Thursday, May 22, 2014

...Nagbaba-bye Ako Kapag Nakakakita ng Eroplano

 


Ang aking lolo at lola sa side ni ermats ay naninirahan sa Hong Kong kasama ang pamilya ng mga tita kong nanirahan doon noong mga unang taon ng dekada otsenta. Tuwing sila ay dumarating galing sa ibang bansa ay sumasama ako sa pagsundo sa kanila sa paliparan. Sa totoo lang, marami kaming magpipinsan kaya paunahan sa kung sino ang makakasama. Iyak at hagulgol nalang ang maririnig mo sa kung sino ang papalaring maiwan nalang sa bahay. Masasabi kong ibang-iba ang kultura nating mga Pinoy kapag may dumarating na kamag-anak galing ibang bansa dahil mismong pamilya ko ay naranasan ito. Aaminin kong dumaan din ang aming angkan sa puntong isang batalyon ang nagsusundo sa NAIA. Hapon pa ang lapag ng eroplano pero umaga pa lang ay nandoon na kaming punung-puno ng pananabik. Nakakita na ba kayo ng isang jeep na animo'y may outing dahil sa mga kaldero ng ulam at kanin na dala? Ganun kami kapag nagsusundo.

Kapag ihahatid na namin sila sa airport pabalik ng HK, ay ganun pa rin ang scenario. Marami pa rin ang mga sumasama at nandoon pa rin ang mga kaldero at makukulit na mga apo. Ang kaibahan nga lang, ang sayang naramdaman noong nagsundo ay napapalitan ng lungkot dahil tapos na ang bakasyon ng lolo at lola. Kapag nakapasok na ang mga matatanda sa departure area matapos ang pamamaalam ay talaga namang malungkot - sabi nga nila, ang airport ay ang pinakamasaya at pinakamalungkot na lugar sa ating mga Pinoy. Sa aming mga bata, hindi nagtatapos ang pamamaalam sa airport dahil kapag nakakakita kami ng eroplano ay nagbaba-bye kami sa paniniwalang 'yun ang sinasakyan ng aming mga mahal na granpeyrents.

"Pa, makikita ba kami nila nanay at tatay kapag nagba-bye kami sa eroplano?"

"Oo naman anak."

Magaling si erpats kasama sila ermats, tito, at tita sa pagsagot sa katanungang ito. Hindi na nila kailangang i-elaborate dahil madali naman kaming maniwala. Nagtatalo pa nga kami nila insan kung sino ang unang makikita ng mga matatanda kapag nagba-bye kami. Ang iba naman, nilalakasan pa ang pagsigaw ng "Ba-bye nanay. Ba-bye tatay!" para sila raw ang unang marinig. 

Kahit na nakarating na sila sa Hong Kong ay nagpapatuloy pa rin ang pag-uunahan namin sa pagba-bye kapag nakakakita ng eroplano dahil naniniwala kaming kung sino ang maraming "papansin points" ay siguradong maraming pasalubong sa sunod na bakasyon ng mga matanda.

Lahat ng dumaan sa pagkabata ay nahilig sa eroplano. Mapalalaki man o mapababae. 

Aminin mo dahil naging parte ng buhay natin ang eroplano. Sigurado akong natanong ka rin ng iyong mga magulang ng "Wer is da eropleyn?" noong ikaw ay isang baby pa lang. 

Nagkaroon ka rin ng mga laruang eroplano na kahit hindi lumilipad ay masayang-masaya ka na kapag nabibigyan nito. Kapag kinikiliti ka ng iyong mga magulang noong ikaw ay totoy o nene pa ay imumuwestra nilang parang eroplano ang mga kamay at daliri bago ito ipangkiliti sa katawan mo. Kapag nahihirapan silang pakainin ka ay iaarte nilang parang eroplano ang kutsara bago ito isubo sa iyong bibig. Kapag pumupunta kayo sa peryahan aty sumasakay ka sa carousel na eroplano at eroplanong hinuhulugan ng coins para yumugyog. At kung naabutan mo ang Fiesta Carnival, sigurado akong pumila ka sa eroplanong mala-Rialto ng EK ang dating!

Noong ako ay bata pa, nagbaba-bye ako kapag nakakakita ng eroplano. Ngayong 23-day vacation ko, matatagalan pa ang mga kulilits na anak ko bago sila magba-bye sa airplane!


(Originally posted on January 18, 2012) 






8 comments:

  1. ahahaha, babay! Babay! Kaway...kaway!

    gawain ko din yan noong bata, kahit wala kami kamag-anak na nasa abroad. wala lang. basta makapag babay lang

    ReplyDelete
  2. gawain din yan nila paul at xander!!! :) pag tinanong mo "where is Tatay?", ituturo ang eroplano. hehehe

    ReplyDelete
  3. hanggang ngayon naman ginagawa pa rin ito ng mga bata. Mga kapitbahay naming chikiting, nakikita ko pa na nagbaba-bye sa eroplano at palakasan din sila. Nakakatawa at nakakatuwa. di ko maiwasan na maalala ang pagkabata dahil ganun din kami ng kuya ko.. hahahah! :))

    ReplyDelete
  4. awww, oo nga. ginagawa ko rin ito nung bata pa ko... ngayon parang wala na atang gumagawa nito hehe

    wow! nice post you have here :)

    Reminder: My photoblog, Adobo Photoshop, is now closed.
    Kindly Follow my new Photoblog :) Kalsada Photography
    Like us also on FB :) Kalsada Photography FB THANK YOU! :D

    ReplyDelete
  5. yeah right! hahaha! Nung iniwan kami ni ermats at erpats sa lola ko nung mag-PHD si erpats sa UK twing nakita ako ng eroplano siya ring babye ko.. at talagang sinusundan ko pa to hanggang sa mapagod sa kkababye.. kaso yung last kong babye hinde ko nakita na may naka-usli palang de singko na kalawangin na pako sa dadaanan ko dhil nga nakatingin ako sa eropleyn..lol.. yun, tagus! aguy! pwede naman sa East Ave Med Center lng dretso kasi mas malapit pro kasi nga UK si erpats e dretso sa Capitol Med... lol..kaya ayun.. hataw ang traysikel sa "no traysikul" zone ..

    ReplyDelete
  6. hahaha. .kakatuwa nman. .so nostalgic. .naalala q tuloy kabataan q. .gawain q din dati yang magbabye sa eropleyn pag dumaan sa bahay namin. .ahahaha. .para pa ngang may dumaang superman sa langit kasi halos lahat ng bata sa neighborehood namin talagang lumalabas lang ng bahay para makapagbabye sa eropleyn. .hehe

    ReplyDelete
  7. Awesome work.Just wanted to drop a comment and say I am new to your blog and really like what I am reading.Thanks for the share

    ReplyDelete