Sa isang Batang Nineties, ang t-shirt ay isang napakahalagang kasuotan noong panahon ng Dugyot Fashion. Para itong magic salamin na may repleksyon ng iyong pagkatao dahil kung ano ang nakalimbag sa iyong t-shirt, ito ay kadalasang malapit sa iyong personalidad.
Mahilig ako musikang alternatibo noong Dekada NoBenta kaya naman nahilig rin ako sa mga tees na ang print ay may kinalaman sa mga banda at kombo-kombo. Sinusundan ko kung ano ang nakalagay sa mga isinusuot ng mga paborito kong banda dahil doon ko nalalaman kung anong klaseng musika o kung sinong mga banda ang kani-kanilang pinakikinggan at hinahangaan. Alam ng buong mundo na iniidolo ni pareng Kurt ang Sonic Youth dahil bukod sa pagbanggit niya sa kanyang mga interview ay ilang beses din siyang nakodakan na may suot-suot ng t-shirt nito. Natuwa naman ako nang makita ko sa isang picture ng Eheads sa songhits na nakasuot si Ely ng Smashing Pumpkins na pang-itaas. Hindi talaga kami nagkakalayo ng panlasa ni idol.
Sikat na sikat ang Top 40 Shirts sa pagbebenta ng mga rock tees pero kapag wala kang budget ay may matatakbuhan namang mga tiangge stores sa Fiesta Carnival o kaya naman ay sa Recto at sa mga ukay-ukay ng Bambang. Ang natatandaan kong unang rock shirt na binili sa Top 40 ay ang "Golden Shower of Hits" ng grupong Circle Jerks. Ang totoo, wala akong alam ni isang kanta mula sa kanila dahil si Andrew E. pa ang pinapakinggan ko noong mga panahong 'yun. In short, posero lang. Talagang ganun eh, nasa grade six pa lang ako noon kaya sa tingin ko ay cool ang punk na umiihi sa plaka. Taena, hindi ko pa rin alam ang ibig sabihin ng "circle jerks" at kung alam rin ito ni ermats, malamang ay pinahubad na niya ito sa akin!
Maraming rock t-shirts ang nauso noong kapanahunan ko. At kapag sinabi kong nauso, ang ibig sabihin nito ay pumatok sa mga posero. Heto na ang kuwentong walang kuwenta.
PUNK'S NOT DEAD!! ANARCHY!! Ito 'yung madalas kong i-vandal sa likod ng mga kuwaderno ng aking mga walang kamalay-malay na mga klasmeyts. Kahit 'di nila nakita ay alam nilang ako ang gumawa dahil ako ang die-hard punk sa section namin. Noong nineties ay biglang pumutok ang musika ng mga punkista at ito ang nagsilbing motto. Pumupunta kami sa mga konsiyerto na nakasuot ng t-shirts na may "Punk's Not Dead" pero ito ay hindi namin binibili kundi DIY o "do-it-yourself" lang gamit ng textile paint o pentel pen.
Sino ba naman ang hindi nakakakilala sa power trio nila Kurt, Krist, at Dave noong Dekada NoBenta? Sa sobrang kasikatan nga nila noon ay nagkaroon pa ng Nirvana Disco na kamag-anak yata ng Metallica Disco. Maraming jologs na katulad ko ang nakakaalam ng sikat na sikat nilang kantang "All Apologies" (MTV Unplugged version). Kahit si erpats ay napapakanta sa chorus nito kapag nambubulahog ako ng mga kapitbahay gamit ang aming mini-karaoke machine. Ang HAPPY FACE ng Nirvana ang pinakakumalat na t-shirt design nila hindi lang sa Pinas kundi sa iba't ibang lupalop ng mundo. Ito 'yung tinutukoy ni Punk Zappa ("No Royalty Filler No. 9") na gusto niyang bilhin pero hindi 'yung yellow ha - 'yung red!!
Kasabay ng kasikatan nila Kurt ay ang pagtanggap ng masa sa iba pang mga Grunge bands mula sa Seattle. Sumikat din ang STICKMAN / STICK FIGURE Logo ng Pearl Jam. Tulad ng mga nauna, karamihan ng mga nagsusuot nito noon ay nakikiuso lang. Madalas kasing marinig sa mga kabataan na cool daw ang mga kanta ng PJ kaya napapabili na rin. Patok na patok ang single na "Daughter" lalo na nang makasama ito sa countdown ng LSFM. 'Yun nga lang, karamihan sa mga parokyano nito ay hindi alam na sa bandang ito galing ang kantang "Animal" na ginawan ng spoof ng tropa ni Chito Miranda - "Alimango".
Kilala mo ba ang bandang SEPULTURA? Ako oo, pero 'yung album lang nilang "Chaos A.D." ang alam ko dahil ang hirap maghanap ng cassette tape nila noon. Nagpabili pa ako sa bokalista naming si Joe sa Tate para magkaroon ako ng orig na kopya. Kahit na hindi sila ganun kasikat sa Pinas ay sumikat naman ang potang logo nila na madalas mong makitang suot-suot ng mga construction boys. Ito 'yung "S" logo nila na may tribal design. Sinubukan kong tanungin dati ang isang kumag dahil 'di ko maatim na suot-suot niya ang rock shirt na hindi ko binalak suotin.
"Kuya, ano'ng ibig sabihin ng suot niyo?"
"Ah ito? Logo ito ng bagong brand ng t-shirt."
"Acheche!!!"
Okay, last nalang. May isang t-shirt design na nauso noong nineties na hanggang ngayon ay nakikita kong nakikisabay pa rin sa agos ng bagong milenyo. Ito 'yung tee na may iconic pekpektyur ni CHE GUEVARA. Ayon kay pareng Wiki, "Che, was an Argentine Marxist revolutionary, physician, author, intellectual, guerrilla leader, diplomat and military theorist." Hindi ko alam ang istorya niya sa buhay pero alam kong iniidolo siya ng grupo ni Zack de la Rocha. Mabuti nalang at mahaba ang aking pasensya dahil ilang beses ko nang gustong ihawin ang mga potang posero na nagsasabing si Che ang bokalista ng Rage Against the Machine!
Kapag may bagong t-shirt ang isang tao, siguradong excited siyang ipagmalaki ito sa buong mundo. Kaya nga kung hindi mapapansin ng crush mo ang iyong suot sa loob ng tatlong oras na pagpapakyut, siguradong wasak ang puso mo.
DASAL MATAPOS BASAHIN ANG ENTRY: Lord, sana ay mabawasan na ang sanlibutan ng mga taong puro pagpapasikat lang ang alam gawin kahit wala naman talagang alam. Amen.
isa akong tshirt fan pero di ako mahilig sa rock/metal design.
ReplyDeleteNaappreciate ko lang minsan kapag na-ispoof yung design at may twist. hehhe
hahahaha sasama ako sayo tol! ihawin natin ang mga taong nagsasabing si Che ang bokalista ng RATM!!
ReplyDeleteBaka naman pati si Mao Tse Tung vocalist ng The Cure!! ikikilawin ko na talaga sila :D
@khanto: napansi ko nga sa mga pix mo a mahilig ka sa tshirt at astig ang mga nakaimprenta sa mga suot mo. paarbor ng isa.
ReplyDelete@rah: pinatawa mo ako kay chairman mao! \m/
astig non nubenta? ayaw ng mom ko ung sepultura tshirt ko? demon daw? favorit k ung shirt kn un?? thn kumupas na lng nging grey?
ReplyDelete