Friday, May 23, 2014

...Masayang-Masaya Ako Kapag May Field Trip

 


"Class, magkakaroon tayo ng field trip. Papirmahan niyo sa mga peyrents niyo ang form na ibibigay ko at ipasa niyo sa akin hanggang next Monday kasama ang bayad."

Kapag ganito ang anunsiyo ni titser sa klase, biglang nababalot ng saya ang buong silid-aralan. Naglalakihan ang mata sa pagka-excite, biglang napapangiti at napapakuwento sa mga katabi ang bawat estudyante. Unti-unting umiingay ang loob ng classroom.

"Wow, pupunta tayo sa Disneyland (as if)!"

"Yehey, makakapunta na tayo sa pagawaan ng tocino at longganisa sa talipapa!"

"Yipee, walang pasok!". Ito ang pinakamasaraap sabihin kapag may mga ganitong pagkakataon.

Siyempre, hindi padadaig si Ma'am at sisigaw ito ng "Class, kung gusto niyong matuloy ang field trip, huwag kayong maingay!!!". Moment of silence sa pagiging KJ ng guro. Sabay babanatan kami ng "Okay, bumili nalang kayo ng yema. Ubusin niyo na itong paninda ko para hindi masira. Sa Lunes niyo nalang din bayaran.".

Kinabukasan pagpasok, bitbit na ng karamihan ang bayad at parent's consent na ibinigay ng teacher. Kahit na next week pa ang deadline ay mas mabilis pa sa alas-kuwatro ang lahat dahil sa excitement. Pasikatan sa kung sino na ang pinayagan ng kani-kanilang magulang na sumama sa gaganaping school outdoor activity. Siyempre, ang pinakaunang nagpasa ang pinakamayabang. Ang iba, nagbabayad nalang sa mga susunod na araw dahil alam naman nilang pareho lang 'yun maliban nalang kung may "plus 10" sa quiz o graded recitation na gantimpala. Ang iba namang mga tagilid na sumama, hindi na mapakali ang tumbong sa inggit. Lalo silang hindi magkandaugaga kapag nag-announce na si Ma'am ng "Class, ang mga hindi sasama ay may pasok." o kaya naman ng "Class, ang mga hindi sasama ay may make-up classes ng tatlong Sabado at tatlong Linggo.".

Ang tagal ng araw na inaabangan. Kung puwede lang sumakay ng time machine ay ginawa na ng lahat para dumating na ang pinakahihintay.  Ganun talaga kapag gusto mong madaliin ang isang bagay, parang lalong tumatagal. Parang tuwing taeng-tae ka na. Kahit na ilang hakbang nalang sa inidoro, ang pakiramdam mo ay ang layo-layo pa rin ng dapat mong tahakin para lang mailabas ang kung anong gustong kumawala sa iyong puwet.

Ilang minuto bago mag-uwian. Isang araw bago mag-field trip. Orientation sa mga alituntunin sa gagawing paggala. Heto ang ilan sa mga karaniwang paalala:

Be on time. Bawal ang ma-late. Panakot ni teacher ay iiwanan ang huling darating kaya naman kapag sinabing 5:30 ng umaga ang assembly, alas-tres pa lang ay nandoon na ang lahat. No refund; ang ibinayad mo ay mapupunta nalang sa class fund na gagamitin sa Christmas Party. Malas mo kapag naiwanan ka dahil makakasama ka pa sa mga may pasok at may make-up classes.

Wear your school uniform and ID. Siyempre, bukod sa dapat ay proud ka sa eskuwelahan mo, dapat ay dala-dala mo ang iyong dog tag kung sakaling mawala ka sa lugar na pupuntahan mo. Sa instruction na ito ay hindi naman sinabi na bawal maging maporma kaya expected mo na may magdadala ng jacket, cap, shades, at kung anu-ano pang mga abubot.

Always keep an eye on your (assigned) buddy. Ito ang pinakaayoko. Field trip ang sinamahan ko. Hindi ako sumama para magbantay sa kumag na kaklaseng may tyansang mawala sa kangkungan.

Ang sasakyan. Astig kadalasan ang mga bus na inaarkila kapag may field trip. Nakakahiya naman kasi kung katulad ng mga sinaunang kahoy na bus ng Marikina Liner ang sasakyan niyo. May aircon na malamig at nagagalaw ang sandalan. May sabitan ng Coke in can. Noong panahon ko, suwerte niyo kapag may teevee at VHS player ang natapat sa inyo. Kung buong paaralan ang aalis, siyempre ay napakaraming bus nito at bawa't isa ay may nakalagay na bus number. May banner pa tulad ng "Trip to Jerusalem" para talagang masabing may field trip kayo! Dapat ay alam mo ang number ng bus ng section mo dahil hindi puwedeng lumipat ng sasakyan. Kung sabagay, hindi ka rin naman pala tatanggappin ng ibang section sa bus nila lalo na kapag kaaway nila ang section niyo.

Eksena sa loob ng sasakyan. Kadalasan ay wala namang seating arrangement kaya nakikipag-unahan ako sa window seat. Gusto ko kasing nakikita ng view ng dinadaanan ng bus. Puwede ka ring mamili ng katabi kapag walang assigned seats. Marami akong kaibigan kaya mahirap mamili pero madalas ay sa bespren ko ako tumatabi. Minsan naman ay sa kaibigan kong RK (rich kid) na sandamakmak ang mga baong dala. Kapag wala kang kaibigan, kawawa ka kapag walang arrangement ng mga upuan dahil siguradong walang gustong tumabi sa iyo. Kung mayroon man ay siguradong napilitan lang. Kapag may seating arrangement naman ay nagdarasal akong sana ay huwag kong makatabi ang mabaho ang hininga at may anghit. Paksyet. Isa nga palang potang eksena sa bus ay ang pang-grade one na activity na kakanta ng kung anu-anong nursery rhymes habang nagbabyahe. Pero siyempre, habang lumalaki at nauuso ang mga gadgets tulad ng Walkman at Discman ay unti-unti itong nawawala sa mga pakulo ng mga loko.

Ano naman ang mga karaniwang baon ng isang field tripper? Siyempre hindi mawawala sa listahan ang Chippy, ang tsibog ng barkada. Kahanay nito ang Piattos, V-Cut, Chiz Curls, at kung anu-ano pang tsitsirya mula sa Jack 'n Jill. Paborito ko rin 'yung Humpy Dumpy na amoy tae kapag nasa loob ng aircon bus. Teka, ingat ka sa pag-amoy kapag may field trip dahil may klasmeyt akong natae sa bus at ang buong akala namin ay may kumakain lang ng masarap na tsitsirya! Kung medyo sosi ka ay meron ka namang Pik-Nik at Pringles. Isama mo pa ang mga M&M's, Toblerone, at iba pang mamahaling tsokolate. Ang iba naman ay nagbabaon ng hamburger, siopao, at egg sandwich. Sa panulak ay pambansang inumin pa rin ang Coke in can. Number two ay ang Zest-O na minsan ay nadadaig ito ng Big (na  Zest-O rin ang may-ari) dahil nga mas marami kang maiinom dito.

Anu-anong mga lugar ang madalas puntahan ng mga eskuwelahan?

Sa totoo lang, isa ako sa mga henerasyong napakasuwerte dahil naabutan ko ang NAYONG PILIPINO na malapit sa airport. Sa lugar na ito ay malilibot mo ang buong Pilipinas sa loob ng isang araw - naakyat ko dito ang Banaue Rice Terraces, ang Chocolate Hills, at ang Bulkang Mayon. Tandang-tanda ko pa ang masarap na pag-picnic namin malapit doon sa runway ng paliparan. Tuwang-tuwa kami kapag may mga eroplanong lumalanding at papalis. Kahit na halos mabutas na ang eardrums namin dahil sa matinding decibel ay wala sa amin 'yun. Sayang lang at binura ito sa mapa (kasama ang mga alaala) ng bobong gobyerno.

FORT SANTIAGO. Siksik sa kasaysayan. Magmula sa mga Kastila hanggang sa mga Hapon noong ikalawang digmaang pandaigdig, saksi ang lugar na ito. Ang pinakadinarayo dito ay ang kulungan ni Pepe kung saan pinaniniwalang isinulat niya ang "Mi Ultimo Adios".

Sigurado ako, nakarating ka na rin sa planta ng COCA-COLA. Oo, sa murang edad ay kailangan nating malaman kung paano ginagawa ang inuming magbibigay sa atin ng UTI at Diabetes pagtanda! Paalala ng mga nakarating na dito ay magdala ng Coleman jug dahil puwede mo daw punuin ito ng softdrinks bago kayo lumabas ng pagawaan. May gunggong akong klasmeyt na nagkuwento sa akin na ang mga bahay daw malapit sa planta kung minsan ay softdrinks ang ibinubuga ng mga gripo! Taena, paano kaya kung habang naliligo ka o naglalaba o kaya ay tumatae? Mas gunggong ako dahil naniwala ako sa gunggong.

Kung ngayon ay may nagpupuntang mga estudyante mula probinsya papunta sa Pasay para dayuhin ang Mall of Asia, noong panahon ko ay dinarayo naman ang mga malls sa EDSA na noo'y kagagawa pa lamang - Robinsons Galleria, Megamall at Shangri-La. Sa San Juan lang ang iskul ko noong highschool kaya madalas rin akong mag field trip dito. Kahit may pasok pa at wala namang field trip ang eskuwelahan.

Marami pang ibang destinasyong siguradong kapupulutan ng aral o kaya naman ay basta lang pagkakagastusan ng pera pero kapag binanggit ko ang mga ito ay mahaba-habang kuwentuhan. Okay lang sana kung may hawak akong San Mig Light kaso wala.

Noong ako ay bata pa, masayang-masaya ako kapag may field trip. Kaya kahit na paborito ko ang Eraserheads ay hindi ko masakyan si pareng Ely sa kanyang lyrics tungkol sa field trip sa pagawaan ng lapis. Katulad daw ito ng buhay natin na isang mahabang pila at walang katuturan. Ah ewan ko, hindi ko alam. Puwede bang huwag nalang natin pag-usapan?

(Originally posted on November 28, 2011)  






11 comments:

  1. hahahha! ang kulit naman nito! thumbs up!

    ReplyDelete
  2. Sayang lang at binura ito sa mapa (kasama ang mga alaala) ng bobong gobyerno.

    EXACTLY!

    ReplyDelete
  3. ehe.. nakakatuwa nmn ito.. naalala ko noon... kailangan ko pang magsipag na maglinis ng bahay para payagan akong sumama sa Field trip na yan.. :))))) TNT...

    ReplyDelete
  4. High School ako ng makaranas ng field trip. First year 8 Waves sa Bulacan ang main attraction. second year Echanted Kingdom, Third year Enchanted Kingdom,

    At ng mag fourth year, sa cool waves naman sa Bulacan. Masaya ang naging field trip ko maliban ng first year. ang galing kasi ng tour guide namin, walang ibang alam isigaw o sabhin kundi ang Bus Number namin pag paalis na kami.

    sarap balikan ng mga araw na yun.

    ReplyDelete
  5. NiCe Blog I ReMeMbeR my ChildHooD Experience
    SAme Here HAHAHA Excited Ako Pag May FieLdtrip Kaso Sa PaGAwaan Ng Crayons Kami DinaLA hahahaa
    God Bless

    -ELy

    ReplyDelete
  6. Hello! FYI, Ang Nayong Pilipino ay officially bukas sa Clark Expo Pampanga, mas kakaiba, mas pinaganda at Pinoy na pinoy ang tema! Dalaw kau dun!

    ReplyDelete
  7. Pahabol... Every Wednesday until Sunday may cultural show doon with the Nayong Pilipino Cultural dancers and Rondalla. 10am and 2pm.

    One thing: Shuttle service for park goers are available at the Clark Freeport zone main gate near SM City Clark main gate from 8am to 6pm.

    ReplyDelete
  8. isama din natin ang field trip sa planetarium at children's playground malapit sa Luneta

    ReplyDelete
  9. Nice post, things explained in details. Thank You.

    ReplyDelete
  10. Very great post. I simply stumbled upon your blog and wanted to say that I have really enjoyed browsing your weblog posts. After all I’ll be subscribing on your feed and I am hoping you write again very soon!

    ReplyDelete
  11. More content please. Thanks for the memories na bumalik dahil sa blog mo.

    ReplyDelete