Tuesday, April 5, 2011

Turok


Sa pagkakabitay ng tatlo nating mga kababayan kamakailan dito sa lupain ng mga singkit (kung saan ako naroroon ngayon) ay may naalala akong mga pangyayari noong Dekada NoBenta. Una ay ang pagkakabitay kay Flor Contemplacion sa Singapore dahil sa salang pagpatay sa isang kababayan. Ang pangalawa naman ay ang panahon kung kailan unang itinurok ang LETHAL INJECTION sa Pilipinas.

Nang maupo si yumaong Tita Cory bilang pinakamakapangyarihang babae sa ating bansa ay tinanggal niya ang parusang kamatayan na minana niya sa aking idol na si Ferdinand E. Marcos. Ayon sa istatistika, mas tumaas ang krimen at mga karumaldumal na karahasan magmula nang mawalan ng kuryente ang electric chair na ginamit sa administrasyon ni Makoy. Kaya noong 1994, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng crime rate, ay ibinalik ang Capital Punishment. Ayon sa panibagong batas, lahat ng mapapatunayang nagkasala sa ilalim ng mga "heinous crimes" (kasama dito ang mga salang panggagahasa, pagpatay, kidnapping, pagtutulak ng droga, at carnapping na laganap noong panahon ko) ay papatawan ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng Gas Chamber. Habang hindi pa available ang chamber, ay napagpasyahan ng mga mambabatas na electric chair muna ang gagamitin sa pagpataw ng kamatayan. Ang siste ay wala na pa lang natira sa de-kuryenteng upuan na huling pinaglutuan ng tumbong ni Lim Seng, isang convicted drug trafficker. Pinapunta sa America ang isang kinatawan ng pamahalaan para bumili nito kaso ang sabi ni Uncle Sam ay matagal na silang hindi gumagamit ng laruan na 'yun kaya nakalimutan na nilang gumawa nito. Pag-uwi sa Pinas, dala-dala na ang Lethal Injection na nai-offer ng mga Kano. Taena lang, gumagawa ng isang batas na walang basehan. Hindi muna nagtanong kung obsolete na ang gagamitin, kailangan pa tuloy i-amenda ang nagawa nang batas!

Ang sabi ng mga taong pumapanig dito, ang lethal injection daw ang pinakamakataong pamamaraan para kumitil ng buhay ng isang nagkasala. May tatlo itong ginagamit na mga gamot upang maging "less painful" daw ang pagkamatay. Ang SODIUM THIOPENTAL ay ang gamot na itinuturok upang mawalan ng malay ang isang tao sa loob ng ilang segundo lang. Sunod na itinuturok naman ang PANCURONIUM na isang uri ng gamot na nagpapahinto ng paggalaw ng diaphragm at mga respiratory muscles na dahilan upang mamatay sa pamamagitan ng asphyxation. At para siguradong walang-kawala ay tinuturukan din ng POTASSIUM CHLORIDE na nagpaphinto ng tibok ng puso.

Naitampok dati sa teevee ang proseso ng pagturok at nasali sa usapan ang (mga) taong nagsasagawa nito. Hindi naman pala nakasalalay sa iisang tao ang pagkamatay ng offender. Dalawa silang nagtuturok ngunit hindi nila alam kung ang itinuturok nila ay ang gamot mismo o isang "saline solution" lang. Ito ay para mawala ang "guilty feeling". Naibalita pa nga na malaki daw ang suweldo ng mga tagaturok. Ewan ko lang, parang ang hirap tumanggap ng sahod kapag alam mong may nawalang buhay!

Sa totoo lang, ang kauna-unahan dapat na naturukan ng lethal injection sa Pilipinas ay si Fernando Galera na nagkasala sa kasong rape at robbery ngunit parang buzzer beater ang Supreme Court nang magbaba sila ng pagpapasyang inosente raw ito kaya napawalang-sala. Kung nagkataon, 1997 dapat siya nawala sa mundo.

1999, limang taon matapos mabigyang-bisa ang parusang kamatayan ay pumutok ang pangalan ni LEO PILO ECHEGARAY dahil siya lang naman ang kauna-unahanng naka-sked na mamatay sa Death Chamber sa Bilibid. 

Masalimuot ang buhay ng taong ito. Hiniwalayan ng kanyang unang asawa nang malamang may "bawal na relasyon" siya sa kanilang kapitbahay. Dahil doon ay sumama rin sa ibang lalaki ang asawa niya kung saan nagkaroon ito ng anak na babae. Sa 'di malamang dahilan, bumalik rin ang babae kay Leo makalipas ang panahon upang sila ay muling magsama. Dito na nagsimula ang sinasabing karumal-dumal na panggagahasa ni Leo kay "BABY", ang kanyang stepdaughter. Ayon sa bata, ang pangmomolestiya sa kanya ay nangyari simula noong siya ay nasa edad na sampung taon, bandang April 1994. Dahil dito ay nahatulan siya ng Branch 104 ng Regional Trial Court sa Quezon City ng death sentence noong September 7, 1994. Pinag-aralan ulit ang desisyon ng korte at ito ay muling ipinagtibay noong June 25, 1996.

Ang original na schedule ng pagbitay sa convicted rapist ay noong January 4, 1999 ngunit dahil sa napakaraming mga tumutuligsa sa legalidad at moralidad na dulot ng parusang kamatayan ay napagpasyahan ng Kongreso na pag-aralan ang kaso. Tatlong oras bago ang takdang pagbitay ay na-postpone ito. Umapela rin si Echegaray ngunit ito ay muling 'di sinang-ayunan base sa ibinabang hatol ng korte noong January 19, 1999.

Noong mga panahong iyon ay kasikatan ng "Ang Dating Doon" nila Brod Pete at mayroon ding version nito si Joey De Leon sa Eat Bulaga. Napanood ko ang episode tungkol sa usaping ito. Ang tanong ay ganito "May senyales bang matutuloy ang bitay kay Leo Echegaray?". Malufet ang sagot ni Sir Joey. Basahin daw pabaligtad ang LEO. OEL (bigkasin na parang oil). Ano daw ang tagalog ng oil? Basahin pabaligtad ang langis. SIGNAL!! Ayus sa olrayt!

Sa eskuwelahan naman ay tinanong kami ng aming prof na si Atty. Engr. De Alban kung sang-ayon ba kami sa death penalty. Marami sa amin ay "oo" ang sagot dahil gusto naming matakot ang mga taong gumagawa ng krimen. Ang tanong niya sa amin, "Maiisip mo pa ba ang parusang kamatayan kung bulag na ang isipan mo sa galit at gustung-gusto mo nang pumatay ng kaaway mo?". Sunod ay binanggit niya ang pangalan ni Bing Bong Crisologo na dating isang taranatado na naging isang pastor. Parusang kamatayan ang iginawad sa kanya noong panahon ng Martial Law ngunit nabigyan ng clemency ni Marcos. Ibig niya lang sabihin ay may second chance ang lahat ng tao. Pangatlo ay ang paniniwalang-relihiyon - walang sino man ang binigyan ng karapatan upang kumitil ng buhay ng ibang tao. Hindi na kami nakipagtalo sa prof naming abogadong inhinyero.

February 5, 1999 ang natuloy na schedule ng pagbitay kay Echegaray. Isa ako sa mga tumutok sa teevee upang mapanood ang mga huling sandali ng taong kinamuhian at kinaaawaan ng sambayanan. Maraming film producers ang nakatutok rin dahil gusto nilang mabili ang rights ng kuwento upang gawin itong "pito-pito film"."Grand exit" ang paglabas niya sa kulungan noong madaling-araw. Nakasuot ng typical na orange na uniform ng mga bilanggo, may suot ding crucifix, at hawak ang isang Bibliya. Kapansin-pansin ang kayang orange wristband na katulad ng isinusuot ni Joseph Estrada na noon ay presidente ng Pinas. 

Tanging si Erap lang ang puwedeng magpahinto ng pagbitay kay Leo ngunit naging matigas ang presidente sa kanyang desisyon na huwag bigyan ng clemency ang convicted rapist. Ayon pa nga sa balita ay pinaputol daw ni Erap ang linya ng teleponong nag-uugnay sa Palasyo at Death Chamber. Hindi rin niya pinakinggan ang pakiusap ng simbahan, maging ng Vatican, na huwag ituloy ang pagkitil ng buhay.

Pati ang huling pinagsaluhang pagkain ni Leo, kanyang pangalawang asawang si Zenaida Javier (na nakilala niya sa loob ng Munti), at mga kamag-anak ay inusisa ng mga Pinoy. SARDINAS at TUYO lang ang hiniling niyang ulam sa kanyang mga huling sandali. Walang crispy pata at lechon dahil hindi siya magmumukhang kaawa-awa kapag 'yun ang inorder niya!

Masyadong naging sensationalized ang pagturok kay Leo. Ito ay sinaksihan ng mga kaanak niya kasama ang mga piling tao mula sa iba't ibang sektor ng lipunan - mga mambabatas, media reporters, alagad ng simbahan, at mga opisyal ng kulungan kaya nagmukha tuloy itong circus. 

3:19 pm nang ihayag na binawian na ng buhay ang sinasabing gumahasa sa kanyang anak-anakan. Bago niya harapin si San Pedro ay ito ang kanyang mga binitiwang salita: "Sambayanang Pilipino, patawarin ako sa kasalanang ipinaratang niyo sa akin. Pilipino, pinatay ng kapwa Pilipino".




PAHABOL:



HUMIHINGI PO AKO SA INYO NG SUPORTA SA PAMAMAGITAN NG PAGBOTO SA  NOBENTA SA 12TH PHILIPPINE WEB AWARDS.

Para iboto ang aking walang kuwentang tambayan, please visit:  

PWA PEOPLE'S CHOICE

and click "NoBenta - Reminiscing the 90's" under blog category.

Maraming Salamat Po!!


21 comments:

  1. di ko na matandaan yung detalye sa lethal injection kay leo echegaray. buti natatandaan mo pa sir.

    para sa akin, okay lang ang lethal injection.

    ReplyDelete
  2. nice article :) at wow, nominee ka big time ka na pare. :) sige boto kita

    ReplyDelete
  3. parekoy, maraming salamat sa suporta! \m/

    ReplyDelete
  4. medyo sikat kasi siya noong panahon ko kaya tanda ko pa ang mga ilang detalye. mas matanda lang talaga ako sa 'yo!

    ok rin sa akin ang lethal injection. dapat talagang ibalik ang death penalty.

    ReplyDelete
  5. Dapat ibalik ang Death Penalty talaga pare. Walang kailangang mamatay kung walang mga taong gagawa ng krimen. Kaya ang daming mga kung-ano anong balita sa TV eh, walang takot ang mga tao.

    ReplyDelete
  6. boss ganda ng mga article mo, sana makilala kita ng personal kasi talagang nostalgic sickness na yung nararamdaman ko sa 90's... hay.

    ReplyDelete
  7. tama ka parekoy. kahit ako, sang-ayon ako sa death penalty. \m/

    ReplyDelete
  8. salamat parekoy! malamang ay batang nineties ka kaya nagustuhan mo ang article. tambay ka lang dito. marami pang alaala ang babali sa'yong isipan. gusto man kitang makilala ng personal ay mahihirapan dahil nandito ako sa china! \m/

    ReplyDelete
  9. congratz sir for the nomination....you deserve it...I'm also in favor of the "death penalty"...they should bring it back..

    ReplyDelete
  10. gagana lang ang Death Penalty kung maaayos ang Justice System sa Bansa natin. Panu yung mga mahihirap na sine-set-up ng isang mayamang maimpluwensya?

    ReplyDelete
  11. tulad ng dati, ang lupet pa rin ng nilalaman ng blog post mo ser. siksik-liglig sa impormasyon at walang latak na natatapon. straight facts sauteed with personal reminscences! ito ang gusto ko sa blog na 'to.

    ewan ko pero para sakin, kelangang ibalik ang death penalty sa pinas. mamatay na ang mga taong walang alam na patuloy kumukundena rito. puro moralidad shit ang sinasabi, wala namang mas matibay na solusyong idinudulog para mabawasan ang mga sanggano't gago sa lipunan.

    nakakatakot na ngayon kasi kahit saan, pwede kang tambangan ng mga hinayupak na 'to. walang piniling lugar at oras. kaya naman naninindigan akong walang mas matibay na solusyon kundi ang ipamuka sa mga hayop na 'tong lintik lang ang walang ganti sa mga ginawa nilang katarantaduhan.

    p.s. bumoto ule sa sinasalihan mong pakonteshit, ser. all the best! \m/

    ReplyDelete
  12. salamat parekoy at welcome sa pagtambay!

    ReplyDelete
  13. gusto ko ang sinabi mong malufet:

    "straight facts sauteed with personal reminiscences"

    PWEDENG GAMITING BLOG DESCRIPTION!! salamas parekoy! \m/

    ReplyDelete
  14. tama, sang-ayon ako sa sinabi mo! walang mangyayari kung pulpol lang ang nasa gobyerno! \m/

    ReplyDelete
  15. Naalala ko ang kasong ito. Ang kinakagalit ko ng matindi dito eh yung ginawa ng simbahan nun para lang wag matuloy ang pagbitay. Nagpakalat sila ng pamphlet sa mga simbahan tungkol kay Baby Echegaray. Kesyo daw malandi raw itong bata at stepdaughter nya lang naman ito (at that time, kini-claim na tatay daw nya si Leo pero ayon daw yun sa nanay nung bata). Mantakin mo yun! Para lang wag lang matuloy ang pagbitay sa rapist, sinisiraan ang ni-rape. Ang gandang logic ng Simbahang Katoliko!!

    ReplyDelete
  16. Kung mababalik ang Lethal Injection, unahin yung mga mayayaman! Tulad nina Rolito Go, Mayor Sanchez, at yung mga political dynasty sa Mindanao na nang-masaker ng maraming tao.

    ReplyDelete
  17. Very informative. Naalala ko ito...nainis lang ako sa LAST WORDS ni Echegaray: "
    Sambayanang Pilipino, patawarin ako sa kasalanang ipinaratang niyo sa akin. Pilipino, pinatay ng kapwa Pilipino
    ". Josme naman!!! Humingi pa nang awa na para bang wala naman syang maling ginawa! Kainis! Oh well...tutal wala na sya, mananahimik na ako.


    Ako rin, pabor na maibalik ang DEATH PENALTY pero bago yun, kelangan muna ang tamang implementasyon sa lahat ng batas kasi kung hindi naman naiimplement nang tama...wala ring mangyayari, may death penalty man o wala. . .

    ReplyDelete
  18. tama, mas kailangan muna ang matibay na sistema dahil kung wala nito, wala talagang mangyayari. salamat sa pagdaan!

    ReplyDelete
  19. Si Atty. Engr. Josefin de Alban, Jr. ba yan ng UST? Dean na sya ngayon ng Faculty of Engineering.

    ReplyDelete
  20. dapat lang na ibalik ang death penalty sa pinas lalo na sa mga rapist?

    ReplyDelete