwede palang mag-rap kasama ang gitara. Lumabas ang Erectus, Skrewheds, Dogbone at iba pang mga banda. 'Yung LA105.9, biglang naging taga-suporta ng alterna-rap. Naging tambayan na ng mga hip-hoppers at metal ang skating rink ng Megamall. Peace na sila sa wakas.

Kapag naaalala ko ang panahon ng "hip-hoppers vs. metal", ang tanging naaalala ko ay si Punk Zappa, ang makulit na karakter ng album filler ng Circus album mula sa Eraserheads. Ang malufet niyang bitiw ng mga salita ay sumasalamin sa panahong hip-hop-phobic ang mga kabataang Pinoy.