Showing posts with label ofw. Show all posts
Showing posts with label ofw. Show all posts

Tuesday, July 9, 2013

Buhay Kulungan

"Isa kang Batang 90's kung alam mong si Sarah Balabagan ay isang OFW na masuwerteng pinalaya ng gobyerno ng UAE sa kasong pagpatay."

Sa isang pagtitipon na aking nadaluhan noon ay biglang nagkagulo ang mga nakikisaya dahil sa pakiki-usi sa dumating na panauhin. Kaarawan ng aming ninang sa kasal, na noo'y Barangay Captain ng Brgy. Pinagkaisahan sa QC, ang okasyon na ipinagdiriwang kaya may mga programa sa barangay hall. Special guest pala si Sarah Balabagan at nandoon siya upang kantahin ang ilang mga awit mula sa kanyang self-titled debut album (1999) mula sa Sony Philippines sa produksyon ni idol Rey Valera.

Sa totoo lang, hindi ko matandaan kung ano ang mga kinanta niya noong gabing iyon ngunit sa pagkakaalala ko sa mga balita, ang awiting "Buhay Kulungan" ay ang isa sa mga kantang mula sa album na siya mismo ang sumulat ng liriko. Sumasalamin ito sa kanyang naging karansan sa loob ng bilangguan at ito ay kanyang personal na mensahe upang magsilbing inspirasyon sa mga ibang OFWs upang hindi nila sapitin ang kanyang dinanas sa mga kamay ng mga banyagang amo. Kasama rin sa kanyang unang album ang mga awiting "Jack En Poy", "Dalaga", "Salamat", at "Pilipino Ka". Kahit na maganda ang mga puna sa pagkakagawa ng mga kanta (musicianship, arrangement, etc.), hindi pinalampas ng mga kritiko ang boses ni Sarah. Hindi man ito pang-birit at pang-propesyanal na mang-aawit ay kinakitaan pa rin siya ng dedikasyon at potensyal.

Friday, November 23, 2012

Instaefbeewayemitter

"Isa kang Batang Nineties kung isa ka sa mga unang nakagamit ng mga kung anu-anong social media sa internet."

Kapag nagbukas ka ng efbee ay tatambak sa harapan mo ang 'di-mabilang na mga litrato ng iyong mga kaibigan at kaaway. Kahit na naaalibadbaran ka nang makita ang sangkatutak na mga larawang kinunan nila bago kumain o pagpapakuha sa isang magarang kotse na hindi naman sa kanila ay wala kang magagawa. Wala ka mang pakialam sa mga balita tungkol sa iba ay patuloy mo itong malalaman.

Ganyan katindi ang teknolohiya. 

Isang pindot lang sa "enter" ng teklada ay naka-broadcast na sa buong mundo ang gusto mong iparating. Hihintayin mo na lang kung sino ang magbibigay ng komento at makikipindot sa "like" o "share".

Monday, August 16, 2010

Pauwi Na, Pahinga Muna



PAUWI NA
Noel Cabangon

Ako'y pauwi na sa ating bayan
Lupang sinisinta, bayang sinilangan
Ako'y nananabik na ika'y masilayan
Pagkat malaon din akong nawalay
Sa ating inang bayan

Ang aking dala-dala'y
 'Sang maleta ng karanasan
Bitbit ko sa ‘king balikat
Ang binuno sa ibang bayan
Hawak ko sa ‘king kamay
Ang pag-asang inaasam
Na sana'y matupad na rin ang pangarap
Na magandang kinabukasan

Bayan ko ako'y pauwi na
Ako'y sabik na ika'y makasama
Bayan ko ako ay nariyan na
Ating pagsaluhan…
Ang pag-asang dala-dala

Ako'y pauwi na sa aming tahanan
Sa mahal kong asawa, mga anak at kaibigan
Ako'y nananabik na kayo ay mahagkan
Pagkat tunay ang pangungulila
Dito sa ibang bayan

Mahal ko ako'y pauwi na
Ako'y sabik na kayo ay makasama
Mahal ko ako ay nariyan na
Ating pagsaluhan ang pag-asang dala-dala 


Ito na ang pinakahihintay kong araw! Mga katropa, ka-dekads, at kabayan, isang buwan po akong mawawala sa mundo ng blogosperyo upang i-enjoy ang bakasyon ko sa Pilipinas. Susulitin ko ito para maka-bonding ang aming mga chikitings kasama ang aking labs. Ang tanging maisisingit ko lang ay ang trivia challenge kong "Panahon Ko 'To: Pa-Contest ng Bahay Ko!".



Sunday, July 18, 2010

Dekada, Pamilya, at ang OFW

ang aking mga inspirasyon sa pagiging OFW


DEKADA

Noong um-attend ako ng Pre-Departure Orientation Seminar o PDOS, ay marami akong natutunan tulad ng tamang pag-iinvest ng pera, mga karapatan bilang manggawa sa ibang bansa, ang pagpili ng tamang sim card na may international roaming, ang pagbili ng medicine kits dahil bultuhan daw ang ibinibenta sa abroad, at ang pagpili ng tamang remittance centers. 

Pero higit sa lahat, ang tanging naging interesado ako ay nang tanungin kami ng isa sa mga lecturer ng “Kailan nga ba nagsimulang mangibang-bayan ang mga Pinoy?”. Sa totoo lang, napakahilig ko sa trivia pero hindi ko alam ang kasagutan sa tanong na ito. Basta ang alam ko lang ay nag-aabroad ang mga noypi para makatikim ng greener pastures.

Thursday, December 17, 2009

Videokelled the Radio Star

"Isa kang Batang 90's kung isa ka sa mga nakagamit ng sinaunang videoke machine."


Para sa isang katulad kong mahilig sa musika, hindi tutuloy sa pag-ikot ang  umikot ang mundo kung walang musika dahil ako ay mabibingi ako. Mas gugustuhin ko pang mamatay sa ingay kaysa ang mamatay sa katahimikan.

Sa pagpunta ko dito sa Saudi, ang baon ko lang ay isang seleponong may 2GB micro SD card na sapat upang paglagyan ng humigit-kumulang tatlong-daang MP3s ng mga paborito kong kanta. Hindi ko na nadala ang gitara kong tinitipa sa tuwing nakikipag-jamming kila Ely Buendia, Kurt Cobain, at Billy Corgan sa bahay namin. 

Tatlong buwan pa lang ako dito sa Gitnang Silangan ay unti-unti nang nawawala ang mga kalyo kong inipon mula sa pag-finger sa fret ng gitara. Naririnig ko na rin sa banyo na mas nanawala na sa tono ang dati ko nang sintunadong boses. Wala na kasing ensayo. Hindi tulad noong nasa Pinas pa ako, may malakas na sound system, may gitarang nakahain at bukod sa lahat ay may maaasahang Promac Videoke player na nambubulabog sa mga kapitbahay. 

Ang videoke ay nagmula sa mga salitang "kara" na ang ibig sabihin ay "wala", at "okesutora" o "orkestra". Sa tunog pa lang, iisipin mo nang sa bansa ni Takeshi ito nagmula. Ang totoo, tama ang hinala mo ngunit kahit na sa lugar nila ito nanggaling, tayong mga Pinoy pa rin ang alam sa kasaysayan na nagpasimula ng pambansang libangan ng mga sunog-baga doon sa inyong kanto.