Tuesday, March 25, 2014

Errorplano


"Isa kang Batang 90's kung alam mong walang nakaligtas sa trahedya ng Cebu Pacific Flight 387."
Laman ngayon ng mga balita ang patuloy na paghahanap sa eroplanong misteryosong nawala nang maglakbay ito noong March 8, 2014 mula Malaysia papunta sanang Beijing. Hanggang sa ngayon habang isinusulat ko ito ay hindi pa rin natatagpuan ang nawawalang Boeing 777-200ER ng Malaysia Airlines, Flight MH370, na may lulang 239 katao.

Habang pinapanood ko sa teevee ang mga ulat tungkol sa MH370 ay hindi ko maiwasang maalala ang trahedyang naganap sa Pinas dalawang taon bago matapos ang Dekada NoBenta. Nang sumalpok ang eroplano ng Cebu Pacific sa Mt. Sumagaya noong February 2, 1998, itinuring ito bilang “pinakamalalang trahedyang panghimpapawid sa kasaysayan ng Pilipinas”. Walang nakaligtas sa 99 na pasahero at 5 tripulante ng Flight 387

Marami ang tiningnang anggulo sa kung bakit naganap ang aksidente.

The Coverage of Flight 387: A Narrative of Tragedy from gnovis on Vimeo

Patungong Lumbia Airport sa Cagayan De Oro ang McDonnell Douglas DC-9-32 mula NAIA ngunit ito ay nagkaroon ng hindi pangkaraniwang stopover sa Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban upang ihatid ang dalawang air mechanics ng Cebu Pacific at ilang mga kagamitan nito sa pagkukumpuni. Nang lumapag ang eroplano sa Tacloban ay naiba nag ruta nito patungong Cagayan. Dumaan ito sa isang "unregulated route" na limang taon nang hindi ginagamit ng mga commercial aircrafts. Imbes na dumaan sa ibabaw ng dagat ay kinailangan nilang tumawid ng kabundukan upang makarating sa CDO.

Ang pagdaan sa rutang ito ay naging dahilan para sa mga pilotong sina Capt. Paulo Justo at co-pilot Erwin Gola na gumamit ng "visual flight" o hindi paggamit ng mga instrumentong panghimpapawid dahil "off-route" nga sila. Ang mapa ng Air Transport Office ang kanilang ginamit upang malaman ang taas ng mga bundok na kanilang dadaanan.

Labing-limang minuto bago lumapag sa paliparan ay narinig pa ang pangunahing piloto sa radyong nagsabing 68km nalang ang layo nila at unti-unti nang ibinababa ang eroplano mula sa himpapawid, senyales na walang problemang nararanasan. Laking gulat nalang ng ground control nang hindi makarating ang Flight 387 sa kanilang destinasyon.

 A Cebu Pacific DC-9 similar to the sister aircraft involved in the incident. [Wiki]

Ayon kay dating Presidential Assistant for Mindanao Jesus Dureza na nangangasiwa sa search and rescue noon, nabatid daw nilang mali ang nakasaad sa mapa ng ATO na nagsasabing ang Mt. Sumagaya ay may taas na 5,000 ft. above sea level. Maaaring bumangga raw ang eroplano dahil ang tunay na taas ng bundok ay nasa 6,000 ft.

Maaaring nakaapekto rin daw ang lagay ng panahon sa sakuna. Puwedeng hindi nakita ng mga piloto na masyado na silang mababa dahil natatakpan ng makapal na ulap o hamog ang bundok kaya sila sumalpok.

Pinaimbestigahan naman ni dating senador Ernesto Maceda ang mga eroplanong pagmamay-ari ng Cebu Pacific dahil ayon sa kanya, ang mga ito ay mga "second hand" lang at may edad na 31 taon na. Binili lamang ng grupo ni CP President Lance Gokongwei, ang mga ito mula sa Air Canada. Ipinahintong pansamantala ang paglipad ng lahat ng mga eroplano ng Cebu Pacific habang nagsagawa ng imbestigasyon.

Sa kasagsagan ng paghahanap sa mga bangkay at nakaligtas ay binalot ng kontrobesiya ang "stopover" sa Tacloban. Nagpasabog si dating senador Aquilino Pimentel na may nakuha raw siyang impormasyon na nagsasabing kaya dumaan sa Tacloban ang eroplano ay dahil may hinatid silang opisyal ng Malakanyang. Mariin naman itong pinabulaanan ng palasyo. Nagbigay din ng pahayag ang CP na walang karapatang makialam ang palasyo sa kanilang talakdaan. Ang nakapagtataka lang, sa ilang araw na pagsasaliksik ko sa paksang ito ay hindi lumutang ang mga pangalan ng dalawang mekanikong sinasabing inihatid. Ano sa tingin niyo?


Noong inaabangan namin sa balita ang tungkol sa Flight 387, tinutukan ng sambayanan ang paghahanap sa "black box" na nagtataglay daw ng mga impormasyong makapagbibigay-linaw sa sinapit ng eroplano. Ano kaya ang itsura nito? Siguro ay mukha itong kaha-de-yero na kulay itim. Nang matagpuan nila ang cock pit ay lumabas ang balitang walang black box na natagpuan kundi isang voice recorder lang na kulay orange, spherical shape, at may bigat na 18 lbs. Kinabukasan ay binawi ang ulat mula sa pulpol na opisyal at sinabing iyon daw ang instrumentong hinahanap. Doon ko lang nalaman na ang tunay na kulay ng isang black box ay kulay kahel!

Narinig sa black box ang co-pilot na nagsabi ng "May bundok yata sa area na ito, sir.". Maririnig din ang tunog nga mga papel na maaaring galing sa mapang kanilang ginagamit. Maya-maya  ay narinig naman ang "Leveling at 5,000 feet.". Ilang saglit lang ay may narinig namang "Terrain, Terrain. Pull up; pull up, woof, woof!" bago tuluyang nawala ang recording sa black box.

Hindi naging madali ang paghahanap sa fuselage o katawan ng eroplano dahil wasak an ito at nagkahiwa-hiwalay. Nang marating nila ang crash site, nakita ng rescue team ang inararong mga puno. Nagkalat ang mga gamit, mga sunog na bangkay, at mga putul-putol na bahagi ng katawan ng tao. Karamihan ay hindi makikilala maliban nalang kung may suot itong gamit na palatandaan ng kanyang pagkakakilanlan. Ang mga natagpuang bangkay ay inilalagay sa mga bag at ibinababa mula sa crash site sa pamamagitan ng mga helicopters.

Nagpakita ng suporta ang mga militanteng grupong naninirahan sa kabundukan sa pamamagitan ng pagtulong sa paghahanap ng mga nawawalang biktima. Isinantabi muna nila ang kanilang mga armas at nakiisa sa grupo ng pamahalaan at mga volunteers.

Isa pang naging kontrobersiya ay ang hindi pagdating ng mga pagkain at tubig na inirarasyon para sa mga grupong tumutulong sa paghahanap. Naging dahilan ito upang sandali nilang itigil ang misyon at bumaba ng bundok. Labis na ikinagalit ito ng mga kamag-anakan ng mga biktima ngunit nagpaliwanag naman ang lokal na pamahalaan na hindi makakalipad ang mga helicopters dahil sa sama ng panahon.

Nagkaroon naman ng kalituhan sa kung saan ba talaga ang crash site. Ayon sa mapa, ito ay natagpuan sa Mt. Sumagaya ngunit ayon sa mga Higaonon, ito ay nasa Mt. Lumot.

Nang matapos ang paghahanap, lumabas sa pahayagan ang resulta ng imbestigasyon at sinabi ng noo'y ATO chief Carlos Tanega na "poor operational control and lack of training of the pilots and dispatchers" ang naging sanhi ng trahedya.

Fast forward sa 2011, malalaman ni Jesus Dureza sa revised copies ng mapa ng ATO na naitama na nito ang tunay na taas ng bundok na sinalpukan ng Flight 387. Tsk, dahil sa kapabayaan ng ilan, maraming buhay ang nawala.

Sa bahagi ng Cebu Pacific, sinagot nila ang pagpapalibing ng mga nasawi at binigyan nila ng $60k o humigit-kumulang 2.4M pesotas ang bawa't pamilyang naiwanan. Dadalhin din ng Cebu Pacific sa libingan o sa memorial shrine  tuwing sasapit ang anibersaryo, kaarawan, Araw ng mga Patay, at kung kailanmang naisin ng pangunahing kamag-anak.

Inilibing ang mga hindi makilalang bangkay at mga bahagi ng katawan sa isang mass grave sa Oro Gardens noong March 28, 1998. Nilagyan ito ng isang malaking lapida kung saan nakasulat ang mga pangalan ng lahat ng mga nasawi.

Apat na taon matapos ang trahedya ay naitirik ang isang memorial shrine sa paanan ng Mt. Sumagaya. Ang Php7M halaga nito ay nagmula sa pondo ng dating senador na Robert Jaworski. Naisip ng Department of Tourism ang proyektong ito dahil sa kagustuhang pumunta ng mga kamag-anakan ng mga biktima sa bundok ngunit walang matutuluyan o masisilungan sa eksaktong lugar kung saan sila naghintay noon sa kasagsagan ng paghahanap ng sumalpok na eroplano. Naglagay dito ng mga benches, cottages, lagoon, at pathways.


Ayon sa DOT, hindi ito itinayo upang gunitain ang malagim na sinapit ng mga biktima kundi upang sariwain ang mga masasayang alaala ng mga namayapa. Sigurado ako, nakatulong ito sa unti-unting pagbura ng malungkot na nakaraan at katahimikan ng mga nasawi.



P.S.

May natagpuan akong personal na kuwento ng isang inang may anak na nasawi sa Flight 387. Maaari niyong mabasa RITO.





1 comment:

  1. 387 and 370. Baka unlucky numbers sa eroplano ang 3 and 7 :(

    ReplyDelete