"Isa kang Batang 90's na diehard fan kung sinagupa mo ang bagsik ng Habagat para lang mapanood ang konsiyerto ng The Smashing Pumpkins sa Araneta."
Habang hinihintay ang aking maleta sa baggage carousel ng unti-unting nabubulok na NAIA 1 ay may nakita akong dalawang long-haired na puti. May dala silang mga kahong lalagyan ng kung anong instrumentong pangmusika kaya sa tingin ko ay mga rakista silang miyembro ng isang kombo-kombo. August 5 ako dumating mula China kaya bigla akong napaisip na baka kako nakasabay ko sa paliparan ang grupong yayanig sa Araneta, ang THE SMASHING PUMPKINS.
Kinabukasan, nakita ko sa efbee na madaling-araw ng a-sais dumating ang iniidolo kong grupo. Sa kasabikan ay muntikang maubos ang umaga ko sa paghagilap ng impormasyon kung saang hotel tumuloy at saan gaganapin ang nakatakdang presscon ng araw na iyon. Nabalitaan ko kay KaDekads Grace C. na nasa EDSA Shangri-La Hotel daw sila pareng Billy. Noong kabataan ko ay nasabi ko sa aking sarili na kapag dumalaw sila sa Pinas ay aabangan ko sila sa labas ng mga kanilang kuwarto para lang makita sila nang harap-harapan, makapagpapapektyur, at makapagpa-autograph.
Yayakarin ko na sana si misis na mag-gate crash pero bukod sa baka hindi naman doon ang eksaktong lugar, eh sobrang lakas ng ulan. Umurong ang bayag ko. Nakita ko kasi sa teevee ang mga apektadong lugar ng bahang lampas-tao kaya nagdalawang-isip na akong maging adventurous. Langoy-aso lang ang alam ko kapag hanggang dibdib na ang tubig. Buti pa si pareng Francis Brew, na-interview si William Patrick Corgan, Jr. 'Di bale, bukas naman na ang konsiyerto.
AUGUST 7. Ang sarap ng pakiramdam kapag wala ka sa ibang bansa at nakikita mo kaagad sa paggising ang iyong mga anak at labs. Mas sumasaya ang morning kapag alam mong ilang oras nalang ay mapapanood mo na ang rakrakan ng isa sa mga pinakamalufet na rock icons ng Dekada NoBenta. Sabi ko kay misis, agahan namin dahil baka sumilip sila Nicole Fiorentino sa pila; kailangang makapagpa-kodak at makapagpapirma sa kopya ng CD ng "Oceania".
Naki-uzi sa iba't ibang sosyalan sa mundo ng internet, kumalat ang balitang "postpone or cancel?" dahil sa matinding pag-ulan. Nagbigay ng pahayag ang Araneta at mga organizers na pinag-uusapan pa kung matutuloy ang tugtugan. Naging tunay na "ocean niya" na ang Pilipinas. Ayon nga sa isang komento, "Manila is a vampire...sent to rain..". Marami ang kinabahan dahil baka hindi na matuloy ang pinapangarap na konsiyerto ng mga Batang 90's. Buti nalang at napakabait ni Bro at heto ang nabasang tweet mula sa frontman ng SP mga bandang alas-tres ng hapon:
"Detroy the mind, destroy the body, but you cannot destroy the heart."
Kaya mahal na mahal namin ang tropa ni idol.
Wala nang atrasan. May naka-sked na gig ang SP sa Taipei sa August 10, kaya ano mang mangyari ay siguradong tuloy na ang AUGUST 8. Ayaw pa ring ngumiti ng Haring Araw, daig pa rin siya ng trespassing na si Habagat. Potah, alas-kuwatro pa lang ay umalis na kami ni misis ng bahay dahil napanood namin sa teevee na buhul-buhol ang trapiko sa dati naman nang 'di-umuusad na EDSA. Magaling ang service driver naming si Jeffrey kaya nakarating kami sa Cubao ng mga bandang ala-sais.
Pagbaba namin sa Araneta Coliseum ay biglang sumanib kaagad sa akin ang kaluluwa ng Nineties. Taena, ang sarap ng pakiramdam kapag nakikita mo ang mga kaedaran mong nagsama-sama para sa isang 'di-malilimutang pagkakataon. DALAWANG DEKADA NAMIN SILANG HININTAY. Bakas sa bawa't mukha ng mga "kids in black" ang saya at labis na kasabikan. Kahit na wala na sila D'arcy, James, at Jimmy sa grupo ay "dream come true" ang makita ang SP. Dati ay pinapanood ko lang sila sa MTV; dati ay nagpapakahirap ako sa paghahanap ng mga pirated videos nila sa Recto; dati ay nangangarap lang akong hume-headbang sa kanilang live performance. Pero ngayon, mararanasan ko na. Kahit wala na akong regalo kay Santa Claus ngayong Pasko, okay na okay na sa akin ito!
"Today is the greatest day I've ever known."
Hindi kailanman maiintindihan ng isang hindi taga-hanga ang pakiramdam sa kuwentong ito.
Hindi ko na sila naabutan. Westlife na kasi ang sikat nung teenager ako eh. hehe.
ReplyDelete