Tuesday, April 8, 2014

Anong Paki Mo sa Long Hair Ko

"Isa kang Batang 90's kung alam mong karamihan ng mga kalalakihan noong Dekada NoBenta ay mahahaba ang buhok."


Napakalaking bagay sa ating mga tao ang istilo ng buhok. 
 
Your hair is your crowning glory. Guluhin mo na ang lahat, huwag lang ang buhok ko. Basta kulot, salot. Kalbo, masamang tao. Ang haba ng hair.

Kahit na baguhin mo lang nang kaunti ang iyong buhok ay siguradong hindi ito makakaligtas sa puna ng iyong mga kakilala. Ito ang kadalasang unang nakikita kaya naman ay ito rin ang madalas na nataandaan sa isang tao. 

Noong kasikatan ng teleseryeng "Abangan ang Susunod na Kabanata...", ang mga kakaibang hairstyles ni Barbara Tengco ang madalas na mapansin sa bawa't episode. Nang maakusahan ang dating Calauan Mayor Antonio Sanchez sa panggagahasa, mas unang napuna ang kanyang pambihirang buhok (na para sa akin ay namana ng dating drummer ng Hale). Bukod sa mga kontrobersiyang kinasangkutan noon ni Dennis Rodman, hindi rin makakalimutan ng aming henerasyon ang makulay niyang buhok sa tuwing naglalaro sa court. May lulufet pa ba sa mga buhok nina MC Hammer at Vanilla Ice na noo'y kapwa naglalaban para sa trono ng pagra-rap?

Kadalasan ring nagiging basehan ng pagkatao ang ating mga buhok. Mali man, pero ito ang katotohanang madalas mangyari.

May kakilala akong ilang beses nang sumubok na makakuha ng visa mula sa US embassy ngunit ilang beses na ring nabigo. Hindi ko lang siya masabihang subukan niyang magpatubo ng buhok o kaya naman ay magsuot ng peluka dahil baka maumbagan niya ako ng kanyang mabigat na kamao. Walang masamang tinapay pero sa tingin ko mahihirapan naman talagang maaprubahan ng consul ang mga taong kasing-kalbo ni Pipoy!

Noong panahon ko, nauso ang mga "long hair", ang mga kabataang may mahahabang buhok na sa tingin ng karamihan ay mga adik at satanista dahil na rin sa musikang kanilang kinahihiligan.

Kung titingnan natin ang kasaysayan, halos lahat naman ng mga grupong bato o "rock groups" ay may mga miyembrong mahahaba ang buhok. Magmula sa Beatles hanggang sa mga hippies ng Dekada Setenta, hanggang sa mga hairspray bands ng Eighties, halos lahat ng mga miyembro nito ay dinaig pa sa haba ng buhok ang mga kababaihan.

Nang pumutok ang Seattle Music sa Tate ay nagsimulang mahilig ang mga kabataan noong 90's sa pagtugtog at pakikinig sa Alternatibong Pinoy. Tumindi rin ang panlasa ng mga nila hindi lang sa tugtugang Grunge (at iba pang klase ng musikang bato) kundi na rin sa "dugyot fashion" kung saan kasama ang pagsusuot ng mga rock shirts at pagpapahaba ng buhok.

Kung ang mga buhok noong Dekada Otsenta ay mala-Tina Turner at kailangang gamitan ng Aquanet, ang karaniwang hairstyle ng mga 90's rockers noon ay "walang pakialam". Oo, may mga gumagamit ng hair conditioner upang maging makintab ang kanilang mga buhok pero mas marami pa rin ang mga kabataang may mukhang napakabahong buhok. 'Yung tipong kapag nakita mo sila ay iisipin mong hindi na nagagamitan ng shampoo ang kanilang mga buhok ng ilang araw. May kung anong puwersa sa sanlibutan ang nagsabing mas mukhang dugyot, mas cool ang dating.

Naging idolo ng mga kabataan ang mga musikerong kanilang madalas marinig sa  radyo, makita sa teevee, at mabasa sa mga pahayagan at iba pang mga sulatin kaya naman hindi lang ang kanilang musika ang ginaya kundi pati na rin ang pagpapahaba ng buhok. Siakol, Razorback, The Youth, Eraserheads, Wolfgang, Datu's Tribe, Rivermaya, Alamid, Teeth, Dahong Palay, Philippine Violators, Wuds, Yano, at napakarami pang banda - halos lahat sila ay mga long hair. Kung hindi man sobrang haba ng kanilang mga buhok, siguradong mahaba pa rin. Mangilan-ngilan lang ang mga katulad ni Bamboo pagdating sa hairstyle.

Nagsimula akong magpahaba ng buhok noong ako ay nasa ikatlong taon ng hayskul. Hindi naging madali para sa akin ang pagkakaroon nito dahil kulot ang aking hokbu. Hindi ko naranasang magkaroon ng istilong ipinauso ni Keempee De Leon. Binalak kong magpaunat ng buhok ngunit umatras ang aking bayag nang makita ko ang isa kong tropa na nagmukhang-tae ang itsura nang gumastos sa parlor upang magpa-straight. Kahit na mukhang pugad na ang aking ulo ay isinumpa ko sa aking sarili na hinding-hindi ko ipapagalaw ang aking salot na buhok sa parlor upang ito ay tumuwid lamang.


Noong una ay hindi pa mahigpit sa eskuwelahan namin ang pagpapahaba ng buhok, basta't hindi lumalampas sa kilay ay puwede pa, ngunit nang dumami na ang kabataang mukhang mga sanggalo ay "to the rescue" ang aming prefect of discipline. Tuwing pagkatapos ng flag ceremony ay may sariling pila ang mga kalalakihan at iisa-isahin niya ang mga ulo nito upang tingnan kung mahaba ang kanilang mga buhok. 

Imposibleng hindi niya napapansin noon ang "bird's nest" sa ulo ko kaya naman takang-taka ako at ang aking mga kaklase sa kung bakit hindi ako kasama sa mga pinapaiwan. Hindi ko alam kung natatawa o naaawa siya sa itsura ko  kaya niya ako pinaliligtas. Maaring dahil mataas ang mga markang nakukuha ko sa subject naming Statistics na siya ang nagtuturo kaya dinededma niya ako sa pila. O sadyang pinagpapala pa rin ako ng Diyos noon kahit na nakikinig ako ng death metal.


Ang ganitong klase ng tagpo ay hindi lang sa St. John's Academy nagaganap noong mga panahong iyon kundi maging sa ibang mga eskuwelahan din. Ayon sa kuwento ng pinsan kong ka-eskuwela ang ilang mga miyembro ng grupong Weedd, ang kantang "Long Hair" ay naisulat ng grupo dahil sa paghihigpit sa mga estudyanteng may mahahabang buhok. Pumatok ang kanilang single dahil marami ng naka-relate. Ano nga ba ang pakialam niyo sa long hair namin?

Noong ako ay tumuntong sa kolehiyo ay mas humaba ang aking buhok. Lagpas-tengang sapat na upang matawag na "metal". 'Yung tipong nakakasabay sa agos ng musika pero pinandidirian ng ibang kababaihan dahil sa kanilang mabahong dating. Kuwento nga ng asawa ko, nagtataka ang mga kaklase niya noon sa kung bakit siya pumatol sa katulad kong nakakatakot ang itsura. Siyempre, because of love!

Hindi pa rin ako nakaligtas sa pagbabawal sa mga estudyante ng pagkakroon ng mahabang hair. Kung sa UP ay malaya ang mga tao sa kung ano ang gusto nilang gawin, ibahin mo sa Uste dahil bukod sa mga jaguars ay may mga makukulit at mahihigpit na mga professors na nagmamasid at nagpapalabas ng mga estudyanteng long hair. Nakakaligtas ako sa iba pero may isang mainit talaga sa akin.

Kinalimutan ko na ang pangalan niya pero tandang-tanda ko pa rin ang kanyang pang-asar na pagmumukha. Siya ang aming guro sa Balarila, at bago magsimula ang klase ay talagang iniisa-isa niya ang mga kalalakihan. Hindi niya talaga ako tinantanan dahil mga tatlong beses yata niya akong napalabas ng kuwarto kahit na ilang beses akong nakipagtalong hindi naman mahaba ang aking buhok. Hindi ko naman siya masisisi dahil bukod sa kanyang katandaan ay ipinapatupad lang niya ang panuntunan ng aming paaralan.

Isang araw ay sinadya kong pumasok nang huli sa kanyang klase upang ibahagi ang aking sorpresa. Laking gulat niya at ng buong klase nang makita nilang hindi na ako long hair kundi semi-kalbo na. Nagalit pa rin ang aming prof at ngumawa nang ngumawa dahil wala naman daw siyang sinabing ako ay magpakalbo. Pilit niya akong pinapapunta sa aming guidance counselor dahil kalokohang ginawa ko. Sa loob-loob ko, nagagalit siya sa akin noong mahaba ng buhok ko pero nang pinagupitan ko nang maigsi, ayaw niya pa rin. Umupo lang ako at binigyan ko siya nang nakakairitang ngiti na lalo niyang ikinaasar.

Hindi ako bumagsak sa kanyang klase pero tres lang yata ang nakuha kong marka. Salamat sa aking bagong hairstyle.


Simula noon ay hindi na ako nagpahaba ng buhok.



2 comments:

  1. Natawa ako dun sa part na nagpakalbo po kayo... Sabi ng mga matatanda, bawal daw mahabang bunok. Ayaw daw ni marcos? no idea

    ReplyDelete
  2. sir, nakakarelate ako jan sa long hair, kasi nararnasan ko rin ung pinalabas ako ng classroom nung college dahil sa mahabang buhok,haha

    ReplyDelete