Thursday, November 22, 2012

Fuck You, I Won't Do What You Tell Me

"Isa kang Batang Nineties kung alam mo ang signature song ng RATM."

Noong aking kabataan, pinangarap kong maging isang aktibista dahil gusto kong iparating sa mga kinauukulan ang mga hinaing ko sa gobyerno bilang isang mamamayan ng bansang Pinas. Sa loob-loob ko, handa akong sumama sa mga kilos-protesta sa labas ng Palasyo ng Malacañan. Isisigaw ko ng todo ang boses ng pakikibaka. Itataas ko ang mga karatulang naglalaman ng mga mensahe ng sambayanan. Kakayanin ko ang pagbomba ng mga bombero. Kahit pa mga nalusaw na tae mula sa septic tank ang ibuga ng kanilang mga hose ay sasagupain ko ito ng walang pag-aalinlangan.

Karaniwan sa mga agresibong Juan Dela Cruz, na sabihin nating mga bespren ng administrasyon, ay ganito ang pamamaraan upang mapansin ng mga nakapuwesto.

Ang iba naman, idinadaan sa rakrakan. Gumagamit ng mikropono. Mga instrumentong pang-musika.

Dito nakilala ang grupong RAGE AGAINST THE MACHINE na kinabibilangan nila  Zack de la Rocha (vocalist), Tim Commerford (bassist and backing vocalist), Tom Morello (guitarist), at  Brad Wilk (drummer).

Ang American rap-metal / rock band na ito ang isa sa mga dahilan upang matapos ang "hidwaan" sa pagitan ng mga "metal" at "hiphoppers" sa Lupang Hinirang noong Dekada NoBenta. Ang kanilang klase ngtugtugan ay isang patunay na puwedeng maghalo ang rap at rock bilang isang grupo at hindi lang isang collaboration tulad ng ginagawa noon ng Aerosmith at Run DMC.

Ipinaalala sa akin ni pareng SPIN kanina na dalawang dekada na ang nakakaraan nang lumabas ang self-titled debut album ng RATM. Ang unang single nito na inere noong November 25, 1992 ay ang "KILLING IN THE NAME" na naging pinakatanyag na kanta ng kanilang grupo.

Matindi ang guitar riffs dito ni Tom Morello na ginamitan ng "dropped D tuning". Mahirap gayahin ang malufet na guitar solo na kung pakikinggan ay mukhang si idol lang ang makakagawa at wala nang iba. Isa ito sa mga paboritong tipain ni utol Pot sa gitara kahit na hirap siya. Sayang lang at hindi nagawang tugtugin ito sa grupo naming Demo From Mars.

Sa unang pakikinig ay agad ko silang hinangaan dahil ang galing nilang tumugtog at ang panalo ang pag-rap ni Zack. Lalo pa akong bumilib nang makita ko sa cassette sleeve nila ang katagang "no samples, keyboards or synthesizers used in the making of this record". Taena, walang halong daya.


Una akong nakahawak ng CD copy ng album nila nang ako ay makipag-inuman sa apo ng dating senador na si Santanina Rasul noong panahong tumatakbo ako sa SK bilang kagawad. Hindi ko maintindihan ang album cover; ang tingin ko lang dito ay isang taong nasusunog. Kaya siguro ganun ay dahil "Rage Against the Machine". Baka may kalabang makina 'yung nasa pektyur. Ang totoo, ito ay ang kuha ng Vietnamese Buddhist monk na si  Thích Quảng Đức na nagsunog ng kanyang sarili bilang protesta gobyerno na tumutuligsa sa kanilang rehiliyon.

Bukod sa talas ng dila sa pag-rap ay tumutusok din sa buto at kaluluwa ang mga lirikong binitawan ni De La Rocha sa mga kantang nakapaloob sa kanilang unang album. Lahat ng mga ito ay may pulitikal na pananaw. Nabasa ko noon sa isang magasin na sinabi ng bokalista na sana ay hindi lang nakiki-headbang ang mga tagapakinig dahil sa musika. Sana daw ay intindihin nila ang mga mensaheng nais nilang iparating.

Ang "Killing in the Name" ay tungkol sa racism na nagaganap sa mga security agencies ng bahay ni Uncle Sam. Paulit-ulit na binabanggit dito ang lirikong "Some of those that work forces, are the same that burn crosses", na maihahambing sa pagsunog sa krus na ginagawa ng KKK. Bulgar ang kantang ito dahil sa pagsambit ng "Fuck you, I won't do what you tell me". 17 beses lang namang binaggit ang "fuck" sa bandang huli ng uncensored version nito.

Ito ang unang single ngunit hindi masyadong napatugtog sa mga istasyon ng radyo at hindi rin masyadong naipakkita ang video nito sa MTV dahil sa pagmumura. Ganun pa man, umani ito ng magandang pagtanggap sa mga tagahanga at mga kritiko. Masarap ang bawal, hindi ba?

Nang niyanig nila ang Cuneta Astrodome noong 1997 beerday ko, isa ang kantang ito sa mga inabangan ko. Paksyet na malagket, iba ang enerhiya kapag live performance. Kahit nga ang mga oldies na crew ng ABS-CBN na katabi namin ay bumilib sa RATM.

Nasungkit nito ang rank #89 sa "100 Greatest Guitar Solos (2007)" ng Guitar World at rank #24 sa "100 Greatest Guitar Songs of All Time (2002)" ng Rolling Stone Magazine.

Noong 2009, hinarang nito ang mga ika-lima sanang #1 spot ng mga X-Factor winners sa taunang "Christmas Number One" ng United Kingdom.Isa itong FB campaign na sinuportahan ng karamihan kabilang na ibang mga musikero tulad nila Dave Grohl, Paul McCartney, at mismong si Tom Morello.


Malaki ang naging impluwensiya ng kantang ito at ng grupong RATM sa ibang mga musikero. Walang nu metal at rap metal bands ang magsasabing hindi nila kilala ang tropa nila Zack.

Marami na akong napanood na mga grupong kino-cover ang kantang ito. Ang pinakahuli kong nakita sa teevee ay sila Bamboo.Wala nga lang ang "fuck" dahil napapanood siya ng mga walang muang na manonood. Ano daw? Hindi ko maintindihan 'yung ipinalit na salita ng dating kantatero ng Rivermaya.

Sa aking pagkatao, isa sa mga naging prinsipyo ko sa buhay ay galing sa kantang ito. Subukan mo akong diktahan. Isa lang ang isasagot ko sa iyo.



No comments:

Post a Comment