Wednesday, September 7, 2011

Freddie's (Not) Dead

FREDDIE MERCURY
September 5, 1946 - November 24, 1991

Kapag ang isang tao ay kinuha na ni Lord, ano ang mas maaalala ng kanyang mga mga mahal sa buhay, ang kaarawan ba o ang araw ng kamatayan?

Sa kaso ng isang taong sikat (at ang tinutukoy ko ay hindi lang 'yung basta sikat tulad ng mga bida sa lecheseryes na nabubuntis sa totoong buhay), hindi mahalaga ang mga petsa. Ang mas maaalala ay ang GITLING sa gitna ng araw ng kapanganakan at kamatayan na sumisimbolo sa kung ano ang naging BUHAY mo at kung ano ang iyong mga naging kontribusyon noong hindi ka pa kinakain ng lupa.

Kapag ang Google ay nagbigay ng isang tribute, seryoso sila sa sa kanilang gustong ipahayag. Sigurado akong naubos ang oras mo sa playable video game noong gunitain nila ang ikatlong dekada ni Pac-Man (hindi si Money Pacquiao). Napudpod din siguro ang mouse mo noong malaman mong puwede palang matipa ang Google guitar na ginawa bilang pagkilala sa  talento ni Les Paul.

  ang doodle na may animated video ng "Don't Stop Me Now"

Kahapon ko lang nakita sa homepage ni pareng Googs na may malufet na tribute silang ginawa para kay FREDDIE MERCURY. Kung hindi siya sumakabilang-bahay dahil sa bronchopneumonia na dulot ng kanyang sakit na AIDS, sana ay 65 years old na siya. Sana ay walang mga potang Beliebers.

Oo na, tama ka. Huwag ka na ngang umepal.

Technically speaking ay hindi isang Batang Nineties si Farrok Bulsara dahil sumikat ang kanilang bandang QUEEN noong mga panahong nasa semilya pa lang ako ni erpats - mga unang taon ng Dekada Setenta. Pero ang kanyang pagpanaw na naganap noong Dekada NoBenta ay isang malaking kawalan sa industriya ng musika.

Malaki ang naging epekto ng grupo ni Freddie sa pagkahilig ko sa rock music. Naririnig ko na ang ingay nila sa maingay na karaoke ng mga tito ko noong ako ay bata pa lang. Alam na alam ko ang lyrics kaya nasasabayan ko ang sikat na sikat nilang kantang "Bohemian Rhapsody" na itinuring na "the UK's favourite hit of all time" noong 2002. Walang sino mang banda ang makakagawa pa ng ganitong obra, PERIOD. Para sa mga batang katulad ko, nakilala ng panahon namin ang awit na ito dahil sa pelikulang "Wayne's World" na ipinalabas noong 1992. Sa iba naman ay mas pumatok ang para sa aki'y walang kuwentang RnB version ng The Braids na isinama naman sa OST ng pelikulang "High School High" noong 1996.

Noong nagsisimula pa lang akong makinig ng musikang bato, ang kanilang Greatest Hits album ang aking bibliya. Umaga, hapon, at gabi ay pinapatugtog ko ang kanilang cassette tape mula Side A hanggang Side B ng full volume. Feeling ko ay kasama ko silang nagkokonsiyerto sa aming bahay. Kahit na tuma-tiger scream si ermats at nagrereklamo na ang aming mga kapitbahay dahil sa ingay ng Queen, okay lang dahil mas maingay pa rin ang bumibirit na boses ni Mercury at guitar riffs ni Brian May. Paborito ko dito, bukod sa "Rhapsody", ay ang iba pa nilang mga classic hits tulad ng "Bicycle Race", "We Will Rock You" at "Crazy Little Thing Called Love". Ang walang-kamatayang kanta na ipinapatugtog kapag may nananalo sa larangan ng isports ay nandito rin, ang "We Are the Champions". Ang kantang "Another One Bites the Dust" (napabalitang satanic kapag naka-backmask), na ginawaan ng MTB o "Music Tagalog Bersyon" ni Bitoy sa Bubble Gang noong mid-90s ay maririnig rin mula sa kanilang dabest album.

Si Freddie Mercury ay masasabi kong isang performer na walang katulad. May kakaiba siyang istilo sa entablado na kayang humatak sa atensyon ng libo-libong manonood. Pero maniniwala ba kayo na malayo sa kanyang personalidad sa totoong buhay ang kanyang ipinapakita kapag nagtatanghal? Ang totoo ay isa siyang mahiyaing tao; bihira nga siyang magpa-interview. Isa ito sa mga katangiang hinangaan ng marami tulad ni Kurt Cobain na binaggit si FM sa kanyang suicide note.

Kinikilala si Freddie bilang "Britain's First Asian Rock Star". Noong 2006 ay kinilala siya ng Time Asia bilang "One of the Most Influential Asian Heroes of the Past 60 Years". Kinilala rin siya sa poll ng Blender at MTV bilang "Greatest Singer of All Time". Rank 18 naman siya sa Rolling Stones magazine na naglathala ng "100 Greatest Singers of All Time". Marami pang parangal na iginawad sa kanya at ang sumatutal ay isa siya sa  mga malulufet na performers na nabiyayaan ng malufet na boses.

April 20, 1992 ay naganap ang "The Freddie Mercury Tribute Concert for AIDS Awareness" sa Wembley Stadium, London. Hectic ang sked ko noong mga panahong iyon kaya hindi ako nakapunta sa gig pero napanood ko ito sa teevee. Isa ito sa mga concerts na tinutukan naming magbabarkadang jologs noong panahon ng girata. Panalo ang line-up ng mga musikerong nagbigay-pugay sa  rock icon - kasama ang mga noo'y sikat (kahit naman ngayon) na U2, Guns N' Roses, Metallica, Extreme, Elton John, David Bowie, George Michael, Annie Lennox, at napakarami pang iba kaya naman ito naging matagumpay sa kanilang hangarin. Dinaluhan ito ng 72,000 katao at nakalikom ng £20,000,000 na napunta naman sa The Mercury Phoenix Trust AIDS Charity.

Masasabi nating tama si Mercury sa kanyang kantang "Too Much Love Will Kill You" dahil sa kanyang sinapit pero ang pag-ibig na kumitil sa kanyang buhay ay siya ring nagbibigay-buhay sa kanyang mga alaaala.

Rakenrol. \m/



8 comments:

  1. alam ko mejo bading slightly yung vocalist ng queen. Pero hands down, magaling talga sila. Classic. No one can put them down. No 1 inspiration ni Lady Gaga ang queen sabi sa interview niya.

    ReplyDelete
  2. di ko masyadong inabutan to kaya dehins ko know much about queen.

    pero alam ko yung song nila na bohemian rhapsody :D

    ReplyDelete
  3. Nice tribute post! Nasa iyo lahat ng detalye!

    meron din akong tribute post for Freddie!

    check this link!

    ReplyDelete
  4. wow.. Isa sa pinakamagaling na rock band. ang astig sa kanila ay hindi sila nag stick sa isang genre ng rock. naging progressive rock sila,then heavy metal, tapos kapanahunan ng bohemian rhapsody ay symphonic rock naman.. nice..

    ReplyDelete
  5. @rah: 'di ko sure kung sa "radio gaga" nakuha ni lady gaga ang kanyang pangalan. astig 'yung last mtv vma dahil kasama niya si brian may sa kanyang performance!

    'di slightly bading si FM, gay out loud siya. pero walang epekto 'yun sa tingin ng mga tao sa kanyang galing pagdating sa rakrakan! \m/

    @khanto: classic ang "bohemian rhapsody". lahat ng generations ay alam ito. imposibleng hinde!

    ReplyDelete
  6. @stone-cold: parekoy, long time no see! astig talaga ang idol natin. walang katulad! \m/

    @-mark-:welcome sa aking bahay! tama ka, hindi sila napako sa isang genre. doon mo masusukat ang lufet ng isang grupong musikero! \m/

    ReplyDelete
  7. Hindi ko panahon ang Queen.

    pero anung may kabarkada ak osa college na oldies then kagaya ko.

    ayun pinakilala niya sakin si mr. freddy.

    at akoy nasiyahan sa aking mga narinig. hehhe


    nice tribute para sa isang alamat na musikero.:D

    ReplyDelete
  8. sir jay, ako ay produkto ng QUEEN (bihira sa taal na Caviteno ang hindi naimpluwensyahan nito). Bata pa lang ako hinubog na ko ng mga tiyo ko na makinig sa mga rockbands nung 70s & 80s. diehards kami ng mga tiyo ko dyan. (queen po ang nagtulak sa akin na tumugtog). =)

    ReplyDelete