Sunday, July 1, 2012

Sampu't Sari: Noel Palomo ng Siakol

NOEL PALOMO
"Gawing langit ang mundo."

Kapag ang isang tao ay tinamaan ni Mr. Kupido, may mga bagay na ginagawa nang hindi namamalayan.

Kahit na sandamakmak na mga punks, satanista, at alternatibong banda ang aking hilig ay naisingit ko pa ring pakinggan ng patago ang mga pamatay na kanta ng Air Supply at Bread nang ako ay makaramdam ng kakaibang pagtibok ng aking puso noong Nineteen Kopong Kopong. Kasama yata ito sa gintong aral na ibinahagi sa atin ni Donna Cruz - wala kang magagawa kundi sundin ito. Kapag may nagbibigay sa'yo ng matinding palpitation ay kailangan mo ng malufet na senti songs na pampakalma. Kailangan mo ng cheesy-ness at kabaduyan sa katawan dahil 'yun ang katotohanan. Umamin ka, ginawa mo rin ito.

Nag-iba ang pananaw ko sa mga kilig to the bones songs ng mga inlababo nang marinig ko ang "Lakas-Tama" ng grupong SIAKOL sa LA105.9. Taena, hindi naman pala kailangan ng mga katulad ni Jose Mari Chan upang may maialay na kanta sa isang dilag (lalo na kung ikaw ay isang 90's rocker). Puwede rin naman palang maging maingay.

Hebigat ang pagkakayari ng unang kantang nagpakilala sa orihinal na grupo nila Noel Palomo (vocals), Miniong Cervantes (guitars), Wowie Flores (bass), at Oyie Bunao (drums). Ismarte ang pagkakasulat ng liriko na animo'y matagal mo nang narinig at napakadaling sakyan; mahusay at talagang nakakalula ang ad lib ng gitara; at nakakayanig ang mga palo ng tambol. Hindi na ako nagulat nang malaman kong mula underground radio ay ipinatugtog at inangkin din nito ang weekly charts ng NU107.5 at iba pang istasyon ng radyo.

"Masyado nang magulo ang mundo, ano kaya ang magagawa natin para makatulong?"

Ito ang katanungang nag-udyok kina Noel at Wowie noong 1994 upang gumawa ng mga awiting may positibong mensahe para sa sambayanan. Ang pangarap na marinig ay mas lalong nabigyan ng katuparan nang sila ay kupkupin ng Alpha Recording Company upang maging recording artists.

Ang kanilang debut album na "Tayo na sa Paraiso" ay lumabas noong 1996. Tulad ng una nilang kanta, maganda ang naging pagtangkilik sa carrier single nitong "Peksman". Paborito ni bespren Geline ang sumunod na single nitong "Bakit Ba?" na madalas niyang tugtugin sa gitara kapag kami ay nag-iinuman. Ako naman, "Lagim" at "Kanto" ang mga kantang hanggang ngayon ay hindi nabubura sa aking playlist. Gasgas ko nang nabanggit sa iba kong naisulat pero sasabihin ko pa rin: walang itatapon na track dito mula Side A hanggang Side B.

Umani ng mga pagkilala at parangal ang grupo mula sa iba't ibang award-giving bodies - isang indikasyon na ang Siakol ay hindi isang "flavor of the month" na panandalian lamang. Kapag ang mga kanta ng isang banda ay madalas marinig sa mga nomnom sessions at mga bumibirit sa videoke, isa lang ang ibig sabihin. At kung maipalabas sa "Magpakailanman" ni Mel Tiangco ang inyong pinagmulan, eh walang kaduda-dudang hindi kayo pipitsugin!

Tulad ng inaasahan, nasundan ang unang album. Hindi lang ng isa kundi ng pito pang mga obra. "Rekta (1998)", "Pantasya (1999)", "Sa Pag-ikot Ng Mundo (2000)", "Karoling (2001)", "Hiwaga (2003)", "Kabilang Mundo (2006)", at "Tropa (2010)". Mula sa mga albums na ito ang mga hindi mabilang na mga hit singles na nagbigay ng mas matibay na pangalan ng Siakol sa industriya ng musikang Pilipino.

Current Members:
Noel Palomo - Vox / Guitar / Chief Songwriter
Miniong Cervantes - Guitars / Back-up Vocals
Wowie Flores - Bass
Peter Plazon - Drums (2012)

Former Members:
Wally Gaspar - Guitar (1st album)
Oyie Bunao - Drums (1st album to 6th album)
James Rodriguez - Drums (7th album & 8th album)

Mga Repakol, isang karangalan ang mapagbigyan ng nag-iisang SIR NOEL PALOMO. Ang tulad niyang alamat ay ang nagbibigay-kulay at patuloy na bumubuhay sa tunay na adhikain ng Rakrakang Pinoy!

Heto na ang kanyang kuwentong-karanasan:

1. Marami ang nagiging berde ang isipan kapag naririnig ang pangalan ng inyong grupo. Ano ang tunay na kuwento sa pangalang Siakol ?

Siakol, sa amin kasi dati sa Parañaque bukambibig na ang salitang Siakol. Kung isa sila sa nakakaalam nito hindi na siguro aabot pa para maging berde ang isipan nila. Maraming naging ibig sabihin ang Siakol na ngayon gusto na lang naming 'wag ng lagyan ng kahulugan at kung marinig man nila ang isipin na lang nila isang Bandang Pinoy. Una kong nagamit ang Siakol ng ipangalan ko s'ya sa Tropa ko sa Paranaque. Lalo ko s'yang nabigyan ng pansin ng mabanggit ito sa sitcom na Iskul Bukol na noon ay ibinalik ito sa telebisyon kumbaga replay. 'Yan ang tunay na kwento sa pangalan ng banda naming Siakol. May mahaba pang kwento 'yan.

2. Sa tatlong albums na inyong nagawa noong Dekada NoBenta, alin sa kanila ang may malalim na kaugnayan sa iyong personal na buhay at bakit?

Lahat naman may kaugnayan pero kung lalim siguro 'yung unang album sa dahilan na ito 'yung panahon na nagsisimula pa lang kami at nagsisimula pa lang akong gumawa ng kanta na hindi ko pa alam na maririnig ng mas nakararaming tao. Saka 'yun ang kwento na wala pa ako sa banda. Sa ngayon walo na ang album namin at may plano pang dagdagan.

3. Ano ang nagsisilbing “trademark” ng Siakol sa musikang Pinoy na nagustuhan ng masa? Ano ang sikreto sa pagiging matatag na banda na hanggang ngayon ay sumasabay pa rin sa rakrakan ng panahon?

Siguro mga tao na lang ang tanungin natin kung bakit nila nagustuhan na sa palagay ko at sinasabi nila eh ang natatanging liriko at tunog daw namin na sapul daw sa panlasang Pinoy. Parang mga tropa lang daw nila kami na kumakanta sa kanto. At ang sikreto talaga namin meron kaming gitaristang si Miniong Cervantes na wala sa iba. 'Yun ang kaibahan. Ganun din naman ang iba wala rin sa amin. Hehehe!

4. Naging maganda ang pagtanggap ng masa sa inyong mga awitin ngunit may mga kritiko pa ring naninira sa inyong grupo. Ano ang masasabi mo sa mga taong nagsasabi na masyadong “sell out” ang Siakol? Paano nakakaapekto ang mga ganitong klaseng komento sa iyo at sa iyong banda?

Hindi ko pa narinig o nabasa man lang 'yan. Kung meron man opinyon nila 'yon at wala kaming magagawa. Hindi kailanman makakaapekto sa ginagawa namin ang ganyang kababaw na pananaw. Nandito tayo para sa musika at walang bandang hindi naghangad para ito'y palawakin.

5. Bukod sa “Lakas Tama”, magbigay ng tatlong paborito mong awiting nalikha at dahilan kung bakit.

Depende sa mood.

6. Kung magkakatotoo ang April Fool’s Day prank na “TR3SPASSING: 3-in-1 Reunion Concert featuring The Eraserheads, Rivermaya, and Yano” at isa ang grupo niyo na tutugtog ng dalawa sa mga hindi naging singles ng bawat banda, ano ang mga pipiliin niyong kanta mula sa kanila? Naging tagahanga ka rin ba nila? Kung oo, paano sila nakaapekto sa istilo ng iyong pagsusulat?

Kahit anong kanta nila walang problema. lahat naman 'yan magaganda. Kumbaga walang panapon. Kung naging tagahanga ako? Oo naman. Sobra. Number 1 fan ako ng mga bandang Pinoy. Sila ang dahilan kaya masarap maging banda. Dun ako naapektuhan nila para magsikap maging banda. Sa mga kanta kasi wala pa sila sa ere matagal ko ng nagawa mga kanta namin sa unang album. Mga kanta ko nung High School pa 'ko. Pero nakaapekto rin sila sa mga bago bago ko ng kanta. Ganun naman dapat. Kahit saan mang aspeto may pinanggagalingan sa buhay ng tao lalo na sa kapwa musikero.

7. Ano ang pinakapaborito mong pelikulang nagawa ni Robin Padilla noong Dekada NoBenta at bakit? Ano ang mga naaalala mong pinauso ni Bad Boy noong kanyang kasikatan?

Naging paborito ko sa pelikula ni Robin Padilla siguro 'yung "Maging Sino Ka Man" nila ni Sharon Cuneta. Astig ng istorya at ng pagkakaganap nila! Ang alam kong pinauso n'ya 'yung paglalagay n'ya ng bandana sa ulo.

8. Ano ang paborito mong rock t-shirt na naisuot noong 90’s? Ano ang masasabi mo sa mga poserong nagsusuot ng pang-itaas na may mukha ni Che Guevara na sa paniniwala nila ay ang bokalista ng Rage Against the Machine?

Nagsimula ako noon Crispa pa ang t-shirt ko. Nagsimula sa small hanggang hindi na magkasya kahit large. Hahaha! 'Yung pagsusuot ng damit na may mukha ni Che Guevara wala namang masama sa ganon pero 'yung pagkamalan s'yang bokalista ng RATM dun lang nagka-problema. Hehe!

9. Nagkaroon ka ba ng Tamagotchi? Paano mo ikukumpara ang mga gadgets ng Batang Nineties noon sa mga gadgets ng mga bata ngayon?

Hindi ako nagkaroon ng Tamagotchi. Ang masasabi ko lang eh walang sinabi ang mga gadgets noong nineties sa gadgets naming mga bata ngayon. Hahaha!

10. Sabihin kung ano ang unang pumapasok sa isipan kapag ito ay naririnig o nababasa:

           A. Teletubbies - Theme song nila.
           B. Chicago Bulls - Syempre Michael Jordan.
           C. Tropang Trumpo - Parang Bubble Gang?
           D. ‘Sang Linggo nAPO Sila - Katapat ng Eat Bulaga! Madalas 
                    mag-guest ang mga banda.
           E. Bioman - Dehins.
           F. Street Fighter - Video game?
           G. Christina Aguilera - Kaibigan ni Britney.
           H. Mayric’s - Dodong Viray, Jing Garcia & Keltscross days.
           I. MC Hammer - Ice, Ice Baby!
           J. Ungga Ayala - Starzan ni Joey De Leon.

Mensahe sa mga Batang Nineties:

Sa mga 90's Kids, hindi na tayo pabata! Maraming salamat sa lahat ng naniwala sa aming musika at hanggang ngayon ay sinasariwa pa ang panahong minsan tayo'y mga agresibo pa. Ang diwa ng musika ay wala sa panahon kundi sa aral nito kung paano ka hinubog at kung ano ang kinalabasan mo sa ngayon bilang tao. Kung paano mo ibinabahagi ang kagandahan nito para sa bagong henerasyon. MaBuhay ang Musikang Pilipino! Mabuhay ang mga Bandang Pinoy! Mabuhay ang Dekada Nobenta!


SIR, MARAMING SALAMAT AT RAKENROL! \m/




7 comments:

  1. bakit ba? ang peborits ko sa kanta ng syakols :D

    ReplyDelete
  2. Siakol # 1 talaga para sa akin magkatinginan pa ng phone sino pinakamaraming kanta ng siakol haha

    Markaaroncabuhoc@gmail.com add me on fb :)

    ReplyDelete
  3. the best talaga ang bandang siakol nakakagaan ng mood, salamat sa musika

    ReplyDelete
  4. the best talaga ang bandang siakol nakakagaan ng mood, salamat sa musika

    ReplyDelete
  5. Idol Siakol Repakol Sir Noel Palomo saludo sir Miniong Cervantes, Sir Wowie Flores, Sir Peter Plazon, Sir Oyie Bunao, Sir James, Sir Wally Gaspar... haymabu.. intheplanet siakol rex copada, thaliepacelo, manager alvin llaneta... and the whole team haymabu po..

    ReplyDelete