"Isa kang Batang 90's kung nakapanood ka ng kahit isa sa mga milyung-milyong massacre films ni Carlo J. Caparas."
Salamat sa mga walang-kaluluwang nilalang na utak sa karumal-dumal na pagpatay sa Maguindanao, ang Lupang Hinirang ngayon ay mas nakakatakot nang puntahan kaysa sa Iraq. Hindi na ako magtataka kung ang mga pasaporte ng mga ibang bansa ay tatatakan ng "Not Valid for Travel to the Philippines". Kahit naman sinong dayuhan ay matatakot sa pangyayaring kumitil ng buhay ng mga inosenteng mamamayan. Kung tayo ngang mga tumanda na sa Pilipinas ay nanlumo sa naganap na krimen, paano pa kaya silang nagbabalak dumalaw sa bayan ni Juan?
Tinaob ng "Ampatuan Massacre" ang lahat ng mga patayang naganap noong Dekada NoBenta. Kahit na sobrang dami ng kahindik-hindik na pagpaslang ang naganap noon, natabunan ang lahat ng mga iyon sa isang iglap ng 58 kataong nasawi sa Maguindanao.
Ganun pa man hindi pa rin natin dapat kalimutan ang nakaraan. Lalo na ang mga kasong wala pa ring linaw at hanggang ngayon ay sumisigaw pa rin sa paghingi ng hustisya.
Sa dami ng mga patayan noon, naisip ng manunulat sa komiks na naging direktor na si Carlo J. Caparas na pagkakitaan ang sitwasyon. Gumawa siya ng mga pelikulang hango sa tunay na buhay o masasabi kong hango sa tunay na patayan. Pumatok ito sa takilya dahil likas na usisero tayong mga Pinoy. Sinuportahan naman ito ng mga grupong laban sa krimen at sinabi nilang nakakatulong daw ito sa kamalayan ng mga mamamayan.