Wednesday, April 2, 2014

...Mas Gusto Ko ang mga Classic Kung-Fu Films


Kahit na tumatanda na ako sa pagtatrabaho dito sa China ay hindi pa rin nawawala sa aking  isipan ang paniniwalang ang lahat ng mga Intsik ay marunong mag-Kung-Fu . Akala ko noon ay makakakita ako dito ng mga duwelong katulad ng napapanood sa "Crouching Tiger, Hidden Dragon" kapag may nag-aaway. Wala naman palang ganun.

Naaalala ko tuloy 'yung interpreter naming tsekwa sa dati kong pinapasukan na nagkuwento sa akin ng kanyang makulit na karanasan sa isang makulit na Pinoy na tulad ko.

"'Di ba Intsik ka?"

"Oo, bakit?"

"Eh 'di marunong ka ng kung-fu?"

"'Di ba Pinoy ka?"

"Oo, bakit?"

"Eh 'di marunong kang mag-tinikling?"

Hindi pala ako nag-iisa.

Malaki ang naging epekto ng Channel 13 sa paniniwala kong ito dahil ang mga pelikula nilang classic kung-fu na ipinapalabas tuwing hapon ay ang nagmulat sa akin sa Chinese martial arts. Kahit na madalas itong replay (dahil siguro ay palugi na ang istasyon noon o talagang konti lang ang kanilang budget) ay madalas ko pa rin itong pinapanood kasama ang mga utol at mga pinsan ko. Gusto rin kasi naming matutunan ang malulufet nilang galaw kapag nakikipaglaban.

Sabi ng mga eksperto, malayo sa kuwento sa mga pelikula ang tunay na kung-fu pero kahit na ano ang mangyari, ang mga napanood ko noon ang tunay na tumatak sa aking isipan.

Hindi ko alam kung sinu-sinong kumpanya ang mga producers ng mga pelikulang ipinapalabas pero ang pinakapaborito ko ay ang Golden Harvest. Kapag nakita na namin ang pamosong intro ng kanilang logo na may "A Golden Harvest Presentation", natutuwa na kaming magpipinsan dahil siguradong maraming malulufet na fight scenes  ang palabas na aming mapapanood.


Ano ba ang mga typical na makikita sa isang classic kung-fu films?

DUBBING. Ang mga orihinal na mga palabas ay nasa wikang Mandarin at ito ay isinasalin sa wikang Ingles para maintindihan ng ibang lahi tulad natin. Ang siste nga lang, hindi magaling ang pagkaka-dub. Kung papansinin mo ito, may mga pagkakataong mahaba ang maririnig mong linyang binitiwan pero makikita mong hindi na gumagalaw ang bibig ng karakter na nagsalita. Mayroon namang eksena na sobrang igsi ang narinig mo pero patuloy pa rin sa paggalaw ang bunganga ng nagsalita. Isa pang mapupuna mo sa dubbing ay ang nakakaantok na boses ng mga nagsasaling-wika na saktong sakto sa siesta sa hapon. Wala rin sa tamang accent kaya alam na alam mong hindi sila umarkila ng mga puti para mag-dub. At higit sa lahat, parang isang grupo lang ang nag-dub sa lahat ng napanood kong pelikula sa Channel 13. Ganun pa man, isa itong trademark ng ganitong klase ng palabas.

PLOT. Simple lang ang istorya ng bawat pelikula, parang 'yung mga lecheseryes lang nanapapanood natin sa teevee. May isang inaapi na balang araw ay maghihiganti. May isang apprentice na pinatay ang kanyang "master" kaya hahanapin niya ang salarin at maghihiganti. May isang totoy na naulila dahil pinaslang ang magulang kaya sa paglaki ay hindi susukong makita ang may kagagawan upang maghiganti. Taena, sa pagkakaalam ko, hindi ginagamit ang martial arts sa paghihiganti kundi sa self defense lang. Ah basta, panalo pa rin sa akin ang mga kuwentong ganito kaysa naman ang mga kuwentong may kambal na pinaghiwalay ng magulang tapos malalaman nilang magkapatid pala sila sa huli.

TRAINING NG BIDA. Sa bawat kung-fu film, hindi puwedeng mawala ang "master" na magtuturo sa apprentice. Ang paborito kong karakter ay si Beggar So - siya 'yung matandang kasama ni Jackie Chan sa all-time peyborits kong "Drunken Master" at "Snake in the Eagle's Shadow". Walastik sa hirap ang pinagdadaanan upang matutunan ang mga fighting techiques kaya wala sa kalingkingan ang "wax on, wax off" ni Karate Kid dito. Kasama sa pagsasanay ang pag-push-up na may nakasakay sa likod, ang pag-igib ng tubig na papasanin ang mga malalaking banga, at kung anu-ano pang mabibigat na pamamaraan na tunay mong mararamdaman habang pinapanood. Ang hindi ko makakalimutan ay 'yung isang pagsasanay na kailangan mong magsulat sa papel gamit ang isang lapis na may nakataling lubid na sa dulo ay may pabigat na batong kasing-laki ng bass drum. Panalo 'di ba?

MGA GAMIT AT ARMAS. Iba't iba ang gamit ng mga karakter - kadalasan ay espada, mga tukod na kawayan, at dagger. Mas naaaliw ako sa mga gumagamit ng pamaypay, payong, mangkok, upuan, at kung anu-ano pang mga bagay na mapupulot nalang sa lugar ng pinaglalabanan. Panalo rin ang mga babaeng palaban na ang gamit ay ang mga skirt nila. Noong ako ay bata pa, may tinatagong tsako si erpats. Hindi ko alam kung bakit 'yun ang trip niya pero siguro ay dahil idol niya si Bruce Lee. Hindi ito inilalabas ni ermats lalo na kapag may inuman dahil kapag naghuhurumentado si pader ay ito ang kanyang hinahanap. Promise, magaling siya magpaikot-ikot ng tsako! Sinubukan ko siyang gayahin kaso naipit lang ang kili-kili ko sa kadena ng lintek na tsako ni Bruce Lee.

FIGHTING TECHNIQUES. Bawat karakter ay kilala sa isang fighting style at iyon ang ginagamit nila sa pakikipagbakbakan. Pinakasikat na yata ang Snake-style. Ang Eagle's Claw. The Monkey. Mantis, Scorpion, Tiger. Baboy, kuneho, giraffe, hippopotamus. Manila Zoo. Siyempre, alam mong nagpapatawa lang ako kaya magdownload ka nalang ng pelikula para malaman mo ang sinasabi ko.

FIGHT SCENES. Ito ang pinakapaborito ng lahat. Kaya nga nanonood tayo ng kung-fu movies ay para dito. May mga bakbakan na one versus one million na katao kung saan malalaos sina Robin Padilla at FPJ. May mga eksena namang kailangan ng team effort kung saan kahit magkaaway ay magkakampi para lang matalo muna nila ang pinakamalakas. Tsaka nalang sila maglalaban kapag wala na ang dabest. Parang Royal Rumble lang sa WWF.


Ang pinakainaabangan sa lahat ng fight scenes siyempre ay ang pagtutuos ng bida at kontrabida. Kadalasan ay nangyayari ito sa isang bakanteng lugar tulad ng paanan ng bundok o kaya naman ay sa talampas o sa isang bukirin. Matikas ang postura ng mga kamag-anak ni Max Alvarado dahil maayos ang damit, ang buhok, ang balbas at bigote, at lalung-lalo na ang paggalaw. Dito nakuha ni Steven Seagal ang style na ganun - 'yung hindi nagugulo ang buhok at nadudumihan ang damit kahit na anong mangyari. Kapag naglaban na ang dalawa, hindi muna sila magkakatamaan ng mga ilang minuto. Tapos ay matatamaan ang bida hanggang sa akala mo ay matatalo kahit na alam mo namang hinde puwedeng mangyari. Matapos ang ilang minuto ay makakabawi si bida at mapupuruhan si kontrabida. Dito na mag-uumpisang magulo ang buhok ng kalaban. Kapag may napunit na parte ng damit, tuluy-tuloy na ang boksing. Siyempre sa huli, panalo pa rin ang bida. Makikita mo ang dugong lalabas sa bibig ng natalo. Sobrang scripted, pero sulit to the max!

Noong ako ay bata pa, mas gusto ko ang mga classic kug-fu films. Hanggang ngayon ay mahilig pa rin ako at natuto na ako ng kung-fu....kung-fumulutan sa inuman ay malufet!

(Originally posted on January 9, 2012) 




1 comment: