Thursday, November 19, 2009

Isangguni Ang Kabataan

"Isa kang Batang 90's kung nakaboto ka sa kauna-unahang SK Elections noong 1992."

Sa tuwing napapanood ko ang patalastas ng Starstruck sa PinoyTV dito sa Saudi ay naaalala ko ang panahong minsan ay nangarap din akong maging isang artista. Paano ba naman, bata pa lang kami ng mga utol at pinsan ko ay itinanim na sa aming mga kukote na ang aming Lolo Bitoy ang nakadiskubre kay Ate Guy noong nagtitinda pa lamang siya ng tubig sa isang istasyon ng tren sa Bicol. Ang kuwento ni ermats sa amin, sa bahay daw nila sa Adamson Crame tumira si Nora Aunor.

Naramdaman ko ang star factor na dumadaloy sa dugo ko habang ako'y lumalaki kaya noong minsang nakita ko si Kuya Germs sa Greenhills, nagpapansin ako at nagtanong kung puwede akong maging talent niya.

Tumawa siya.

Sabi ko ay ninang ko si Matutina at ninong ko si Cesar Dimaculangan. Lalo lang siyang tumawa at sa pagkakataong iyon ay humahalakhak na siyang parang aatakihin na sa puso.

Pag-uwi ko sa bahay, nagdadabog kong sinabi sa aking erpats na bilihan niya ako ng bola. Magbabasketbol nalang ako at gagayahin ang idol niyang si Jawo. Noong magkaroon naman ako nito ay bano naman ako sa kort ng Mangoville. Hindi ko na pinangarap na mag-enrol pa sa Milo Best upang maging manlalaro sa Philippine Basketball Association.

Sinabi ko na sa blog kong Eraptions na umiikot ang buhay nating mga Pinoy sa PBA - Pulitika, Basketball at Artista. Lagpak na ako sa dalawa, kaya hindi ko na inambisyong maging pulitiko dahil senyales na iyon na wala akong pag-asa sa tatlo. Ngunit parang noong nagbitaw ang idol kong si Miriam Santiago ng pamosong linyang "I lied!", kinain ko rin ang aking mga sinabi sa pagsabak sa pulpolitika.


Isang gabi ng 1996 ay kumatok sa pintuan namin ang kabarkada kong si Bentot na noo'y isa sa mga namumuno sa oraganisasyon naming mga kabataan sa Manggahan, Crame. May kasama siyang grupo na iniimbita akong sumali kanila dahil ako raw ang napipisil nilang isama sa listahan ng mga patatakbuhing SK kagawad.

Paksyet, simula noong tinawanan ako ni German Moreno ay nawalan na ako ng tiwala sa sarili pero heto nanaman si Opportunity kaya ang nasambit ko kaagad ay "l do!" na animo'y parang ikinakasal. Bahala na kako, baka sa pagkakataong ito ay makuha ko na ang "P" sa pangarap kong PBA.

Wala akong kamuta-muta sa kung ano ba talaga ang Sangguniang Kabataan. Ang alam ko lang ay may Kabataang Barangay na noong panahon ng aking Lolo Makoy at ang ang unang SK Elections ay naganap noong December 4, 1992. Bukod sa mga tala kong ito na nakuha ko pa sa Nation Builder at HeKaSi, wala na akong ibang ideya.

Naging school officer na ako noong ako ay nasa elementarya - ako ay isa sa mga madalas na  tagalista ng noisy at standing kapag wala si titser. Sa lugar namn namin ay naranasan kong maging isang VP sa lupon ng mga kabataan kaya siguro ako inirekomenda ni Venz sa grupo ni Ciara, ang SK chairman-wannabe na kumausap sa akin noong gabing iyon.

IsKil - Isip at Kilo

Hanep sa partido, pangalan pa lang ay panalo na! Sabi ko sa aking sarili ay malayo ang mararating ng aming grupo. Pero mali. Sa murang isipan namin ay natutunan namin kaagad ang laro ng pulitika. Kung wala kang makinarya, wala kang mararating.

Lahat ng miyembro ng grupo namin ay hindi galing sa mayamang pamilya. Lahat kami ay laki sa hirap kaya nahirapan kaming lahat. Kung sa ibang grupo ay ang tagapangulo nila ang sumasagot ng lahat ng mga gastusin, sa amin ay kanya-kanya mula sa gastos sa pagkain, gastos sa pamasahe, hanggang sa materyales na gagamitin sa pangangampanya.

Isang gabi, may pumaradang Strada sa lugar namin. Mukhang bigatin dahil mamahalin ang dala niyang sasakyan. Hindi nga kami nagkamali dahil apo siya ng dating senador na si Santanina Rasul. Hinihikayat niya akong bumaligtad at sumama sa grupo nila. Siya na daw ang bahala sa lahat ng gastos, kahit daw sa gimikan ay sagot na niya. Siyempre, kalakasan ko sa mga gimik noong mga panahong iyon kaya naeenganyo na ako.

Langya itong si Opportunity, sabi nila ay isang beses lang daw dumarating sa buhay pero hindi pala! Pinag-isipan ko itong mabuti nang one and a half times for two consecutive times at sinabi ko kay Ibba na nasa IsKil na ang puso ko.

Panahon na ng kampanya pero parang kanya-kanya pa rin kami ng partido ko. Walang pagkakaisa kaya ang tropang Angst Society ang lumakad ng pagpapakilala sa akin. Dumating sa puntong naging isang independent candidate na ako. Ginapang namin ang mga ka-tropang may fraternities. Kinilala ang samahan ng mga kalye boys at nagtitinda sa kalsada. Nakinig sa mga pangaral ng ng mga grupong relihiyoso (daw). Hindi rin nawala ang paghingi ng tulong namin sa mga miyembro ng third sex.

"Hindi natin kailangan ng isang lider. Ang kailangan natin ay ang maglilingkod!", ang madalas kong ginagamit sa mga pagpupulong sa harap ng ibang mga kabataan. Ang plataporma ko ay nakatutok sa pagpapaunlad ng mga talento ng kabataan tulad ng pagsasayaw at ang pagbabanda.

Umangat din kahit papaano ang aking popularidad sa aming barangay. Hindi ko inakalang darating ang puntong may mga taong hindi ko kakilala ang makakakilala sa akin habang ako ay naglalakad ka sa Brgy. Bagong Lipunan ng Crame.

Dumami ang mga bago kong kaibigan at kaaway. Kahit ang mga tropa ng kalaban namin ay naging mga kakilala at kaibigan ko na rin. Noong umatras ang kagawad nilang si Victor, sinabi ng mga kaibigan ng kalaban namin na panalo na daw ako dahil bukod sa ako ang malakas sa amin, sa akin nalang daw nila ibibigay ang boto para kay Vic. Siyempre, kanya-kanyang bolahan.

Isang gabi bago ang eleksyon, kahit alam kong may liquor ban ay sumama pa rin ako sa mga tomahang kinabibilangan ng mga menor de edad sa ispiritu ng alak ngunit mga legal SK voters. Maraming umuwing gumagapang at sumusuka dahil sa kalasingan..

Araw ng eleksyon. Pasikatan. Pasiklaban. Grupo-grupo ang pagdating ng botante. Parang may dance contest. Parang may mga pupunta ng konsiyerto. Araw ng mga kabataang ayon kay Pepe ay ang mga pag-asa ng bayan.

May mga dayaan daw na naganap. May bilihan daw ng mga boto. May mga goons na may dalang guns. Napag-isip-isip ko noon na kaya pala ganun ang mga tao sa gobyerno ay dahil sa SK pa lang, marumi na ang pundasyon. Natututunan sa SK ang "dark side" ng pulpolitika sa murang edad . Nawawala sa tunay na landas patungo sa totoong adhikain ng Sangguniang Kabataan.

Noong pinapakinggan ko ang aking pangalan sa oras ng bilangan, humahabol naman dahil walang bokya sa bawat presinto. Nang matapos ang pagbibilang, pang-walo ako lahat ng mga kagawad. Walang nanalo sa grupo ko. Ang nakakatawa, ilan lang ang lamang ng ika-pitong kagawad sa akin.

Limang potang boto lang ang lamang sa akin ng kalaban..

Umuwi akong luhaan. Pagdating ko sa amin ay sinalubong ako ng mga ka-tropa ko at sinabing "Inuman na! Victory party na!". Doon ko lang nalamang may mga lagpas sa sampu akong kabarkadang hindi nakaboto dahil sa kalasingan isang gabi bago ang botohan. Panalo na daw ako kaya hindi na nila pinilit pang bumangon kinabukasan para bumoto. Bigla kong naalala ang isang episode ng The Simpsons kung saan walang bumoto kay Bart dahil alam naman na nilang siya ang mananalo.

Mas matindi ang bati ng mga barkada kong nakatira sa loob ng Kampo Crame. Solido raw ang boto nila dahil wala silang ibang ibinotong kagawad kundi ako. Ang pinagtataka ko lang, wala ni isang anino nila ang nakita ko sa P. Bernardo Highschool noong araw ng eleksyon. Anak ng pitumpu't pitong puting pating, sa Camp Crame Highschool sila bumoto. Sa ibang barangay!

Ang aral, mga bata, "Huwag paghaluin ang alak at puliktika lalo na kung mga menor de edad na may mga gatas pa sa labi ang tumotoma."



4 comments:

  1. hahahaha ang feel-good ng post mo na to pre. panalo kapag may barkada talaga eh. walang kasing saya ang buhay eh. pero totoong tumira sa inyo si ate guy?

    - tenco

    ReplyDelete
  2. isa sa mga nagpapasaya talaga sa buhay natin ang barkada. yup, lolo ko talaga ang naka-discover kay ate guy. one time nga, nung nag perform sya sa hong kong, nakita nya yung lolo ko. laking gulat nya kasi akala nya eh patay na. pinaakyat nya sa stage at sinabi sa noranians na ''kung wala si tatay bubay, walang nora aunor.''

    ReplyDelete
  3. Di ko na nakikita yung point na magkaroon pa ng SK. Puro basketball court lang naman ang project. Pwede naman yun gawin ng barangay. Yung classmate ko nung college, SK CHairman sya sa barangay at sinabi nya na never daw sya nakapagpreside ng meeting. Wala din syang sweldo. Wala lang daw.

    Sayang lang ang budget. irechannel nalang ang pera sa ibang bagay.

    ReplyDelete
  4. Haha.. natawa ako dito.. Hindi na bumoto kasi alam na ikaw na ang mananalo.. Pano pag ganun nga lahat ng suporters ng isang pulitiko ano? ahahaha.. Natawa ako at natuwa at the same time. Tama ngang hindi paghaluin ang alak at pulitika.. :)

    ReplyDelete