Saturday, November 2, 2013

Bullet in the Head


"Isa kang Batang 90's kung alam mo ang pangalan ng salarin sa Hultman-Chapman Double Murder Case."

Masarap manirahan sa Pilipinas dahil malaya ang mga tao.

Ang siste nga lang, ang sobrang kalayaan nating mga Pinoy ay nagiging dahilan minsan upang matakot tayong mamuhay sa Lupang Hinirang.

Gaano ka kasiguradong hindi ka mapapahamak sa iyong paglalakad sa isang madilim na lugar sa dis-oras ng gabi? Ako, sigurado akong "Hindi ako sigurado." ang isasagot mo.

Mahal ko ang bayan ni Juan ngunit minsan ay napapaisip akong manirahan nalang sa ibang bansa kung saan wala kang pangambang iniisip sa tuwing maglalakad nang mag-isa. Hindi ko sinasabing ligtas sa ibang mga bansa pero alam nating may ilang mga bayan na mas mababa ang bilang ng mga krimeng nagaganap. 

Hindi na tayo nagugulat ngayon sa mga balitang may isang babaeng ginahasa sa isang eskinita bago ginilitan. O kaya naman ay isang binatilyong hinoldap muna tsaka pinatay. Ice pick, balisong, baril, at iba pang mga bagay na nakamamatay - name it, we have it!

Kahit na noong Dekada NoBenta, ang mga krimeng katulad ng nabanggit ko ay hindi na bago dahil simula nang mawala ang kinatatakutang kurpyo, mas dumami ang mga ganitong klase ng karahasan. Madalas silang laman ng mga pangunahing-balita sa teevee at ng mga duguang front pages ng mga pahayagan.

Pero paano kung ang sangkot sa krimen ay kapwa mayayaman at naganap sa isang eksklusibong lugar na pinamumugaran ng mga bigatin ng bayan? Mas nakakagulat, hindi ba?

July 13, 1991 nang maganap ang krimeng mas kilala ngayon bilang "Hultman-Chapman Double Murder Case".

Ayon sa mga tala at mga testimonya, inimbitahan ni Jussi Olavi Leino (24 taong-gulang) sila Roland John Chapman (21 taong-gulang), ang 16-anyos na si Maureen Hultman, at iba pa niyang mga kaibigan sa kanilang bahay sa Forbes Park, Makati para sa isang munting salu-salo na nagsimula bandang 8:30 ng gabi at natapos ng alas-dose ng hatinggabi. Nagkayayaan silang pumunta sa Roxy's na tambayan ng mga estudyante ng International School. Matapos ang isang oras ay lumipat sila sa Vintage, isa pang pub sa Makati, kung saan nagpalipas sila ng oras hanggang alas-tres ng madaling-araw.

Nang magkayayaan na ng uwian ay hinatid nina Leino at Chapman si Maureen patungo sa kanilang lugar sa DasmariƱas Village, Makati. Nasa Campanilla Street ang bahay ni Hultman ngunit pinakiusapan niya ang mga kaibigan na ibaba nalang siya sa Mahogany Street na nasa isang kanto ang layo mula sa kanila. Maglalakad nalang daw siya dahil ayaw niyang magising ang kanyang mga magulang sa kanyang pag-uwi lalo na at madaling-araw na.

Sinamahan ni Jussi si Maureen sa paglalakad patungo sa kanilang bahay habang naiwan naman si Roland sa kotse. Nang makarating sa kanto ng Caballero at Mahogany ay hinintuan sila ng isang kotseng Mitsubishi Lancer kung saan nakasakay si Claudio Teehankee, Jr. na nagtanong kung sino sila. Ipinakita ni  Leino ng kanyang I.D. sa Asian Development Bank ngunit ito'y ibinulsa lamang ni Teehankee.

Natanaw ni Chapman ang nangyayari kaya pinuntahan nito ang mga kaibigan. Tinanong niya si Claudio ng "Why are you bothering us?". Walang sabi-sabi ay tinulak ng salarin ang binata, bumunot ng baril, at pinaputukan sa dibdib na ikinamatay kaagad ni Chapman. Tinutukan ng boga sina Leino at Hultman na naging dahilan upang sila ay sumunod sa utos ni Teehankee na umupo sila sa bangketa. Ilang minuto lang lumipas ay binaril ni Teehankee sa panga si Leino at isinunod si Hultman na binaril naman siya sa sentido. Matapos nito ay sumakay siya sa kanyang kotse at umalis na parang walang nangyari.


Noong una itong naibalita sa mga pahayagan ay hindi pa masyadong napansin dahil wala pa namang nakakapagturo sa kung sino ang salarin. Tatlo ang sinasabing nakakita sa krimeng naganap - ang mga pribadong sekyu na sina Domingo Florence at Agripino Cadenas, at ang family driver na si Vincent Mangubat, na pawang mga "stay-in" sa mga residente ng Dasma. Hindi nakuha ng mga testigo ang eksaktong plaka ng kotse ng salarin maliban nalang sa numero nitong "566" sa huli na ayon sa mga dokumento ay dalawang residente ng DV ang nagmamy-ari. 

Tatlong araw makalipas ng krimen ay natukoy ng NBI na ang plaka ng kotseng ginamit ng salarin ay "PDW 566" na pagmamay-ari ni "Bobbins" Teehankee. Siya at inaresto noong July 24, 1991 at pansamantalang ikinulong sa Makati City Jail.

Naging sentro ng mga balita at talagang tinutukan ng sambayanan ang pangyayaring ito. Una, dahil ang mg biktima ay galing sa mga angkan ng mayayaman - isang Amerikano, isang Finnish, at isang Swedish-Pinay. Pangalawa, nangyari ito sa isang eksklusibong village sa Makati na sa tingin ng karamihan ay todo-todo ang seguridad. Pangatlo, ang salarin ng krimen ay anak ng dating Chief Justice ng Pilipinas. Oo, anak siya ng CJ na kasama ni Tita Cory sa panunumpa bilang pangulo noong kasagsagan ng EDSA Revolution. Pang-apat, tumatak sa isipan nating mga Pinoy ang kalunus-lunos na sinapit ni Maureen sa kamay ni Bobbins. Nakuha ng pamilya Hultman ang simpatya ng buong bansa. Talaga namang maaawa ka sa hitsura ng dalagita habang siya ay nasa ICU at maluluha ka sa tuwing makikita ang mga magulang niya sa kanyang tabi. Galit ang naramdaman ng madla sa pagkitil ni Teehankee sa buhay ng isang dalagita na ayon sa mga karamihan ay malayo pa sana ang mararating.

Nakaligtas si Leino sa pamamaril na naganap ngunit naapektuhan ng bala ang kanyang pagsasalita. Ganun pa man, hindi ito naging balakid upang siya ang maging "star witness". Ang kanyang mga testimonya at pagkamatay ni Maureen noong October 17, 1991 o 97 na araw matapos ang pamamaril, ang naging dahilan ng pagkatalo ni Teehankee sa kaso. December 22, 1992, sa sala ni Judge Job B. Madayag ng  Makati City Regional Trial Court, Branch 145, si Bobbins ay nahatulan sa kasong "double at frustrated murder". Bukod sa habang-buhay na pagkakabilanggo ay pinagbayad din siya ng himigit-kumulang Php18 milyong para sa danyos at attorney's fees.

Ang krimeng ito kasama ang "Vizconde Massacre" (June 30, 1991) at ang kaso ng pagpatay (July 2, 1991) ni Rolito Go kay Eldon Maguan ay ang nakapagpausad upang mapag-usapang muli ang panunumbalik ng parusang-kamatayan.

Fast-forward sa taong 2008, labing-tatlong taon makalipas ang krimen, si Claudio Teehankee Jr. ay nabigyan ng "executive clemency" ng dating pagulong si Gloria Macapagal-Arroyo. October 2, 2008, lumaya mula sa Muntinlupa National Bilibid Prison. Bukod sa pagiging anak ng dating punong-mahistrado, kapatid din siya ni Manuel Teehankee, isang "midnight appointee" ni PGMA. Marami ang nabigla sa desisyon ng dating pangulo kaya may mga tsismis na kumalat na may kaugnayan ang duwende sa pusakal. Mariin naman itong pinabulaanan ng Malakanyang at sinabing maganda ang ipinakita ni Claudio habang siya ay nasa bilangguan kaya siya nabigyan ng "clemency".

Sa mga ganitong pagkakataon, nanaisin mo pa bang manirahan sa Pilipinas kung saan malayang nakakagala ang isang pusakal na pumatay ng tatlong inosenteng nilalang?

Violation of justice? It's more fun in the Philippines!



2 comments:

  1. Same thing happened to Visconde massacre i cant really understand the justice system in our country,yet still i coming back where i was born. Justice was not served to them BUT GOD will do the final justice. God too, granted them eternal happines.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hubert Webb was wrongfully accused in the Vizconde case. He was proven to be in the USA when the crime happened. Teehankee on the other hand, is guilty as f*ck and does not deserve to be pardoned at all.

      Delete