"Isa kang Batang 90's kung isa ka sa mga nakagamit ng sinaunang videoke machine."
Para sa isang katulad kong mahilig sa musika, hindi tutuloy sa pag-ikot ang umikot ang mundo kung walang musika dahil ako ay mabibingi ako. Mas gugustuhin ko pang mamatay sa ingay kaysa ang mamatay sa katahimikan.
Sa pagpunta ko dito sa Saudi, ang baon ko lang ay isang seleponong may 2GB micro SD card na sapat upang paglagyan ng humigit-kumulang tatlong-daang MP3s ng mga paborito kong kanta. Hindi ko na nadala ang gitara kong tinitipa sa tuwing nakikipag-jamming kila Ely Buendia, Kurt Cobain, at Billy Corgan sa bahay namin.
Tatlong buwan pa lang ako dito sa Gitnang Silangan ay unti-unti nang nawawala ang mga kalyo kong inipon mula sa pag-finger sa fret ng gitara. Naririnig ko na rin sa banyo na mas nanawala na sa tono ang dati ko nang sintunadong boses. Wala na kasing ensayo. Hindi tulad noong nasa Pinas pa ako, may malakas na sound system, may gitarang nakahain at bukod sa lahat ay may maaasahang Promac Videoke player na nambubulabog sa mga kapitbahay.
Ang videoke ay nagmula sa mga salitang "kara" na ang ibig sabihin ay "wala", at "okesutora" o "orkestra". Sa tunog pa lang, iisipin mo nang sa bansa ni Takeshi ito nagmula. Ang totoo, tama ang hinala mo ngunit kahit na sa lugar nila ito nanggaling, tayong mga Pinoy pa rin ang alam sa kasaysayan na nagpasimula ng pambansang libangan ng mga sunog-baga doon sa inyong kanto.